Ilang minuto pa kaming naghintay sa ilalim ng puno ng niyog ngunit wala pa rin sila. 5pm na at nakatanaw lang kami ni Enzo sa harap ng dagat upang abangan sila.
Maya-maya pa, nagpaalam sa'kin si Enzo para bumalik muna sa hotel upang magshower.
"Okay ka lang ba dito, pare?" tanong niya habang tumatayo.
"Oo naman. Sige, mauna ka na. Hintayin ko lang sila dito." nakangiting sagot ko sa kanya.
"Okay, sige. Madali lang ako. Babalikan kita agad dito." seryosong sambit niya sabat tapik ng balikat ko.
"Sige lang, pare. Take your time." tugon ko.
Naglakad na siya palayo at naiwan akong mag-isa sa ilalim ng punong inuupuan ko. Hindi pa naman gano'n kababa ang araw kaya nagpasya muna akong manatili para hintayin sila. Bakit ba ang tagal nila? Kanina pa 'yon, ah? Magta-tatlong oras na rin silang wala. Ano kayang ginagawa ng mga 'yon, ngayon? Hindi ko pa rin maiwasan palihim na mainis sa kanila dahil hindi manlang nila kami sinabihan sa lakad na gagawin nila. Akala ko ba, hindi nag-iiwanan ang magkakaibigan? Tss.
Kanina ko pa rin napapansin na wala rin yung ilang mga taong kasama naming bumiyahe galing Manila, yung mga taong nanalo rin ng trip dito sa Palawan. Bakit parang lahat sila wala? Ilang mga foreigners at mga resort's crew lang yung mga nakikita ko dito eh. Nakakainip na.
Eksakto 5:30pm, natanaw kong papalapit ang isang bangka papunta dito sa resort. Mukhang sila na 'yon. Medyo malayo pa kasi kaya hindi ko masyadong maaninagan yung mga mukha nung nakasakay doon. Siguro mahigit sa sampu ang mga nakasakay doon at lahat sila kumakaway habang papalapit ng papalapit ang bangka sa resort.
Nang mas lumapit pa ang bangka ay nakita ko agad ang apat kong kaibigan, kasama yung iba pang mga nakasakay doon. Mukhang masaya sila, ah? Saan kaya nagpunta ang mga 'to?
Nang mapansin nila ako ay agad nila akong kinawayan. Isa-isa silang bumaba mula sa bangka at agad akong pinuntahan sa kinatatayuan ko.
"Hi Rylan!" masiglang bati ni Kate na napayakap sa'kin.
"Yow, Rylieee!" sambit ni Luna at yumakap rin sa'kin. Anong meron?
"Saan kayo galing? Kanina pa namin kayo hinihintay, eh." inis na tanong ko sa kanila.
"Pasensya na, pare. Hindi na kami nakapagpaalam sa inyo, biglaan kasi eh. Tinour lang kami kasama yung iba nating kasama dito sa resort." paliwanag ni Vin.
"Oo nga, Rylan. Hindi rin namin kasi kayo mahanap kanina, eh." dagdag pa ni Renz.
"Ah, gano'n ba? Ano namang meron sa tour? Halos tatlong oras, ah?" tanong ko pa sa kanila.
"Hay nako, Rylan! Sobrang dami ng nilibot naming lugar! May mga caves, mga bats na lumilipad, tapos yung mga rock formations na sobrang pretty!" eksaheradang kwento ni Kate habang minumustra pa sa kamay yung mga ginawa nila.
"Mabuti naman at nag-enjoy kayo. Kahit na wala kayong pasabi sa'min ni Enzo. Tatlong oras kaya kaming naghintay sa inyo dito." sambit ko pa.
"Speaking of Enzo, nasa'n siya?" tanong ni Luna.
"Nasa hotel room, naliligo." sagot ko.
"Saan ba kayo nagpunta kanina, pare?" tanong naman nitong si Renz.
"Ay, oo nga pala! Hindi mo pa nga pala nake-kwento sa'min kung saan kayo galing kanina!" sambit pa ni Kate na may paghampas pa sa braso ko.
Oo nga pala, hindi ko pa nga pala nasabi kanina kung saan kami nagpunta ni Enzo. Sasabihin ko ba sa kanila yung totoo? Na pinuntahan namin si Janna para kausapin niya? Siguro mas maganda na rin yung malaman nila, dahil baka may maitulong din sila sa kay Enzo.
"Maupo muna kayo, ike-kwento ko sa inyo." utos ko sa kanila.
Umupo naman sila at lahat kami'y magkakatabing nakaharap sa lumulubog na araw. 6pm na pala at nagkwento na rin ako tungkol sa pinuntahan namin ni Enzo kanina.
"Omg. Maganda ba yung girl?" manghang tanong sa'kin ni Kate.
"Maganda siya. Matangkad at mukhang modelo pero pinay na pinay." tugon ko.
"Eh, ano'ng ginawa niyo doon sa lalake? Binugbog niyo ba? Niresbakan?" tanong naman ni Vin.
"Hindi, eh. Pero kung ako lang ang masusunod? Baka nasapak ko na yung bisugong 'yon, masyadong mayabang eh. Ayaw naman nitong si Enzo, ayaw niya daw ng gulo." sagot ko.
"Nako! Kung ako sa inyo binigyan ko na yung ng isang suntok sa magkabilang mata!" nanghihinayang na sambit ni Renz.
"Renz, tama si Enzo. Mas mabuti na 'yong walang gulo. Tama lang yung ginawa nilang hindi na patulan yung lalake." pagsang-ayon sa'kin ni Luna.
"So, kamusta si Enzo?" tanong naman ni Kate.
"Ayun, medyo malungkot pa rin. Matamlay dahil sa mga nangyari kanina. Magulo yung isip niya dahil hindi niya raw alam kung paano magsisimula." tugon ko.
"Hay nako, kung ako ang nasa sitwasyon ni Enzo? At hiwalayan ako ng jowa ko? Baka magpakamatay nalang ako!" sambit ni Renz.
"Hoy! Ano ka ba?! Baka marinig ka nung tao, makakuha pa ng maling ideya sa'yo!" pagkontra ni Luna.
"Ang hirap talaga kapag brokenhearted ang isang tao. Hindi niyo alam yung pakiramdam, para kang pinapatay nung sakit sa loob mo." seryosong sambit naman ni Vin.
Bigla akong natamaan sa sinabi ni Vin. Naranasan na rin niya kasi yung masawi sa pagmamahal sa unang girlfriend niya. Ilang months din 'yan bago maka-move on, mabuti nalang at maayos na siya ngayon. Naisip ko lang, kapag daw brokenhearted parang pinapatay? Gano'n ba kasakit yung nararamdaman ni Enzo? Bigla tuloy akong na-guilty sa mga sinabi ko sa kanya kanina. Pinipilit ko siyang magmove on at kalimutan si Janna pero hindi ko alam, mahirap nga palang gawin 'yon.
"Bago natin siyang kaibigan, kailangan niya tayo." seryosong sabi ni Kate.
Lahat kami ay gulat na napatingin kay Kate. Maging ako ay nabigla ng bigla siyang magseryoso. Kadalasan kasi puro hirit at biro ang mga sinasabi niya, ngayon lang siya nagseryoso ng ganito. Himala!
"Wow, totoo pala ang himala?! Hahaha!" banat ni Enzo kay Kate kaya agad siyang sinapok nito.
"Sira ulo ka talaga Renz! Nagse-seryoso na nga yung tao, eh!" inis na sambit ni Kate sa kanya.
"Alam niyo, tama si Kate. Kailangan tayo ngayon ng bago nating kaibigan. Tulungan natin siyang unti-unting maka-move on sa pinagdaanan niya. Alam ko na alam niyong hindi madali ang nangyari kay Enzo. Sana kahit papaano, maramdaman niyang nandito tayo para sa kanya." litanya ko na sinang-ayunan nila.
"Ayos kami dyan!" sambit ni Renz at Vin na naka-thumbs up pa sa'kin.
"Me too." sabi ni Kate na may pagkindat pa.
"For our new found 'brokenhearted' friend! Oplan Pasayahin si Enzo!" sigaw ni Luna at um-apir saming lahat.
Hindi ko alam kung saan galing yung 'OPLAN PASAYAHIN SI ENZO', sumang-ayon na rin lang ako at naki-apir na rin sa kanila.
"Mamayang 9pm magkakaroon dito ng camp fire ang buong resort. Nabalitaan ko kasi nung naglalakad-lakad ako. Mukhang masaya 'yon! Yayain natin si Enzo!" sabik na sabi ni Kate.
"Camp fire? Lahat ng tao sa resort? Mukhang ayos 'yan, ah?!" pagsang-ayon namin ni Renz.
"Ikaw nalang yung magsabi sa kanya, Rylan. Tutal, mas close naman kayo sa isa't isa eh. Sigurado ako, papayag 'yon." pakiusap ni Luna sa'kin.
"Sige, sasabihin ko." nakangiting tugon ko sa kanila.
7pm na noong pumasok kaming lahat sa hotel para maligo. Matapos makapagbihis at makapag-ayos ng mga sarili ay bumaba na rin kami para kumain. Natapos ang aming dinner pero hindi ko nakitang lumabas si Enzo. 8:30pm na at nagpasya muna kaming umakyat para magpahinga panandalian sa aming mga kwarto. 30 minutes pa kasi bago yung malaking camp fire sa labas kaya medyo naghihintay pa kami.
Lumabas ako ng aking kwarto upang puntahan si Enzo sa kwarto niya. Kumatok ako at hindi rin naman nagtagal ay binuksan niya rin 'yon. Nakasuot siya ng isang fit na sandong kulay grey at isang jersey short. Mukhang kagigising niya lang.
"Good evening, pare. Pasensya na, nagising yata kita." pagpapaumanhin ko sa kanya.
"Hindi, okay lang. Gising na rin naman ako. Anong meron?" tanong niya habang kinukusot ang mata.
"Ah, ano kasi. May malaking camp fire na magaganap mamaya sa labas. Maraming tao dun mamaya at mukhang masaya 'yon. Yayayain ka sana namin nila Renz na bumaba. Inuman na rin pagkatapos. Okay lang ba?" paliwanag ko sa kanya.
"Sure. Wala naman na akong gagawin pa." nakangiting sagot niya.
"Talaga? Sige, pare."
"Sige, susunod nalang ako mamaya." sabi niya at tumango nalang ako.
Bumalik na ako sa kwarto ko at humiga muna sandali. Ilang saglit pa ay nakarinig ako ng katok mula sa labas ng kwarto ko.
"Rylan? Tara na." boses iyon ni Luna habang naririnig ko rin ang mga boses nila Kate at Renz.
Tumayo agad ako at binuksan ang pinto para harapin sila. Pagbukas ko ng pinto ay nakita ko yung tatlo na nakasuot ng pare-parehong nerd glass. Anong meron?
"Anong trip 'yan?" takadong tanong ko sa kanila.
"Alin? Eto ba?" sabi ni Kate habang tinuturo ang salaming suot niya.
"Oo, anong meron? Bakit lahat kayo may suot na ganyan? Nerd Day ba ngayon?" sambit ko.
"Sira! Hindi, noh. Binili namin 'to kanina habang wala kayo. Mayroon kaming binili para sa inyo. Suotin mo." utos sa'kin ni Luna habang binibigay ang isang black nerd glass na hawak niya.
"Sigurado kayo?" tanong ko at tinanggap naman 'yon.
"Suotin mo nalang, pare!" dagdag pa nitong si Renz.
Sinuot ko nalang iyon kahit pa nag-aalangan ako. Mukhang ayos naman at wala namang grado kaya hindi nalang ako nagreklamo. Pakiramdam ko tuloy, ang tali-talino ko dahil sa salaming suot ko. Lols.
"Teka? Nasaan nga pala si Vin? Hindi niyo kasama?" tanong ko ng mapansing wala si Vin.
"Nasa kwarto niya pa, nagbibihis." sagot ni Luna.
Ilang sandali pa ay lumabas na rin ng kwarto si Vin at nakasuot rin ito ng ners glass, katulad ng suot namin.
"Tara na guys?!" sabi niya sabay akbay sa'ming apat.
"Sandali lang, si Enzo? Hindi ba natin hihintayin?" tanong ni Kate.
"Oo nga, hintayin na natin!" pagsang-ayon naman ni Luna.
Maya-maya pa ay lumabas na si Enzo. At agad na ngumiti ng mapansin kami. Lumapit siya sa'min at agad naman siyang sinalubong ni Kate.
"Hi Enzo! We have something for you!" sabi ni Kate at inabot kay Enzo ang nerd glass na hawak niya.
"Para saan 'to?" tanong niya.
"Suotin mo, para pare-pareho tayo." nakangiting sagot ni Kate.
Wala namang alinlangan pa at sinuot 'yon ni Enzo. Hindi siya nagcomplain pa ng kahit ano. Lumapit siya sa'min at isa-isa kaming binati. Sabay-sabay na kaming pumasok sa elevator at bumaba ng hotel. Naglakad na kami papunta sa malaking camp fire na gaganapin malapit sa beach at tanaw agad namin ang maraming tao doon. Yung iba pinagtitinginan kami dahil sa suot naming mga nerd glass, dedma nalang kami at nagpatuloy na sa paglalakad. Awkward.
Nakarating kami sa mismong camp fire venue at nakita naming maraming taong nakaupo doon. Pumwesto kami sa bandang likod at agad na umupong magkakatabi. Katabi ko si Luna sa aking kaliwa habang si Enzo naman sa kanan. Yung tatlo naman ay magkakatabi sa kaliwa. Nakatingin lang kami doon sa lalakeng nagsasalita sa unahan, mukhang siya yung pinakamatanda dito at mukhang nasa 40's na siya.
"Magandang gabi sa inyong lahat! Welcome nga pala sa lahat ng nandito ngayon." sabi pa niya at kumaway-kaway sa mga taong nakapalibot sa kanya. "Ako si Mang Lando, matagal na akong makatira dito sa resort ng El Nido at palagi akong gumagawa ng malaking camp fire dito taon-taon. Kapatid ako ng may-ari ng resort at hotel dito sa El Nido, nandito tayo ngayon para mag-enjoy ngayong gabi!" masiglang sabi niya sa lahat at kumaway na namang muli.
Nakinig lang kami sa mga sinasabi niya. Kapatid niya daw yung may ari na hindi naman kahina-hinala dahil mukha naman siyang mayaman. Kwento lang siya ng kwento at nakikinig lang kami. Maya-maya pa ay naglabas siya ng gitara at nagsimula nang tumugtog ng isang pamilyar na kanta. Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko.
Kung tayo ay matanda na,
Sana'y 'di tayo magbago
Kailan man, nasaan ma'y
Ikaw ang pangarap ko
Makuha mo pa kayang,
Ako'y hagkan at yakapin
Kahit maputi na ang buhok ko
Hindi ko maiwasang mamangha dahil sa ganda ng boses niya. Sobrang nakakarelax yung pagkanta niya kaya yung mga taong nakikinig sa kanya, lahat winawagayway yung mga kamay nila. Nagpatuloy yung kanta hanggang sa matagumpay niyang natapos 'yon. Nagpalak-pakan naman lahat kami dahil sa galing niyang kumanta. Lahat sila ay nagsigawan ng kanilang mga papuri, pati yung mga katabi ko. Yung iba pa nga, English yung sinisigaw dahil karamihan sa mga nandito ay foreigners.
Maya-maya pa ay tumahimik na ang lahat ng muli siyang magsalita.
"Salamat po!" nakangiting sabi niya saka nagbow. "It's your turn. Kailangan ko ng isang volunteer na magaling kumanta at marunong maggitara. Mayroon ba dito?" tanong niya at inilibot ang tingin sa'min.
Wala namang nagtataas ng kamay nila at nagulat ako ng biglang sumigaw si Kate.
"Sir! Siya po! Marunong po siyang maggitara at magaling pang kumanta." sigaw ni Kate at nagulat ako ng ako yung itinuro niya. Now f*cking way!
"Oo nga po, magaling 'yan! Diba guys?" dagdag pa ni Renz at sumang-ayon na rin sila Luna at Vin.
"Ako? Nakakahiya." mahinang senyas ko sa kanila.
"Kaya mo 'yan, Rylan!" nakangiting sambit ni Luna.
"Oo nga, pare! Sige na!" pagsang-ayon naman ni Vin.
Napatingin naman ako kay Enzo na nakatingin rin sa'kin. Kaya ko ba 'to? Patay talaga kayo sa'kin mamaya!
"May volunteer na pala tayo, eh! Ikaw na naka-nerd glass na gwapong lalake. Halika dito." nakangiting sabi ni Mang Lando na tinawag akong pumunta sa unahan.
Sa isang banda, wala na rin naman akong lusot dito dahil sa mga pahamak kong mga kaibigan. So, no choice! Gagawin ko na 'to.
Pumunta na ako sa unahan at ibingay niya sa'kin yung gitara. Nag-aalangan akong tanggapin 'yon dahil hindi ko alam kung ano ang kantang kakantahin ko.
"Pwede mo ba kaming kantahan, Mr?" tanong niya na tila hinihingi ang pangalan ko.
"Rylan." sagot ko sa kanya.
"So, Rylan. The crowd is yours! He'll sing for us! Make spme noise guys!" sambit nito at nag-ingay naman yung mga tao sa paligid ko.
Nangingibabaw yung boses ng mga kaibigan ko na humihiyaw para sa'kin. Tiningan ko lang silang lahat, medyo kinakabahan ako. Hindi kasi ako masyadong sanay ng ganito karaming tao kapag kumakanta ako. Lord help me, please?
Ilang segundo pa bago ako magsimula ay napatingin ako kay Enzo na seryosong nakatingin kung nasaan ako. Bigla nalang pumasok sa isipan ko ang kantang Tuloy Pa Rin by Neocolours kaya agad akong nakaisip ng ideya. Nandito na rin lang naman ako, i-de dedicate ko na 'yong kakantahin ko sa kanya. Tiningnan kong muli siya at this time, nakangiti na siya. Nakaramdam ako ng relief ng ngumiti siya bilang pagsuporta. Hinawakan ko na yung gitara at huminga ng malalim bago magsalita.
"Hindi ko po inaasahan 'to. Hindi ako sanay na gawin 'to sa harap ng maraming tao pero gagawin ko para sa inyo. Itong kantang kakantahin ko ay inaalay ko para sa isa naming bagong kaibigan, na ngayon ay may pinagdadaanan sa pag-ibig. Pare, para sa'yo 'to." sambit ko at agad silang nagpalakpakan.
"Go, Rylan! Kaya mo 'yan!" sabay na hirit nila Kate at Luna para palakasin ang loob ko.
"Kaya mo 'yan, pare!" sambit ni Renz habang si Vin nama'y humihiyaw pa.
Bago ako kumanta ay tiningnan ko muna si Enzo. Alam ko na alam niyang siya yung tinutukoy ko sa mga sinabi ko kaya agad siyang naging seryoso muli. Huminga ako ng malalim at nagsimula nang kumata.
Sa wari ko'y
Lumipas na ang kadiliman ng araw
Dahan-dahan pang gumigising,
At ngayo'y babawi na
Muntik nang masanay ako
Sa 'king pag-iisa,
Kaya nang iwanan ang
Bakas ng kahapon ko..
Tuloy pa rin ang awit ng buhay ko
Magbago man ang hugis ng puso mo
Handa na 'kong hamunin ang aking mundo,
Pagkat tuloy pa rin
Nakapikit kong tinapos yung buong kanta at talagang dinama ko yung pagkanta noon. Iminulat ko na ang aking mga mata at pagmulat ko, lahat sila tahimik. Yung iba ay naging emosyunal at bigla nalang umiyak dahil sa pagkanta ko. Anong nangyare?
Napansin kong pati yung mga kaibigan ko, umiyak rin nang matapos ko yung kanta. Ilang sandali pa ay lahat sila nagpalakpakan na. Nagulat ako ng biglang may sumigaw mula sa mga taong nandoon.
"Ang galing mo po kuya! Sobra!" sigaw nung babaeng tumayo na mukhang nasa 18 anyos palang habang nagpupunas ng luha niya.
"That was amazing!" sabi pa nung amerikanang nasa unahan.
"Ang galing-galing mo naman, iho!" sambit naman nung matanda na malapit sa unahan ko.
Nginitian ko lang sila at nagpasalamat sa sunod-sunod na compliment na binigay nila. Hindi ko inaasahang ganun nalang yung magiging epekto nung pagkanta ko sa kanila. Bigla tuloy akong na-proud sa sarili ko matapos 'yon. Agad naman silang nagpalakpakan kasabay ang malalakas na hiyawan na sumisigaw pa ng 'more'. Ngumiti nalang ako sa kanila bilang pasasalamat.
"Maraming salamat po dahil nagustuhan niyo." nakangiting sambit ko at nagbow sa kanila.
"You're a good singer, Rylan." nakangiting sabi ni Mang Lando habang tinatapik ang balikat ko.
"Salamat po." sagot ko at ginantihan rim siya ng ngiti.
Napunta naman ang tingin ko kay Enzo. Nakayuko lang siya at biglang humarap para tingnan ako. Ngumiti siya sa'kin nang may konting luha sa mata.