2 toolbox

2875 Words
2 toolbox ALAALA na lamang ang pagtunganga ni Antonio sa tarmac. Nasa biyahe na siya ngayon papuntang Tagaytay, at inarkila ang kanilang van para sa isang picnic. O nasa gas station sila’t hinihintay niyang makatapos magCR ang mga pasahero’t naiwan ang mga tsikiting. Sumukob na si Antonio sa isang identidad na hindi niya akalaing gagampanan niya—ang maging drayber, kahit na nakapagtapos ng kursong Economics sa UP. Sumukob siya sa trabahong ito para makatawid ang kanyang pamilya sa araw-araw nilang inaasam na kaginhawaan. Madalas, nakatunganga siya sa lawak ng langit at parking lot. Nasa tabi ng van habang nagbabarbecue at nagpapalipad ng saranggola ang mag-anak. Sa pag-uwi, ensayado’t mabini ang pagtitig, sa alon ng mga taong palabas sa mga gusali tuwing rush hour. Gamusang kisame ng sasakyan ang kaulayaw sa mga gabing madidilim, habang tinitiis ang kagat ng mga lamok. Ang totoo, hindi naman ikinasasama ng loob ni Antonio na ito na ang kanyang naging trabaho, pagkaraan ng Dubai. Dumagsa ang rent-a-car na negosyo, gamit ang mga slightly used vans na galing Korea. Maraming pamilya ang bumili ng mga ito, dahil mas mura ang laban kumpara sa taxing mataas ang prangkisa. Kahit sino’y puwedeng umarkila, walang rehistrong isasubmit sa gobyerno, kolorum. Nang hinawakan niya ang manibela ng sasakyang iyon, ang kulay talong na van na napundar nilang mag-asawa, naisip isip niyang walang pinagkaiba ang paghawak ng manibelang iyon sa pagsuot ng costume sa isang dula. Papel na gagampanan lamang. Walang makakaapi sa kanya hangga’t hindi siya magpapaapi. Dati, sa mga biyaheng iyon, may paraan siya para malibang. Hinuhugot niya ang notebook niya sa compartment—ang talaan niya ng mga natutunan niya sa aircon repair noong nasa Dubai pa siya—at binabalik balikan niya ang kanyang notes sa electrical repair. Ilalabas rin niya, mula sa likod ng van, ang anumang piraso ng sirang appliance o gadget na sadya niyang itinatabi roon. Kukunin niya ang kanyang toolbox, tester, at para siyang siruhano kung magbaklas ng sirang gamit. Maingat at pino ang kanyang kilos. Nakalatag ang mga turnilyo, screwdriver, precision tools, alinsunod sa laki’t liit. Hinihiga pa niya ang mga piyesang depektibo sa bimpong mas malinis pa sa panyong nasa bulsa ng kanyang pantalon. Kung mabait ang pamilyang umarkila ng sasakyan, linalapitan siya’t ipinatitikim ang tanghalian o hapunan na kanilang hinanda para sa okasyon. “Naku manong, malilipasan ka ng gutom niyan, kumain ka muna,” bati nila. Sa dinami-dami na ng mga pamilyang naipagmaneho niya’t sa laki ng kilometraheng naitakbo ng sasakyan, natuklasan ni Antonio na wala sa yaman o antas ang pagkukusa nilang makihati. Wala namang kaso kung pakainin siya o hindi. May paraan siya para mapunan ang kanyang gutom sa daan. Titigil at titigil siya sa pinakamalapit na karinderya para kumain, kung hindi siya pinakain. Mabilis naman siyang sumubo at ngumuya, at halos hindi na namamalayan ng kanyang mga pasahero na busog na siya habang bumibili sila ng kaeng ng prutas o tumitingin ng paso ng bulaklak at halaman. Madalas, napupukaw ang kanilang pansin sa ginagawa niyang pampalipas oras. Magpapakuwento sila. At iyon na, natatawid na sa mga kuwentuhang iyon ang pagtungo rin nila sa disyertong pinanggalingan ni Antonio. May kapatid, bayaw, anak, ina o ama silang magtratrabaho, nagtratrabaho o nagtrabaho rin sa mga disyerto. Pag nagkatanungan na ng pinagmulang destinasyon—mapa-Dubai man iyon, Qatar, Jordan, Saudi, Kuwait, Riyadh, at iba pang mga espasyong may buhangin, Arabo, langis, at moske—nagkakaintindihan na sila ng diskursuhan. Umiikot lagi ang kanilang kuwentuhan sa iisang tanong—babalik pa ba kayo sa disyerto? At ang lagi nilang sagot, oo. Dahil kailangan. Dahil maliliit pa ang mga bata. May kanser ang magulang. May bahay na ipinagagawa. May mga anak na kailangang magtapos. May mga kinabukasang pinupunla, may mga buhay na nakataya. Sasabihin ni Antonio: “Hindi na ako babalik. Hindi ko na kayang tiisin pa’ng wala ako sa paglaki ng aking anak.” Tila nagkakataong huhugong ang eroplano sa papawirin at mapuputol ang kanilang paguusap. At maiiwan siya. Kasama ng kanyang toolbox. Sa dati niyang puwesto. May mayamang Intsik siyang naipagmaneho, si Mr. Amiel Lu. Dalawang beses na itong nakidnap. Bagamat marami itong mga sasakyan na iba’t iba pa ang mga modelo, mas gusto nitong umaarkila ng van para maging incognito. Paroo’t parito sa lunsod si Mr. Lu, kasama ang kanyang mga bisitang Puti. Linilibot nito ang creamery niya sa Cavite, ang mansiyon niya sa Tagaytay, ang stud farm niya’t tilapia ponds sa Lipa, ang ancestral house sa Mariveles, ang opisina niya sa Makati, ang mga duty free’t golfcourses sa Subic. Kung magpapahinga ang mga bisita nito, magpapahatid ito sa Tagaytay Highlands, malapit sa di natapos na mansyon ni Marcos na Palace of the Sky. Sa laki ng gate nitong solidong narra na pinalamutian ng pilak na dragon, para siyang pumapasok sa Forbidden Palace. Sa loob ng van, nakikita’t naririnig ni Antonio kung paano mambarat, mang-alaska, manghuthot, mamblackmail si Mr. Lu, kahit na salit salit ang Fookien, Ingles at Tagalog ang usapan. Kapag paksa ang pera, may wika ang katawan ng Intsik na nagpapahiwatig ng halagang paakyat o pababa. Hindi lang basta daan daan, milyon milyon, kundi bilyon bilyon ang mga numerong pinag-uusapan. Milyong. Dolyar. Bilyong. Piso. “Ah Kim, that deal was worth 5 million...”. Samantala, sa mga pabrika, sa mga palaisdaan, sa mga hardin, sa mga estable ng kabayo, sa mga golfcourse, sa mga mall, sa mga garahe, toilet at kusina ng malaking bahay, barya barya lamang ang kinikita ng kanyang mga Pilipinong empleyado, hardinero, kusinero, katulong at drayber. Mga walrus ang laki ng katawan ng buong mag-anak ni Mr. Lu— hindi na halos makakilos sa taba, 40” to 50” ang waistline—at kapag sumasakay sila sa van, garantisadong iingit ang muwelye’t may mekaniko na namang maabala si Antonio kinabukasan para ipaayos ang van pagkagamit nila. Pinaliligiran ng security si Mr. Lu. Agad nakilatis ni Antonio ang gawi, asta, wika ng mga pulis o militar sa mga ito, kahit tinalupan pa ng uniporme. Bumabaybay sila ng South Expressway pagkagaling nila sa Strawberry Fields Creamery ni Mr. Lu nang may sumisingit singit na passenger bus sa kanila. Nairita ang security. Sinenyasan ang bus na tumigil. Winasiwas nito ang Uzi. Tigil ang pagcut ng bus, akala mo Pulang Dagat na nahati ni Moises ang highway, at mabilis nilang narating ang kanilang destinasyon. Tinigil ni Antonio ang pagmamaneho kay Mr. Lu dahil bukod sa posibilidad na makidnap muli ito, binabarat pa siya sa flat rate ng sekretarya nito tuwing singilan. Isa pa ’yang si Mrs. Redillas. Beterano na sa Olongapo, edad kuwarenta mahigit, at nakatira sa Sampaloc. Akala ni Antonio noong hindi pa sila nagkakakilanlan na nanay lang itong mamamasyal kasama ang mga anak o pamangkin. Pero nang sumakay na sa van ang may limang batang babae’t lalaki na edad trese hanggang disisiete, at sinabi ni Redillas na dalhin sila sa Angeles, alam na niyang hindi sila mga karaniwang bakasyonista. Matitingkad ang mga kulay ng kanilang mga damit na tila mga insekto o ibon. Walang dudang mga bata sa kilos, ngunit binihisan at inayusan para magmukhang mga artista’t modelo. Naririnig ni Antonio ang kalansing ng mga mumurahin nilang mga bracelet, naaamoy niya ang kanilang mga pabango. Awang-awa siya, pero wala naman siyang ginawa. Binaba niya ang mga pasaheros sa motel. Kulang ang binayad ni Mrs. Redillas sa sasakyan, nag-issue ng tseke, na ayaw tanggapin ni Antonio dahil wala ’yun sa usapan, hanggang sa awayin nito ang katabing dalagitang puta na may utang sa kanya, at nailabas ng sapilitan ang kulang na 500 piso. Mag-uumaga na ng makauwi si Antonio, at sa kanyang pagkakahiga, yinakap niya ng mahigpit ang asawa niya’t anak. May naipagmaneho rin siyang mag-ama—hindi na niya matandaan ang kanilang mga pangalan. Balikbayan ang anak, isa sa mga umaalis na simpleng tao pero umuuwing nakasuot na ng mga damit at alahas na puro tatak. Bibiyahe sila ng Batangas dahil hiniling ng tatay sa anak niyang balikbayan iyon. Sa buong biyahe, naririnig ni Antonio ang ritmo ng halak ng matandang may emphysema. Duet ang taas-baba ng plema mula baga-lalamunan sa litanya ng anak sa tatay. Nabulatlat kay Antonio ang halaghag na buhay ng matanda noon, ang pang-aabuso nito sa katawan: sa paninigarilyo, sa pambababae, sa pag-iinom. Epektibong busal ang emphysema, tuloy lang sa higop ng oksiheno ang tatay. Maliwanag na anak niya ang gumagastos sa gamot at serye niya ng mga operasyon. Sa haba ng sermon ng anak, halos ipagdasal na ni Antonio’ng madedbol na ang tatay para tumigil na ang pagbubunganga ng kliyente. Tila nakisimpatya ang van. Tumirik ito. May kalayuan pa iyon sa kanilang destinasyon. Nag-aalburoto ang kliyente, si Antonio naman ang napagdiskitahan ng mga sumbat. Malayo na sila sa kabihasnan at wala nang ibang opsiyon kundi manatili muna sa gilid ng daan. Habang rinerecharge niya ang batterya, nagtataka siya sa pagtirik ng sasakyan. Kabibili lang niya ng batterya at kapapalit lang niya ng spark plugs. Nang mainip na marahil ang anak, lumabas ito ng sasakyan at tumulong sa kanya. Doon lang gumana ang van. Natigil na rin ang litanya ng kliyenteng ito sa magulang. Sila ang mga naaalalang biyahero ni Antonio, sa