Kadiliman ang bumabalot sa apat na sulok ng silid na kinalalagyan ko ngayon. Hindi nakabukas ang malaki at nag-iisang bintana kahit alam kong tirik na ang haring araw sa labas at ang iba ay nagsasaka na, o di kaya’y namamalengke, o kaya nama’y naghahain ng almusal sa kanilang pamilya. Maliit lang ang aking silid, may isang kama, isang tokador, at mga aklat sa sahig.
Pinagmamasdan ko ang aking sarili sa isang pahaba at malaking salamin, luma na ito at may ilang mga bahagi na basag na. Tanging ang dalawang kandila sa magkabilang bahagi nito ang nagbibigay ng liwanag. Hinahawi ko ang ilang hibla ng aking itim na buhok. Sinadya kong tumakip ang ilang buhok sa kaliwang bahagi ng aking mukha, pilit inaalis sa alaala ang sugat na dulot ng masalimuot kong nakaraan.
Medyo naluluha akong titigan ang aking buong pangangatawan, suot ang isang lumang bestida. Nangingitim ang ilalim ng aking mga mata, bulok na ang ilan sa aking mga ngipin, nangayayat rin ako, at maging ang kulay gatas kong balat noon ay wala na. Hindi na katulad ng dati. Wala na ang taglay kong kagandahan. Hindi na ako kasing ganda tulad noong aking kabataan. Naglaho na ang mga pag-iingat at pag-aalaga ng aking mga magulang sa aking kutis. Tunay ngang hindi na ako maganda.
“Hindi na ako maganda…”
Bahagya akong napaatras nang may lumitaw na imahe sa salamin. Babae rin ito at nakasuot ng puting kasuotan, ngunit hindi tulad ng suot kong bestida, ito ay katulad ng mga sinusuot ng isang pasyenta sa hospital. Lumuluha siya at may sinasambit na kataga ngunit hindi ko iyon maintindihan. Pinikit ko ang mata dahil sa takot, ngunit pagbukas nito ay wala na ang babae sa salamin.
Umiling-iling ako, tinatanggi sa sarili ang aking nakita. Hinakbang ko ang aking mga paa patungo sa pinto. Maririnig ang paglagitngit nito, maingay at masakit sa pandinig. Pero ininda ko lang iyon at hinayaan.
Hinanap ko kung nasaan ang aking anak. Hindi naman ako nabigo sapagkat natagpuan ko siya sa hapagkainan, malungkot at nakatulala. Nakangiti akong lumapit sa kaniya at umupo sa kaharap nitong upuan.
“Bagay na bagay sa iyo ang malarosas mong bestida anak.”
Pinuri ko siya, gaya ng dati kong ginagawa noong siya’y maliit pa. Ngunit gaya ng inaasahan, wala siyang tugon. Hindi ko alam kung bakit ganoon pero nalulungkot ako. Ito ba ang sinasabi ng ilan na pagbabago sa mga anak kapag sila’y lumalaki na? Subalit iniwas ko naman ang aking anak sa ibang bata. At wala siyang kinalakihang teknolohiya. Kami lang dalawa ang magkasama. Ano kaya ang dahilan ng panlalamig niya? Gusto kong malaman kung kaya’t nagdesisyon akong kausapin siya.
“Naalalala ko pa anak, tuwang tuwa ako nang ipanganak kita. Ikaw ang pinakamasayang pangyayaring naganap sa buhay ko.”
Walang tugon.
“Galit ka pa rin ba sa akin anak? Hanggang ngayon kasi ay ayaw mo akong kausapin. Ayaw mo ring kainin ang pagkaing inihahanda ko sa iyo. Ano ba ang gusto mo anak at ibibigay ko sa ‘yo?”
Hindi niya pa rin ako magawang titigan sa mata. Nalulungkot talaga ako sa inaasta ng aking anak. Nais ko lamang siyang makakwentuhan.
“Gano’n ba? Oh, sige anak, sandali lang ha? Hintayin mo ako rito at ipagluluto na kita. Sigurado akong kakain ka ngayong umaga!”
Ngumiti ako at ipinakitang ako ay masaya sa kabila ng ganoong trato niya sa akin. Sabik akong nagluto ng lugaw. Isang simpleng pagkain para sa aking anak.
Kumuha muna ako ng gunting bago pumunta sa isang maliit na bodega, malapit lamang ito sa aming kusina. May mga nakaharang na kahoy sa pinto niyon, kaya maingat ko itong inalis. Sumalubong ang isang nakakasulasok na amoy at maagiw na paligid. Hinagilap ng aking mga mata ang kinalalagyan niya. Napangiti ako ng marinig ang kaniyang mga impit at paghikbi.
“Mmp h-hmmmp…”
Mula iyon sa isang batang mataba ang pisngi. Nilagyan ko kasi ng busal ang kaniyang bibig upang hindi siya makagawa ng ingay. Nakagapos rin ang dalawa niyang kamay at paa. Wala naman akong planong patayin ang batang ito. Kun’di lang sana siya pumasok ng walang pahintulot sa aming bakuran ay hindi ito mangyayari sa kaniya.
“Hello. Ikaw si Karla, ‘di ba? Yo’ng anak ni Esang?”
