9 ang paglapag muli NAKALAPAG na ang eroplano sa Sharjah airport matapos ang labing tatlong oras na biyahe. Natatanaw ni Antonio mula sa bintana ang dagat ng mga ilaw ng siyudad. Ilang minuto na lang, nagtataxi na ang eroplano. Nasa puyo na siya ng maliwanag na maliwanag na runway. Pasado ala una na ng umaga. Nadaanan niya ang mga pulis na nakaunipormeng abuhin at asul na beret. Akay ng ilan sa kanila ang mga naglalakihang German shepherd na masigasig sa pag-amoy amoy ng mga bagahe. Dambuhalang igloo na may mga sulok na animo’y mga pukyutan ang interyor ng airport. Habang hinihintay ni Antonio na iluwa ng chute ang bag niya sa luggage pick up area, namataan niya ang mga babaeng Bumbay na elegante ang mga sari. Napasulyap rin siya sa mga Britong negosyante na kay lulutong ng mga galaw

