"Nababahala na ako riyan sa kinikilos mo Lara ha?" ani ni tiya isang umaga habang nag-aalmusal.
"Ano na naman ho ba iyon tiya?" sagot ko naman.
Simula noong may nangyaring gulo sa pagitan namin ni Chito ay halos hindi na ako tinigilan ni tiya. Kung minsan nga ay hindi na siya pumapasok sa trabaho para mabantayan lang ako. Tapos nadagdagan pa noong isang araw nang bigla na lang napasaakin 'yong bag ng babaeng nabiktima ng snatcher. Sa totoo lang ay pati ako'y naguguluhan na rin. Malakas ang kutob ko na may kinalaman ang kwintas ko sa mga kababalaghang nangyayari sa akin ngayon.
"Magsabi ka nga sa akin ng totoo Lara. Alam kong may kinalaman ito sa kwintas mo." Napatigil ako sa pagsubo at gulat kong tiningnan si tiya. Nang matingnan ko siya ay nakita kong kanina pa pala ito nakatitig sa akin. Mababakas mo talaga sa kan'yang mukha ang kaseryosohan nito.
"H-hindi k-ko po alam tiya," nauutal kong ani.
Base sa narinig ko noon. Malaki ang tutol ni tiya sa relasyon ng mga magulang ko. Ayaw niya kay papa dahil sa tingin nito ay misteryoso ang pagkatao ng ama at malalagay lang sa kapahamakan si mama. Baka kapag sabihin kong ganoon din ang kutob ko ay kunin niya itong kwintas sa akin. Nag-iisang pamana lang ito ng mga magulang ko at ito na lang ang tanging alaala ko sa kanila kaya hindi ko hahayaan na mawalay ito sa akin.
"Noon pa man ay alam ko na. Masyadong mahiwaga ang pagkatao ng ama mo. Marami siyang hindi alam na mga bagay-bagay rito sa mundo at kung umasta siya ay tila hindi siya nagmula rito," seryoso pa ring saad ni tiya.
Wala ni sinuman sa amin ang nagbaba ng tingin. Sinuklian ko rin ang mga titig nito para malaman niyang hindi ako natatakot.
"Ano ka ba tiya? Di ba probisiyano naman si papa?" sagot ko. Sinamahan ko pa iyon nang mahinang tawa para lamang gumaan ang atmospera sa paligid. Parang ang bigat kasi ng pakiramdam ko habang pinag-uusapan namin ang ama na namayapa na. Para akong hindi makahinga dahil na rin sa kaba ko na baka'y kunin na nga ng tiyahin ko ang kwintas na suot-suot.
Agad kong tinapos ang kinakain ko at diretso agad ako sa kwarto ko upang magkulong. Pipi akong nagdarasal na sana ay umalis si tiya. Kinakabahan kasi ako lagi kapag pakiramdam ko ay binabantayan niya ang mga kilos ko. Parang may CCTV na laging nakamasid sa mga kinikilos ko, ang tindi niya talaga kung minsan. Alam ko naman na marahil ay nag-aalala lang siya sa akin pero hindi ko rin maiwasang mailang lalo pa't nasasali sa usapan namin si papa. Sa mga kwento ni tiya ay parang pinapalabas nito na hindi nagmula rito sa mundo ang ama. Anong tingin niya kay papa? Alien?
Narinig ko naman na lumabas si tiya ng bahay at mukhang papasok na siya sa trabaho. Nakahinga ako nang maluwag. Walang magbabantay sa akin ngayon at malaya kong magagawa ang gusto ko. Maya't-maya kasi ay kumakatok na lamang si tiya para suriin ako. Nang nasigurado kong umalis na talaga siya ay agad kong binuksan ang laptop ko at sinuri ang mga social media accounts ko. Hindi naman ako mahilig sa ganitong uri na mga apps sa cellphone. Ginagamit ko lang ito para sa transaksyon ko lalo na sa trabaho. Habang nawiwili na ako sa paggamit niyon ay nakaramdam naman ako ng p*******t ng tiyan. Dali-dali akong bumangon mula sa pagkakahiga at dumiretso agad sa banyo. Mabuti na lamang ay nadala ko ang aking cellphone na nakapatong sa maliit kong lamesa. Mas masaya kasi kapag may dala kang cellphone sa loob ng banyo habang tumatae ka. May pinagkakaabalahan ka habang nakikipagbuno sa tae mong nakabara.
Habang nakaupo sa inidoro ay nagbabasa ako ng isang article na tungkol sa isang red moon. May nababasa nga akong ganito kanina sa facenote. Laman kasi nito ang newsfeed ko kanina at ayon sa nababasa ko ngayon, isang phenomenal na pangyayari ito sa mundo. Tuwing dalawampung taon lang ito nagpapakita at pulang-pula ang kalangitan at bilog na bilog ang buwan sa tuwing sasapit iyon. Napailing ako. Wala naman akong pakialam sa red moon na 'yan. Ang problema ko ngayon ay si tiya. Namomroblema ako kung paano ko mapapanatag ang loob nito.
Ayaw ko rin kasing nakikita si tiya na nag-aalala lalo pa't may sakit na siya sa puso. Baka atakihin lang siya at ikamatay niya pa dahil lang sa pag-aalala niya sa kalagayan ko. Ayaw kong maulila ng lubos. Siya na nga lang 'yong nag-iisang kamag-anak ko at baka hindi ko na kayanin kung pati si tiya ay mawala pa sa akin. Hindi ko pa lubos na nasusuklian ang lahat ng paghihirap niya habang pinapapalaki akong mag-isa. Kung ano man itong hiwaga na dala ng kwintas ko ay aalamin kong mag-isa.
Tatayo na sana ako at lalabas na ng banyo nang bigla na lang may liwanag na nanggaling mula sa bubong namin. Dahil sa sobrang liwanag niyon ay hindi ako makakita at sa tuwing sinusubukan kong ibuka ang mata ay para akong nabubulag. Wala akong nagawa kung hindi ipinikit na lamang ang aking mga mata at mangapa sa dilim dahil kapag pinilit ko pa'ng titigan ang liwanag na 'to ay baka maging dahilan pa ng pagkabulag ko at tuluyan na nga'ng hindi na ako makakita. Kinakabahan na rin ako dahil alam ko namang hindi ordinaryong ilaw lamang ito. Kung saan ito nanggaling ay 'yon ang hindi ko alam! Nagsisimula na akong mahilo ngunit hindi pa rin umaalis ang liwanag na lumulukob sa buong banyo!
"Ahhhh!" sigaw ko nang bigla na lang akong nakaramdam ng biglang pagkahilo at p*******t ng ulo. Sa sobrang sakit niyon ay napaupo ako habang hawak-hawak ang ulo na parang pinukpok ng martilyo. Hawak ko rin ang sikmura ko na parang bumaliktad na ata dahil nasusuka ako ngayon.
"Ahhh! T-tulong…" Masakit na rin ang lalamunan ko at konti na lang talaga at mawawalan na ako ng ulirat hanggang sa hindi ko na talaga nakayanan ang parang pwersa na humihigop sa katawan ko. Parang may kung anong enerhiya ang bumabalot sa paligid at parang gusto nitong tangayin ang katawan ko paitaas.
Ang huling naalala ko na lamang ay ang pagsikip ng dibdib ko at ang unti-unting pag-itim ng kapaligiran. Palatandaan na hinimatay na ako. Para akong lantang gulay na napapikit na lamang. Masakit ang katawan na parang binugbog ng ilang beses.
Nagising ako sa isang malambot na kama. Nakapikit pa rin ang dalawang mata ko. Nagbubunyi ang kalooban ko ngayon dahil sa lambot ng hinihigaan. Hinimas-himas ko pa ang bedsheet dahil para akong nasa ulap sa lambot niyon. Malamig din ang paligid na para akong napapalibutan ng maraming aircon. Nakaka-relax din ang bangong hatid ng buong kwarto. Amoy lavender na pinaghalong vanilla scent ang siyang nanunuot sa ilong ko. Nasa langit ba ako? Sa pagkakaalam ko kasi, hindi ganito kalambot, kabango at kalamig ang kwarto ko. Ito na ba ang sinasabi nilang afterlife?
Kahit pagod at masakit ang katawan ko ay pinilit kong ibuka ang mga mata ko. Pupungas-pungas pa ako at ang unang bumungad sa paningin ko ay ang isang painting ng lalaki. Pinalaki ko ang mata upang makita nang maayos ang painting na nasa harap ng kama. Nakaupo sa isang trono at walang damit pang-itaas ang lalaki. Nakapantalon naman pero maluwag iyon sa kan'ya kaya halos lumuwa na ang suot nitong panloob at mapapansin mo talaga ang bumubukol sa harapan nito. Alam ko naman kung ano iyon atsaka kahit naman virgin ako alam ko naman kung saan 'yon makikita.
"Ang halay naman tingnan!" sigaw pa ng isip ko.
Dumako sa mukha ng lalaki ang paningin ko at nahigit ko pa ang aking hininga nang magisnan ko ang perpektong hugis ng mukha nito. Mula sa buhok nito, sa kilay, pilikmata, sa matangos nitong ilong at sa mapupulang labi ng lalaki. Lahat ng iyon ay parang nililok ng perpekto ng isang iskultor. Napakagat-labi ako. Sumagi sa isip ko na ito ang unang beses na pumuri ako ng lalaki. Marami na akong nakitang gwapo pero hindi ko magawang mamangha sa kagwapuhang taglay nila. Hindi ko naman sinasabing mataas ang standards ko pagdating sa lalaki dahil sino lang ba naman ako para mag-inarte pa. Pero hindi ko alam, parang may hinahanap akong isang katangian sa isang lalaki na kahit noon pa ay hindi ko nakikita. Ngunit sa kan'ya, 'yan sa lalaking nasa painting ngayon. Na kahit hindi naman nakangiti at nakakatakot pa tingnan ay naaakit na agad ako. Halos hindi ko na nga maalis ang titig ko rito.
"Ay, huwag gano'n be, baka gawin kitang asawa riyan!" parang baliw na ani ko sa sarili. Sinabayan ko pa ng tawa at napatago ako sa kumot na nasa katawan ko. Kanina ko pa hindi maitago ang kilig ko. Painting lang 'yan pero iba ang epekto sa akin.
Ang malandi kong mga mata ay pumaibaba pa ng sulyap. Gusto ko mang pigilan pero masyadong maharot ang tukso sa akin ngayon. Halos tumulo na ang laway ko sa nakaukit na pandesal nito sa tiyan. Grabe? Tao pa ba ito? Parang sa mga komiks at manga ko lang nababasa ang ganitong karakter. Kaya namamangha talaga ako sa nakikita ko ngayon. Pahinging kape naman diyan, may pandesal na kasi sa harap ko. Kitang-kita ko rin ang ugat nito sa ibaba, ay este! Ang v-line pala nito. Tingin ko talaga may favoritism na nangyayari rito. Anak niyo rin naman ako Lord? Bakit bare minimum lang 'tong mukha ko? 'Yong parang hindi pangit tapos hindi rin maganda. In short, 'yong okay lang.
Dahil sa kung ano-anong pinag-iisip ko ay nakalimutan ko na hindi ko pala pag-aari itong kwartong kinasadlakan ko ngayon. Napabalikwas na lang ako ng bangon nang sumagi sa isip ko ang katotohanang, wala ako sa kwarto ko ngayon!
"Aray!" Dahil sa biglaang pagbangon ko ay agad lumatay ang kirot at sakit na nararamdaman ko sa may bandang balikat ko. Ang sakit niyon na parang hiniwa ang balikat ko at sa palagay ko ay nagdurugo nga iyon.
"Ano 'to?" Nang makapa ko kasi ang kanang balikat ay nakumpirma ko pagdurugo niyon.
"Ahhhhhh!" sigaw ko. "Sandali lang! Kaninong kamay 'to? Tiya? Tiya?!" nag-hihisterekal na sigaw ko. Hindi ako mapakali sa higaan at hindi ko alam ang gagawin. Todo lang ako sa pagsigaw at tuluyan ng nataranta. Ayaw ko talaga sa dugo. Takot na takot talaga ako noon paman kapag nakakakita ako ng dugo. Hanggang ngayon ay nakaukit pa rin sa isipan ko ang dugong tumalsik sa mukha ko nang barilin si papa sa mismong harapan ko. Kaya ayaw ko makakita ng daga dahil nakatatak na sa isip ko ang dugo ng sariling ama.
Nang tuluyan ko nang masuri ang dugo sa kamay ko ay nagulat naman ako kaagad sa nasaksihan. 'Yong kamay ko! Hindi ko ito kamay! Bakit nagkaganito ang kamay ko? Naging maugat at malaki iyon na para bang kamay ng isang lalaki ang nagmamay-ari.
"Anong nangyari sa boses ko?!" walang humpay na sigaw ko. "Hello? Hello?" Sinubukan kong mag-hello na parang may kausap sa telepono ngunit hindi pa rin nag-iiba ang boses na lumalabas. Bakit boses lalaki ako?! Anong nangyayari?
"Tiya!?" natatakot kong tawag sa tiyahin. Nasaan ba ako? Alam ko na hindi ko ito kwarto at itong mga kababalaghang nangyayari sa akin ngayon ay mas lalong nagpasiklab ng kaba at takot sa dibdib ko.
"Wait, dibdib?!" Oo nga, ang dibdib ko! Sinubukan kong kapain ang loob ng katawan ko mula sa tiyan hanggang sa bandang bahagi ng dibdib ngunit iba ang naramdaman ko.
"Matigas, lubak-lubak at wala akong dibdib!" Natataratang kinapa ko nang maayos ang parte ng katawan ko. Inalis ko ang kumot at napatakip na lamang ako ng bibig ko dahil sa gulat. Hindi ko ito katawan! Mula sa hita ay mapapansin ko na katawan ito ng isang lalaki. Nasaan ako? Anong ginagawa ko sa katawang 'to? Na-reincarnate ba ako kaagad? Ano ba kasi ito?!
Umalis ako sa kama na nanginginig. Nakita ko ang salamin sa may gilid ng kama kaharap ng isang malaking kabinet. Nais ko sanang makita ang kabuuang hitsura ko. Nais ko rin makumpirma ng sariling mga mata ko ang katotohanan. Kahit masakit ang balikat ko at nagdurugo iyon ay pinilit kong makatayo. Paika-ika akong naglalakad patungo sa salamin at nang makita ko repleksyon ko roon ay napahiyaw na lamang ako sa gulat! Ako at ang lalaking nasa painting na nasa taas ay iisa! Anong kabaliwan 'to?