1995 | Nakaraan Buong buhay ko’y isa akong bilanggo. Bilanggo ng mga boses. Boses na isinisiksik sa kokote mo ang kamalayan ng perpekto. May kalakip na parusa ang bawat pagkakamali. Kaya wala kang ibang magagawa, kun’di ang sumunod. Ang alam ko, ang bilibid na ito ay naghahatid ng takot sa kabuuan ng isang tao dahil sa mahika nitong takpan ang iyong paningin at ika’y lulumpuhin, hanggang sa mabakuran nito ang iyong puso at ang iyong isipan ay sasakupin. Ang bawat sulok nito ay may kakaibang galamay na unti-unti kang sinasakal hanggang sa maubusan ka ng hininga. Alam mong wala kang pagkakasala. Hindi ka nakulong dahil sa mga pagkakamali, kun’di dahil sa hindi ka makagawa ng mali. Ang alam mong tama ay binuhay ka sa dilim. Binuhay ka sa mga naglalakihang pader na hindi maabot ng panin

