Chapter 9

2508 Words
Pasulyap-sulyap na ang ibang pasahero sa akin. Wala akong pakialam kung anuman ang iisipin nila. "Ibang klase, ah. May entertainer tayo sa loob ng jeep." "Galing mo naman, Tsinita." "Nakakawala ng stress ang awitin mo, Gurl. Feelingera nga lang." Dinig ko sa mga reaksiyon ng mga kasama kong pasahero sa aking pag-awit. Kumikindat-kindat pa ako sa kanila na parang ang kapal na talaga ng mukha ko. Ang mamang driver naman ay panay ang tawa na sinusulyapan ako sa salamin. Natutuwa rin ako sa kaniya kapag nakatawa dahil kitang-kita ang bungi niya. Ang cute niya kapag tumawa! Bubuka pa sana ang bibig ko para sa chorus ng awitin ko nang biglang nagpapara si Atoy. "Halika na nga, Garlic at bababa na tayo," "Ha? Hindi pa tapos ang awitin ko, Atoy." "Ano ka ba? Tatapusin mo na lang 'yan mamaya sa mansion." "Tsk...wrong time ka naman, eh..." paghihimutok ko. Sumunod na lamang ako sa kaniya na nayayamot. Kung saan, napapasarap na ako sa pag-awit. "Ingat, Miss Sarah G." "Hanep ang boses...boses palaka!" Dinig kong pahabol nila nang bumaba na kami ni Atoy. "Aba, walang hiyang butlog na iyon, ah. Boses palaka raw ako. Hoy, you fight for me singing in the karaoke, tingnan natin kung makaiskor ka ng siyen. Baka ikaw ang boses ipis. Kala mo kung sinong magaling. Itong sa 'yo!" sigaw ko pa habang papalayo na ang jeep na sinakyan namin. Binigyan ko siya ng malaki kong kamaong nakatikom. "Garlic naman, eh." Nagkakamot na sa kaniyang ulo si Atoy. Naiinis na rin yata siya sa ingay ko. "Ang ganda-ganda ng boses ko, sinabihan akong boses-palaka. Miss Sarah G. nga ang sabi ng pogi, tapos 'yong mukhang kapre...makalait..." himutok ko pa na muling nagpatawa kay Atoy. "Ang tapang mo talaga. Ang kapal pa ng-" "Ng ano, ng mukha ko?" agaw ko sa sasabihin niya akma ko na naman siyang babatukan pero nasangga niya ito ng kaniyang braso. "Wala akong sinabing ganiyan, ha, ang sabi ko ang kapal ng kumag na iyon na lait-laitan ka lang. Kung hindi lang na nakalayo na ang jeep, uupakan ko 'yon. Ay huwag na huwag niyang sasabihang boses-palaka 'tong Garlic ko." Inakbayan pa ako ng luko. "Weh, huwag ka ngang ano riyan, ha. Kinukrung-krung mo na naman ako, eh." "Hindi ha. Bilib lang kasi ako sa 'yo. Ang tapang mo talaga." "Ang sabi ng napanood ko sa telebisyon ng aming kapitbahay sa probinsiya 'Kapag may katwiran...maging matapang!" bulalas ko pa sa kaniya. "Ay tama nga naman. Akala ko, kapag may katwitan, ipaglaban. O, malapit na tayo sa mansion ng mga Javier. Sasakay lang tayo ng traysikel para makapasok tayo sa subdivision." Magkatabi kami ni Atoy sa loob ng traysikel. Langhap ko pa rin ang baby oil sa kaniyang buhok. Ang bango rin ng pabangong ginamit niya. Siguro, Downy o kaya'y Surp. Hmm...ang bango niya talaga. Inilinga ko na ang aking paningin sa madadaanan namin. Napaawang ang aking bibig nang masagi namin ang mga mala-palasyong bahay. "Wow!" bulalas ko na naman. "Ang lalaki ng mga bahay dito, Garlic. 'Yong ibang artista ay dito rin nakatira," imporma sa akin ni Atoy. "Wow naman. Maluluwa ang mga mata ko sa mga naglalakihang bahay, Atoy. Ngayon lang ako nakakita ng mga ganito kalalaking bahay. Ang gaganda talaga!" Napapalatak na ako. "Mas nakalulula kapag nasa mansion na tayo ng mga Javier." "Ow? You nervous me. I excited to step the floor of Javier mansion. Talagang mayaman ba sila, Atoy?" "Siyempre naman. Hindi lang mayaman, kundi mayamang-mayaman. May malalaking businesses kasi ang mag-asawang Javier. Hindi lang dito sa Maynila kundi sa ibang sulok ng bansa ay mayroon sila. Nasa Thailand din ang isa nilang co-partner at may namamahala lang doon. Ang asawa naman nito ay isang sikat na doktora. Marami ring mga artista