Tumango-tango naman ang bata habang tumutulo ang luha sa kaniyang mga mata.
“Ang ganda naman ng mga mata mo, malaki at malulusog. Dumadagdag sa pagiging cute mo. Alam mo, gusto ko pa sanang makipagkwentuhan sayo kaya lang kumukulo na ‘yong niluluto ko. Pwede bang akin na lang ‘yang mga mata mo?”
Nanlaki ang mga mata ng bata nang itaas ko ang gunting. Nangangatog ang binti nito at pilit na lumalayo sa akin. Mas lalo tuloy akong natuwa dahil doon.
“Pasensiya ka na, ah? Para ka lang namang nagpabunot ng ngipin. Sssshh shhh! Ayos lang ‘yan. Huwag mo nang ipikit ang mga mata mo. Tahan na Karla, tahan na.”
Patuloy ang pag-iling ni Karla kaya hinawakan ko nang mahigpit ang kaniyang panga. Nakapikit din ang mga mata niya na siyang ikinainis ko. Kumukulo na ‘yong niluluto ko!
Pinakawalan ko ang aking kamay mula sa pagkakahawak dito, napadaing siya sa sakit. Doon ko lang namalayan na bumaon na pala ang kuko ko sa psingi niya. Ang paghikbi niya ay mas naging malakas. Pilit niyang inilalayo ang mukha niya sa akin kaya mabilis kong hinablot ang pilikmata niya at ginupit ang talukap ng kaniyang mata. Ang paglaglag ng katiting na laman na iyon ay kasabay ng pagtulo ng dugo sa kaniyang mukha.
“Huwag kang malikot.”
Hindi siya huminto sa pagpupumiglas, kaya tuloy mas umagos ang dugo. Isinawalang bahala ko na lamang iyon at ipinagpatuloy ang ginagawang paggupit sa kabilang mata.
Halatang nahihirapan ito sa kalagayan niya, hindi siya makakurap at nananatiling nakamulat. Makikita mo ang takot roon at isang emosyon na hindi ko maunawaan. Nakakamangha lang dahil mas maganda palang titigan ang tao kapag wala itong talukap sa mata?
Gamit ang mga kamay ay dinukot ko ang mata niya. Hindi ko alam na mahirap pala itong gawin, lalo na kung wala kang patalim. Dapat siguro ay kutsilyo ang kinuha ko. Ngunit ang gusto ko kasi ay maramdam ko mismo sa aking kamay ang mga mata niya, masarap sa pakiramdam.
Mas lalo ko na lang diniinan ang pagbaon ng aking kuko, itinusok ko rin ang gunting upang mas madaling makuha. Mas lalong nagpumiglas si Karla, kaya mas lalo rin itong dumugo. Napangiti akong muli nang mahawakan na ng bilugan niyang mata. May mga nasama ring ugat roon kaya pinutol ko na lang gamit ang gunting, gano’n rin ang ginawa ko sa nakadikit na laman. Hindi naman ako sigurado kung masarap ba iyon.
Napansin ko namang hindi na humihikbi si Karla na siyang ikinataka ko. Nagkibit-balikat na lamang ako at kinuha na lamang ang isa pang mata nito. Inulit lang rin ang ginawa ko sa unang mata, sumisirit naman ang dugo kaya tumayo na ako. Hindi maaaring magkaroon ng mansta ang aking bestida.
Gusto kong yakapin ang bata sa labis na tuwa dahil hawak hawak ko na ngayon ang dalawang mata niya. Subalit ang nagawa ko na lang ay titigan siya. Putlang putla na ang bibig niya saka hindi na rin siya gumagalaw. Hindi ko naman tukoy kung natutulog siya o nagkukunwari lang dahil wala naman na siyang mata. Baka natakot sa akin?
Hinayaan ko na lamang siya roon at iniwang mag-isa. Sigurado akong hindi iyan hahanapin ni Esang dahil walang pakialam ang putang iyon sa anak niya. Mas uunahin niya pa ang pagsusugal at pakikipaglantiri sa mga lalaki niya. Alam ng lahat sa bayang ito na anak sa pagkakasala si Karla at hindi maganda ang trato sa kaniya ng ina. Nahahabag ako kapag nakakarinig ng ganoon at naiinis ako sa mga magulang na ganito ang trato sa anak. Sa tingin ko ay tadhana na ang nagtagpo sa aming dalawa.
Nilagay ko na ang dalawang mata sa niluluto ko. Nang matapos ay inilagay ko na ito sa pinggan at inihain sa aking anak. Walang pagbabago ang ekspresiyon niya. Kaya naman ginalaw ko ang dalawang mata sa lugaw para mapansin niya.
“Nakita mo ba anak? Mga mata ang inihain ko sayo ngayong araw.”
Sa wakas, ngumiti siya nang makita ang mga iyon. Napakasaya ko. Ngayon ko lang muling nakita ang mga ngiti niya.
“Naalala mo ba ang crush mong si Carlo, anak? Ang sabi mo sa akin ay nagustuhan mo siya dahil sa kaniyang kulay bughaw na mga mata. Gusto mo bang ibigay ko sa ‘yo iyon?”
Hayaan mo’t bukas ay hahanapin ko siya. Gagawin ko ang lahat para sa ‘yo, anak.