CHAPTER 2

2252 Words
MADELIN Pagdating ko sa mansyon ng mga Schueremans ay agad akong nagtuloy sa kuwarto namin ni Lola. Agad akong nagbihis ng damit pangbahay at lumabas upang tumulong sa iba pang gawain. Siguro ay tutulong na lamang ako sa kusina. Sigurado kasing abala na sila Lola sa paghahanda ng hapunan. Nadatnan ko nga sila Lola do'n at ang dalawa pang kasambahay ng mga Schueremans. "Andito na pala ang napakaganda n'yong apo Nana Lucila!" ang masayang ani Aling Martha. Parang gusto kong mapanguso tuloy. Maganda daw! Kung noon siguro oo! Noong 'di pa nasusunog ang mukha ko. Bigla akong napahaplos sa kalahating mukha kong nabalutan na ngayon ng pilat. Kung noon siguro, ay baka maniwala pa ako! Pero ngayon ... Para kasing napakahirap nang paniwalaan iyon. Kimi ko silang ningitian. Hindi na lamang ako nagsalita sa sinabing iyon ni Aling Martha. Agad akong lumapit kay Lola para magmano. Nakangiting pinunasan nito ang basang kamay sa suot na apron at saka iniumang sa akin. "Kumusta naman ang unang araw ng apo ko sa unibersidad?" ang nakangiti at puno ng kuryusidad niyang tanong. Tipid ang ngiti ko. "Okay lang naman po, La." Ang simple kong sagot. Naging malikot ang mata ko. Hindi ako makatingin ng deretso kay Lola. Lumapit ako kay Aling Martha at Aling Brenda upang magmano rin sa kanilang dalawa. Mas nakababata lamang kasi ang mga ito ng konti kay Lola. Pawang nasa mahigit kuwarenta na rin ang edad ng mga ito. "Nako e, bakit pakiramdam ko parang hindi naman okay? Bakit parang malungkot ka? May nangyari ba sa school?" ang puno ng pag-aalala niyang tanong. Medyo natigilan ako. Naisip ko, hindi ko dapat bigyan ng alalahanin ang Lola. Isa pa, baka makarating pa sa mag-asawang Schueremans at pati sila ay mag-alala. Pinilit kong pagaanin ang aking awra. Ngumiti ako at pilit pinagsigla ang boses. "La, hindi ho ako malungkot. Sa katunayan po, nagustuhan ko po agad doon. Ang ganda no'ng school. Mababait pa ang mga naging kaklase ko at mga guro!" ang nag-aalala niyang mukha kanina'y biglang nagliwanag. "Tutulong po muna ako sa paghahanda ng hapunan. Ako na lang po ang maghihiwa ng mga gulay." Ang masigla ko pa rin sabi nang masulyapan ko sa lamesa ang mga gulay kasama ang nakahanda ng sangkalan at kutsilyo. Hindi ko na hinintay ang sagot nila at agad akong lumapit sa lamesa at umupo. "Nako e, baka may takdang-aralin ka pang gagawin, kaya na naman namin to." Ang tila saway sa akin ni Aling Brenda nang hawakan ko na ang kutsilyo. Agad pang sinang-ayunan iyon ni Aling Martha at Lola. Napangiti na ako ng tunay dahil sa labis na pinapakita nilang suporta sa akin. Kahit paano gumaan ang nararamdaman ko't naibsan ang lungkot ko sa araw na iyon. "Huwag na ho kayong mag-alala. Nasa basics pa lamang po kami. Mayroon po akong takdang-aralin pero yakang-yaka ko na 'yon mamaya!" ang masigla ko nang sagot sa kanila. "Ayon naman pala e! Maganda na matalino pa!" "Talagang malino 'yang apo kong iyan. Kaya maraming nagkakagusto diyan noon. Sa probinsya namin ay maraming manliligaw 'yan kahit ang bata-bata pa niya!" ang masaya at pagmamalaki ni Lola. Pero noon 'yon. Iba na kasi ngayon. Totoong sa murang edad ko noon ay maraming nanliligaw sa akin at kahit isa sa mga iyon ay hindi ko naman pinagtuunan ng pansin. Masyado pa kasi akong bata, at wala pa sa isip ko ang pakikipag-nobyo. Isa pa, kung makikipag-nobyo man ako ay doon sa lalaking matagal ko nang gusto! Si Lannion. Pero hindi naman niya ako pinapansin. Medyo nakaramdam ako muli ng lungkot nang maalala ang mga nangyari sa school kanina. Pinilig ko ang ulo, iniwaksi saglit sa isip ang mga bagay na nagbibigay lungkot sa akin. Inipon ko ang konsentrasyon at hinarap ang mga ihahanda naming gulay. Ilang sandali lamang, ay nakarinig kami ng magkakasunod na busina. Napatingin pa ako sa kanilang tatlo. Pero nagpatuloy lamang ang mga ito sa mga ginagawa. Maya-maya pa'y, ugong ng sasakyan papasok sa mataas na gate ng mansyon ang bahagya kong narinig. Pinagpatuloy ko ang ginagawa at hindi na lamang iyon pinansin. Nasa hinihiwa kong mga gulay ang buong atensyon ko. "Nana, andito na po ba si Elizabeth?" muntik na akong mahulog sa kina-uupuan ko! Parang may biglang nagrambulan din sa dibdib ko nang marinig ko ang baritonong boses ni Lannion. Nakita ko ang pagsulyap niya sa akin pero para akong tanga na yumuko pa lalo sa hinihiwa kong gulay. "Dumating na nga siya kanina pa. Nasa taas may tutor ngayon," ang malumayan na sagot ni Lola. Napakagat labi ako nang saglit siyang tumigil banda sa harapan ng mesang kinaroroonan ko. Kita ko lamang bahagya ang mga binti niya at makintab niyang sapatos. "Napakaseryoso naman yata ng panggagayat mo diyan ng gulay anak, baka mangawit ang leeg mo niyan. Masyado kang nakasubsob," ang biro sa akin ni Aling Brenda na kinakagat ko ng aking labi. Mas pinili kong hindi na lamang mag-salita. Nakahinga ako ng maluwag nang kumilos siya at umalis sa puwesto niya. Sa sulok ng mga mata ko'y nakita ko itong kumuha ng baso at pinatong sa counter island saka ito nagderetso sa harap ng fridge. Binalikan nito ang baso at sinalinan ng tubig mula sa dala nitong namamawis sa lamig na babasaging pitsil. Nakita ko ang pagtungga nito sa baso ng tubig, ang pagbaba nito no'n sa counter island. Napayuko akong muli nang maramdaman kong tila babalingan na naman ako nito ng tingin. Pagkatapos nitong ibalik ang pitsil sa fridge ay nagpaalam na ito kila Lola. Kasali na rin siguro ako do'n kase sabi niya, "Maiwan ko na po kayo." Kayo raw e! Naramdaman kong muli ang pagsulyap niya sa akin. Well, sinusulyapan ba talaga niya ako o, sadyang feeling-ngira lamang ako? Nang marinig ko ang papalayo na nitong hakbang ay saka lamang ako nag-angat ng mukha! Pananakit ng leeg is real nga talaga! Napahilot ako sa likod ng aking leeg habang tinatanaw siyang papalayo't tila patungo ng hagdan. Sa malayuan o, malapitan man ang guwapo-guwapo niya talaga! Napanguso ako, nang maalala kung paano nito akbayan si Ryza kanina sa canteen. Pati ang paghalik nito sa labi ni Ryza! Si Ryza na tila proud na proud habang parang sawang nakapulupot sa kaniya! Para bang isang isdang nalambat ang puso ko kanina! Kumakawag at pilit na nagpupumiglas. At biglang nakawala iyon at malayang lumangoy sa laot, ngayong wala na ang presensya nito sa kusina. Nakahinga ako ng maluwag at unti-unti na rin bumalik sa normal na ritmo ang t***k ng aking puso. Biglang sumagi ulit ang pangyayari noong nakabangga ko siya sa piyesta. Titig na titig siya noon sa mukha ko. Bahagyang nakaawang ang mga labi niya at walang kurap ang mga mata habang nakatitig sa akin. Sobrang lapit ang mukha namin sa isat-isa. Ang paghinga nga niya dama ko sa aking balat! At in fairness