"Maghunos-dili ka!" sabi ko sa sarili. Kahit halos lumuwa na ang mata ko habang tinitingnan ang repleksyon ko sa salamin.
Panaginip ba 'to? Nasa loob ba ako ng panaginip ko? Sabihin niyo dahil mababaliw na ata ako. Ang kanina lamang na tinititigan at pinupuri kong lalaki na nasa painting ay naging ako na? Wala naman ako sa anime world 'di ba? Napasabunot ako sa maikli kong buhok. Gulong-gulo ang isip ko at napa-aatras abante ako sa tuwing nagagawi ang tingin ko sa sarili. Nasaan na 'yong balingkinitan kong katawan?! Bakit puros muscles na itong nakikita ko? Marahan kong hinaplos ang matangos kong ilong hanggang sa labi. Sinampal-sampal ko rin ang mukha ko nang magising na ako sa panaginip na ito kung panaginip nga ba talaga.
"Aray…" Mukhang napalakas yata ang pagsampal ko dahil napaigik ako nang dumapo sa pisngi ko ang sariling palad.
Ang daming pumapasok sa isip ko at sumagi rin sa isip ko 'yong alam mo na. 'Yong lumalambitin na pagmamay-ari ng mga lalaki. Kung nasa katawan ako ng lalaking 'to, ibig bang sabihin nasa akin din ang ano niya?! Sa nanginginig na kamay ay pinagapang ko ang mga daliri ko paibaba papunta sa gitna ng mga hita ko. Pikit-mata ko iyong kinapa at nang mahahawakan ko na sana ay bigla na lamang may kumatok sa pinto na ikinagulat ko!
"Aba Ginoong Maria!" usal ko. Napahawak ako sa balikat ko na nagdurugo at paika-ika akong naglakad patungo sa pinto.
Kahit kinakabahan ako ay pinilit kong pagbuksan ang kung sinumang sa labas. Nakayuko pa ako ng bahagya habang ginagawa iyon at ikinukubli ang kalahati ng katawan ko sa pinto. Nang mabuksan ay may nakita akong isang matangkad na lalaki. Napaangat ang aking paningin sa pagmumukha nito at napanganga na naman ako. Isa na namang guwapong lalaki ang nasa harap ko. Ano ba'ng lugar na 'to? Bakit mukhang napapaligiran ako ng mga nagkikisigan na mga kalalakihan? Nakatitig lamang ako sa lalaki at hindi ko na napansin na halos may tumulo na palang laway sa bunganga ko. Hapit na hapit kasi ang t-shirt nito sa katawan kaya kitang-kita ko ang magandang hubog ng katawan niya. Pula rin ang buhok nito at may asulan na mga mata, matangos na ilong at nakakaakit na mga labi.
"Nero?"
Ang ganda ng boses niya. Ano ba 'yan! Para akong hinehele ng boses nito. Napahawak pa ako sa dibdib ko dahil parang naramdaman ko ang kakaibang pagtibok ng puso ko nang makita ko siya. Napailing pa ako at napangiti atsaka muling tiningnan ang lalaki na ngayon ay may mababakas na kalituhan sa pagmumukha nito.
"Pst? Ikaw!" sigaw no'ng mama sa isang lalaki na nakabantay sa may gilid nitong pinto.
"Ako ho Sir Ace?" tanong pa nito sa lalaki.
Ahhhhh… Ace pala ang pangalan ng lalaking nasa harapan ko ngayon. Hmmm, gwapo mo kuya! Kyaahhh! Bahagya akong kinilig dahil kamukha niya kasi 'yong karakter ni Ace sa one piece. Isang anime iyon at mag-kapangalan pa sila. Crush na crush ko pa naman si Ace tapos makikita ko pa na may kamukha siyang tao. Pwede na akong mamatay at any time.
"Bakit po?" ulit na tanong ng guwardiya sa lalaki. Bakit ko nasabing guwardiya? Nakasuot kasi ng paring pang-guwardiya 'yong lalaking nagbabantay sa gilid pero imbes na baril ang dala nito ay may nakasabit na pana sa likod ng lalaki.
"Ipatawag mo ang doktor at mukhang hindi pa bumabalik sa dati si Nero," sagot no'ng Ace at bahagyang sumulyap sa akin.
Ano ba? Huwag kang gan'yan Ace! Marupok ako sa mga tulad mo. Agad tumalima ang guwardiya sa utos ng lalaki at napaayos naman ako ng tayo. So, Nero pala ang pangalan ng nagmamay-ari ng katawang 'to? Hmmm, bagay rin ang pangalan nito sa kakisigan ng lalaki. Nagkatitigan kami ni Ace at nailing naman ito atsaka napatawa.
"Ano na boss? Okay ka pa ba?" tanong nito.
Boss? Sinong boss? Ako?
"Ehem! Ako ba ang tinatanong mo?" mahina kong tanong sa lalaki.
Ako siguro ang tinutukoy niya. Wala naman kaming ibang kasama bukod sa mga guwardiya rito sa loob. Atsaka sa akin nakaharap ang lalaki, imposible namang ibang tao ang kausap niya.
"Grabe, mukhang malaki talaga ang tama mo. Napasobra ata ng bagsak 'yong babaeng 'yon sa'yo. Mukhang naalog ang utak mo at nakalimutan mo na kung sino ka," seryosong saad nito sa akin.
"Babae?" takang tanong ko.
"Oo, 'yong babaeng bigla na lamang bumagsak sa'yo habang nasa operasyon tayo kagabi!" sagot nito sa akin.
Babae? Sana tama ang hinala ko ngayon. Nasa isip ko kasi na baka katawan ko iyon. Mukhang wala namang ibang babae rito! Kaya malakas ang kutob ko na katawan ko iyong bumagsak sa lalaking 'to.
"N-nasaan s-siya?" nauutal kong tanong.
"Nasa red room. Noong isang gabi pa namin iyon pinapaamin. Hindi natin alam kung saan nanggaling iyong babaeng 'yon at baka padala na naman iyon ni X para ipapatay ka."
Kahit wala akong maintindihan ay napapatango na lamang ako. Bigla akong nagseryoso at nag-isip ng paraan. Mukhang nasa delikado akong sitwasyon at hanggang ngayon ay hindi ko pa alam kung paano ako makababalik sa sarili kong katawan. Kung kanino man itong ginagamit kong katawan ngayon alam kong importante siyang tao. Hindi ko man mabigyan ng linaw ang mga pangyayari sa ngayon, ang mahalaga ay makita ko ang katawan ko.
"Para nga'ng baliw rin 'yong babae. Kagabi pa 'yon nagsisisigaw. Sinasabi niyang siya raw ay ikaw. Nangilabot nga ako dahil kuhang-kuha no'ng babaeng 'yon ang ekspresyon mo sa mukha na parang ikaw talaga," saad nito at napailing. "Ano na boss? Patayin na ba natin? Mukhang doon din naman papunta 'yong babae dahil kagabi pa iyon tinotorture ng mga tauhan natin," dagdag nito.
Nanlamig ako sa sinabi nito. 'Yong katawan ko? Tinorture? Parang nanghina ako sa narinig at mahigpit akong napakapit sa siradora habang pinanlisikan ng mata si Ace. Hindi pwedeng mamatay ang katawan ko! Hindi na ako makababalik kung ganoon. Ang totoong Nero ay nasa katawan ko at nagkapalit kaming dalawa. Kung paano nangyari iyon ay hindi ko nalalaman. Dapat sa ngayon ay mailigtas ko siya sa kapahamakan bago mahuli ang lahat.
"Dalhin mo ako sa kan'ya ngayon din!" utos ko. Nagulat ang lalaki sa biglaang pag-iba ng ugali ko at agad sinunod ang utos ko sa kan'ya. Inalalayan niya akong maglakad at sumakay kami sa isang parang elevator pababa sa basement. May ilang minuto pa bago bumaba iyon sa pinakamalalim na bahagi at binaybay namin ang isang madilim na daan. May pinindot si Ace sa pader at may bumukas na malaking pinto at iginiya niya ako sa loob ng malaking kwarto. Kahit natatakot ako ay tinatagan ko ang loob ko. Hindi ito ang tamang oras para maduwag ako. Kailangan kong iligtas ang sarili kong katawan kung gusto ko pang makabalik do'n.
"Nandito na tayo," saad nito.
Nakita ko ang isang malaking kwarto na napapalibutan ng salamin. Transparent iyon kaya kitang-kita ko mula sa labas ang nangyayari. May dalawang lalaki ang naglalatigo sa buo kong katawan. Naliligo na 'yong katawan ko ng sarili kong dugo at halos lupaypay na sa sahig nang nadatnan ko. Biglang nag-alab sa galit ang puso ko at kumuyom ang kamao. Kusa na lamang gumalaw ang kamao ko at dumapo iyon sa pisngi ng lalaki.
"Ipapatigil mo 'yan o ikaw ang ipapalit ko riyan?!" galit kong sigaw. Pinunasan naman ni Ace ang labi nitong pumutok dahil sa pagkakasuntok ko at dumiretso sa parang mikropono at nagsalita.
"Itigil niyo na 'yan." Nagsitigil ang dalawang lalaki sa pagpalo sa katawan ko.
Lumabas ako mula rito sa control room at diretso akong nagpunta sa katawan kong walang malay. Nag-aapoy pa rin sa galit ang kalooban ko na parang kumukulo ang dugo ko na gusto ko ring pumatay. Kahit takot ako sa dugo ay parang nawala iyon nang makita ko ang kalunos-lunos na kalagayang sinapit ng katawan ko sa kamay nila.
"Anong tinitigin-tingin niyo?! Dalhin niyo siya sa doktor o kayo ang papatayin ko?!" Galit na galit ako at wala nang ibang laman ang isip ko kung hindi iligtas ang sarili sa panganib.
"O-opo boss," sabay nilang sagot sa akin. Nakita ko kung paano manginig sa takot ang dalawang lalaki dahil sa sinabi ko. Tumalima naman ang dalawa at dahan-dahang pinasan ang katawan ko.
Lumapit sa akin si Ace at nagtanong.
"Kilala mo ba 'yong babaeng 'yon?" seryosong tanong nito sa akin habang kinikilatis ang buo kong mukha. Marahil ay nag-aabang ito sa magiging sagot ko at tinitimbang nito kung anong sasabihin ko.
"Wala ka ng pakialam do'n. Siguraduhin mong mabubuhay ang babaeng 'yon dahil kung hindi magkakagulo tayo," pagbabanta ko.
Tumango si Ace sa sinabi ko at marahang yumuko. Nagsimula na ulit kaming maglakad paalis sa lugar. Nag-aalala pa rin ako pero wala akong magawa sa ngayon. Kailangan kong mag-ingat at umarte para mabuhay. Kung kinakailangan ay magpanggap ako bilang ibang tao ay gagawin ko. Nasa isang lugar ako kung saan lahat ay pwedeng mangyari at 'yong nasaksihan ko ngayon-ngayon lang ay ang nagpapatunay na nasa delikado akong lugar at ako ang boss dito.
Nang makabalik ako sa kwarto ko ay may isang doktor na ang nag-aabang sa akin. Ito siguro 'yong kaninang pinatawag nila para patingnan ako. Tumango lamang ako at nagpatiunang pumasok sa loob habang si Ace at 'yong doktor naman ay sumunod sa akin. Marahan akong humiga sa kama habang hinihintay ang doktor na titingin sa katawan ko. Mabuti na lamang ay mahilig akong magbasa ng libro at mga manga. Sa mga ganitong pangyayari ay may naiisip ako at may nalalaman. Alam ko kung paano umarte at magpanggap. Hindi naman ako tanga para ibunyag ang katotohanan. Gusto ko pang mabuhay at sino namang maniniwala sa sasabihin ko?
"Maaari ko bang tingnan ang katawan mo Uno?" tanong nito sa akin. Tumango lamang ako at hinayaan siya sa trabaho nito. Si Ace ay walang ibang ginawa kung hindi ay magmasid sa lahat ng ikinikilos ng doktor.
Sa kinikilos ni Ace ngayon ay masasabi kong siya ang kanang kamay ko. Hindi naman maipagkakaila ang otoridad nito sa mga tauhan kanina at ang kaswal niyang pagturing sa akin. Kailangan kong mangalap ng impormasyon. Kailangan kong malaman kung saang lupalop ng mundo ako naroroon.
"May nararamdaman ka bang masakit Uno?" tanong no'ng doktor sa akin.
Umiling ako atsaka agad kong naalala ang pagdurugo ng sugat ko sa balikat. Itinuro ko naman ang balikat ko at agad tiningnan iyon ng doktor. May kinuha itong gunting at ginupit nito ang damit ko upang makita nang mabuti ang sugat ko sa balikat.
"Bakit nagdurugo pa ang sugat ni Nero, doktor? Akala ko ba ay nagamot mo na iyan," seryosong ani ni Ace sa lalaki at mahihimigan mo sa boses nito ang pagbabanta. Parang tinatakot nito ang doktor at kinukwestiyon ang kakayahan niyang manggamot.
"Ace…" marahang tawag ko sa kan'ya at napatikom naman ng bibig ang lalaki.
"Pasensya na Sir Ace at sa'yo Uno. Bumuka lang po ang sugat niyo kaya tatahiin ko lang po ulit," nanginginig na ani ng matandang doktor sa akin.
Sa utak ko ay kanina pa ako naghuhumiyaw sa sakit. Sino namang hindi? Bigla na lamang tinahi no'ng doktor ang sugat ko sa balikat na wala man lang itinurok na anesthesia sa akin! Dilat ang mata ko habang tinatahi nito ang sugat na na animoy nananahi lamang ng damit. Hindi ako makasigaw at baka magtaka sila sa reaksyon ko. Dahil mukhang sanay na sanay naman ata ang kung sinumang nagmamay-ari ng katawang ito sa sakit! Sa palagay ko na imbes ay gumaling ako ay mas lalong nadagdagan ang nararamdaman kong pagdurusa.
Napakapit na ako sa kumot habang tagaktak sa pawis ang buo kong katawan. Tiniis ko hanggang sa natapos na ang matandang doktor sa pagtahi nito. Ako naman ay parang mamamatay na sa sakit dahil sa ginawa niya. Mukhang mapapaaga ang buhay ko nito kung magtuloy-tuloy pa 'to. Kailangan kong gumaling agad!
"Tapos na po at nabendahan ko na rin 'yong sugat mo Uno." Tumayo ang matandang doktor mula sa pagkakaupo at kinuha ang mga gamit niya. Bago umalis ay nagbilin pa ito ng reseta para sa sugat ko sa balikat.
Mismong si Ace na ang naghatid sa doktor papalabas ng kwarto at naiwan akong napatunganga na lamang sa kawalan. Nag-aalala ako sa kahihinatnan ko sa lugar na ito at ang katotohanang nasa bitag ako ng kamatayan. Sana lang ay gumaling na 'yong katawan ko at kailangan kong makausap ang totoong Nero na nasa katawan ko ngayon. Habang wala akong ginagawa ay kailangan kong mag-imbestiga. Kung sindikato man ito ay kailangan kong gumawa ng hakbang para makatakas at maibalik ako sa dati.
Habang malalim akong nag-iisip ay may kumatok naman sa pinto.
"Pasok," saad ko.
Muling pumasok si Ace sa loob ng kwarto ko at ngayon ay may bitbit na ang lalaki ng isang tray ng pagkain at gamot.
"Kumain ka muna Nero. Nagpahanda ako sa mga tagaluto natin ng paborito mong pagkain." Biglang kumalam ang sikmura ko nang makita at maamoy ko ang aroma sa dala niyang pagkain.
"Isang araw ka ring tulog kaya kumain ka nang marami." Hindi ko na pinakinggan pa ang iba niyang sinabi dahil agad kong nilantakan ang hinain nito.
Sinong hindi mapapakain agad kung ang nakahain sa plato ko ay sandamakmak na steak?! At mukhang galing sa mamahaling baka pa nanggaling ang steak na ito dahil sa lasa. May iba't-iba ring putahe at may salad na kasama. Para akong asong gutom na gutom na panay lamang sa pagsubo ng kung anong mahawakan ko. Hindi ko na rin muling tiningnan si Ace dahil okupado na ng isip ko ang masasarap na pagkaing nasa harap. May kasama iyong wine at kahit hindi naman ako umiinom ng wine ay tinungga ko iyon at napangiti ako sa sarap! Parang nabuhayan ang katawan ko at parang agad akong nakabawi ng lakas dahil sa kinain.
"Nabulilyaso ang mga ibiniyaheng epektos natin kagabi Nero. Nalaman na rin ni Supremo ang kapalpakan na nangyari at sa susunod na linggo ay ipapatawag ka ng council," biglang wika ni Ace sa akin dahilan kung bakit nabilaukan ako.
Hindi ko maintindihan ang pinagsasabi nito pero mukhang gulo na naman ata. Kailangan sa madaling panahon ay makausap ko na ang totoong Nero. Sa kan'ya lang ako makakakuha ng mga kasagutan sa lahat ng tanong ko.