34 capstan GISING na si Antonio’t nakamasid sa dalawang dipang langit na natatanaw niya mula sa bintana ng kanilang kuwarto ni Ernie. Dinudumog na ng araw ang kalsada. Nangingislap na ang manipis na nylong kurtina. Hindi man tangkaing hawiin iyon ni Antonio, alam niyang mapapapikit siya sa liwanag. Mahinang mahina ang aircon kapag papasok na ang umaga. Magfufull blast ito pagkapananghali. Kalagitnaan na ng Nobyembre, at ninanamnam niya ang kaunting lamig na bakas ng gabing nagdaan. Panaka naka’y naririnig niya ang yabag ng mga kapwa niya manggagawa sa karpet. Naririnig rin niya ang mga kislot ng paghahanda ng sarili: ang gripo sa lababo na binubuksan para makapagmumog, makapagsepilyo, at makapag-ahit; ang pagbubukas ng mga plastic na drawer para humugot ng mga overalls, medyas, kamis

