Unang kita ko pa lang sa kaniya noon ay hindi ko na sigurado kung magugustuhan ko na kasama siya. Unang kita ko pa lang sa kaniya ay iba na ang dating ng presensiya niya sa’kin.
I could still remember the day we first met…
Kagaya lang ng mga normal na araw pagkaggising ko ay nakapila na ang mga maid sa loob ng silid ko at hinihintay nilang magising ako. Nakahanda na ang mga isusuot ko at kahit ang pagkain ko ay nakahanda na rin sa hapag. Mas madalas na wala akong kasabay kumain kaya nasanay na rin akong mag-isa. Wala ang mga magulang ko o kahit ang kambal kong kapatid. Ang tanging kasama ko sa paligid ay ang mga nakatayong maid at bodyguard na naghihintay nang sasabihin ko.
Pagkatapos kong kumain ay naghanda na ako para sa pagdating ng mga magulang ko. Uuwi sila sa mansion at napagdesisyunan kong kausapin sila. Hindi magiging madali ang pagharap sa kanila ngayon. Ilang araw ko ring pinag-isipan ang gagawin ko.
“Miss Yume, nasa receiving room na po ang mga magulang ninyo,” pagbibigay-alam ng isa sa mga maid.
Walang salitang tumayo ako at lumabas ng silid ko. Dumiretso ako sa receiving room at kumatok. Naghintay ako nang ilang minuto bago pumasok. Pagpasok ko’y magkatabing nakaupo sina mommy at daddy habang umiinom ng tsaa.
“Good morning, mommy, daddy.” Magalang na bati ko sa kanila.
“Yume, tuloy ka at maupo,” diretsong wika ni daddy.
Mabining naglakad ako patungo sa sofa na nasa harap nila. Nang tingnan ko sila ay pakiramdam ko’y hindi mga magulang ko ang kaharap ko. Pakiramdam ko ay ibang tao sila. Aristrokata sila parehas at alam ko iyon. Istrikto si daddy sa halos lahat ng bagay habang si mommy naman ay mas priority ang pagsuporta kay daddy sa lahat ng ginagawa nito. Mas abala din itong makihalubilo sa mga katulad nitong nasa alta-sosyedad.
Maganda at maayos ang pakikitungo nila sa’kin noong bata pa ako pero habang lumalaki ako, marami nang nagbago.
“Hindi ka naman nagpunta lang dito para titigan kami?” May ngiti sa labi ni mommy pero dama kong tila naiinip siya.
Kung sa akin o sa nangyayari? Hindi ko alam.
“Ah. G-gu—“
“Arcadia...”
Napakagat-labi ako nang tawagin ako ni daddy sa pangalawang pangalan ko. Palatandaang naiinip na sila. Mukhang kahit ang pakikipag-usap nila sa sariling anak ay tila sagabal sa kanila.
“Gusto mo ba ng mga bagong damit, sapatos, alahas?” tanong ni mommy.
Umiling ako. ‘Gan’on lang ba talaga iyon?’ Gusto kong itanong sa kanila.
“O gusto mo dagdagan natin ang mga libro sa library mo? Mag-uutos akong humana—”
“Hindi po,” malakas at mabilis kong putol sa sasabihin pa sana ni mommy. Hindi nakaligtas sa’kin ang pagrehistro ng gulat sa mga mata nila. With a firm gaze, I glanced at them. “Mommy, daddy, gusto kong umalis ng mansion. Gusto kong lumipat ng tirahan.” Mahigpit na kuyom ko ang mga palad ko habang sinasabi ang mga salitang ito. Determinado ako sa nais ko.
Ilang sandaling dumaan ang katahimikan nang biglang magsalita si daddy.
“Alam mo ba ang sinasabi mo, Arcadia?” seryosong tanong ni daddy.
Diretsa ko silang tiningnan bago tumango. “Opo. Gusto kong subukang mamuhay ng—“
“Pag-isipan mo muna ang bagay na ito, Yume,” mariing wika ni mommy.
Umiling-iling ako. “Desidido na po ako.”
“Gusto mo bang ibukas ang sarili mo sa mga kaaway?” matigas na tanong ni mommy.