ang nagpapa-check up sa kaniya." "Naks naman, marami nga talagang pera. Gusto ko rin sanang maging doktor pagdating ng araw kaso dugo pa lang ay takot na ako." "Wala namang impossible kung nangangarap ka, Garlic. Bakit ba iyan ang gusto mo?" "Gusto ko lang kasing pag-aralan kung paano operahan ang mga taong nakalulon ng colon. Iyon kasi ang dahilan ng pagkamatay ni Inay, colon cancer. Hindi na kasi naagapan sabi ng itay ko Bagweng dahil nasa loob na ng tiyan ni Inay," paliwanag ko sa kaniya. "Tss...ano ba ang pinagsasabi mo? Ang mga taong may colon cancer ay nagkaroon ng isang sakit kung saan ang mga selula sa colon o tumbong ay lumalaki nang walang kontrol. Kung ito ay malala na at hindi na madadala sa anong treatment, 'yon na ang dahilan para bawian sila ng buhay, katulad na lang ng nangyari sa inay mo, Garlic," mariin niyang paliwanag sa akin. "Ano?" "Literal kasing paglulon ng colon ang nasa isip mo. Hindi ganoon, Garlic. Ang colon canser ay isang uri ng sakit na puwedeng gamutin. Kung kumalat na ang cancer cells sa buong parte ng katawan ng tao, mahirap na itong gamutin kaya ilang porsyento na lang ang matitira sa kanilang buhay. gets mo na?" Ah, ewan wala akong naintindihan. Ang hirap talagang pumasok sa utak ko. English na lang kaya, kayang-kaya kong makipagsabayan kay Atoy. "Okay. Wala bang kasalanan ang kaldero roon?" singit ko na naman. "Ano naman ang kinalaman ng kaldero sa usapan natin?" Kumunot na naman ang noo niya. Na-stress na yata 'to sa akin. "Wala..." Iniba ko na lang ang topiko. "Ilan ba ang anak ng mga Javier?" "Tatlo. Lalaki ang panganay, babae ang pangalawa at siya 'yong tinutukoy kong sikat na modelo. Ang pangatlo naman ay tila nasa highschool na rin." "Tssk, ang suwerte ko naman. Ilang oras na lang ay makikilala ko na silang lahat. Mababait din ba sila, Atoy?" eksayted kong tanong. Bago pa siya nakasagot ay nagpara na siya sa driver ng traysikel para bumaba kami. "Nandito na tayo." "Ang layo naman pala papunta sa lugar na ito." "Hindi naman masyadong malayo, Garlic. Kaya nga lang dahil sa haba ng traffic ay matatagalan ka bago makarating dito." "Ay oo nga ano? Maranasan mo munang ma-hold up bago natin narating ang mansion," patawa kong sabi. "Sus, pambihira ka kasi. Ayaw na talagang matulog kapag sumasakay ka ng jeep, ha. Baka kung ihagis ka na talaga ng driver o kaya ng mga pasaherong nainis sa ginawa mo kapag managinip ka na naman ng kung ano-ano." Napatawa na lang ako sa sinabi niya. "Kasalanan ko ba kung nananigip ako habang natutulog? Nakakabagot kasi ang trapiko kaya hayun napasarap ng tulog." "Kaya nga sabi ko, huwag ka na ulit matulog sa jeep dahil baka paggising mo sa imburnal na ang lagay mo." "Weh...e 'di samahan mo ako sa imburnal." Natapat na kami sa mataas na gate na kulay gray. "Nandito na tayo, Garlic. Magdo-door bell lang ako, ha." Naluwa ang aking mga mata dahil napakalaki nga ng mansion. Kulay puti ang mga dingding nito at ang bubong ay matingkad na kulay abo rin ang pinta. Kahit nasa labas palang kami ay kitang-kita na ang kagandahan ng bahay. Napapalibutan din ng magagandang tanim ang nasa labas nito. Ang gaganda pa ng mga tanim dahil magkapantay-pantay ang taas nito na tila parihaba. Ngayon lang ako nakakita nang ganito kagandang pagkatanim. Ibang-iba talaga kumpara sa probinsiya namin. Naalala ko pa ang mga tanim ni Ate Aying. Nakalagay ito sa lumang arinola o 'di kaya'y sa mga lumang lata. Kung saan-saan lang din nakahelira. Ang isa niyang tanim na talagang namumukadkad ay 'yong tinatawag niyang bougainvillea dahil lagi niyang dinidiligan ng ihi na mula sa arinola. Kung minsan, mapanghi rin kapag dumaan ang simoy ng hangin. Bakit kaya ihi ang dinidilig ni Ate? Nagising ang diwa ko nang biglang may bumukas ng gate. Isa itong may edad na lalaki, na nakasuot ng asul na t-shirt. "Magandang araw po, Mang Karding," bati ni Atoy sa kaniya. "Ikaw pala, Atoy. Magandang araw din. Uy, may kasama ka pala," sabi nito nang mapansin akong nakatayo sa likuran ni Atoy. "Opo. Siya po si Garlic, Mang Karding, siya 'yong papalit sa kasambahay na umuwi sa kanilang probinsiya," agad namang sagot ni Atoy. "Ah...mabuti naman at may kapalit na si Geray. Sige pasok na kayong dalawa." "Magandang araw po. Ang guwapo naman po ninyo, Mang Karding," agad kong sabi sa kaniya. "Aba, okay 'tong kasama mo, Atoy ah, bigla akong naging guwapo sa paningin niya." "Totoo naman po, Mang Karding. Kamukha mo nga si Berting, este si Pakito Diyas, 'yong sikat na kontrabida sa pelikula," nakangiti ko pang turan sa kaniya dahilan para matawa siya. "Pambihira ka naman, akala ko, guwapo na, biglang naging kontrabida pa. Pero okay lang, artista pa rin 'yon. Sikat nga si Pakito." "Ay tumpak po." Palatak kong untag sa kaniya. "O, siya dalhin mo na itong kasama mo sa loob, Atoy at nang makilala na rin ni Aling Sofie at ng iba pang kasambahay." "Sige po, Mang Karding." "Papasok po muna kami Mang Pakito, este Mang Karding." Napakamot pa ng kaniyang ulo si Mang Karding na napapangiti sa tinuran ko. Habang papalapit na kami sa loob ay napasigaw ako. "Atoy!" "Oh, bakit, Garlic?" "Para akong nasa palasyo nina Cinderella, 'yong may pitong duwendeng kasama sa fairy tales," sabi ko sa kaniya habang inilibot ko ang aking mata sa kabuuan ng garden ng mansion. Tiningala ko pa ang taas ng bahay at ang ganda-ganda ng disenyo nito. Tila nananaginip lamang ako na nakarating ako sa ganitong klaseng bahay. Sa buong buhay ko, ngayon ko lang ito narating. It is unbelibabol! "Psst, may kasama bang duwende si Cinderella sa kaniyang kuwento?" kunot-noong tanong ni Atoy habang abala naman ako sa pakikiusyoso sa kabuuan ng mansion sa labas. "Oo, hindi ka ba nakikinig sa story ng teacher noong elementary mo?" "Ikaw yata ang hindi nakikinig, Garlic, eh." paggiit niya. "At bakit naman, aber?" Nakapamaywang pa ako sa kaniya. "Si Snow White ang character na may kasamang pitong duwende. Si Cinderella ay naiwan ang kaniyang isang pares ng sapatos nang tumunog ang orasan, hudyat na mag-aalas dose na ng hatinggabi kaya tumakbo siya at naiwan ang kaniyang sapatos at hinanap siya ng prinsipeng nakasayaw niya," pagtatama niya. Napaismid naman ako. Ayaw kong patatalo sa kaniya. "Sus, pareho lang iyon. Pinahiram lang muna ni Snow White ang kaniyang pitong duwende kay Cinderella para tulungan ang prinsipe sa paghanap ng nawawala nitong sapatos. At dahil magprends naman sila ay okay naman iyon kay Snow White, kaya binigyan din siya ng mansanas ni Cinderella kaya nga lang kinain ni Beauty at nakatagpo siya ng prinsipeng mukhang beast." Lalo na yatang kumunot ang noo ni Atoy. Ang hina ng kukute niya, hindi makakaintindi. Best story teller 'to kaya. "Hay, sige na nga, may itatanong ako sa iyo," hirit niya. "Lapag lang. I ready to answer the question." Wow ang galing ko. "May alam ka ba sa mga kuwentong fairy tales?" "Ob cors. Name it. I the best in story telling. Maam Salmon get me in the pront of the class and tell to my classmates the dipperent story. Kaya hindi na bago sa akin ang mga kuwentong-kuwentong iyan, Atoy," pagmamayabang ko pa. "Talaga lang, ha." "Talagang-talaga!" "Sige nga. Are you ready?" "I ready!" Itinaas ko pa ang kamay ko. "Ehem...ano ba pangalan ng serena sa kuwentong, The Little Mermaid?" "T-the Little Mermaid?" "Oo, tiyak na nabasa mo 'yon." "Ob cors naman. Nababasa ko 'yon kaya nga alam ko. Babae ba?" "Siyempre, serena nga, eh. Akala ko ba nabasa mo." Napakamot ako ng ulo. Sa totoo lang wala naman talaga akong alam sa mga kuwentong iyan at hindi ko kailanman nabasa ang tungkol sa serena na tinatanong ni Atoy. Pero hindi ako magpapahalata sa kaniya at baka mapahiya ako. "Uhm..." Malalim na talaga ang pag-iisip ko. Walang hiyang Atoy 'to unang tanong pa lang pinahirapan na ako. "Nakalimutan ko pero, parang si...Madonna ba?" "Anong Madonna?" "Malapit na kasi roon. Sa tagal ng story na 'yon, siyempre hindi na ma-recall ng isip ko, no." "Sige, bibigyan kita ng clue. Ang pangalan niya ay makukuha sa powder o sabong panlaba. Napangiti ako. Ang dali lang pala. " Ah, oo, natandaan ko na. Surp!" "Mali." "Tide!" "Ano ba, mali pa rin." "Breeze!" "Akala ko ba, alam mo ang lahat ng story?" "Tsss...nakalimutan nga eh. Ang kulit. O sige, ito na talaga ang sagot. Champion!" Napatawa na siya sa mga sagot ko. "Hindi pa rin, eh. Lapag pa." Ang hirap naman. Ito kasi ang mga sabong ginagamit namin ni Ate Aying sa paglalaba. Napaisip akong muli. Siguradong magtatama na ako. "Pride!" Umiling si Atoy na pigil na talaga ang pagtawa. Mali pa rin daw ang sagot ko. "Ano ba, lahat na yatang sabon nabanggit ko na. Calla, Perla, Speed!" Humagalpak na siya nang tawa. "Wings! Siguradong tama na ang sagot ko. Serenang may pakpak, o 'di ba?" "Pinasasaya mo talaga ang araw ko, Garlic. Pero lahat ng sagot mo ay mali." "Ano? Downy!" "Mali, talaga." "Tama na nga iyan. Ayoko na. Oo na, absent ako nang magkuwento niyan noon si Maam Salmon. Hirit na nga!" "Ang dali lang naman, eh." "Madali nga pero nakalimutan ko. Ikaw ba naman mauntog sa pintuan ng bahay, hindi lalayas ang pangalan ng serena sa utak mo?" Lalo yatang napatawa si Atoy. "Answer reveal na nga. Ariel. Iyon ang pangalan niya roon," sagot naman niyang tawang-tawa pa rin. "Ariel? Eh, pangalang lalaki iyon, ah. Niloloko mo yata ako, Atoy." Hinampas ko na siya sa braso kaya napapailag siya na natatawa. "Ano ba, hindi kita niloloko. Ariel nga ang tamang sagot. Akala ko kilala mong lahat ang mga characters. Si Ariel ay nakalimutan mo pa." "Malay ko ba sa Ariel na 'yan. Wala 'yon sa tindahan ni Aling Monica." "Nakakatuwa ka talaga. Suko na nga ako sa iyo. O, siya pasok na tayo at nasa kusina pa yata si Inay Sofie." Napanguso naman ako sa kaniya. Wala talaga akong naitama sa tanong niya. Malay ko ba naman talaga sa pangalan na 'yon. Nang pumasok na kami sa loob ng mansion ay napapa-wow talaga ako sa loob nito. Ang sahig ay napakakintab na kulay puti. Kasingganda ng sahig na nakita namin kahapon sa Mall of Asia. Hindi ako makapaniwalang nakapasok ako sa malaking bahay na ito. Sobrang saya ang naramdaman ko. Ni sa panaginip ay hindi ko sukat-akalain na makakaapak ako sa ganito kagandang bahay. It is parasite, este paradise. Totoo na talaga ito. Inilinga ko ang aking ulo. Hindi ko alam kung ano ang uunahin kong tingnan. Punong-puno ang mga mata ko sa kagandahan ng mansion. Feeling ko tuloy, para akong ipis sa sobrang liit. Hindi ko alam kung ano ang uunahin ng mata ko sa kakatingin lalo na sa magaganda at tiyak na mamahaling muwebles na naka-display. Gustong-gusto ko ring hawakan ang mga ito. "Okay ka lang ba, Garlic?" naitanong tuloy ni Atoy dahil hindi na nakatikom ang bibig ko sa aking nakikita. "T-totoo ba ang mga ito, Atoy?" "Siyempre naman. Ang lahat ng nakikita mo ay totoo. Hindi iyan mga fantasy stories na nababasa mo umano. Talagang we are in reality world." Parang ayaw ko nang kumurap dahil baka mamaya nanananigip lang ako at hindi pala totoong nakapasok ako sa ganito kagandang bahay. Ganito pala mamuhay ang mayayaman. Malayong-malayo sa nakagisnan ko sa probinsiya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD