Prologue
Para sa atin, ang reyalidad ay hindi mapagkakatiwalaan. Kasi minsan, hindi natin pinaniniwalaan ang alam nating katotohanan. Dahil nga ba saan? Sa takot? Dahil nabubulag tayo, o talagang ayaw nating tanggapin? Tayo ang pumipili ng mundong ninanais nating galawan. Ngunit hindi lahat ng mundo natin ay nasa panig ng katotohanan. Kung kailan naman kasi unti-unti na nating nakikita ang totoong buhay, saka tayo nagbubulag-bulagan.
Kakaibang awra ang nakapalibot sa buong pasilidad na iyon. May limang palapag ang gusali at ito ay napapalibutan ng kulay puting haligi. Kung titignan ito mula sa labas ay tila napakatahimik at mukhang abandonado, ngunit pagpasok mo sa loob nito ay roon mo pa lamang maririnig ang tunay na tinig ng impyerno.
May mga nakadukong babae at ginugulo ang buhok, may isa namang naglalakad na tila wala sarili sapagkat walang nababakas na emosyon sa kaniya, at ang isa namang lalaki ay tumatawa mag-isa. Halos karamiham ng naroroon ay ganoon ang ginagawa. Mga taong tunay na dinanas ang kalupitan ng mundo at kadiliman ang tanging naging kaibigan. Mga taong tuluyang nawala sa katinuan.
Isang lalaki na nakasuot ng puting uniporme ang nasa loob ng kaniyang opisina. Nakatitig ito sa monitor ng kaniyang computer. Ngunit ang pokus niya ay nasa hawak niyang telepono at kausap sa kabilang linya. Naputol ito nang may kumatok sa pinto, at iniluwal niyon ang isang nurse.
“It’s about time, Dr. Philip,” magalang na tugon nito.
Tumayo siya at dinako ang tingin sa kaniyang relo. Hinakbang nila ang mga paa patungo sa pasilyong sadya nilang puntahan. Parehas na seryoso at walang kibo ang dalawa. Tumigil sila sa harap ng isang silid na ang dingding ay gawa sa semi-transparent na salamin. Ang kabilang side ay maliwanag at ang kabila ay madilim. Kaya malaya nilang nakikita ang babae sa loob n’on, ngunit ang babae sa loob n’on ay hindi sila nakikita. Matapos pagmasdan ng ilang minuto ay naglakad siya papalayo at pumasok sa isang hindi gaanong kalakihang silid, kung saan dito kinakausap ang mga pasyente. Ito ay katabi lamang ng silid na pinagmamasdan nila kanina. Tulad ng ibang silid, puro puti rin ang makikita sa bawat paligid nito. Umupo siya roon at hinintay ang pagdating ng taong inaasahan niya.
Hindi naman tumagal ng ilang minuto ay pumasok na ang isang nurse kasama ang pasyente na inoobserbahan niya kanina. Isang babae nakasuot rin ng kulay puti, lagpas sa balikat ang buhok, at may mga maliliit na buhok ang nakakapit sa damit niya senyales ng paglalagas. Maputi ito, ngunit may iilang mga galos sa braso, hindi ito masyadong kita ngunit sa malapitan ay mapapansin ang pamumula nito. Hindi naman kasi nila ito maaaring itali pa sapagkat mas lumalala lamang ang kondisyon niya. Walang ekspresyong nababakas sa kaniyang mukha, ngunit malungkot ang mga mata nito. Pinaupo siya sa kaharap na upuan ng doktor, at matapos n’on ay iniwan na sila ng nurse para makapag-usap.
“Maria,” bigkas ni Dr. Philip at hinintay ang magiging reaksyon ng babae.
Tahimik lamang ang babae na tinawag niyang Maria, pagkaraan ng ilang segundo ay inulit ng doktor ang sinabi niya. “Maria.”
“Patay na siya,” wala sa sariling sambit ng kaharap, kapansin pansin ang pagkabalisa nito.
Natahimik ang Doktor at iniisip ang susunod na sasabihin, kailangan niya kasing mag-ingat kun’di ay hindi niya makukuha ang sagot na inaasam na marinig. Inoobserbahan lamang ng doktor ang mga kilos niya, pagkuwa’y nililista niya ito sa hawak niyang papel.
Muli ay nagsalita ang Doktor, “Paano mamatay si Maria kung ikaw si Maria?”
“Pinatay ko na siya!” Napalakas ang boses nito nang sabihin iyon. “Makinig ka sa akin, patay na siya!” dagdag niya. Nanlilisik ang mga mata nito. Nakakapanindig balahibo.
“Sige, huminahon ka.” aniya. Binigyan siya ng Doktor ng isang kalmadong ngiti upang mapanatag ang kalooban ng kausap.
Sumunod naman ito kaagad ngunit masama pa rin ang tingin ng babae sa kaniya. Ngumiting muli ang doktor bago pinatunog ang Metronome. Naghatid iyon ng ibayong musika sa pasyente. Napatitig ito roon ng ilang sandali at naging magaan ang pakiramdam niya.
“Lilith," pagtawag ng Doktor sa babae. Bagamat wala pa rin itong tugon, alam niyang alam ng babae na para sa kaniya ang pangalang iyon. Hindi ito sumagot, yumuko ito at kinukotkot ang mga kuko. Hindi makatingin ng diretso. Naisip ng Doktor na gawing magkaibang tao ang dalawang pangalan upang mas maintindihan ito ng kausap.
“Ano ang nagtulak sa ‘yo para gawin iyon kay Maria?” tanong ng doktor.
Inangat niya ang ulo at tumitig sa doktor. “Hi-hindi siya ma-magiging m-mabuting i-ina,” nauutal na sambit, marahil ay kinakabahan.
“Lilith, hindi mo kasalanan ang nangyari sa anak mo," sambit ng doktor.
Matapos sabihin iyon ng Doktor ay pumatak ang luha sa mga mata ng babae ngunit nanatiling walang emosyon ang mukha. Tumatango-tango, minabuti ng doktor na ibahin ang usapan.
“Ano bang mga pinagkakaabalahan mo nitong mga nakaraang araw?”
Mabilis nagbago ang awra nito at tila hindi nangyari ang usapan nila ng doktor kanina.
“Nagsusulat ako," aniya.
Ngumiti ito, tila isang batang binigyan ng tsokolate at sabik na tikman iyon. Ganoon na ganoon ang ekspresiyon na ipinapakita niya ngayon ngunit mabilis din itong nawala at bumalik sa pagkatulala.
Tumango ang doktor, senyales ng pag-sang ayon. “Ano ang sinusulat mo?”
“Tahan na, anak," sagot nito.
Nakatingin ito sa malayo nang sambitin ang mga katagang iyon. Malungkot ang tono, tila may kausap na hindi nakikita. Napakunot-noo ang Doktor, iniisip kung saan niya narinig ang mga salitang iyon at kung ito ba ay may ibang kahulugan o tinutukoy lamang nito ang titulo ng sinasabing kwentong isinulat niya. Hanggang sa maalala niyang may dalawa itong akda na magkapareho ang titulo, kaya minabuti niyang itanong kung alin sa dalawa ang tinutukoy nito.
“Iyong tula o iyong kwento mong hindi mo pa tapos?”
Nagkaroon ng katahimikan sa pagitan nila.
“Itinutuloy ko po," sagot niya.
“Ang kuwento mo?” hindi ito sumagot kaya nagpatuloy siya sa pagtanong, “Pwede ko bang malaman kung paano?”
Hindi na ito nakatingin sa kaniya, kapansin pansin ang panginginig ng mga kamay. Ngunit humahagikgik ito sa hindi malamang dahilan.
“Lilith, iba ang reyalidad na nangyari sa’yo sa kuwentong binubuo mo sa utak mo," saad ng doktor.
“Itinutuloy ko po,” pag-uulit niya sa naunang pahayag. Nakatingin ito sa bintanang gawa sa salamin, nakikita niya ang repleksiyon ng sarili. Dahil doon ay hindi siya makapag-isip ng maayos.
Naghintay lang ang doktor ng kaniyang mga susunod na sasabihin.
“At---” Hindi nito maituloy ang sinasabi sapagkat nanginginig ang kamay nito.
“At… ngayon… ay tatapusin ko na!” pasigaw nitong sabi at biglang hinablot ang fountain pen sa lamesa. Napakabilis ng mga pangyayari at naestatwa ang Doktor nang ambang isasaksak ito sa kaniya.
Palinga-linga sa paligid habang duguan ang mga kamay, walang kaide-ideya sa bagay na kaniyang nagawa. Umaakto pa rin ito na may kausap.
“Maniwala ka, maniwala ka.”
“Maniwala ka, ‘yong kuwento…”
Humahagibis na dumating ang mga nurse para saklolohan ang sugatang doktor.
“Maniwala ka sabi eh!” Niyuyugyog nito ang kaniyang sariling balikat. Umalalay naman ang ilang nurse at pinagtuunan siya ng pansin upang mapakalma.
“Sisimulan kong muli sa umpisa…”
Nawalan siya ng malay matapos siyang turukan ng pampatulog ng isa sa mga nurse.