ha, ang bango niya talaga! Ang puso ko'y parang hinahabol ng terorista noon at tila desperadong sagipin ang buhay! Tinulak ko siya sa kaniyang dibdib. Agad akong dumistansya at walang lingon, likod akong lumayo roon. "Miss, sandali lang!" Ang dinig ko pa ngang tawag niya pero hindi ko na siya pinakinggan! Hindi na ako lumingon. Pagdating sa kaniya, para akong tanga na parang mahihimatay sa kaba! Ang lakas ng dating ng presensya niya sa akin. Sa mga manliligaw ko noon, ang dali-dali kong magsungit! Samantalang kay Lannion, patago ko lamang siyang tinitignan mula sa malayo! Sa panaginip ko lang siya nakakausap at nahahawakan. Sa mga panaginip ko lang din siya nangingitian at nahahagkan! At mukhang mananatili na lamang panaginip iyon lalo na ngayon, sa nangyari sa aking mukha. Pero may pinagsisihan ba ako sa nangyari sa akin? Oo nga't masakit sa dibdib ang mga naririnig kong pangungutya sa akin. Ngunit sa tuwing nakikita ko si Elizabeth, at nakikita ko ring masaya si Lannion ay hindi ko makapa ang pagsisi sa dibdib ko. Parang nakakabatang kapatid na ang turing ko kay Elizabeth. Siya rin ang tinuturing kong bestfriend! Nang makatapos kami sa paghahanda ng hapunan ay bumalik na ako sa kuwarto namin ni Lola. Agad kong hinarap ang mga takdang-aralin ko. Dalawa lang naman iyon. Kakaumpisa lang din ng klase kaya hindi naman mahirap ang binigay nila bilang takdang aralin. Kinuha ko ang bag at inilabas na ang libro ko, ballpen at note book. Umupo ako sa gilid ng kama at hinila na lamang ang night table na may maliit na gulong ang mga paa. Basic concepts of economics. Needs, wants, demands, supply, market-- Natigilan ako sa pag-iisip nang makarinig ako ng mararahang katok sa pintuan. Sinulyapan ko ang orasang nakasabit sa dingding ng kwarto namin ni Lola. Kadalasan ay alas siete y media ng gabi ang mga ito naghahapunan. Ala seis kwarenta'y cinco pa lang naman. "Ate, si Elizabeth to. Busy ka ba?" agad ang kilos ko't tinungo ang pinto. Malawak ang ngiti kong pinagbuksan ito. Agad siyang yumakap sa akin. "Busy ka ba? Kumusta ang first day mo sa Schoonvile?" ang excited nitong tanong. Nagniningning rin ang mga mata niya. Mukhang hindi na makapaghintay sa magiging kuwentuhan namin. Ginulo ko muna ang buhok nito at pinapasok siya sa loob. Iniwan kong kalahating bukas ang pinto. Iminuwestra ko ang kama para doon siya maupo. Umupo siya doon at nag-indian seat pa! Ang lawak pa rin ng ngiti niya. Kaya hindi rin mawala ang ngiti ko. Binuksan ko ang bintana sa kuwarto namin. May window net naman iyon at hindi makakapasok ang ano mang insekto mula sa labas. Electric fan lamang ang gamit namin sa kuwarto. May aircon naman pero hindi na namin binubuksan. Lagi kasing nilalamig si Lola. Umihip at pumasok ang sariwang hangin. Napangiti ako't nakontento. May hika si Elizabeth at makabubuti rito ang laging makalanghap ng sariwang hangin. Naupo ako sa tabi niya. "Ano, kumusta ang unang araw mo do'n?" ang ulit niyang tanong. Ngumiti ako at kumindat. Syempre hindi ko sasabihin ang totoong mga nangyari. Mag-aalala lamang siya. "Okay, naman. Mababait naman ang mga kaklase ko. May dalawang prof na istrikto, pero carry lang!" ang pinasigla kong boses na sabi. Lalong lumawak ang ngiti niya. Napahawak siya sa dibdib at nakangiting bumuga ng hangin na akala mo'y nakahinga ng maluwag. Tumawa ako ng mahina. "Haay! mabuti naman kung gano'n. Nag-aalala kasi ako e, alam mo bang lahat ng masasama ang ugali nasa school na 'yon?" parang gusto kong sumang-ayon sa sinabi niya pero mas pinili kong tumawa na lang. "Kapag may nang-away sa'yo do'n sabihin mo agad sa'min ni Mommy! O, kahit sa akin lang? Nako, susugurin ko talaga!" Ang kuwari'y gigil niyang sabi at pinakita pa ang masel nito sa kanan niyang braso. Magiliw kong sinandal ang ulo ko sa balikat niya. " Ikaw talaga! Wala ka naman dapat ipag-alala hindi naman ako papayag na e-bully na lang ako ng basta-basta no!" ang masigla ko pa rin sabi. Tinignan niya ako pero di ako tumingin basta nakasandal lamang ako sa kaniya. "Ikaw kumusta ang unang araw mo sa school?" ang pag-iiba ko na lamang ng usapan. Inangat ko ng konti ang ulo at bahagya siyang tinignan. Nakanguso siya. "Okay lang naman," nagkibit siya ng balikat. "Pare-parehong mukha pa rin ang nadatnan ko roon pero wala akong choice. Maaga pa akong ikinuha ni Mommy ng tutor." Ang aniyang nanghahaba pa ang ngusong reklamo. Sasagot na sana ako nang makarinig kami ng tatlong katok sa bukas nang pintuan. Sabay kaming napatingin roon. Parang biglang naghagis ng bomba sa dibdib ko. Biglang kumabog 'yon nang makita kong nasa harapan ng pinto si Lannion at nakatingin sa amin. Humalukipkip at sumandal pa. "Pinapatawag ka na nila Mommy, kakain na." Ang tila wala lang na anito. Saglit niya akong tinapunan ng tingin. Hindi ito nagtagal roon at agad na tumalikod. "Sumunod ka na ha!" Ang pahabol pa nito habang papalayo. "Nagkita ba kayong dalawa sa school?" agad nitong tanong sa akin. Tipid akong ngumiti at marahang tumango. " 'Di nakita mo 'yong jowa-jowa niyang mukhang sugpo?" ang nakabusangot nitong sabi. Natawa ako ng mahina. "Grabe ka, maganda naman siya a, kaklase ko siya sa dalawang subject ko." Ang kuwari'y baliwala kong sagot. "Mas maganda ka do'n ate!" ang tila protesta niya. " Sa totoo lang, wala 'yon sa kalingkingan mo," naging malungkot ang mukha niya. Humina rin ang boses niya. Kinabig ko siya sa balikat at idinikit sa akin. Alam ko kasi kung bakit naging malungkot na naman ito. Alam nitong noon pa man, malaki na ang pagkakagusto ko sa kuya niya. At alam kong madalas, sinisisi nito ang sarili dahil sa nangyari sa akin. At ayaw kong maramdaman niya iyon hanggat maari. Kaya nga kahit nasasaktan na ako, ay pinipilit ko pa rin maging masaya sa harapan nila, lalo na kay Elizabeth. Para sa akin ay wala siyang kasalanan at aksidente ang lahat at walang may kagustuhan. "Huwag kang mag-alala. Kilala ko 'yan si Kuya ilang linggo pa lang 'yan, iba na naman ang jowa--" "Elizabeth, hindi ka pa ba susunod? Nag-aantay na kami sa hapag!" Halos mapatalon kaming dalawa ni Elizabeth nang marinig naming muli ang boses ni Lannion. Pero this time, mariin ang boses niya't tila napakaseryoso. Ang tingin rin niya'y matiim. Napaiwas ako ng tingin sa kaniya at binalingan si Elizabeth. "Sige na. Inaantay ka na nila. Saka na lang tayo ulit magkwentuhan." Ang bulong ko sa kaniya. Ngumiti siya sa akin ng tipid. "Punta ako dito mamaya, okay?" ang anas pa niya sa akin na kinangiti ko at kinatango na lamang. Inantay siya ng kuya niya hanggang makalabas ng kuwarto namin saka walang man lang paalam itong tumalikod at sumunod sa kapatid. Napanguso ako. "Suplado!"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD