B E A
Kalmado akong naglakad sa upuan ko. Dahil "A" ang unang letra ng aking apelyido kaya nasa harap din ako pinuwesto ng teacher namin. Isa pa, maswerte na walang pandak sa klase namin, kaya siguro ginawang alphabetical ni Ma'am ang seating arrangement.
"Hi! Bea, busy ka?" pambungad na tanong ni Louis, ang katabi kong lalaki na ubod ng hangin.
"Oo, e. Dadalhin ko pa 'to sa admin," sagot ko sabay pakita ng brown folder na hawak-hawak ko.
Mayabang na ngumisi si Louis, ipinatong niya ang kanyang siko sa lamesa ng upuan ko, saka nilagay rin ang kanyang ulo sa ibabaw ng kanyang kamay at parang chickboy na namimick-up ng babae sa kalyeng sinabi sa akin ang mga katagang, "Gusto mo ba na samahan kita?"
Ngumiti lang ako ng malapad, habang walang buhay na tinitigan ang mga mata niya.
"No, thanks," bulong ko sa kanya tapos ay mabilis na inalis sa mukha ko ang malapad na pekeng ngiti.
Akala ko ay matatapos na siya sa pangungulit, pero sa gitna ng pagkuha ko ng gamit sa bag ay muli na naman na binuka ni Louis ang bibig niya.
"Sayang," sabi niya sabay alis ng kamay niya sa lamesa ko, "ikaw pa naman ang pinaka inaasam-asam na babae sa buong eskwelahan ngayon. Congrats nga pala sa pagkapanalo mo last month."
Tinutukoy niya ang Mr. and Ms. Intramural pageant na tsamba kong napanalunan.
Kumulo bigla ang dugo ko sa narinig kong sinabi niya. Nagtunog bayaran kasi ako sa aking pandinig, mabuti na lang konti pa lang kami sa classroom.
"Salamat, pero sana naman pumili ka ng tamang salita bago mo ibuka ang bibig mo, Louis. Mabilis kasi akong ma-offend," pasaring ko.
Pero sa totoo lang hindi naman talaga ako mabilis ma-offend, sadyang ayaw ko lang talaga sa ugali ng lalaking ito.
"'Wag naman ganyan, Bea," sabi niya habang nakanguso.
Sa tingin ba niya cute siya sa ginagawa niyang 'yan?
"Ayaw mo ba nun? Pagtitinginan tayo ng lahat dahil magkasama tayong naglalakad. Maganda ka, gwapo ako bagay tayo na laging magkatabi. 'Di ka ba napapaisip kung bakit tayo pinagtabi ni Ma'am d—"
Hindi ko na siya pinatapos pa na magsalita at itinapat ko sa mukha niya ang listahan ng attendance ngayong araw.
"Paki-pirmahan," malamig kong sabi, "Pakisabi na rin sa mga darating na nasa lamesa ang attendance."
"Akala ko ba papipirmahin mo ko?"
"Nagbago na isip. Sa lamesa ka na lang pumirma. Salamat," masungit kong wika tapos ay naglakad sa lamesa para ilagay ang attendance sheet. Kinuha ko ang DIY na paperweight na gawa sa batong ginuhitan ng isa kong kaklase na magaling sa painting.
"Oy! Bea! Gustong humingi ng number mo yung kaibigan ko!" sigaw ni Louis noong papalabas na ako ng classroom.
"Pake ko sa kaibigan mo," tugon ko sa kanya na hindi siya nililingon.
May itsura naman talaga si Louis, actually, mabenta sa mga babaeng lakwatsera ng general section ang itsura niya. Marami siyang fans doon. May bad boy aura kasi siya at magaling sa basketball. Bagay din sa image niya ang kanyang gupit na rockabilly undercut, sa sobrang bagay nakakatempt gupitan.
7:45 na ng umaga, ilang minuto na lang ay magsisimula na ang klase. Pero eto ako, bumabalik sa mga dinaanan ko kanina. Magrereklamo na sana ako nang muling naligaw sa pinto ng kabilang classroom ang mata ko. Dumiresto ito sa upuan na madalas na hinahanap nito, ang dulo ng silid na katabi lang ng bintana. Doon ang upuan ni Allen.
To my disappointment, wala roon si Allen. Mukhang lumabas ito ng classroom at tumungo sa kung saan man.
Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa, binilisan ko na ang aking paglalakad at bumaba na ng second floor.
Nasa gilid ng entrance ang daan papunta sa mga opisina. Habang nasa daan ay napansin ko na parami na nang parami ang mga dumarating na estudyante. At sa hindi kalayuan naman ay si Jack na nagmamadaling naglalakad patungo sa direksyon ko.
"Tapos ka na?" mabilis kong tanong sa kanya.
"Hindi pa. Pakibigay na sa admin yung letter, babalik ako. Hintayin mo ako doon," utos niya sa akin na hindi man lang huminto sa paglalakad.
What a busy body.
Sinunod ko naman ang sinabi niya. Patungo lang naman ako sa faculty ng adviser ng organization namin para papirmahan ang gagawin namin na event next month. Nagkataon kasi na si Jack ang president ng organization at the same time ay president din ng klase namin. Marami siyang affiliations, kaya hindi ako naniniwala sa sinabi niya kanina na hindi na siya magpapa-elect next year. Sa palagay ko kasi mas gusto niya na maraming pinagkakaabalahan.
Paakyat na ako ng hagdan papuntang second floor kung saan nandoon ang mga faculty. Hindi ko mapigilan na mamangha sa tuwing dumadaan ako rito. May mga wall painting kasi sa tapat ng hagdan na dalawang beses sa isang taon kung palitan. Madalas mga estudyante ang gumagawa nito kaya para sa akin ay mas nakakamanghang tingnan.
Hindi na ako nagpa-distract sa makukulay na guhit sa dingding. Lumiko ako kaagad para akyatin ang huling hagdan papuntang second floor at naglakad na sa pinakadulo na faculty office, ang English Faculty Office.
Sumilip muna ako sa salamin na pinto ng opisina bago pumasok. Nang mahagilap ko si Ma'am Suazo sa loob ay doon ko pa lang tinulak ang pinto.
Lumabas ang malamig na hangin na mula sa loob ng silid nang binuksan ko ang salamin na pinto. Alas siyete pa lang pero ganito na kalakas ang aircon sa silid na ito.
"Good morning, ma'am. Good morning, sir. Morning, ma'am," binati ko muna ng isa-isa ang mga teacher na nakapwesto sa harap ng pinto bago tumuloy sa loob. Nasa dulo kasi ang lamesa ni Ma'am Suazo.
Maglalakad na sana ako nang sa pagharap ko galing sa pagbati sa mga guro ay nakita ko na nakaupo sa gray na pahabang sofa si Allen. Nasa gilid ito ng faculty room kaya hindi ko siya kaagad nakita kanina noong sumisilip ako sa pinto.
OMG! Anong ginagawa niya rito? I thought pupunta siyang banyo o sa canteen. I rarely see him inside the faculty office o kahit sa building na ito.
Pero kahit nasorpresa ako sa biglaan na pagsulpot ni Allen ay nanatili pa rin akong kalmado. Hindi ako nagtititili o ngumiti man lang na parang timang, dumiretso lang ako sa lamesa ni Ma'am Suazo.
"Good morning, sir," bati ko sa isang guro na nag-overtake sa akin. Kagyat lang siyang tumango bilang sagot.
Nag-overtake si Sir sa akin dahil yun pala may sadya rin siya kay Ma'am Suazo. Umatras ako ng bahagya nang sinenyasan ako ni Ma'am na maghintay na muna sa waiting area — ang mahabang sofa. Ngumiti lang ako tapos yumuko bilang pagsunod. Tapos ay nanlalamig na naglakad papunta sa sofa.
Mahaba ang sofa, tama, pwede akong umupo sa kabilang bahagi para hindi ako mapansin ni Allen, para hindi ako kabahan. Subalit, sa kasamaang palad, may nakapatong na apat na salansan ng mga papel sa kalahati ng sofa.
Maingat akong umupo sa tabi ng mga papel, baka kasi mahulog pa. Lagot ako. Nang makita ko na medyo umuuga ang mga papel ay umurong ako palayo, 'yong saktong distansya lang para hindi bumaba ang foam ng sofa sa bandang pinagpatungan ng mga papel.
Sa sobrang pag-aalala ko na baka mahulog ang mga papel ay nakalimutan ko ang tungkol kay Allen.
"H-Hala," mutawi ko nang masagi ko ang braso niya. "Sorry, yung mga papel kasi," maikli kong paliwanag habang tinuturo ang gilid ko.
"Okay, lang," tugon niya sa malamig na boses.
Ngumiti ako ng maliit. Hindi kasi ako sigurado kung dapat ba akong ngumiti o ano. Ngayon ko lang kasi narinig ang boses ni Allen, ang hirap nitong alisin sa isipan.
Naghintay pa ako ng mga dalawang minuto, hindi pa rin tapos si Ma'am Suazo at iyong si Sir na hindi ko kilala. Sa sobrang bagot ay hindi ko na napigilan ang sarili ko na kausapin si Allen. Isang beses lang naman wala naman sigurong masama.
"Anong sadya mo dito?" usisera kong tanong.
Baka rin kasi nababagot na siya sa kakahintay.
"Si Sir Domingo," sagot niya sabay turo sa teacher na kausap ni Ma'am Suazo.
"Para saan?" tanong ko ulit, nagtutunog pakialamera na siguro ako para sa kanya.
Pasensya na. Ayaw ko lang kasi talagang matuyuan ng laway.
"Napag-utusan lang ako. Hindi ko rin alam kung para saan," matapat tugon ni Allen, "para daw to sa event ng section namin," dagdag niya. Naramdaman niya siguro na hindi sapat ang naging sagot niya.
"Mr. Calla," biglang tawag sa kanya ni Sir Domingo.
Kaagad naman na tumayo si Allen at kinuha ang papel na iniabot ni Sir Domingo sa kanya. Hindi ko gaanong madinig ang pinag-uusapan nila pero dalawang bese na yumuko si Allen bago tumingin sa akin. "Mauna na'ko," halos pabulong niyang paalam sa akin.
Ngumiti lang ako habang kumakaway sa kanya. Para akong tanga na nakarinig ng nakakamamangha na musika dahil sa malamig niyang boses.
"... dana. Ms. Andana? Andana? A—"
"Ah! Yes. Yes, ma'am. Yes, po ma'am."
Panandalian akong nabingi dahil lang sa boses ni Allen. Mabilis akong tumayo at inayos ang sarili ko tapos ay inabot ang brown na folder kay Ma'am Suazo.
"Para po sa organization event namin, ma'am," puno ng kumpiyansa kong wika para hindi masyadong pansin ang katangahan ko kanina.
Habang naghihintay ako na matapos na basahin ni Ma'am ang letter namin, abala naman ang isip ko.
Kailan ko kaya siya pwede na kausapin ulit? May susunod pa kaya?
Sana naman ay mas matagal na sa susunod.