"Ano nga ulit ang isasagot mo kung sakaling magtanong ang konseho tungkol sa nangyari sa misyon?" tanong ni Nero sa akin.
Nakatayo ako sa harap ng lamesa nito habang nakaupo naman ang lalaki at nagtatanong sa akin. Para akong sumabak sa oral quiz dahil sa ginagawa namin ngayon.
"Sa hindi malamang dahilan. Nabulilyaso ang misyon dahil sa tumagas ang plano ng grupo. Na-ambush kami at muntik ng mapahamak. May traydor sa organisasyong 'to. May nangahas pumasok sa teritoryo ko at mananagot ang maysala," wika ko. Nakapikit pa ako habang sinasaulo iyon sa harap niya.
Napamulat ako nang bigla na lamang hinampas ni Nero ang lamesa dahilan kaya napatalon ako sa gulat.
"Hoy? Ano ba!"
"Iyan ang problema mo. Hindi ako gan'yan kumilos. Hindi rin ako gan'yan kung magsalita. Gusto mo pa ba talagang mabuhay?" seryosong tanong nito sa akin.
Napakagat-labi na lamang ako. Natatakot ako at hindi ko maikakaila na nagtatapang-tapangan lang ako simula pa noong una. Nahihirapan akong magpanggap pero wala naman akong magawa.
"Huwag kang umiyak," mariin nitong ani. Nakatitig ito sa akin habang nakayuko naman ang ulo ko. Kumakabog nang malakas itong puso ko at hindi ako makatingin sa mga mata nito. Takot akong makita ang mabangis niyang titig sa akin.
"Kailangan mong maging malakas kung gusto mong pareho tayong mabuhay," ani ni Nero. "Gusto mong bumalik sa katawan mo? Ganoon din ako. Kaya wala kang oras para umiyak at magpakita ng kahinaan. Simula ngayon, ikaw na si Nero. Kilala ako bilang mabagsik at walang kinakaawaan at lalong-lalo na wala akong kinatatakutan."
Wala akong ibang nagawa kung hindi ang tumango na lamang. Tama siya, kung nais ko pang mabuhay ay kailangan kong lumaban. Pinunasan ko ang luhang namamalisbis sa aking mga pisngi at pinatatag ang aking kalooban. Saglit kong hinawakan ang suot na kwintas upang kumuha ng lakas do'n. Inisip ko ang mga magulang ko at nanalangin. Sana'y gabayan nila ako at bigyan ng lakas sa kinakaharap kong dagok.
"Handa na ako," matigas kong wika.
Nakita ko sa mga mata ni Nero ang pagsang-ayon sa tunog ng boses ko. Nakahinga ako nang maluwag. Kailangan ko lang talaga pigilan ang emosyon ko at paganahin ang utak.
"Kung magtatanong ang konseho sa'yo kung ano na ang plano mo. Anong isasagot mo?" tanong nito sa akin.
"Wala akong tiwala sa lahat ng nandirito ngayon. Hindi ko na dapat pang ipaalam sa inyo ang mga hakbang na aking gagawin. Hindi lang sa gubat ang may ahas ngayon, may nagkukubli na rin dito sa organisasyon," sagot ko. Malakas ang aking boses at pinilit kong kopyahin ang totoong boses ni Nero kapag nakikipag-usap.
"Tama 'yan, tandaan mong huwag kang magpapaalipin sa konseho. Palaban akong tao at tandaan mo iyan. Mukhang alam mo naman ang lahat ng sasabihin mo. Halina na't magpahinga na tayo," saad ni Nero.
"Ha? Anong pahinga?! Saan ka ba matutulog ngayon?" sigaw ko.
"Sa kwarto ko," walang ganang sagot naman ng lalaki sa akin.
Ibig bang sabihin ay magtatabi kami?! Nanlaki ang mata ko dahil sa naisip. Hindi pwede! Kahit kailanman ay hindi ako nakaranas ng may katabi sa pagtulog at mas worst pa sa isang lalaki! Hindi ako sanay at nakakailang iyon.
"Ayaw ko," biglang sagot ko sa kan'ya.
"Hindi ko hinihingi ang pagsang-ayon mo. Kwarto ko iyon at ako ang masusunod." Inisa-isang inilagay ni Nero ang mga librong binasa nito kanina sa aklatan. Nakatalikod ang lalaki sa akin at gustong-gusto ko siyang kutongan ngayon ngunit naalala ko na nasa katawan ko pala siya. Kung gagawin ko iyon ay para ko na ring kinutongan ang sarili ko.
Lumabas si Nero sa sekretong silid nito at sumunod naman ako. Nakabusangot ang mukha ko habang tinititigan ang likod nito. Ang liit-liit niya ngayon kung ikukumpara sa akin. Kayang-kaya ko siyang ibalibag nang makaganti naman ako.
"Ano bang pinag-aalala mo? Natatakot ka bang may gawin akong masama sa'yo?" tanong nito. Nauna pa ang lalaki sa paghiga sa kama at naiwan akong nakaupo lamang sa sofa nitong kwarto.
