Chapter 1 -Marusing na Babae-
"TULONG!"
Napalingon ang ilang taong nasa gilid ng kalsada nang marinig ang sigaw ng isang babae. Nakayapak itong tumatakbo sa ilalim ng tirik na araw, walang pakialam kahit nasusugatan na ang kaniyang mga paa sa magaspang at mainit na semento.
Marumi ang sira-sira niyang damit, puno ng tuyong putik ang mga binti at braso, habang ang magulong buhok ay kumakapit sa pawisan niyang mukha.
"Tulungan ninyo ako!"
Tatlong lalaki ang mabilis na humahabol sa kaniya. Panay ang lingon ng babae sa likuran habang pilit na binibilisan ang pagtakbo. Halos wala na siyang lakas, nanginginig na ang kaniyang mga tuhod at hirap na siyang huminga, ngunit hindi siya maaaring huminto.
"B-bad sila!" Sigaw niya sa mga taong nadaraanan niya. Kung minsan ay humihinto siya, pilit na umaasa na may kahit isang tutulong sa kaniya, ngunit wala. Lahat ay umiiwas at tila ba nandidiri pa sa kaniya.
"Please... tulong!"
"Tulongan ninyo ako."
Kahit na anong pakiusap niya ay walang lumapit sa kaniya. May ilang umatras pa nang mapansing may mga humahabol sa babae, habang ang iba ay nanatiling nakatingin lamang at bumabalik lang sa kung ano ang mahalagang ginagawa nila. May ilan naman na agad naglabas ng cellphone at kinukuhanan ng video ang nangyayari sa halip na tumulong.
Muling lumingon ang babae ay nanlaki ang kaniyang mga mata nang makitang mas malapit na sa kaniya ang tatlong lalaking humahabol sa kaniya.
Sa takot na maabutan ay bigla siyang kumabig pakaliwa at tumakbo patawid ng kalsada... nang hindi napapansin ang itim na sasakyang mabilis na paparating.
"Sir!"
Napansin ng driver ang babaeng biglang sumulpot sa harapan nila at agad nitong inapakan ang preno. Umalingawngaw sa kalsada ang malakas na tunog ng mga gulong, kasunod ang isang malakas na kalabog ng katawan ng babae sa hood ng sasakyan.
Napahawak si Crane Fenway sa upuan sa kaniyang harapan dahil sa biglaang paghinto ng sinasakyan niya. Gulat na gulat ito, at agad na kinapa ang baril sa likuran ng pantalon niya.
"What the hell!"
Nahulog ang hawak niyang cellphone sa tabi niya, habang naputol naman sa pagsasalita ang kaibigan at COO niyang si Gary.
"Ano'ng nangyari?" Malamig na tanong ni Crane.
"May babaeng bigla na lang tumawid sir, kaya nahagip ko ho."
Agad na bumaba ang driver. Hindi muna gumalaw si Crane sa loob ng sasakyan. Mula sa kaniyang kinauupuan ay kita niya ang isang bahagi ng katawan ng babaeng nakahandusay sa kalsada, pero alerto siya, at ang isang kamay niya ay nananatiling nakahawak sa baril na nakasuksok sa likod ng pantalon niya.
"Sir, duguan ang ulo!" Boses ng driver niya ng sumilip ito sa loob ng sasakyan.
Napamura si Crane bago binuksan ang pinto at bumaba. Kasabay niyon ay nagsibukas din ang mga sasakyang nasa likuran nila. Agad na lumapit ang ilan sa kaniyang mga tauhan habang ang iba ay nagmasid sa paligid at sinigurong walang sinumang basta makalalapit sa kanilang boss.
Duon napansin ni Crane ang tatlong lalaking nasa kabilang bahagi ng kalsada. Naka-baseball cap ang mga ito at may suot na sunglasses, at malinaw na ang babaeng nabundol nila ang tinitingnan ng mga ito.
"Sila ang humahabol sa babae, Sir." Sabi ng driver.
Hindi pa nakapagtatanong si Crane nang biglang tumalikod ang tatlo at mabilis na tumakbo palayo.
"Habulin namin boss?" Tanong ng isa sa kaniyang mga tauhan.
"Hindi na."
Mabilis ang sagot ni Crane. Hindi siya basta nakikisawsaw sa kung ano mang problema mayroon ang mga tao sa paligid niya, kaya hinayaan niyang makalayo ang mga iyon at ibinalik ang atensyon sa babaeng nakahandusay sa kalsada.
Walang malay ang babae. May dugo sa gilid ng noo at may maliliit na sugat sa mga braso at binti. Halos hindi na rin maaninag ang tunay na kulay ng damit nito dahil sa kapal ng dumi.
"Humihinga pa naman, Sir." Sabi ng driver.
"I don't care." Sagot niya. Akma na siyang babalik sa sasakyan, pero natigilan siyang bigla dahil sa mga taong nag-uusyoso sa nangyari. Maraming cellphone ang nakatutok sa kanila at alam niyang anumang gawin nila ay siguradong makukuhanan ng video, lalo na kung basta na lang niya iiwan ang babaeng 'yon na nakahandusay sa kalsada.
Napabuntong hininga siya. Tinitigan niyang muli ang marusing na babae at saka ito napailing ng kaniyang ulo.
"Buhatin mo ang..."
Hindi niya natapos ang sasabihin nang mapansin niyang mas dumami pa ang mga taong kumukuha ng video. Mariing nagtagis ang kaniyang panga bago siya yumuko sa tabi ng babae.
"Ako na."
Maingat niyang binuhat ang babae, ngunit halos kasabay ng paglapit nito sa kaniyang dibdib ay agad na nagbago ang ekspresyon ng mukha niya. Napakasangsang ng amoy nito. Napalingon siya sa kabilang direksiyon at pinigil ang paghinga habang mabilis na naglakad pabalik sa sasakyan.
"Buksan mo."
Agad na binuksan ng driver ang pinto sa harapan. Maingat na inilagay ni Crane ang babae sa upuan bago siya lumayo at muling sumakay sa likuran.
"Nearest hospital." Tipid niyang utos.
"Sir, halos isang oras mula rito ang pinaka-malapit na hospital." Tugon ng kaniyang driver.
Napatingin si Crane sa babaeng walang malay. May dugo pa ring dumadaloy mula sa sugat nito kaya hindi na siya nagdalawang-isip pa.
"Sa hacienda."
"Sir?"
"Call Damian. Tell him we have an injured woman."
Agad na pinaandar ng driver ang sasakyan. Tahimik ang unang ilang minuto ng biyahe hanggang sa dahan-dahang kumuha ng panyo si Gary at itinakip iyon sa ilong. Hindi siya pinansin ni Crane, ngunit ilang segundo pa ang lumipas ay kumuha rin ito ng sarili niyang panyo at itinakip na rin sa ilong.
Walang nagsalita sa kanilang dalawa. Nang hindi na sapat ang panyo ay ibinaba na lamang nila ang magkabilang bintana. Mainit ang hanging pumasok sa loob, ngunit walang nagreklamo.
Sinulyapan ni Crane ang babae sa harapan. Wala pa rin itong malay. Mula sa sugat sa noo ay napunta ang kaniyang tingin sa mukha nito. Sa kabila ng dumi ay kapansin-pansin ang matangos nitong ilong at maayos na hugis ng mukha. Ilang segundo niya iyong pinagmasdan bago siya tumingin sa labas ng bintana.
"Find out who those men were." Sabi niya kay Gary.
Tahimik lamang na tumango ang kaibigan.
Wala pang isang oras ay nakarating na sila sa hacienda. Agad na sinalubong ng ilang kasambahay ang sasakyan nang huminto ito sa harapan ng malaking bahay.
"Dalhin siya sa guest room, at sabihin kay Damian ang nangyari." Utos niya.
Binuhat ng driver ang babae at dinala sa loob, habang nanatili naman si Crane sa labas nang ilang sandali. Binalikan niya sa isipan ang nangyari. May babaeng hinahabol ng tatlong lalaki, bigla itong tumawid sa harapan ng sasakyan niya, at nang bumaba ang kaniyang mga tauhan ay agad na tumakas ang tatlo. Maaaring nagkataon lamang ang lahat, ngunit maaari ring hindi. Hindi gusto ni Crane ang mga bagay na wala siyang malinaw na sagot, at mas lalong hindi niya gusto na ang babaeng 'yon ay nasa loob na ngayon ng sarili niyang bakuran. Hindi siya ang klase ng tao na basta nagtitiwala kahit na kanino.
Nagsimula siyang maglakad, at bawat hakbang niya ay puno ng kapangyarihan. Pagdating niya sa loob ay agad siyang sinalubong ng isa sa mga kasambahay.
"Sir, nasa guest room na po."
"Tingnan ninyo kung may pagkakakilanlan."
"Wala po kaming nakitang gamit sa kaniya." Sagot nito. Napatingin si Crane sa kasambahay habang kunot ang noo at salubong ang dalawang kilay nito.
"Nothing?" Iritado niyang tanong. Umiling naman agad ang kasambahay.
"Wala po sir."
Saglit siyang natahimik na tila ba nag-iisip, pagkatapos ay muling nagsalita.
"Hayaan ninyo na gamutin siya ni Damian. Kapag nagising ang babaeng 'yon, tanungin ninyo kung sino siya at kung saan siya nakatira."
"Opo."
Hindi na nagtagal si Crane sa ibaba. Ni hindi niya nilingon ang guest room na nasa unang palapag. Sa halip ay muli itong humakbang palapit sa mataas na hagdan upang magtungo sa ikalawang palapag at magpahinga sa kaniyang silid.
"Crane, dito lang ako." Sabi ni Gary, pero ni hindi niya ito nilingon.
Umakyat lang siya at iniwan sa mga kasambahay ang problema. Isang aksidente lamang iyon para sa kaniya. Isang estrangherang gagamutin nila, at kapag maayos na ang kalagayan ay palalayasin din niya sa kaniyang bakuran. Iyon lamang ang gusto niyang mangyari.
Pagkapasok ng kaniyang silid. Mabilis siyang naligo upang mawala ang amoy ng babaeng 'yon sa kaniyang katawan, pagkatapos ay saka siya humiga at agad na nakatulog.
Makalipas ang ilang oras ay nagising si Crane dahil sa ingay mula sa ibaba. Napadilat siya nang makarinig ng sigaw. Kumunot ang noo niya. Napatingin siya sa pintuan ng silid, at duon lamang niya napansin na hindi pala niya ito naisara ng mabuti. Bahagya itong nakaawang kaya rinig na rinig niya ang ingay na 'yon sa ibaba.
"Huwag! Huwag kayong lalapit sa akin!"
Napakunot ang noo niya at agad na bumangon. Paglabas niya ng silid ay muli niyang narinig ang boses ng babae, mas malinaw na ngayon.
"Ayoko! Please... huwag!"
Mabilis siyang naglakad patungo sa hagdan, ngunit ilang baitang pa lamang ang nalalampasan niya ay bigla siyang huminto.
Isang babae ang tumatakbo sa ibaba habang sinusundan ng dalawang kasambahay. Nakatapak lamang ito at isang puting polo ang suot.
Napako ang tingin ni Crane rito. Maluwag ang damit sa katawan ng babae at hanggang kalagitnaan lamang ng mga hita nito. Basa pa ang dulo ng mahaba nitong buhok, habang kitang-kita ang maputi at makinis nitong mga binti sa bawat mabilis na hakbang.
Lumapit ang babae sa pangunahing pinto at pilit iyong binuksan, ngunit hindi nito magawa. Kahit na anong hila niya dito ay hindi niya ito mabuksan.
"Huwag kayong lalapit!" Takot na takot nitong sabi.
"Ma'am, wala pong mananakit sa inyo sa lugar na ito." Mahinahong sabi ng isang kasambahay.
"Ayoko! Buksan ninyo ito!"
Mabilis na lumapit ang driver kay Crane. Kahit ito ay walang magawa dahil sa tuwing susubukan niyang lumapit sa babae, nagsisimula itong magwala.
"Sir."
"Ano'ng nangyayari?" Umugong ang malakas niyang boses sa loob ng bahay.
"Sir, nagising siya kanina. Ginamot na ni Dr. Damian ang sugat niya. Pinaliguan ho siya ng mga kasambahay dahil sobrang dumi at baho ng katawan niya, pero pagkatapos ho siyang bihisan, bigla siyang nag-panic at nagwala."
Napatingin muli si Crane sa babae. Ngayon lamang niya ito nakita nang maayos. Malinis na ang balat nito at wala na ang putik na kanina ay halos tumatakip sa mga pisngi at noo maging sa buong katawan nito. May maliit na benda sa isang bahagi ng ulo, ngunit bukod duon ay halos walang bakas ng marusing na babaeng binuhat niya mula sa kalsada.
Maganda ito. Napakaganda. At sa sobrang ganda... tila ba ayaw niyang maniwala na isang aksidente ang nangyari kanina. Lalo pa at likas sa kaniyang pagkatao na hindi nagtitiwala kahit na kanino, kahit pa maging sa batang paslit.
"Sino kayo?!" Sigaw ng babae.
Napukaw ang tingin ni Crane sa babae nang muling magsalita ang personal driver niya.
"May problema pa, Sir."
"Problema?" Pag-uulit niyang tanong.
"Hindi niya alam kung sino siya."
Nagulat si Crane sa tinuran nito. Pagkatapos ay dahan-dahang napalingon sa babaeng nagpipilit na makalabas ng bahay na tila ba takot na takot.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Wala siyang maalala. Kahit pangalan niya. Hindi niya alam kung sino siya. May ilang pilat siya sa katawan sabi ni Manang. Tila ba tama ng baril na natuyo na at naging bakas na lamang sa balat niya. Mukhang biktima ng pang-aabuso ang babaeng 'yan, sir."
Bago pa makasagot si Crane ay muling nagsisigaw ang babae nang may isang kasambahay na nagtangkang lumapit.
"Huwag!"
Mabilis itong umatras hanggang sa marating ang isang sulok ng sala. Naupo ito sa sahig at mahigpit na niyakap ang sariling mga tuhod.
"Please... huwag ninyo akong sasaktan." Nanginginig ang boses nito habang nakikiusap.
Hindi na lumapit ang mga kasambahay. Tahimik lamang si Crane sa hagdan habang pinagmamasdan ang babae. May luha sa mukha nito habang panay ang tingin sa mga estrangherong nakapaligid sa kaniya.
Hanggang sa napatingala ito. Napatitig ng diretso kay Crane. Nagtagpo ang kanilang mga mata.
Hindi gumalaw si Crane. Hindi rin agad umiwas ang babae. Ilang segundo lamang iyon, ngunit sapat para tuluyang mapansin ni Crane ang mukha nitong kanina ay natatakpan ng putik at dumi. Nanatili ang tingin niya rito nang mas matagal bago siya biglang umiwas at ibinaling ang mga mata sa driver.
"Nasaan si Damian?"
"Nasa study room, Sir."
"Tell him I want to talk to him."
"Yes, Sir."
Nagpatuloy si Crane sa pagbaba ng hagdan. Hindi na niya muling tiningnan ang babae, ngunit nang madaanan niya ito ay bahagya siyang huminto nang muling mapansin ang suot nitong damit.
"At bakit damit ko ang suot niya?" Iritado niyang tanong.
Walang sumagot agad. Nagkatinginan ang dalawang kasambahay bago alanganing nagsalita ang isa, at bakas sa boses niya ang takot sa kanilang amo.
"W-wala po kasi kaming makitang ibang damit na puwedeng ipasuot agad sa kaniya, Sir." Nakayukong sabi ng isa sa kasambahay.
Mariing napapikit si Crane. Muling humugot ng malalim na paghinga bago nagsalita.
"Get her proper clothes."
"Opo."
Nagpatuloy siya sa paglalakad nang hindi na muling lumingon.
Sa likuran niya ay nanatiling nakaupo ang babae sa sahig, ngunit hindi na ito muling sumigaw pa. Tahimik na lamang nitong sinundan ng tingin si Crane habang puno ng luha ang kaniyang mga mata hanggang sa tuluyang isinubsob muli ang mukha sa kaniyang mga tuhod at umiyak ng umiyak.