◄Crane's POV►
"I'm not sure if I can trust that woman inside my house, Damian."
Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala sa isip ko ang tatlong lalaking humahabol sa babaeng 'yon bago siya biglang tumawid at nabangga ng sasakyan ko. Hindi ko alam kung sino ang mga iyon, kung ano ang kailangan nila sa kaniya... o kung bakit mabilis silang tumakas nang makita ang mga tauhan ko.
I don't believe in coincidence, kaya hindi ko basta maalis sa isip ko na maaaring may dahilan kung bakit sa dinami-dami ng sasakyang dumaraan sa kalsadang iyon ay sa harapan pa mismo ng sasakyan ko siya napunta.
Pwedeng maaaring nagkataon nga lamang ang lahat, pero hindi ako ganuon kabilis maniwala sa mga bagay na masyadong convenient. Hindi rin ako basta nagtitiwala sa mga taong nakakasalamuha ko, much less sa mga taong bigla na lamang sumusulpot sa harapan ko nang wala akong alam tungkol sa pagkatao nila.
"She's harmless." Sabi ni Damian habang komportableng nakaupo sa sofa ng office ko. Napatawa ako nang mahina at napailing habang nakatingin sa kaniya.
Harmless? Dahil ano? Dahil babae siya? Dahil maganda siya at mukhang walang kakayahang gumawa ng masama? Hindi ba niya alam na minsan, ang taong hindi mo inaakalang kayang manakit ang siya pang dapat mong bantayan? I learned that the hard way. Baka nakakalimutan niya na isang babae ang pumatay sa aking ama, at hanggang ngayon ay hindi pa rin ako tumitigil sa paghahanap sa kaniya.
Ilang taon man ang lumipas, hindi ko hahayaang manatiling walang sagot ang nangyari sa ama ko.
"I don't think so." Malamig kong sagot.
Narinig ko ang mahinang pagtawa ni Damian, ngunit hindi ko iyon pinansin.
Tumayo ako mula sa kinauupuan at naglakad patungo sa malaking bintana ng office. Tanaw mula ruon ang malawak na bahagi ng hacienda at ang papalubog na araw sa likod ng mga puno. Nakatitig lamang ako, at ang utak ko ay naglalaro sa babaeng 'yon.
"Sabi ko kay Manang Lagring na dalhin siya rito sa office mo para ikaw mismo ang kumausap sa kaniya." Sabi ni Damian. Hindi pa rin ako nagsasalita.
"Kalmado na siya ngayon. I assured her that no one here is going to hurt her." He added.
Napapikit ako sandali bago siya sinulyapan. Hindi ko nagustuhan na nagdesisyon siya nang hindi man lamang ako tinatanong, ngunit kilala ko ang pinsan ko. Kapag may gusto itong gawin, madalas ay saka ko na lamang malalaman kapag nagawa na niya.
"I don't trust her." Mahina kong sabi habang muling ibinalik ang tingin sa labas ng bintana.
Totoo 'yon. Wala akong dahilan para pagkatiwalaan ang babaeng nagsasabing hindi niya maalala ang sarili niyang pangalan. Kung totoong isa lamang siyang ordinaryong babaeng palaboy sa lansangan, ano ang kailangan sa kaniya ng tatlong lalaking 'yon? Bakit siya hinahabol ng mga ito? Bakit nang makita ng mga ito ang mga tauhan ko ay agad silang tumakbo?
"Masyado kang nag-iisip ng kung ano-ano, Crane." Sabi ni Damian. Natawa lang ako nang pagak.
"Hindi lahat ng tao na bigla na lang dumarating sa harapan mo ay may masamang intensyon sa'yo. Kung gusto mong malaman kung ano talaga ang nangyari sa kaniya, give her a chance to explain. Malay mo may dahilan kung bakit sa dinami-dami ng sasakyang pwede niyang mabangga, sa sasakyan mo pa." Mas lalo akong napatawa sa narinig kong sinabi pa niya.
"Don't tell me you believe in fate now." Sarkastiko kong sabi. Narinig ko ang mahina niyang pagtawa.
"Hindi. Ang sinasabi ko lang, hindi mo malalaman ang sagot kung palalayasin mo agad ang taong pwedeng magbigay sa'yo ng paliwanag."
"Ako na lang ang magtatanong sa kaniya kung ayaw mo siyang makausap."
Magsasalita pa sana ako nang makarinig kami ng ilang katok sa pinto. Binuksan iyon ni Damian, habang nanatili lamang akong nakaharap sa bintana. Hindi ko kailangang lumingon para malaman kung sino ang kasama ni Manang Lagring.
"Doc Damian, nandito na ho siya. Kalmado naman ho, pero panay ang tingin sa paligid. Mukhang hindi pa rin nagtitiwala sa mga nakikita niya." Sabi ng matandang kasambahay. Hindi ako nagsalita.
"Pasok ka." Mahinahong sabi ni Damian.
"May mga itatanong lang kami sa'yo. Walang mananakit sa'yo rito." Sabi ni Damian.
Narinig ko ang mahihinang yabag papasok sa office, ngunit hindi pa rin ako humarap. Nanatili lamang akong nakatingin sa papalubog na araw hanggang sa marinig ko ang tanong ni Damian.
"Hindi mo ba talaga naaalala ang pangalan mo?"
Duon lamang ako humarap. Nakatayo ang babae ilang hakbang mula sa pinto, nakayuko habang pinaglalaruan ang sariling mga daliri. Pinalitan na ang polo ko na suot niya kanina at maayos na rin ang mahaba niyang buhok. May maliit pa ring benda sa gilid ng kaniyang noo, at wala na ang bakas ng babaeng marusing na nabundol namin ilang oras lamang ang nakalipas. Umiling siya nang hindi tumitingin sa amin. Narinig ko pa ang paghikbi niya.
"Kilala mo ba ang mga taong humahabol sa'yo?" Tanong pa ni Damian. Pero umiling lang muli ang babae.
Tinitigan ko siya nang mabuti. Hindi ko alam kung hindi niya talaga kilala ang mga 'yon, o talagang wala siyang maalala tungkol sa nakaraan niya. Baka naman mahusay lamang siyang magpanggap.
"Kahit pangalan mo? Kung saan ka nakatira? Kahit pangalan ng isang taong kilala mo?" Malamig na tanong ko.
Bahagya siyang napapitlag nang marinig ang boses ko bago muling umiling. Hindi siya nagsasalita. Panay iling lamang niya sa lahat ng tanong.
Nakayuko pa rin siya, nilalaro ng daliri ang kamay. Takot ba siyang tumingin sa akin dahil hindi niya ako kilala, o iniiwasan niya ang mga mata ko dahil ayaw niyang makita ko kung nagsisinungaling siya?
"Bakit ayaw mong tumingin sa amin? Takot ka ba na malaman ko na nagsisinungaling ka lang?" Malamig kong sabi.
Unti-unti niyang iniangat ang mukha at duon nagtama ang aming mga mata. Saglit akong natigilan. Mas malinaw ko na ngayong nakikita ang mukha niya. Para siyang inosenteng anghel. Sobrang ganda ng mukha niya, iyon ang hindi maikakaila, ngunit hindi sapat upang mawala ang pagdududa ko sa kaniya. Nanatili akong nakatingin habang tila pinag-aaralan din niya ako, hanggang sa siya mismo ang unang umiwas.
"Aalis na po ako. Ayoko na dito. Ayoko sa inyo." Tumaas ang dalawang kilay ko. Mabilis siyang tumalikod at naglakad patungo sa pinto, ngunit mabilis ang naging kilos ni Damian at agad niya itong napigilan sa braso. Mabilis namang hinila ng babae ang braso niya palayo sa pinsan ko.
"Huwag mo akong hawakan!" Tila ba takot na sabi niya. Mas lalo tuloy kumunot ang noo ko.
"Okay, hindi kita hahawakan." Mabilis na sagot ni Damian habang umaatras nang bahagya, pagkatapos ay ngumiti ito at muling nagsalita. Tahimik lang akong inoobserbahan ang babaeng nasa harapan namin.
"Pero hindi ka pwedeng basta lumabas nang hindi mo alam kung saan ka pupunta. Hindi mo nga maalala kung sino ka. Sabi mo nga sa akin sa waiting shed ka natutulog o kung saan ka abutin ng gabi."
"Basta ayoko dito." Galit na sagot ng babae na tila nagsisimula na namang magwala. Napatingin sa akin si Damian bago muling ibinalik ang atensyon sa babaeng 'yon.
"Mapapahamak ka lang sa labas. May mga taong humahabol sa'yo bago ka nabangga, at hanggang ngayon hindi natin alam kung sino sila. Wala ka ring maalala tungkol sa sarili mo. Dito ka muna sa bahay ng pinsan ko hanggang malaman natin kung sino ang pamilya mo." Sabi ni Damian.
Agad akong napalingon sa kaniya. Hindi ko alam kung saan niya nakuha ang kapal ng mukha para magdesisyon kung sino ang mananatili sa sarili kong hacienda.
"No." May galit kong sabi.
"Kung gusto niyang umalis, hayaan mo siya. Wala siyang lugar dito sa hacienda ko."
Napatingin sa akin ang babae ngunit masamang tingin lamang ang ipinukol ko sa kaniya. Kung inaakala niya na makukuha niya ako sa drama... nagkakamali siya.
"Umalis ka kung gusto mong umalis. Wala akong tiwala sa'yo." Wika ko pa, saka ako nagsimulang maglakad palabas ng opisina ko, pero agad akong hinawakan ni Damian sa braso bago ako tuluyang makalayo.
"Dude, hahayaan mo siyang gumala sa labas nang wala siyang maalala? Paano kung mahanap ulit siya ng mga lalaking humahabol sa kaniya? Konsensya mo kapag may nangyaring masama sa kaniya, lalo na at sabi ng driver mo na maraming nakakita at kumuha ng video nang isakay ninyo siya sa sasakyan mo. Ikaw ang huling taong makikitang kasama niya kapag may nangyari sa kaniya." Sabi nito.
Nagtagis ang mga bagang ko habang masama ko siyang tinitingnan. Alam kong ginagamit lamang niya laban sa akin ang sitwasyon, pero may punto rin naman siya. Maraming nakakita sa nangyari kanina, at ayaw kong magkaroon ng panibagong problema dahil lamang sa babaeng hindi ko naman kilala.
"Ilang araw lang. Hanggang sa malaman natin kung sino talaga siya at mahanap natin ang pamilya niya. After that, she can leave. At least hindi ka uusigin ng konsensya mo kung palalayasin mo 'yan, tapos may mangyayaring masama sa kaniya sa labas." Paliwanag niya.
Humugot ako nang malalim na paghinga at muling napatingin sa babae. Tahimik lamang itong nakatayo malapit sa pinto habang salitan kaming tinitingnan ni Damian. Makikita sa mukha niya na gusto pa rin nitong umalis, ngunit hindi na ito nagsasalita. Pero kung hindi lang sa mga sinabi ni Damian... mas gugustuhin ko na lumayas na lang ang babaeng 'yan.
"Fine." Malamig kong sabi.
"Ilang araw. That's it. Bilisan mo ang paghahanap sa pamilya ng babaeng 'yan." Wika ko.
Bago pa makapagsalita si Damian ay tumalikod na ako at naglakad patungo sa pinto. Ayaw ko nang pahabain pa ang usapan dahil lalo lamang akong maiinis. Pero bago ako tuluyang makalabas ng office ay huminto ako at nilingon ang pinsan ko.
"Responsibility mo siya habang nandito siya. Siguraduhin mong wala siyang gagawing katarantaduhan sa loob ng hacienda ko, because if she does, ako mismo ang magpapalayas sa babaeng 'yan."
Hindi ko na hinintay ang sagot ni Damian. Lumabas ako ng office at isinara ang pinto sa likuran ko. Hindi ko alam kung ilang araw mananatili ang babaeng 'yon dito sa hacienda, pero sisiguraduhin ko sa kaniya na may mga matang susunod sa bawat kilos niya.
"Maganda, hindi ba? Nakita ko kung paano mo hinagod ng tingin ang kabuuan niya kanina habang suot niya ang polo mo."
Bigla akong napalingon. Natawa ako nang makita ko si Gary.
"Imahinasyon mo lang 'yan. Asikasuhin mo na lang ang problema ng kumpanya, Gary." Malamig kong tugon. Narinig ko ang pagtawa niya, pero hindi ko na siya nilingon pa.
So what kung maganda ang babaeng 'yon? Hindi naman ibig sabihin ay wala na siyang itinatago sa amin. Hindi sapat ang magandang mukha para pagkatiwalaan ko agad ang isang taong bigla na lamang sumulpot sa harapan ko, lalo na at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung sino ang mga lalaking humahabol sa kaniya at kung bakit.
Napailing na lamang ako at dumiretso sa aking silid. Kung gusto ni Gary na isipin na interesado ako sa babaeng 'yon, bahala siya. I had more important things to think about kaysa isipin pa ang babaeng hindi raw alam ang pangalan niya.