“Kaaway?” Gusto kong tumawa pero ayaw kong bigyan sila ng dahilan para hindi ako payagan
Sa kanila pa talaga nagmula ang salitang kaaway. Sila ang gumawa ng mga kaaway nila, namin. Sila ang lumikha ng mga taong naggagalit sa amin at sa akin. “Kung nais ninyo ay maaaring kayo ang humanap ng lugar na titirahan ko.”
I wanted to live on my own, and not under their wings. Ngunit wala akong pagpipilian, kailangang mapapapayag ko sila.
Sandaling tila nag-iisip si daddy habang nakatingin lang si mommy sa akin. Halata sa mukha niya ang disgusto.
“Bakit?” Napapitlag ako sa tanong ni daddy. “Ayaw mo na ba dito sa mansion? Nandito lahat ng kailangan mo. Isang sabi mo lang ay kikilos ang mga maid at bodyguard lahat para sa iyo, para gawin ang gusto mo. Kakayanin mo bang mawala iyon?” Diretsa akong tinitigan ni daddy sa mata.
Napalunok ako.
“Gusto ko pong sumubok ng ibang bagay. Gusto kong subukang mamuhay sa labas ng mansion. Masyado na ring malaki ang mansion na ito para sa akin lang.” Pinilit kong ngumiti sa kaniya.
Hindi ko tiyak kung mauunawaan nila ako pero mas ayokong magsisi hanggang sa huli dahil hindi ako sumubok.
“Pag-iisipan ko, Yume,” casual na wika ni daddy.
Tinawag niya na akong Yume. May munting pag-asang nabuo sa puso ko.
“Umaasa akong pagbibigyan ninyo po ako,” magalang kong wika.
“Ngunit gusto ko ring isipin mo ang mga posibilidad na mangyari.” makahulugang balik ni daddy sa’kin. “Tandaan mong hindi ka lang basta Hezena at sa oras na lumabas ka ng mansion na ito ay maaari kang makakuha ng gulo,” dugtong pa niya.
“Nauunawaan ko po.”
Alam ko, alam kong sa oras na tumapak ang mga paa ko sa labas ng mansion ay mapuputol ang ilang pisi na nagpapagalaw sa akin. Iyon ang gusto ko. Sa kabilang banda, alam ko ring sa oras na maputol ang mga pising nagdurugtong sa akin sa lugar na ito, maaaring malagay sa alanganin ang buhay ko. Ngunit gusto kong subukan. Hindi habang buhay ay nakakulong ako sa lugar na ito.
“Kung gayon ay ipapatawag na lang kita kapag may sagot na ako.”
Tumango ako at magalang na namaalam sa mga magulang ko. May mga pagkakataong hindi ko akalaing mga magulang ko talaga sila. Kung paano nila ako kausapin, kung paano nila ako pakitunguhan.
Minsan hindi ko na maramdaman na magulang ko nga ba talaga sila.
“PWEDE bang iwan ninyo muna ako saglit dito?” utos ko sa mga maid na kanina pa nakasunod sa akin. Mabilis namang nag-alisan ang lahat.
Tumingala ako’t ipinikit ang mga mata ko. Sinamyo ko ang mabangong amoy ng mga bulaklak na sumasama sa hangin. Kasalukuyan akong nasa hardin at nagbabasa ng libro. At kanina pa din ako hindi mapakali. Pakiramdam ko ay may mga matang kanina pa nakamatyag sa akin. Ang buong akala ko ay mga maid at guard lamang iyon pero mukhang mali ako. Hanggang sa mga sandaling nakaalis ang mga maid at bodyguard ay nararamdaman ko pa rin ang pakiramdam na may nanonood sa’kin.
Nagmulat ako ng mga mata. Sumalubong sa akin ang mabeberdeng dahon ng puno. Tumayo ako mula sa pagkakaupo sa isang upuang bato na nasa ilalim ng puno. Naglakad-lakad ako sa loob ng malawak naming hardin. Pasimple kong pinagala ang tingin ko sa paligid. Walang tao maliban sa akin, pero dama ko pa rin ang mga matang nakatingin sa akin.
Umiling-iling ako.
Baka nasosobrahan lang ako nang pag-iisip. Ilang araw na ang nakakalipas pero hanggang nayon ay wala pa rin akong nakukuhang sagot mula kay daddy. Nang minsan ko naman siyang subukang puntahan wala din akong nakuhang sagot. Ayaw kong isiping pinapaasa lang niya ako. Kilala ko si daddy may isang salita siya. May makukuha akong sagot, hindi ko nga lang tiyak kung oo o hindi.
Napabuntonghininga ako. Umupo ako sa gilid ng malaking fountain na nasa gitna ng hardin. Itinubog ko ang mga kamay ko sa tubig.
Ang lamig. Kaygandang pagmasdan ng tubig na dumadaloy mula sa fountain patungo sa mga halaman. Maganda at malamig sa mata. Nakaka-relax.
“Alam mo na ba?”
“Ang alin?”
Natigilan ako sa pagmumuni-muni nang makarinig ako ng mahihinang boses at yabag. Tumayo ako’t pinakinggan ang mga boses. Papalapit ang mga iyon sa akin.
“Dinig kong aalis na si Miss Yume dito sa mansion.”
“Totoo ba iyon?”
“Hindi ako sigurado.”
“Papayag kaya ang ama niya? Alam mo naman kung gaano kahigpit si Sir Henry sa kaniyang mga anak, lalo na kay Miss Yume.”
“Tama ka. Mula pa pagkabata lang ay nandito na si Miss Yume sa mansion. Hindi ko nga maunawaan ang batang iyon at parang natali na dito.”
Napalunok ako.
“Sinabi mo pa. Iniisip ko tuloy kung anong magiging buhay ng batang iyon sa labas.”
“Hay, ano ka ba? Matalinong bata si Miss Yume. Nagkataon lang na talagang dito na umikot ang buong buhay niya sa mansion.”
“Iyon na nga. Matalino ka nga pero wala ka namang alam sa buhay sa labas. Wala ring kaibigan si Miss Yume. Hindi nga ba’t kaya nag-home school uli siya noong nakaraan dahil binu-bully lang siya ng mga kaklase niya.”
Nakuyom ko ang mga palad ko. Dama ko ang pang-iinit ng magkabilang pisngi ko at ng sulok ng mga mata ko.
“Kahit ang sarili niyang mga kapatid malayong-malayo sa kaniya.”
“Sinabi mo pa. Wala siya sa tapang ni Miss Yona.”
“Mahinang bata.”
“Kaawa-awa.”
Nanghihinang napahawak ang isang kamay ko sa gilid ng fountain habang ang isa ay sa dibdib ko. Pakiramdam ko’y sumsikip ang daluyan ng hangin ko, nanginginig ang katawan ko at namamawis ang mga palad ko. Hindi ako makagalaw noong una pero tila may sariling isip ang mga paa ko na nagsimulang lumakad palayo sa lugar na iyon. Hindi ko na inisip kong maririnig nila ako. Gusto kong umalis sa lugar na iyon o kung maaari ay sa mansion na iyon.
Hindi ito ang unang beses na naririnig ko silang pinag-uusapan ako. At kahit anong gawin ko ay tila hindi pa rin ako masanay sa mga naririnig ko.
Bakit hanggang ngayon ay masakit pa rin? Hindi ba dapat tanggap ko na? Dapat sanay na ako. Tama naman sila, kahabag-habag ang katulad ko.
I’m such a loser.
Nagpatuloy ako sa paglalakad. Mabuti na lang at sinabi kong gusto kong mapag-isa. Hindi ko gugustuhing makita nila ako sa ganitong estado.
Nakalabas na ako ng hardin at naglalakad na ako pabalik sa loob ng mansion ng makita ko ang ama ko. May kausap itong naka-itim na suit na lalaki na hindi nalalayo sa edad ni daddy. Kinapa ko ang mukha ko upang damahin kung basa pa ng luha ito.
Hindi nila pwedeng makita na ganito ako. Mabilis akong tumalikod at nagpalinga-linga sa paligid para maghanap ng maaaring puntahan.
Akmang maglalakad na ako pabalik sa hardin nang…
“Yume!” Napapikit ako nang marinig ko ang pagtawag ng aking ama.
‘Bakit ngayon pa?’
“Iha, lumapit ka rito,” utos niya sa mababang tinig.
Wala ng labasan ito.
I breathed in and plastered a smile in my face, then turned to face my father and the man in black.
“Daddy…” I greeted him and turned to the other man. “Magandang araw po.”
“Magandang araw, Miss Yume.” May malapad na ngiti sa labi na nag-bow ang lalaki. Nakasuot ito ng suit na itim pero hindi naman siya mukhang bodyguard. “Sa nakikita ko ay lumaki kang napakagandang dalaga. Kaya ka ba itinatago ng iyong ama dito?” Kahit nagpakita siya sa akin ng paggalang ay makikita pa rin ang awtoridad sa bawat kilos niya. Katulad siya ng mga kasosyo ni daddy na pumupunta minsan sa mansion maliban sa hindi ko siya kababakasan ng pagpapanggap.
Nilingon ko si daddy na umiiling-iling. “Tamang-tama lang ang dating mo,” nakangiting ani daddy.
“Po?” nagtatakang tanong ko.
“Hindi ko na ito pakakapormalan.” Tumikhim si daddy bago nilingon ang lalaki. “Siya Leo, pwede mo ring tawagin siyang Uncle Leo. Kaibigan ko siya noong high school at college at hanggang ngayon.” Bahagyang tumawa ito.
Tinitigan ko si daddy. Bakit parang may iba sa kaniya? May kakaibang kislap sa mga mata niya.
“Uncle Leo na lang, Miss Yume.”
Napatingin ako sa pinakilala ni daddy na Uncle Leo. “Kung ganoon po ay pwedeng Yume na lang din po ang itawag niyo sa akin.” Ngumiti ako sa kaniya.
Tumawa ito bago nilingon si daddy. “May pagmamanahan.” Nakatawa pa ring wika nito. “Siguro sa ibang pagkakataon,” baling nito sa akin.
Medyo nagguguluhan na ako sa takbo ng usapan. Sino ba ang lalaking ito? At ano namang kinalaman ko sa kaniya?
“Mabuti pa’y maupo tayo,” aya ni daddy.
Naglakad kami patungo sa upuang bato na kinauupuan ko kanina. Malilom sa bahaging iyon at mahangin. Ilang sandali pa’y may katulong ng dumating. May dala itong tatlong tasa ng tsaa.
Nananatili naman akong nakaabang sa aking ama. Nilingon niya ako dahilan para makita ko ang biglang seryoso ng mukha niya nang magsalita siya.“Napag-isipan mo na bang mabuti kung tutuloy ka pa?”
Bahagya akong nagtaka pero nang maalala ko ang pinag-usapan namin ay mabilis akong tumango. “Opo at gusto ko pa rin pong subukan,” determinado kong sagot.
Nagkatinginan silang dalawa na lalo kong pinagtaka. Ano bang kinalaman ng lalaking ito sa plano ko?
“Well, pinag-isipan ko itong mabuti at pumapayag na ako.”
Hindi pa halos nakakatapos si daddy na magsalita ay halos mapatayo na ako sa saya. “Talaga po?”
Tumango-tango ito. “Oo, pumapayag na akong umalis ka ng mansion,” pag-uulit pa ni daddy.
Dama kong lumawak ang pagkakangiti ko.
“Pero...” Natigilan ako ng magsalita muli ito. “Kami ang hahanap ng titirahan mo,” dugtong pa ni daddy.
Natahimik naman ako. Hindi ko alam kung anong sasabihin. Bagama’t gusto kong tumutol ay naalala kong sa akin din nga pala nagmula ang suhestyon na iyon. Naisip kong sabihin iyon sa pag-aakalang malaking bagay iyon para mapapayag ko sila ni mommy. At mukhang epektibo nga, hindi ko lang alam kung pabor din sa akin ang kalalabasan ng lahat.
“Kung iyan ang nais n’yo po ay siyang masusunod. Alam ko pong nag-iingat lang kayo.” Pinilit kong pasiglahin ang tinig ko. Masaya ako pero hindi ko maiwasang hindi kabahan.
“May isang bagay pa,” pahabol pa ni daddy.
Tila lalo akong kinabahan sa paraan ng pagkakatitig at pagkakasabi sa akin ni daddy. “Ano po iyon?” tanong ko.
“Gusto kong magsama ka ng isang magsisilbi mong bodyguard.”
“Pero, da—“
“Kung hindi ka papayag ay kalimutan mo na rin ang pag-alis sa mansion,” seryoso at may pinalidad sa tinig na saad ni daddy bago sumimsim ng tsaa.
“Pero…”
“Iniisip lang ng daddy mo ang kaligtasan mo.” Nagsalita bigla si Uncle Leo. Nakatingin siya sa’kin na para bang sinasabing pumayag na ako.
Napatitig ako sa kaniya. ‘Kaya ba narito siya? Siya ba ang…?’
“Nasaan na nga pala siya?” tanong bigla ni daddy kay Uncle Leo.
Naririnig ko ang pag-uusap nila ngunit nakatuon ang atensyon ko sa ibang bagay.
‘Wag sabihing si Uncle Leo ang magiging bodyguard ko? Pero hindi lang iyon, anong silbi nang pag-alis ko sa mansion kung may kasama pa rin ako sa pag-alis ko.’ Gusto kong umapela pero alam kong hindi ito ang tamang oras.
“Nasa paligid lang marahil siya,” dinig kong tugon ni Uncle Leo.
Mukhang nasa ibang bagay na ang pinag-uusapan nila. Kailangan ko nang magpaalam at mag-isip ng paraan para mapapayag si daddy na huwag na akong magsama ng bodyguard.
“Kung iyon lamang po ang kailangan ninyo ay maiwan ko na po kayo,” pamamaalam ko bago tumayo.
“Hindi. Maupo ka, Yume,” pigil ni daddy. “Ngayon din ay ipapakilala ko sa iyo ang magiging bodyguard mo.”
“Pero...” Tumingin ako kay Uncle Leo. “Hindi po ba siya ang magiging bodyguard ko?” buong pagtatakang tanong ko.
Nagkatinginan silang dalawa at sa pagkabigla ko ay sabay na nagkatawanan. Napakurap ako sa kanilang dalawa. Hindi dahil nagmumukha na akong nakakatawa kundi dahil halos ngayon ko lang uli nakitang tumawa si daddy ng ganoon. Halos pikit na ang mga mata niya sa paghalakhak at tila nag-e-echo ang halakhak niya sa buong paligid. Sa tingin ko ay matalik talaga silang magkabigan.
Marahil napansin ni daddy na titig na titig ako sa kaniya kaya tumigil agad siya nang pagtawa.
Tumikhim ito. Palihim naman akong napangiti.
“Hindi siya, Yume. Kumuha kami ng hindi masiyadong nalalayo sa edad mo.” Bumalik na sa pagiging pormal si daddy.
“Kung saan kahit papaano ay hindi naman nakakailang na may kasama kang alam mo na,” mukhang palabiro talaga si Uncle Leo.
Nauunawaan ko sila kaya luminga-linga ako sa paligid. “Kung ganoon po ay nasaan po siya?” tanong ko.
“Nasaan na nga ba si Akane?” tanong ni daddy kay Uncle Leo.
“Nasa paligid lang iyon. Nagmamasid. Tiyak papunta na iyon dito.” May kakaibang ngiti sa labi na tugon ni Uncle Leo.
'Akane…’ bulong ng isip ko.
Nakuyom ko ang palad ko sa ilalim ng mesa. Bigla ay nakadama ako ng kaba. Kahit wala naman akong pakialam kung sino ang Akane na iyon may kung anong pakiramdam naman ang bumabalot sa akin.
O marahil, naiinis lang ako dahil kailangan ko siyang isama.
“Andito na pala siya.” Tumayo si Uncle Leo. “Halika, Akane.”
Pagbigkas ni Uncle Leo ng pangalan niya ay tila bumalik ang kakaibang pakiramdam ko na may mga matang nakamasid sa akin. Kaagad akong napalingon sa direksyon kung saan nakatingin si Uncle Leo.
Sa sandaling lumingon ako ay tila tumigil ang oras. Ang mahinang pagaspas ng mga dahon sa puno ay tila tumigil at kahit ang mabining simoy ng hangin ay biglang natahimik. Wala akong naririnig maliban sa lumalakas na t***k ng puso ko.
Ngayon lang.
Ngayon lang ako nakakakita ng ganoong kaamong mukha na kahit ang mga magaganda niyang mata ay tila nangungusap. Nangungusap habang nakatingin sa akin, habang pinagmamasdan ako.
“Akane...” Tinig ni daddy ang nagpabalik sa diwa kong hindi ko namalayang naglayag na kung saan.
Hindi ko rin namalayang nakalapit na ang isang matangkad na lalaki sa kinauupuan namin. Nakasuot ito ng itim na suit.
“Sir…” May pagalang na ani ng lalaking bagong dating. Nakangiti pa itong nag-bow sa kanila.
‘Siya si Akane?’ Napakurap ako habang nakatingin sa kaniya. ‘Imposibleng maging bodyguard ang gaya niya.’ Dahil sa isiping iyon ay lalong bumilis ang t***k ng puso ko.
“Yume.” Napatingin ako kay daddy na kasalukuyan na palang nakatayo.
“Opo!” mabilis kong bulalas bago tumayo.
“Siya ang aking anak, si Yume Arcadia Hezena. Simula sa araw na ito, ipinagkakatiwala ko na siya sa’yo.” May ngiti man sa labi ni daddy ay nakikita ko sa mga mata niya na seryosong seryoso siya.
“Isang karangalan po. Hindi ko po kayo bibiguin.” Pormal ngunit nakangiti pa ring saad ng lalaki kay daddy.
Napapitlag ako ng biglang lumipat ang tingin ng magagandang kulay brown niyang mga mata sa akin. “Isang karangalan na makilala kayo, Miss Yume. Ako po si Akane Weinhard. Simula sa mga oras na ito..” Bahagyang naningkit ang mga mata niya. “… ay sa iyo ang buhay ko.”
Ang kaninang mabilis na t***k ng puso ko ay naging lalong eratiko. Pakiramdam ko’y nabuhay ang dugo ko at bumilis sa pagdaloy…
Paanong?
Bakit tila nahihipnotismo ako sa bawat titig niya? Hindi ko maunawaan ang sarili ko. Dama ko ang pag-iinit ng mukha ko. Namawis ang mga palad ko. Paanong ngayon ko lang siya nakilala ay ganito na kaagad ang nararamdaman ko?
Ibinuka ko ang bibig ko para magsalita pero itinikom ko muli iyon. Hindi ko alam ang dapat kong sabihin.
“Ehem.” Bahagya akong nagulat ng bigla na lang tumikhim si Uncle Leo.
Napalunok ako kasabay ng pag-iinit ng magkabilang pisngi ko. “Inaasahan kong gagawin mo ng maayos ang trabaho mo.” Pilit akong ngumiti at tiningnan siya pero hindi ko maiwasang hindi kabahan sa tuwing tinititigan ko siya sa mga mata niya.
Hindi.
Hindi ako pwedeng magpadala sa maamo at mabulaklak niyang pananalita. Mas makakabuti kung hindi ko siya titingnan. Gaya lang kung paano ko tratuhin ang mga maid at bodyguard namin.
“I’ll do my best to serve you,” he promised.
“Kung ganoon, nagkakaunawaan na tayo, Yume? Umaasa akong magiging maayos ang lahat,” sabat ni daddy na labis kong ipinagpasalamat.
Tumango ako. Sandali pa silang nag-usap hanggang sa mamaalam na si Uncle Leo. Inihatid ito ni daddy samantalang naiwan kaming dalawa ni Akane.
“Ikaw na ang bahala sa lahat. May tiwala ako sa iyo.” Nakangiting wika ni Uncle Leo kay Akane bago tinapik nito sa balikat ang huli.
“Salamat po at paalam.”
Sa tingin ko ay napakagalang talaga niya. Pero, mukhang magiging problema ko kung paano ako makikitungo sa kaniya kung ngayon pa lang ay tila traydor ang sarili ko.
“Nais ninyo po bang ikuha ko uli kayo ng tsaa?” Napalingon ako kay Akane nang magsalita ito.
“Ha?”
Ngumiti ito. “Nais ninyo po ba ng tsaa?”
Bakit habang tumatagal ay mas lalo lang siyang umaamo sa paningin ko? Mabilis akong nag-iwas ng tingin sa kaniya.
“Hindi na. Isa pa trabaho na ‘yon ng maid.” Malamig kong tanggi kahit na ang totoo ay pakiramdam ko’y nag-iinit ang buo kong katawan sa hiya.
“Simula po sa mga oras na ito ay ako na ang mag-aasikaso ng lahat ng kailangan ni’yo. Mula sa pagkain, inumin, librong babasahin at sa iba pang bagay na nais nyong ipaggawa sa akin.”
Maang akong napatingin sa kaniya.
“Isipin na lang po natin na isa itong paghahanda para sa paglipat ninyo.”
“Lilipat ako para sumubok na mamuhay ng mag-isa pero…” Hindi ko maiwasang hindi makadama ng inis pero hindi naman ata tama na sa kaniya ko ibaling ang inis ko kaya tumigil na ako.
Hindi naman siya nagsalita. Tumayo ako.
“Babalik na po ba kayo sa silid niyo?” tanong niya.
Tumango lang ako dahil pakiramdam ko ay nanghihina ako.
Sumunod siya sa akin. Habang naglalakad kami patungo sa silid ko ay may nakasalubong kaming mga maid. Wala atang babaing hindi lumingon at tumingin sa kaniya. Bagay na parang nagpapa-irita sa akin.
“Pwede bang ikuha mo ako ng aklat sa library? Kahit anong aklat.” Utos ko sa kaniya ng nasa tapat na kami ng silid.
“Masusunod po,” aniya bago mabilis na kumilos. Tiningnan ko lang siya bago pumasok na din ako sa loob ng silid ko.
Nang makapasok ay para akong nakahinga ng maluwag. Hindi ko maunawaan ang sarili ko. Napakabilis ng pangyayari. Napapayag ko man si daddy pero may kapalit naman. Kailangan ko pa ring umisip ng paraan kung paano ko siya mapapapayag na ako na lang mag-isa ang lilipat.
Pumasok ako ng banyo. Makakatulong ang malamig na tubig na mahamig ang utak ko.
Pagkatapos ng ilang minuto na pagbababad ay umahon na ako sa bathtub, nagpunas at nagsuot ng bathrobe. Lumabas ako ng banyo. Nahahati ang silid ko sa dalawa kung saan sa mismong bedroom ay naroon ang bathroom, walk-in closet at iba pang gamit ko. Sa kabilang bahagi naman kung saan siyang makikita sa pagpasok ang mismong receiving area ko. Andoon din ang malaking table kung saan ako nag-aaral o gumagawa ng kung ano-anong gawain.
Nang makapagbihis ay lumabas ako sa receiving area. Walang tao doon. Wala na rin ang mga maid na kadalasan ay nag-aabang sa utos ko. Wala rin si Akane. At hindi ko alam kung matutuwa o maiinis.
Palabas sana ako ng silid ko nang mapatingin ako sa table. May librong nakapatong doon. Sa ibabaw ng libro ay isang card at isang puting rosas.
Bigla ang kabog ng dibdib ko nang mapagmasdan ang bulaklak.
Sa kaniya kaya galing ito? Hindi malabo.
Inabot ko ang bulaklak at inamoy. Napakabango. Sunod kong kinuha ang card. Halos kasing laki lang iyon ng isang business card. Binasa ko ang laman.
“Nice to meet you, Miss Yume.” - Akane Weinhard.
Simpleng mensahe pero kakaiba sa pakiramdam. Napapikit ako habang hawak ang card at ang bulaklak.
Bakit ganito?
Ano ang mainit na pakiramdam na ito?