Napakalamig na rin ng paligid. Hindi ko nga alam kung bakit malamig itong silid niya. Wala namang aircon pero dinaig pa ang pinagsamang sampung aircon sa lamig ngayon. Iisa lang ang comforter kaya kung magmamatigas ako ay maninigas ako sa lamig.
"Umusog ka nga," marahan kong ani. Nanginginig na ako sa lamig habang prente lang nakahiga ang lalaki sa higaan. Mukhang sarap na sarap ang pakiramdam nito at hindi nito narinig ang sinabi ko.
"Whoy? Usog sabi ko." Tumalikod ang lalaki sa gawi ko kaya nakakuha ako ng tiyempo upang makahiga. Agad akong naglagay ng comforter sa buo kong katawan at agad lumukob sa katawan ko ang init na dala niyon.
"Maghanda ka bukas para sa huling araw ng pagsasanay mo. Kailangan mong matuto ng simpleng pakikipaglaban," ani nito at hindi nagtagal ay narinig ko na lamang ang mapayapa nitong paghinga. Palatandaan na nakatulog na talaga siya.
'Yon na 'yon?! Hanep! Ang bilis niyang makatulog ha? Mukhang sanay na sanay ata ang lalaki na may katabing iba sa kama. Habang ako ay nagmukhang kuwago na rito sa gilid dahil hindi pa rin ako dinadalaw ng antok. Akin na lamang yinakap ang comforter at pinilit kong makatulog. Ito ang unang beses na may katabi ako simula noong namatay ang mga magulang ko. Naninibago ako pero ano pa nga ba ang magagawa ko?
Hindi naman nagtagal ay unti-unti na akong nakatulog. Hanggang sa panawan na ako ng ulirat at humimbing na ang tulog ko. Nagising ako mula sa ingay ng isang pito. Napabalikwas ako sa higaan ko at nakita ko si Nero sa may paanan ng kama. Bagong ligo siya at maayos na rin ang damit nitong suot. Isang short at isang itim na oversize tshirt ang suot ng lalaki ngayon.
"Ano pang tinutunganga mo riyan? Kilos na!" sigaw nito sa akin.
Agad akong bumaba sa kama at dumiretso sa banyo. Pahirapan na naman ako sa pag-ihi dahil hindi ko na naman maiwasang makita at mahawakan ang alaga nito. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin lubos maisip na nahahawakan ko ang simbolo ng mga kalalakihan. Ako man ay hindi matanggap na nakita na rin ni Nero lahat ng itinatago ko sa katawan. Nakakahiya man ay nilunok ko na lamang ang sarili kong pride para rito. Hindi na dapat ako umangal dahil wala naman sa amin ang may kagustuhang magkapalit ng katawan.
"Ang bagal mong gumamit ng banyo! Ano na?" Malakas nitong pinagkakatok ang pinto ng banyo at halos mahulog pa ang sabon sa kamay ko. Ano ba 'to? Military training ba itong pinasukan ko? Ni hindi pa nga ako nag-aalmusal at mukhang mapapasabak na naman ako.
"Hoy babae! Lagpas trenta minuto ka na riyan. Huwag mong sabihin pinagnanasaan mo pa ang katawan ko," wika nito mula sa labas.
"Hah! Mukha mo! Ako? Magnanasa sa'yo? Gumising ka nga," sagot ko.
Hindi nga ako naghuhubad ng damit sa tuwing naliligo. Ayaw na ayaw ko talagang makita ang katawan nito at pinipikit ko rin ang mata ko kapag sinasabunan ko iyong alaga niya sa baba. Lagi pa namang galit ang alaga nito tuwing umaga at ang hirap ibalik sa dati!
"Gising na gising na ako babae. Nakaligo na nga ako eh," saad ni Nero.
"Anong ginawa mo sa katawan ko?" kinakabahan kong tanong.
"Sinabunan, ano pa nga ba?"
Sumagi naman sa isip ko kung paano niya sinabunan ang katawan ko. Walanghiya talaga! Pakiramdam ko ay namolestiya ang kabuuan ko sa mga pinagsasabi niya ngayon sa akin.
"May ginawa kang kalokohan no?!" bintang ko.
"As if namang mamanyakin ko itong patpatin mong katawan. Wala ka pa sa kalingkingan ng mga babaeng naikama ko na kaya huwag kang mangarap," pang-iisulto ng lalaki sa akin.
Sa wakas ay natapos na ako sa pagligo at agad ako lumabas ng banyo. Naabutan ko pa si Nero na nakaupo habang naka-krus ang mga paa nito. Inip na inip ang lalaki sa paghihintay at kita naman iyon sa mukha niya.
"U-hmm pwedeng tumalikod ka muna?" ani ko.
Tiningnan ako ni Nero at napailing.
"Huwag mong sabihing nahihiya ka? Katawan ko iyan at hindi sa'yo. Ang labo mo."
"Eh, ano naman ngayon? Sa hindi ko gustong may tumitingin sa akin kapag nagbibihis eh. Atsaka bakit itim lahat ng sando mo? Wala ka bang ibang damit? Maghubad ka na lang kaya," asik ko naman sa kan'ya.
"Geh, hubad na," kaswal nitong tugon sa akin.
"Anong sinabi mo?" gulat kong tugon.
"Pinapahubad mo ako 'di ba? O siya, maghubad ka na," ulit pa nitong ani.
Nayayamot na talaga ako kung kaya't walang imik akong kumuha ng isang pares ng damit at dumiretso sa banyo. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang magbihis na lamang sa banyo dahil may demonyo sa labas. Kung papatulan ko lamang ang mga pasaring niya ay hindi ako matatapos at baka malamigan pa ako lalo pa't nasa Antarctica ata naka-locate ang silid ng lalaking 'to. Napakalamig na animo may nakapaligid na snow.
Pagkalabas ko ulit ay nakita ko na ang nakahandang pagkain sa lamesa. Akala ko talaga ay hindi kami kakain at diretso na kami sa pagsasanay. Buti naman at mag-aagahan muna kami ngayon. Umupo ako sa kaharap nitong upuan at agad nilantakan ang isang piraso ng fried chicken. May macaroni soup rin atsaka salad. Hindi talaga mawawala ang salad sa tuwing naghahatid sila ng pagkain dito. Lagi talaga nilang inaalala ang kalusugan ng lalaki.
"Kumain ka at kailangan mo ng lakas mamaya para sa ensayo natin," si Nero.
"Kwakwain kwa twalaga akho," wala sa ayos na sabi ko. Puno kasi ng kanin ang bunganga ko kaya hindi ko siya masagot nang matino.
"Ang baboy mong kumain. Mamaya ka na nga magsalita."
Ang arte talaga ng lalaking 'to. Bahala nga siya. Kumain lang ako nang kumain at si Nero naman ay nagkape lang at pancake. Hindi ata siya kumakain ng heavy breakfast dahil hindi naman kumain si Nero ng kanin. Atsaka kita naman sa katawan nito ang matinding pangangalaga. Pinanatili talaga nito ang perpektong hubog ng katawan. Pero pasensya na lamang sa kan'ya at hindi ko hahayaan ang sarili kong magutom dahil kakain ako nang marami.
"Tsk, ang takaw mo pala," komento ni Nero.
"So?"
"Hinay-hinay hoy, hindi ka naman mauubusan," sagot nito.
Umiling pa ang lalaki. Naiinis na talaga ako sa lalaking 'to. Panay iling at nakakaloko pa kung ngumiti. Masyado siyang nawiwili na pagtripan ako. Pagkatapos kong kumain ay napahimas ako sa tiyan kong bilog na bilog. Napatawa pa ako dahil parang nawala ang abs ko sa tiyan dahil sa kabusugan ko ngayon.
"Anong nginingiti-ngiti mo riyan?" nakataas kilay na tanong ni Nero sa akin.
"W-wala pfftt!"
Mukhang effective ang pagtawa ko dahil kumunot naman ang noo ng lalaki habang tinitingnan ako. Aba'y pikon naman pala.
"Tumayo ka na nga riyan." Hinila niya ang kamay ko ngunit hindi niya ako mapatayo. Sa bigat kong 'to ay hindi niya talaga ako mapupwersang mapatayo.
"Hoy, kumilos ka nga. Nagpapahila ka ba?"
Tumingala ako sa kisame at nagpatay-malisya na lamang. Sino ba kasing may sabi na hilahin niya ako 'di ba? Siya lang naman ang nagkusa tapos aangal siya. Ang gulo niya talaga eh.
"Tayo na kasi. Magsisimula na tayo." Iniwan ako ni Nero at dumiretso na ito sa sikretong silid kung saan kami mag-eensayo ngayon.
Tumayo naman ako at sumunod sa kan'ya sa loob ng silid. Nakita ko namang nag-aayos ng boxing gloves si Nero at inihagis nito ang isang itim na pares ng boxing gloves sa harap ko. Muntik ko nang hindi masalo iyon buti na lamang ay maliksi ang kilos ko at naagapan kong tuluyan iyong mahulog sa sahig.
"Nice catch," puri nito.
"Pangit mo," sagot ko naman.
"Sarili mo ba ang sinasabihan mo niyan?"
Napasabunot na naman ako sa buhok ko dahil sa pambabara niya sa akin. Sabi ko nga hindi na ako magsasalita pa. Nang matapos kong masuot ang boxing gloves ay kinopya ko naman ang ginagawa nito. Sumusuntok kasi ito sa kawalan kaya ginawa ko na rin. Kahit parang ang lamya tingnan ng mga suntok ko. Ang hirap pa naman dahil mabigat ang mga kamay nito.
"Hindi ba busog ka? Ano 'yan?" puna nito sa ginagawa ko. "Daig mo pa ang hindi nakakain ng ilang araw."
"Heh! Ang bigat kaya ng katawan mo. Atsaka, tigilan mo nga ako at magturo ka na lang," inis kong tugon kay Nero.