12 kamiseta ANAK siya ng sundalo. Dahil madalas madestino si Papang kung saansaan at may mga buwan na halos hindi sila nagkikita noong aktibo pa ito sa serbisyo, may naging ritwal ang kanyang ina. Naaalala ni Antonio’ng inaamoy-amoy ni Mamang ang iniwang kamiseta’t pantalon ni Papang, at pagkaraa’y isasabit ng nanay niya ang isa sa mga iyon sa kisame. Para hindi daw mapagod sa biyahe si Papang. Mananatiling nakasabit ang kamiseta sa kuwarto na kanilang tinutulugan. Natatandaan niyang bago pa siya mapapikit, ang kamiseta’y linilipad lipad ng hangin at naaaliw siya sa kislot nito na parang may sariling buhay. Ilang taon ang lilipas at ikukuwento niya kay Glenda, ang una niyang asawa, ang gawing ito ni Mamang. Bagong kasal sila noong Pebrero 1983 nang alukin siyang magtrabaho sa Davao.

