Kabanata 8

2051 Words
Sumapit ang araw ng Biyernes at tuluyan na ngang gumaling si Nero. May mga pasa pa siya pero hindi na malala ang lagay niya. Ang bilis nga niyang gumaling eh, ilang araw pa lang noong ginamot siya ay masasabi kong nasa pitumput porsyento na ang iginaling niya. Pagkalabas niya galing sa pagamutan ay agad niya akong inutusan na maglabas ng kasulatan ukol sa pagiging sekretarya niya. Gusto niyang maging sekretarya ko dahil nais nitong bantayan ang mga kinikilos ko at protektahan na rin ang itinatago naming sekreto. Hindi naging madali iyon para sa akin dahil hindi ko akalain na uulanin ako ng tanong tungkol sa pagkatao nito. Nakita ko rin ang dami ng miyembro ng organisasyong 'to at masasabi kong puros kalalakihan ang mga miyembro at mabibilang lang ang mga babae. Wala akong ibang maisip upang patigilin silang lahat sa kanilang mga katanungan kung kaya't nasabi ko na siya ay aking kasintahan. Mabuti na lamang ay naniwala sila at natigil ang pagtatanong. Sa dami ng mga kasapi ng organisasyong ito ay hindi nagkasya lahat ng miyembro sa loob ng silid ng pagpupulong. Ang sabi sa akin ni Nero ay mahigit kumulang nasa isang daang libong miyembro ang kasapi sa organisasyong ito. "Whoah?! May secret room ka pala rito sa kwarto mo? Astig…" Nilibot ko ang aking paningin sa silid na pinasukan namin ni Nero. Kani-kanina lamang ay nag-usap kami sa kwarto nito nang bigla na lamang tumayo si Nero at may kinalikot sa kabinet nito at 'yon na nga, biglang bumukas ang kabinet nito at naging pinto. Isang sekretong silid sa loob ng kabinet niya. "Tumahimik ka babae," saway nito sa akin. Hanggang ngayon ay hindi niya pa rin ako tinatawag sa pangalan ko. Ilang beses na akong nagpakilala at mukhang wala talaga siyang planong tawagin ako sa pangalan ko. Hindi ko alam kung iniinis niya ba ako o wala lang talaga siyang pakialam sa pagkakakilanlan ko. "Lara nga," sambit ko. "Naka-ilang ulit na ba ako sa pagpapakilala ngunit hindi mo pa rin ako tinatawag sa pangalan ko," pagmamaktol ko. "Ano namang pakialam ko sa pangalan mo? Ang importante ay ang matuto ka. Huwag mo akong ipahamak kung 'di pareho tayong todas," walang ganang sagot nito sa akin. Ganito na talaga ata ang ugali ng lalaki. Sa halos isang linggo ko rito ay wala na akong ibang narinig sa kan'ya kung hindi pang-iinsulto at pangangaral. Ni hindi ko pa nga nakitang ngumiti ang lalaking 'to. Napapangiwi na lang tuloy ako kapag nakikita ko siya. Katawan ko kasi ang gamit niya ngayon kaya nakikita ko ang sarili ko na nakakunot ang noo at parang laging galit sa mundo. Nakakatakot pala ang pagmumukha ko. Hindi na nga kagandahan at mukhang mas lalong hindi na naging kaaya-ayang tingnan ang pagmumukha ko kapag laging nakasimangot. "Suplado," bulong ko sa sarili ko. Hindi ko na muli pang pinansin si Nero dahil busy ito at may hinahanap ang lalaki. Hinayaan ko na lang muna siya at baka magalit na naman kung inistorbo ko. Nagpunta ako sa may dulo ng kwarto at nakita ko sa dingding ang iba't ibang sandata na nakasabit. May mga baril, pana, at espada. May mga kasuotan din na sa tingin ko ay ginagamit para sa pakikipaglaban. May mga iba't ibang klase na granada at mga bomba. Nakakita rin ako ng latigo atsaka malaking kama sa may gilid. Anong klaseng silid ba ito? Nakakamangha talagang makakita ng ganito sa personal. Dati ay nababasa ko lang ang ganito sa mga libro ngayon ay nararanasan ko na. "Ay! Oo nga pala!" biglang sigaw ko at dali-daling nagpunta kay Nero na ngayon ay nakaupo na sa upuan nito at parang may binabasa. "Ano ba 'yon? Bakit bigla-bigla ka na lamang sumisigaw riyan?" sagot nito. Hindi pa rin nag-aangat ng tingin si Nero sa akin at nakatutok lamang ang mga mata nito sa pagbabasa. "Akin na," ani ko. "Ang ano?" "Ang kwintas ko," sagot ko naman. Doon lang nag-angat ng paningin ang lalaki at tiniklop nito ang libro na binabasa at tumingin sa akin. "Ito ba?" Bahagya nitong inangat ang suot nitong t-shirt atsaka ipinakita ang kwintas. "Oo! Akin na 'yan." Inilahad ko ang palad ko para kunin ang kwintas. Hinubad naman ni Nero ang suot nitong kwintas at inilagay sa palad ko. Wala namang iba pang sinabi si Nero sa akin at kusa niya naman ibinigay ang kwintas. Mabuti na lamang at mukhang hindi siya sinusumpong ngayon at mabilis siyang kausap. "Umupo ka rito," ani nito sa akin. Sumunod ako sa sinabi ni Nero at umupo ako sa kaharap nitong upuan. Halos matawa pa ako nang matingnan ko ng buo ang kasuotan nito. Isang malaking t-shirt na lawlaw ang suot niya ngayon at pantalon na sa sobrang haba ay naaapakan niya na. Ang tangkad niya kasi kumpara naman sa katawan ko 'di ba? Mataas na nga ako sa height kong 5'6 pero nagmumukha pa rin akong duwende kapag ikukumpara sa kan'ya. "Ano ba 'yan Nero?! Afford mo naman sigurong bumili ng damit. Maawa ka naman sa katawan ko," himutok ko. Hinawakan ko ang buhok nito at bahagya pa siyang napaatras sa ginawa ko. Nagulat siguro ang lalaki dahil mabilis itong umiwas sa akin. "Pumirmi ka nga, may e-checheck lang ako." Pagkahawak ko sa buhok niya ay napailing na lamang ako. Ang iniingatan kong buhok ngayon ay para nang buhok ng kabayo dahil sa tigas niyon. Buhaghag at mukhang hindi niya ata sinusuklayan at diretso lang siya sa pagtali. "Ano bang ginamit mo sa buhok ko!" nakukunsumi kong tanong. Masakit talaga sa loob ko na makita na naging dry at frizzy na ang buhok na iniingat-ingatan ko noon. Grabe 'yong ginawa kong routine sa buhok ko mapanatili lang na smooth and shiny pero sinira lang ng lalaking 'to. Nagmukha pa akong palaboy dahil sa suot niya ngayon. Gets ko naman na lalaki siya pero clueless ba talaga siya sa dapat suotin ng mga babae? "Ang sarap nga guntingin nitong buhok mo. Ang haba-haba tapos ang init pa. Sagabal lang," ani ni Nero. "Subukan mo lang at kakalbuhin ko rin itong buhok mo," pagbabanta ko. Para talaga kaming mga aso't pusa kung magbangayan. Magkasalungat kasi ang mga ideya namin kaya lagi kaming nag-aaway. "O siya, tigilan mo na 'yan. Magpabili ka na lang ng damit kay Ace. Ikaw naman ang may alam ng size ng katawan mo," utos nito sa akin. Nagsimula na siyang magturo ng mga bagay na dapat kong malaman. Lalo na kay Supremo at sa konseho o ang tinatawag nilang "the four elders" sila ang mga tagapayo at namamalakad ng mga batas sa organisasyon. Sabi ni Nero na masakit sila sa ulo dahil na rin sa mahigpit nilang mga utos at batas. Mahirap din silang lusotan lalo na't pumalpak ka sa mga operasyon na iyong ginawa. Kaya dapat alam mo kung paano sila paamuhin. Isa rin sila sa mag-dedesisyon kung sino ang magiging susunod na Supremo ng samahan kaya dapat makuha mo ang loob nila. "Nakakatakot ba sila?" tanong ko naman. Hinawakan ni Nero ang baba nito at hinimas-himas na parang nag-iisip siya ng isasagot sa tinanong ko. "Hindi naman, hindi kasi ako natatakot sa kanila. Ako ang batas sa organisasyong 'to at ako lang rin ang susunod sa trono ni ama," puno ng kumpyansa na ani nito sa akin. Bakas sa tinig ni Nero ang malaking paniniwala sa kakayahan niya bilang lider. Nakikita ko kung paano niya taas-noong inaangkin ang sa palagay niya na sa kan'ya. Ang katawang 'to na nasa akin ay may mga palatandaan na sanay siya sa pakikipaglaban. Mga peklat nito sa katawan na alam ko nakuha niya sa pagsasanay at pakikipagbuno sa mga kalaban niya. Wala kang makikitang takot sa mga mata nito at mukhang nasanay na siya na nasa bingit lagi ng kamatayan ang buhay. "Isaulo mo ito babae, hindi mo dapat sirain ang imahe ko," saad nito atsaka binigay sa akin ang libro. "Ano 'to?" tanong ko. "Libro ng kasaysayan ng Kaharian ng Westeria," sagot naman niya. "At ito," dagdag nito at may inabot pa sa akin na isang makapal na libro. "La Tierra?" basa ko. "Ang lugar kung saan ka nagmula," sagot ni Nero. Nagulat ako sa sinabi niya. Ang lugar kung saan ako nagmula? Ang earth ba ang tinutukoy nito? "Hindi ko pa nakukumpirma pero ayon sa sinabi mo sa akin. Napagtanto ko na hindi ka galing sa mundong 'to," si Nero. "Ang La Tierra ay isang pagbubunyag sa isang mundo na may malaking pagkakahalintulad sa mundong 'to. Ayon sa nabasa ko sa librong 'yan, maraming kaso na rin ang naitala sa mga biglaang pagkawala ng mga tao sa kaharian. Hanggang ngayon ang iba ay hindi pa nakababalik," pag-kukwento nito. "Parallel world?" wala sa isip kong saad. Napag-aralan ko na 'to sa paaralan noon at nakapagbasa na rin ako ng libro na tungkol dito. May mga teorya tungkol sa tinatawag nilang parallel world. Isang dimensyon kung saan may isang pang mundo na may naninirahan ding mga tao. Ngunit akala ko ay hindi ito totoo at pinabulaanan na rin ang teoryang ito ng ibang scientist. Paano naman ako napunta rito? Sa pagkakaalam ko ay wala naman akong isinagawang ritwal o makinarya na ginamit upang makapaglakbay. "Ang libro na ito ay isinulat ng isang kamag-anak na malapit sa akin. Nang malaman ng hari ang tungkol sa mga librong ito ay ipinasunog niya lahat ng kopya at ipinatapon sa ibang dako ng kaharian ang tiyahin ko," wika ni Nero. Isang manunulat din ang tiyahin niya? Nagalak naman ako sa nalaman ko. Masayang malaman na isa ring manunulat ang tiyahin nito sa wakas ay may makakaintindi sa nararamdaman ko. "Kung alam ng tiyahin mo ang tungkol sa mundo namin. May posibilidad ba na alam niya kung paano tayo makababalik sa kan'ya-kan'ya nating katawan?" tanong ko kay Nero. Tumayo si Nero mula sa pagkakaupo at naglakad-lakad ang lalaki habang hawak nito ang isa pang manipis na libro. "Mahigit dalawamput taon ko na siyang hindi nakikita. Ang huling balita ko ay ipinatapon siya ng hari sa isang isla," saad ni Nero. "Siya lang ang nakakaalam sa kababalaghang ito. Kailangan natin siyang mahanap." Tumango ako sa sinabi ni Nero. Sa sitwasyon namin ay wala na kaming iba pang solusyon kung hindi ang hanapin ang tiyahin nito. Dapat maging maingat kami kung gusto pa naming makabalik sa dati naming mga buhay. Nagpatuloy kami sa pag-uusap at nagpatuloy rin si Nero sa pagtuturo sa akin sa dapat kong sabihin sa harap ng konseho. Mga bagay na dapat kong tandaan at mga bagay na dapat kong iwasang gawin. "Ang apat na konseho ay masyadong strikto sa mga misyon. Dahil nga sa palpak ang kinalabasan ng misyon na ginawa namin ni Ace ay uulanin ka nila ng katanungan tungkol do'n," ani ni Nero. "Iwasan mong sumalungat sa kanila at sabihin mo ang katotohanan." "Ano namang sasabihin ko e wala nga akong alam do'n sa nangyari sa inyo ni Ace." "Hindi ko nga rin alam kung saan kami nagkamali ng pagkalkula," nahihiwagaan na ani ni Nero. "Alam kong plakado ang plano naming paghatid ng mga armas sa ibang bayan." Napaisip naman ako. Kung ganoon na perpekto na pala ang plano nito bakit nagkaroon ng butas? Isa lang ang ibig sabihin nito. May daga sa lungga nila. Ang daga na 'yon mismo ang bumutas sa mga plano nila. Hindi ko pa nakukumpirma itong nasa isip ko pero alam kong alam na din ni Nero 'to. "Gusto atang makipaglaro ng munti kong panauhin. Masyado siyang matapang upang pasukin ang lungga ko," si Nero. May ngisi na sa kan'yang labi habang nanlilisik ang mga mata. Ito na naman siya. Nararamdaman ko naman itong nakaka-panlamig na aura ni Nero sa t'wing nagseseryoso ang lalaki. Nakakatakot siya at nakakapanindig balahibo. Pero dahil nasa katawan ko siya ay ang galit nitong ekspresyon ay nababawasan ng slight at hindi na siya masyadong nakakatakot tingnan. "May traydor sa organisasyon?" tanong ko. "Oo, at mukhang may bisita tayong dapat salubungin. Kung sino man siya ay maghanda-handa na siya. Mahal ako maningil," sagot ni Nero. Sino naman ang may lakas ng loob upang magtraydor? Sa ganitong lugar ay walang espasyo ang pagtataksil dahil buhay mo ang magiging kapalit kapag nahuli ka. Ang dami ko pang dapat matutuhan ngunit agad rin akong sinalubong ng problema. Una ay sa pagkakapalit namin ng katawan ni Nero, ang pagpapatawag ng Konseho at itong paghahanap sa taksil ng grupo. Ang hirap ha?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD