4
ang bahay ng tikbalang
“JO, ano ba naman ‘tong bahay ng tiyuhin mo,” bungad ni Antonio, habang tinataga niya ang mga baging na nakapalupot sa gate. Ilang hataw pa ng patalim bago
nila nakita ang mga basag na bintana ng bahay.
“Do’n ka na lang muna kaya sa kotse’t baka matuklaw ka pa ng ahas dito,” suhestiyon ni Antonio.
“Wala naman siguro.”
“Mahal, huwag nang matigas ang ulo. Isasama na lang kita ulit pag nahawi na itong mga baging baging na ito.”
Bumuntunghininga si Jo. “E wala naman akong gagawin sa sasakyan. Wala akong nabitbit na librong babasahin.”
“O sige na nga.”
Hawak kamay nilang sinuong ang garahe, nakiskis ng kanilang mga balakang ang tagiliran ng kotseng puti na nakahimpil. Kinapa ni Antonio ang susi, binuksan ang pinto ng bahay, at pumasok sila sa
loob. Bumuntunghininga ang bahay na iyon, ipinaamoy ang naipon nitong hininga ng hayop sa wisik ng alikabok. Ibinulong ng mga luklukan nito ang mga nokturnal at ilap.
“Wow. Gubat sa labas, mausaleo sa loob.”
“Di ba sabi mo kanina pagkaparada pa lang natin, parang bahay ng tikbalang?”
“Oo nga. Parang batcave na hindi mo mawari.” Linilis ni Antonio ang isang kumot, at nakita nila ang mga gamit na iniwanan—refrigerator, stove, telebisyon, stereo. Sa mga
kuwarto, tinakpan lang rin ng puting kumot ang mga kama. May mga ilang damit pang nakakalat sa sahig. May malaking malaking kahon na may mga ngatngat pa ng daga na nakabara sa may banyo. Bubuksan
na sana ni Jo pero tinapik siya ni Antonio. “Lumabas ka na muna’t hihikain kang tiyak dito.” Saka pa lang tumalima si Jo.
Kasama ang barkada, bumalik muli si Antonio sa bahay na iyon para linisin ang paligid. Pinagtataga nila ang mga baging. Sinunog ang sukal sa garahe. Winalis, binuhusan ng tubig, winalis,
linampaso ang sahig.
Gumawa siya ng estimate ng magagastos sa renobasyon. Kulang-kulang, aabutin ng 50,000 ang kabuuang repair. Naglaan na ng contigency si Antonio: kahit pasulong raw ang ekonomiya patungo sa bagong
milenyo, sunod sunod naman ang mga gabing ubod ng alinsangan at madilim dahil walang kuryente at inaatake ng brown out ang buong Metro Manila. Walang makapagsasabi kung mananatili sa gayong presyo
ang mga kahoy na nabibili ng 750 per 100 piraso, at palundag lundag rin ang presyo ng yero’t bakal, depende pa sa buwan kung kailan nasimulan. Mabuti’t pumatak sa buwan ng Marso ang
proyekto, sa kasagsagan ng tag-init. Pagdating ng tag-ulan, bukod sa nagjack up ang mga presyo ng materyales, aabalahin sila ng walang humpay na pagtigil ng trabaho dahil basa ang paligid.
Noong linggo ring iyon, dumalaw si Mitoy sa site. Nasa kisame noon si Antonio, sinisilip ang wiring.
“Bumaba ka muna riyan sa kisame, papakilala kita sa Tito ko,” sabi ni Jo.
Gumapang si Antonio pabalik sa butas na pinanggalingan kanina. Lundag. Masinop niyang linapat ang tapyas ng kisame na nagsilbing portal. “Sino po ba’ng naglatag ng wiring nito
dati?”
“Ay, hindi ko na alam,” wika ni Mitoy. “Nabili na namin ito noon na yari na. Bakit?”
“Takaw sunog. Kung saan saan ipinagkabit kabit. Mainam po ’yung i-rewire na lang para siguradong safe.” Pinapagpag ni Jo ang alikabok sa kamiseta’t buhok ni Antonio, at
ilang segundo pa ang nagdaan bago nila nahalata na nakatitig lang si Mitoy sa kanila.
Naaalala ni Antonio na naasiwa siya sa titig na ’yon, may nabasa siyang hindi pa niya matiyak kung ano. Pero kinalimutan lang niya at sinabi niyang maghuhugas lang siya sandali.
Iyon ang una nilang pagkikita ni Mitoy. Tila natuwa ito sa kanya. Hindi lang siya kinontrata para tapusin ang wiring, kinonsulta na rin siya para asikasuhin ang paglalatag ng mga panibagong
tubo, at palitan ang mga kubeta. Tamang tama rin ang pasok ng alok nito dahil naghahanda na sila ni Jo noon sa kanilang pagsasama.
Ipinakita niya kay Mitoy ang iba pang mga diperensiya ng bahay, lalo na sa may kusina. May biglang lumitaw na ahas tulog mula sa tubo ng lababo. Nagulat sila sa biglang paglitaw noon.
“Ano ba ’yun, nanunuklaw?”
“Lahat po ng ahas, nanunuklaw.” Nagkatawanan. “May bubuli na nga pong namahay sa ilalim ng kama. Parang masama pa ang loob nu’ng linilinis namin ang sahig.”
Tumawa ang tiyuhin ni Jo ngunit wala itong inalok na paliwanag. Kung bakit iniwan niya ang bahay sa gayong ayos. Kung bakit gusto niya iyong ipagawa muli. Pinigilan ni Antonio ang sarili na
magtanong sa kutob niyang baka maasiwa si Mitoy, na kaanak pa mandin ni Jo.
Isa-isang inalis ang gamit, may mga ipinamigay sa mga trabahador, may mga ibinasura. Ipinasunog ang kama sa master’s bedroom na matino pa. Nang maalis na iyong lahat, humugot si Mitoy ng
isang malalim na buntung hininga. “Ngayon, nakikita ko na ang bahay,” wika nito. “Ang balak ko, tatalupan ang apple green na wallpaper at pipinturahan ng puti. Yung mga cabinet,
ipapaayos ko. ’Yung arko naman, baka palitan ko na ang mga bungi-bunging tisa.”
“Aba’y pagagandahin niyo ho ba ulit ito?”
Patlang. “Oo,” kabig nito, “pero hindi ko na titirhan. Pauupahan ko.”