1
mga agam agam
TUMATALON talon sila’t lumulukso-lukso, walang pakialam kung malukot at marumhan ang mga damit nilang panlakad. Panay ang sutsot at bulong ng mga magulang, pero patuloy
sila sa habulan, hagikgikan, kulitan. Hinugot ni Antonio ang librong isiniksik ni Jo sa knapsack, pero kahuhugot niya pa lang nu’n binabalik na niya, wala nang pagkukunwaring kaya niyang
patayin ang oras sa pagbabasa. Tumatalon talon din naman ang mga letra, nakikipagtaguan ang saysay ng kuwento tuwing nagbabasa siya, at saka, baka naisingit lang ni Jo ang lintek na libro dahil
akala niya, babasahin niya, dahil akala niya, nababasa nga niya si Antonio.
Habang tinititigan niya ang higanteng salamin, ang salaming tila sing-lawak at sing-laki ng langit, naalala niya ang mukha ng anak niyang si Hero. Ang puwang sa pagitan ng kanyang mga ngipin,
ang makinis niyang pisngi, singkulay ng chico; ang munti niyang mga kamay na sumapo sa kanyang mukha at humalik sa kanyang noo. Alam ng musmos na hindi sila magkikita sa mahaba-habang panahon.
Lumipad ang eroplano, at nakikita niyang pinalilipad rin ni Hero ang kanyang lunting B-fighter planes, nakakalat na naman ang mga laruang sundalo sa karpet, at dumadakdak na naman si Jo,
padaskol nitong pinupulot at hinahagis sa lalagyan ang mga pira-piraso ng lego na akala mo’y naghihinguto. Parang naririnig na rin ni Antonio ang kanyang sinasabi—“hindi ko inasam
ang ganitong buhay”—pagkat gayon ang kanyang asawa—tila naligaw sa isang telenovela’t bumubulalas lagi ng mga linyang madrama. Napapapikit siya sa alaala ng sumbat. Hindi
niya rin inasam ang ganitong klase ng buhay, kaya nga heto siya, nasa airport, hinihintay ang eroplanong maglalayo sa kanya sa pagkalugmok sa dilim kahit maliwanag ang araw, sa pagkatigmak sa ulang
hindi naman nakikita, ngunit nadarama.
Lumulukso-lukso rin ang hinalalaki ng katabi ni Antonio, sa keyboard ng cellphone nito, na singnipis ng lighter at singlaki ng sabong panligo. Sa likod, naririnig niya ang tinig ng isang babae,
“Gaano pa katagal tayong maghihintay dito?”
Gaano pa nga ba katagal? Ni ayaw niyang isipin ang karagdagang oras na papasanin niya sa paghihintay: ang mga bertdey, annibersaryo, Pasko, Bagong Taon at iba pang mga okasyon na magsasama-sama
ang pamilya na hindi niya madadaluhan. Tatlong taon na naman siyang magtratrabaho bilang aircon technician at electrician sa Dubai, tatlong taong walang uwian. Sa tatlong taong iyon, hindi lang mga
laruan at damit ang magbabago sa kanyang anak—tatangkad ito, ma’ring magkasakit, magka’ron ng mga maliliit na aksidente na kung minalas malas ay makakapagpabago ng buhay niya nang
tuluyan. Samantala, magkukunwari siyang napapatay ang oras sa pagsisikap, sa halip na ang oras ang pumapatay sa kanya, sa pangingibang bayan na ito.
Sa labas, natuloy ang ulan, ga-karayom ang mga patak. Bumuka ang mga payong. Marahil, sumisigid na rin sa lalamunan ng mga nasa labas ang alimuom. Nagtatawag na sa pagsakay. Sa wakas.