3
ang mapangaraping sheikh
MAY isang sheikh na nangarap, at nangarap ng malaki. Hinagod niya ang lawak ng kanyang lupain, kung saan nagsasalubong ang buhanginan at baybayin, sa antuking bayan na iyon. May
makitid na sapang umiikit sa buong bayan, at doon nakahimpil ang mga dhows ng mga maninisid ng perlas, ng mga mangingisda’t mangangalakal. Nangingitim na tubig lamang ang natatanaw ng
karaniwan, na humahalik sa nangalirang na lupa, ngunit iba ang natatanaw ng sheikh— nakikita niya ang isang walang hanggang kalsada, isang highway na bumubuka’t nag-aanyaya sa mundo.
Itatayo niya ang gulugod niyon.
Isang araw, noong 1959, humiram siya ng milyun milyong dolyar mula sa karatig bansa niyang Kuwait, para palawakin at palalimin ang sapang iyon hanggang sa maari na itong maging daungan ng mga
barko. Naglatag siya ng mga wharf at warehouse, namlano ng pagsasanga ng mga kalsada kung saan uusbong ang mga eskuwelahan, gusali, tahanan. Nababaliw na ang sheikh, sabi ng ilan. Hindi,
namamalikmata siya, akala’y makakapagpatayo ng mga kastilyo sa buhangin. Hindi nabuyo ang sheikh na makipagdagitan sa kanilang mga panlalait at panghahamak sa pangarap niya. Para sa kanya,
hindi pangarap iyon. Isa iyong katotohanan, at naniwala siya sa kapangyarihan ng mga simulain. Kasama ang kanyang anak na si Mohammed, ipinapasyal niya noon ang bata sa baybayin ng bayang iyon.
Pinanonood nila ang pagbubukang liwayway, ipinipinta ng ama kung saan makikita ang bagong siyudad. Nakatingin ang bata sa mga mata ng kanyang ama at oo, nakita niya ang lupang pangako sa balintataw
nito.
Binalumbon ang banig ng mga taon at ang batang iyon, si Mohammed bin Rashid, ang namumuno na ngayon sa Dubai. At sa paligid ng dating sapang iyon, umusbong na nga ang siyudad na pinangarap ng
kanyang ama. Nangingiti marahil ang namayapang sheikh habang tinatanaw ang lupaing iyon ngayon, na tinuldok-tuldukan din niya ng mga hugis anahaw na beachfront villas, simulasyon ng mga isla ng
buong mundo, mga gusali’t istruktura na iniwi mula sa hiraya, na nagluwal ng mga kongkreto-salamin-ginto-kromong mga fantasya. Maniningning, hinahamon ang hangin, hinuhuli ang araw, at
tinutusok ang langit.
Dinaragsa ngayon ang dating antuking bayang iyon ng milyon milyong katao, namamangha sila sa skyline, sa world-class na amenidad ng bawa’t gusali bawa’t puerta, sa mga kolossal na
mga duty free malls na kumpleto pa ng bista ng disyerto dahil may nagtatayugang mga date trees.
Ito na ang Dubai ngayon.
Binabatubalani nito ang mga turista’ng singlaki ng populasyon ng buong India, dumaraong dito ang mga barko’t iba’t ibang mga berths na tatapat sa Singapore, hinihigitan nito
ang foreign capital ng maraming mga bansa sa Europa. Hindi problema ang init dito—laksa laksa ang mga aircon na iba’t iba ang laki’t na maikakasa sa anumang espasyong
nangangailangan, kahit mga swimming pool rinerefrigerate. Lalong hindi problema ang espasyo—laging may buhanging maaring itayong isla, laging may konstruksiyon. At lalong hindi problemang may
giyera ang mga bansang katabi. Katunayan, ang telenovela nila ng tunggaliang tangke, bomba at Uzi ang nagpapayaman sa emirating ito. Dito humihimpil ang mga Amerikanong hukbo na paroo’t
parito sa Middle East—pahingahan nila ang Dubai sa inaalok nitong mga magagarang hotel, eleganteng mall, at kakaibang mga theme parks na may niyebe’t dinosaur.
Binabatubalani rin ng fantasyang ito ang mga manggagawang dumarayo pa mula sa Timog Silangang Asya, pati na rin sa mga mahihirap na bansa sa Gitnang Silangan. Hindi na mahalaga kung naniniwala
rin sila sa kastilyo. Umuuwi ang mga manggagawang ito sa sarili rin nilang siyudad, sa mga gusaling matatawag na anino ng mga toreng kanilang pinagpapaguran.
Masugid ang sheikh sa pamimili ng milyung halaga ng mga magagandang kabayo, at mas malawak pa ang estable ng mga hayop na iyon kaysa sa mga silid na pinaghihimpilan ng mga manggagawang ito.
Masugid naman ang mga manggagawa sa paglalagda ng mga pangalan sa mga piraso ng papel, pumipirma sa mga kontratang nangingidnap ng kanilang pasaporte’t karapatan. Araw-araw, may mga bus na
naghahatid sa kanila papunta’t pauwi sa siyudad nila. Pumipila sila. May disiplina. Talagang madidisiplina dahil ang mga pasaporte nila’y hawak sa leeg ng mga kontraktor. Habang bulto
bulto ng mga dolyar ang namamagitan sa transaksiyon ng mga hotel, real estate property, atbp., umuuwi ang mga manggagawang ito sa kanilang otel na pata ang katawan at sinisikmura sa gutom.
Kakarampot na kita. Halos walang makain. Hindi makauwi. Ngunit nananatili sila sa siyudad na iyon.
Dahil hindi pa natatapos ang mga kastilyo. At hangga’t may yamang maibibili’t maikakalakal, lumulukso ang dugo ng lupain.
Ang Dubai na linisan ni Antonio noong 1994 ay hindi na ang Dubai na binalikan niya noong 2000. Kagaya ng kalsadang ipinangalan mismo sa sheikh na iyon. Dati, wala kang matatanaw sa kahabaan noon
kundi ang dalawang toreng magkatapat. Ngayon, binansot na ang dalawang toreng iyon ng iba pang mga skyscraper, na tila nagpapaligsahan sa tayog.
Oo. Sa lugar na iyon, hindi maaring ikumpara ang kilos ng panahon sa tubig. Lintik ang panahon doon. Oo. Lintik, dahil gumuguhit ito sa langit, nakasisilaw, nakapangingilabot. Ang mga tao, hindi
lang nagmamadali. Kailangan nilang sakyan ang lintik. Paano nga ba sumakay sa lintik? Aba, para mo na ring itinanong: paano nga ba paaamuhin ang tikbalang?