mahahabang kalsadang tila walang katapusan, sa mga paglalakbay na ikahihikab ninuman. Kongkretong muhon sila sa highway na naghuhudyat ng kilometraheng nabagtas. Si Papang ang nagturo sa kanyang magmaneho noong katorse anyos pa lamang siya. Unang alaala niya iyon ng kalayaan—nang hinawakan na niya ang manibela, at mag-isa niyang binabaybay ang mga kalsada. “Iyon na ba ang bunsong anak ni Kanor?” tanong ng mga kapitbahay. “Ba, si Antonio nga. Binata na ang damuho.” Sumuot-lumusot ang lunting jeep sa mga pasikot sikot ng Tarlac. Katas ng Liberation ang sasakyang iyon. Sa mga panahong iyon, aakalaing tapos na ang pagliligpit ng kalat sa nakaraang digma. Tila natahimik na ang salpukan ng mga Huk at USAFFE sa nayon at kalunsuran. Pero tuloy pa rin ang kuleksiyon ng buwis. Normal na may nakasukbit na .45 sa pantalon ang sinumang marunong, at kailangang, mamaril. Minsan, kumakain si Antonio ng halo halo sa palengke nang biglang may tumabi sa lalaking nasa kanyang kaliwa. Bago pa niya malunok ang nata de coco’t langka, binutas na ng bagong salta ang ulo ng kanyang katabi, at kaswal na umalis. Ilang pintig pa bago may tumili, pero wala nang nagawa ang mga tao kundi tumanghod o tumakbo. Natakot siya noon, pero nang pinaandar na niya ang jeep at binabaybay na ang daan pauwi, pasipol sipol na siya, parang walang nangyari. Hindi niya binanggit ang insidente sa kanyang pamilya, kahit na hinahatid hatid niya ang mga ito sa kani-kanilang mga papupuntahan, sa barracks man, sa eskuwela, bahay ng kaklase, kay Baeng, o sa palengke. Natunton niya ang kakayahan sa pagkukumpuni mula sa pagmamaneho.Kung saan saan nakararating ang jeep niyang pinagpraktisan—sa barracks, sa kampo, sa mga baryo-baryo—kung kaya’t naranasan na niya ang sarisaring aberya ng anumang biyahe. Ibig niyang gamayin ang paghawak sa sasakyan, kaya’t nakisawsaw siya sa pagkukumpuni ng mga trak ng mga kapatas, na nagdedeliber ng tubo’t singkamas. Nagsimula siya sa pag-aabot ng gamit hanggang sa siya na mismo ang dumudukwang at dumudukot ng mga tubo’t piyesa. Sa tabi’t sa ilalim ng mga trak na iyon, testigo ang mga karburador at makina sa pantay na turingan ng kapatas at panginoong maylupa. Kung ano ang ayos ng mga kasamang iyon ay nakalalamang lang siya ng ilang paligo. Nakikikain at nakikitulog pa siya sa kanilang mga kubo. Kinaluluguran naman ng mga kasamang ibahagi kay Antonio ang kaalaman nila sa pagkukumpuni, hindi lamang dahil siya lang ang may interes sa mga mekanikal na bagay sa kanilang mga magkakapatid na lalaki. Nababasa ng mga kapatas na nauunawaan niya ang kalayaang ibinibigay ng paggawa. Ibang iba siya sa dalawa niyang mga kapatid na lalaki na tila mailap gayong magalang naman ang pakikitungo sa kanila, iyan ang napaguusapan ng mga kasama kapag nakauwi na si Antonio sa malaking bahay. Mestisuhin at mapuputi ang mga kuya ni Antonio na sina Serge at Gonzalo. Habulin sila ng mga babae. Palabasa’t popular, laging nakauungos sa klase. Si Antonio ma’y may ulo rin, ngunit hindi niya sineseryoso ang mga leksiyon. Dahil hindi siya nakikitang nag-aaral at ordinaryo lamang ang kanyang mga marka, hindi maiwasang makumpara siya sa mga kapatid niyang lalaki na higit raw na matalino’t may pupuntahan. Pero saan nga ba talaga nagpupunta ang kanyang mga kuya, sa kanilang mga lakad gabi gabi? Bakit kaya sila inuumaga sa pag-uwi, kung ang pinuntahan nila’y mga kaibigan at kaklase? Nailalabas ng dalawa niyang kapatid ang magarang kotse ng kanyang Baeng. Pawisik wisik pa ng Old Spice. Nagtatalo sa suot nilang polo’t slacks. Para ba’ng napakahalaga ng okasyong pupuntahan nila. At gaya nga ng sa alamat, nang mapagod na ang bunsong kapatid sa kahihintay sa kanyang mga kuyang hindi na nagbalik, lihim niyang sinundan ang pinupuntahan ng mga ito. Binuntutan niya ang roadster. Kailangang malampasan ang tumpok tumpok na puno’t kubo bago marating ang bahay na iyon, na sa liwanag ay higanteng parol na nakaupo sa lupa. Pumasok siya sa loob, at nagulat siya dahil hindi pala iyon ang talagang destinasyon kundi ang bodegang nasa likod pa nito, na mas madilim, mas mausok, mas masikip at pinagmumulan ng mga malulungkot na awitin. Pares pares ang mga babae’t lalaki na nagsasayaw. May mga mesa mesa sa sulok, at doon nag-uumpukan ang mga lalaki, katabi ang mga babaeng kanilang itineybol. “Antonio!” Bigla niyang narinig, pero nagkunwari siyang hindi niya kilala ang sariling pangalan. “Hoy!” ulit ng tinig na iyon, at may kamay na humablot ng kanyang skipper. “Ano’ng ginagawa mo dito?” tanong ni Serge. “Ano’ng ginagawa niyo rito?” ganti niya. At naghagalpakan na silang magkakapatid. Magmula noon, sumasama sama na siya sa kanyang mga kuya. Nakikiwisik na rin ng after shave cologne, nagpapaplantsa na rin ng polo’t pantalon, at humihiram na ng loafers. Paudlot udlot ang pagtuturo ng mga gawi—kung paano ba umakbay, kung paano ba oorder ng inumin, kung ano ba ang sasabihin sa babaeng kasayaw, kung paano sumayaw. Walang aktuwal na lektyur, walang kinabisang pormula, nakasalalay ang lahat sa masusing pagmamasid at talas ng wan plas wan. Umubo siya nang umubo nang una siyang manigarilyo. Gumuhit sa lalamunan ang unang lagok niya ng alak. Tinanggap niya iyon, dahil ibig niyang maging tunay na lalaki. Di nagtagal, parang tubig na lang ang serbesa at hangin na lang ang usok ng sigarilyo. Hindi rin nagtagal, may babaeng pumayag na mahalikan na lampas sa kanyang labi’t leeg, pababa sa kanyang dibdib, at nagawa ni Antonio’ng paarkuhin ang likod ng babaeng iyon sa una niyang gabi bilang lalaki. Tila nga kay tagal ng mga tag-araw na magdaraan pa, na gayon lang ang ginagawa nilang mga magkakapatid. Kung ibig niyang mapag-isa, pinupuntahan niya ang isang burol na malapit sa simbahan. Hitik ang burol sa mga puno ng kakawate’t baging ng bougainvilla, at mula sa malayo, buhok itong lunti na dinadampian ng lila. Pumuputok tuwing Marso ang mga bulaklak ng kakawate’t mababalot ang kanilang mga sanga ng mapupusyaw na biyoletang kumpol kumpol. Kapag maliwanag ang buwan, at kataong nailabas ni Antonio ang jeep, ipinaparada niya ang sasakyan sa paamburol. Aakyatin niya iyon, at para siyang nasa paraiso. Wala siyang sinasama sa mga lakad niyang ito. Humihiga siya sa damo at nakikipagtitigan sa buwan, o sa mga bituin. Tila may matang nakamasid sa kanya, naghihintay. Lilipas ang mga taon, at sa tuwing nalulungkot siya’t ibig niyang makaalaala ng magandang gunita, binabalikan niya ang alaala ng pag-akyat sa burol na iyon, ang pagtitig sa buwan o sa mga bituin na iyon, sa mga mahahabang tag-araw na iyon, noong siya’y kinse anyos, bago pa sila lumikas ng Maynila, bago pa makaaway ni Papang ang gahaman nilang kaanak, nang dahil sa lupang kinamkam kay Mamang. Kasama niya ang alaalang iyon hanggang sa Dubai, habang nakasakay siya sa dhow na bumabaybay ng lawa, o habang nasa bus patungong Abu Dhabi. Mamamalayan niyang nasa puyo rin siya ng maraming tao, maraming mga kalalakihan, na halos pare-parehas ang ekspresyon ng mga mukha. Nagmula sila sa iba’t ibang bayan ng Asya. Nakamasid sila sa mga yate’t mga motorboat. Nakatingin sila sa kanilang mga Jaguar at Ferrari. Tila blangko ang iniisip. Habagat man o amihan. Paangat man o palubog na ang araw. Tila nakatuon lang ang diwa sa pagbaybay, sa tubig man o sa lupa. Maganda na sana ang negosyo ng rent a van kaya lang pataas ng pataas ang presyo ng gasolina, padalang ng padalang ang mga tumatawag para umarkila, at ang mismong pagiging kolorum ng sasakyan ang naging ningas ng pagsulpot ng marami nitong kakumpetensiyang mas bago’t mas magara. Kulang ang consuelong naipundar nila ni Jo ang van. Mas living color ang katotohanang nawaglit ang kanyang kasarinlan kahit na marami siyang alam gawin. Nang magdesisyon siyang bumalik sa Dubai, hinabilin niya kay Jo ang toolbox niya. Tila mga anak rin niya itong ayaw niyang mawalay. Huwag ipahihiram. Huwag gagalawin. Hintayin ang kanyang pagbabalik bago iyon bubuksan o gagamitin. Bago bumiyahe muli sa Dubai, lininis muna niya’t pinakintab ang van. Vinacuum niya ang interyor. Matapos ito, binigay niya ang susi kay Jo. Binigkas ng mga mata ng asawa niya ang habilin rin niya sa toolbox. Huwag ipahihiram. Huwag gagalawin. Hintayin ang kanyang pagbabalik bago bubuksan o gagamitin. “Salamat,” sabi niya. “Marami ng sira ito at kailangan munang magpahinga. Huwag mong ipapagawa. Ako na lang ang gagawa sa pagbabalik ko.” Hinaplos niya ang headlights, ang pintuan, ang tagiliran. Inayos ang rubber tubing na palyado na sa bintana. Nangiti si Jo sa kinilos niya. Kahit paano’y natawid ng sasakyan ang gutom ng pamilya dahil sa arkila nito. Yun nga lang, naglabasan na ang mga sira at mahal ang gagastusin pag ipapagawa. Wala siyang ipon para tuunan iyon. Inuna niya ang kakainin ng kanyang pamilya at walang natitira para sa maintenance. Masyadong mahal ang gastusin, ang mga bilihin, at kakatwang ang mga dahilan ring ito ang nagtulak sa kanyang umalis noon papuntang Dubai. Sinabi niya noon, hindi na siya babalik. Dati, tila hindi niya kakayanin ang mga pamamaalam, ang pagiimpake, ang mga pagbibilin, paghahabilin. Ang mga pag-iisip sa patuloy na takbo ng buhay, magkaagapay, ngunit tila hindi magkatagpo ang mga dulo. Ngayon, parang hindi na kailangang isipin pa ang mga rason. Kakainin niya ang binitiwan niyang salita. Babalik pala siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD