1

1545 Words
Nangangagat na ang araw na dumapo sa balat ni Raymart mula sa nakabukas na bintana ng bahay. Kinurap-kurap ni Raymart ang mga mata at tumitig sa bubungan. Pinakiramdaman niya ang sarili. Wala na ang pananakit ng ulo. Mas magaang na ngayon ang pakiramdam kumpara kahapon. Nilibot niya ng tingin ang ilang kwadradong silid na natatabingan lang ng kurtina mula sa pinakasala at kusina. Sumasayaw ang bulaklaking tela sa saliw ng hangin na lumusot mula sa labas. May hindi klarong ingay mula sa labas, mukhang nag-uusap na mga tinig. May mga ingay ng mga alaga nilang hayop. Itinukod niya ang dalawang siko at bumangon. Nalaglag sa sahig na kawayan ang kumot na nakatabing sa kanyang katawan. Pinulot niya iyon at basta initsa muna sa papag. “Mamaya na kita tutupiin.” Saka niya ibinaling ang paningin sa labas. Nakataas ang bahay nila, may mataas na silong sa ilalim na ginagawa naman nilang storage at silungan ng mga hayop. Mula sa kinaroroonan, tanaw niya pa rin ang dagat kahit nan ga napapalibutan ang bakuran ng mga punongkahoy at pananim. Nakalusong na siguro sa laot ang mga kapwa niya mangingisda. Sa mga mahihirap na katulad nila, hindi uso ang pahinga. “Bakit ka bumangon?” Ang nag-aalalang boses ni Jhe ang naulinigan niya. Nakatayo ito sa bungad ng pintuan, bitbit ang tray ng pagkain. Nagmamadali itong ilapag ang dala sa mesita at nilapitan siya. “Masama pa ba ang pakiramdam mo?” Sinalat nito ang noo niya at sinuyod ng tingin ang kanyang mukha. Naghahanap ito ng anumang senyales ng karamdaman. “Okay lang ako.” Para itong nakahinga ng maluwag. Naalala niya kagabi kung paanong halos naiyak na ito nang iuwi siya nina Poncio at namimilipit sa sakit ng ulo. “Kumain ka na muna.” Inatupag nito ang paghahain ng agahan habang tahimik siyang nakamata sa bawat galaw nito. Tahimik lang siyang nakamasid dito, ninanamnam niya lang ang tila malamyos na galaw nito. Maalaga si Jhe, walang duda, at gustong-gusto niya ang pakiramdam na inaalagaan nito. Wari niya kasi, siya ang sentro ng mundo nito. “Idinaan nga pala ni Poncio ang laing. Luto raw ni Aida. Alam kong ayaw mo nito kaya. itong itlog na lang ang ilalagay ko sa plato mo ha at itong paksiw na rin. Sa akin na lang itong laing.” Sa halip na sumagot, marahan niya itong hinila at niyakap mula sa likuran. Hindi naman na bago sa kanya ang manantsing sa asawa pero ramdam niya pa rin ang pagkabigla nito. Halatadong natitigilan. Ang asawa niya, kahit ilang ulit man niyang angkinin, may mga pagkakataong nararamdaman niya pa rin ang reservation nito. Minsan, kapag nagtatapos na ang mainit na tagpo sa kanilang dalawa, nahihiya pa rin itong makita niyang nakahubad ito. Si Jhenalyn, para sa kanya ay isang napakagandang misteryo na hinihila siyang paulit-ulit na tuklasin. “Bakit?” Sinilip nito ang mukha niya. “Anong bakit?” Nilubog niya ang mukha sa gilid ng leeg nito. Amoy malinis kahit halatang hindi pa nakakaligo. Kahit yata magpawis pa, ang linis pa rin ng amoy nito. Nakakaadik nga. “Bakit parang ang lambing mo yata ngayon.” “Dati naman na akong malambing, ‘di ba? Bakit, masama bang yakapin ko ang misis ko?” Gusto niya lang gawin. Ipinulupot ang mga braso sa impis nitong tiyan. Ang sarap damhin ng kurba sa katawan na nagtatago sa simpleng kasuotan. Pero higit sa makamundong pagnanasa, kapayapaan ang dulot ni Jhe sa kanya. Kapag kasi yakap niya ng ganito ang asawa, nawawala ang anumang ligalig sa isip at puso. Ito ang nagpapayapa kanya kapag naguguluhan siya. Si Jhe ang ang gamot niya. Ipinikit niya ang mga mata at ninamnam ang maalat na hangin sa umaga. ‘Di niya namalayan, kusa na palang gumawa ng paikot na haplos sa sikmura nito ang kanyang kamay. Sana sa susunod, maumbok na sinapupunan na nito ang mahahawakan niya. Sana. “Hindi ka kaya mangangawit?” Nagdilat siya. Naputol ang daloy ng mga pangarap. “Bakit?” “Baka bumaluktot na iyang mga tuhod mo, ang tangkad mo pa naman.” Natawa siya sa sinabi nito. “Problema ba ‘yon?” Napatili si Jhe nang walang kahirap-hirap niya itong buhatin at iupo sa pasimano ng bintana. Napapagitnaan siya ng mga hita nito. Sumilip kaagad ang bilugan at makikinis nitong mga hita nang umangat ang laylayan ng suot. Napangiti kaagad siya. Natatakam siya umagang-umaga pa lang. Yumukod siya at pinaghahalikan ang mga iyon. Sinadya niyang lagyan ng landi ang bawat dampi ng mga labi at nakikita niya naman ang epekto. Nanayo kaagad ang balahibo ng asawa. Kaya naman mas naengganyo siyang gawin. Palipat-lipat siya at manaka-nakang hinahaplos ng kamay ang mga iyon. Nakakagigil. Parang ang sarap kagat-kagatin. “Awat na…” Nakikiliti ang asawa niya. Pinilit nitong ilayo ang mukha niya sa mga hita nito. Alam na alam nito na kapag nagsimula na siya, wala nang makakapigil pa. Naghila siya ng bangketo at umupo. Nakatanghod na siya sa asawa. Ang ganda nito kahit napakasimple lang. Kahit may ilang hibla ng buhok na tumabing sa mukha na tumakas mula sa pagkakaipit sa clamp. Para itong dagat, hindi nakakasawang titigan. Umangat ang kamay nito at hinaplos ang pisngi niya. Ang suyo ng hagod ng kamay nito sa balat niya. Ikinulong nito ng mga palad ang mukha niya. “Sobra akong nag-alala sa’yo kahapon.” Halos naiiyak na ito kahapon. “Okay naman na ako ngayon.” Matapos ang insidente kahapon, nakatulog siya na panay ang hilot ng asawa sa sentido niya. Dumating pa ang albularyo sa isla dahil tinawag ito ng isa sa mga kasamang mangingisda. Sa totoo lang, hindi albularyo ang kailangan. Kinuha niya ang kamay ng asawa at pinag-ugnay ang mga daliri nila. “Gusto kong maunawaan ang nakaraan ko.” Hindi kaagad nakasagot si Jhe. Napalunok ito. Parang may paninimbang na nangyayari sa isip. Ayaw niyang isipin na may mga hindi ito sinasabi pero hindi maiwasan para sa isang katulad na niya na walang maalala sa nakaraan. Nagising na lang siya sa bahay na tinirhan nila dati sa mas liblib na isla ng Tignob bago sila lumipat dito sa Parongpong. Nagising siyang may mga sugat sa ulo at ibang parte ng katawan. Mahigit isang linggo rin siyang nakaratay lang sa higaan. Si Jhe ang nag-alaga sa kanya katulong sina Poncio at Aida. Si Jhe ang kasama niya sa muling pagbangon. “Gusto kong mas makilala ang sarili ko.” Malaman ko kung sino si Luka at ang babaeng iyon sa panaginip. “Anong…anong parte ang nais mong malaman?” “Marami.” Higit pa sa mga kwento nito at ng mag-asawang Poncio at Aida. Ang alam niya lang ay pareho silang ulila ni Jhe. Pareho silang lumaki sa iskwater sa Maynila. Kaya, mas matatas sila sa pananagalog kaysa sa gumamit ng Bicolano. Nagkita sila sa trabaho, nagkaigihan, nagpakasal. Napadpad sila sa Masbate para doon magsimula pero hindi kumita ang pinasok na negosyo. Nasunog ang kabuhayan. Sina Poncio at Aida ang naging tulay para mapunta sila dito sa Palumbanes. "Pareho tayong nainlab sa isla, hindi na tayo umalis pa.” Iyon ang laging sinasabi ni Jhe. Pinaniniwalaan niya dahil kahit sa ganitong estado, mas pipiliin niya ang tahimik na buhay sa lugar na ito. Pero hindi maipagkakaila ang mga tanong sa kaibuturan niya. Nagugulo ang isip at buo niyang pagkatao nitong mga huling araw. Luka. Ang babaeng ‘yon. Ang pagsabog sa panaginip. Kaya, ganito na lang kasidhi ang kagustuhan na bungkalin ang ilang parte ng nakaraan. “Marami akong gustong malaman,” dagdag niya. Nakagat nito ang ibabang labi at napalingon sa dagat na para bang may hinahanap na kasagutan. Pagbaling sa kanya, nakita niya ang tila takot sa mga mata nito. “Baka pag naalala mo lahat, ako naman ang kakalimutan mo.“ Dama niya ang takot na pilit nitong pinagtatakpan ng ngiti. “Hinding-hindi mangyayari ‘yan. Mahal kita.” Umuulap ang mga emosyon sa mga mata ni Jhe. Kapag sinasabi niyang mahal niya ito, lagi itong naiiyak. Lagi rin na parang kukuyumusin ng mainit na kamay ang puso niya. Tumayo siya. Siya na ngayon ang nakatunghay sa asawa. Banayad niyang dinampian ng dulo ng daliri ang namamasang gilid ng mga mata nito at pagkatapos ay ikinulong niya sa mga palad ang mukha nito. “Kakalimutan ko na ang lahat, huwag lang ikaw, Mahal ko.” Mas lalong naging emosyonal ang asawa. Kusa nitong inabot ang bibig niya at masuyong hinagkan. Sa malamig na umagang iyon, banayad na naglapat ang kanilang mga labi. Walang pagmamadali sa kanilang halik. Nais lang magpadama ng lalim ng nararamdaman. Hanggang sa mas naging malalim at mapusok ang halik na pinagsaluhan. Kapwa nila habol ang paghinga nang maghiwalay ang mag labi nila. Sinapo niya ang mukha ng asawa at hinagkan ito sa noo ng paulit-ulit. “Pangako ko sa’yo, kahit hindi malinaw ang nakaraan ko, okay lang. Basta nandyan ka sa tabi ko, hawak ko ang mga kamay mo, sapat na ako. ‘Di bale nang wala akong maalala, ikaw lang ang memoryang gusto kong manatili sa puso at isip ko.” Nasa tabi niya si Jhenalyn, ang mapagmahal niyang asawa Ano pa ba ang hahanapin niya? Buo na ang mundo niya kahit kalahati lang ng pagkatao niya ang kilala. Kung sino man siya sa nakaraan, hindi na mahalaga pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD