Chapter 10

2168 Words
Dumeretso kami ni Atoy sa kusina. Ang lawak-lawak at mukhang hotel. Para akong nasa ibang mundo sa sobrang ganda. "Atoy!" "Inay Sofie!" Nakita kong nagkayakapan ang mag-ina nang makapasok na kami sa kusina. Halos mag-tumbling ang aking mga mata at hindi ako mapakali sa sobrang ganda ng mansion. Nakatutuwa lang dahil ng pangarap kong makatuntong sa ganitong bahay ay natupad na rin. Sana ay tumagal ako sa mansiong ito. Ang gandang tingnan ng mag-ina habang nagyakapan, bigla kong naalala ang aking inay Consing na namatay dahil sa paglulon ng colon. "Na-miss kita, Anak ah, ang guwapo mo naman ngayon," sabi ng babaeng hindi naman masyadong matanda hindi rin masyadong bata. Ina-inahan yata ito ni Atoy. "Siyempre, anak po ninyo ako kaya guwapo ako sa paningin po ninyo, Inay," sagot naman ng basurero, este ni Atoy pala. Binalingan ako ni Atoy. "Inay, siya nga pala si Garlic, 'yong pamangkin ni Aling Sonita na nanggaling probinsiya ng Iloilo. Siya po muna ang papalit kay Manang Geray," pakilala ni Atoy. "Good morning po, Nay...I would like to greet you hello and thank you for opening remarks," bati ko sa nanay ni Atoy. Tiyak na mapapabilib siya dahil englisera ako sa kaka-open pa lang ng aming pagkakakilala. "Ha? Ano raw ang sabi niya, Atoy?" kunot-noo niyang tanong rito. Mahina rin yata sa bokabularyo itong nanay-nanayan ni Atoy, eh. "Ganiyan talaga si Garlic, Inay, magaling lang talaga magsalita ng English, pero alam kong magugustuhan mo siya dahil masipag at masiyahing kasama," paliwanag ni Atoy na nagpalawak yata ng tainga ko. "Ah, ganoon ba? Welcome to the Javier's mansion, Garlic. I know you will surely like your stay here. I am Atoy's mother, and you can call me, Aling, Tiyang, Manang, Nanay Sofie or whatever you want to call me, it doesn't matter," sabi niyang pa-English din nang tuloy-tuloy. Natulala ako sa sinabi niya. Hanep naman ang mayordomang ito, ang galing mag-English, ah. Tinalo talaga ang aking sentences at grammar. Pero siyempre, si Garlic ito at hindi patatalo. "You are good in talk and talk dollar words, Nanay Sofie," sabi ko na rin sa kaniya. Tila naubusan ako ng mga salita, ah. Hindi ko na alam kung paano ko buuuin ang aking point of view. "What? What are you talking about, Ineng?" tanong na naman niya. Malalim na nga masyado ang pagkaka-English ko at tila napraning ang kausap ko. "Atoy, ikaw na ang magpaliwanag sa nanay mo," tabig ko sa kaniya na kanina pa tawa nang tawa. "Magaling ka raw po magsalita ng English, Nay. Iyon ang sabi ni Garlic," pagtatama naman niya. "Ah...ang lalim kasi ng mga ginagamit mo. Parang liko-likong daan ang pagkakasabi kaya ang hirap intindihin," napatawa na ring sabi ni Inay Sofie. Napakamot na lamang ako ng aking ulo. Hay pambihira talaga kapag mahina ang kukute ng mga kaharap ko. "Uhm, siya nga pala ,Nay ikaw na ang bahala kay Garlic, ha. Babalik din ako mamaya sa bahay dahil marami rin akong tatapusing trabaho roon." "Okay ka lang ba roon, Anak? Si Barbara kasi ayaw munang umuwi. Nakiusap na nga lang ako kay Sir Doglas at Maam Kittie na dumito muna siya kasi mas kailangan niyang mag-concentrate dahil sa nalalapit niyang exam. Maingay kasi sa kalye natin," wika naman ni Nanay Sofie na inaakbayan pa si Atoy. "Wala pong problema, Nay mas mabuting nandito po siya sa inyo kasi alam mo namang minsan umaalis din ako ng bahay at hindi ko po siya maalagaan doon nang maayos," turan naman ni Atoy. "Kaya nga, eh. Alam mo naman kasi 'yang kapatid mo. Pero at least, nagsusumikap din siya sa kaniyang pag-aaral at matataas naman ang mga grado niya." "Opo, Nay. Makikita naman talaga ang pagsisikap niya lalo na at mamahalin ang kaniyang pinapasukang university." "Oo nga. Siya nga pala, Garlic halika, ipapakita ko sa iyo ang magiging kuwarto mo," aya sa akin ni Nanay Sofie at binitbit na rin ni Atoy ang maliit kong bag. Dinala niya kami sa hindi masyadong kalakihang kuwarto at malapit ito sa kusina. Bawat madaanan ng aking mga mata ay napapa-wow ako sa sobrang ganda ng mga gamit na naka-display. Sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakapasok sa ganito kagandang bahay. Binuksan niya ang pintuan at kinapa ang switch ng ilaw. Pumasok kami sa loob ng kuwarto. "Ito ang dating kuwarto ni Geray, kaya dito ka rin muna. Maluwang naman itong kuwarto para sa iyo," sabi niya sa akin. Inilibot ko ang aking paningin sa kabuuan ng kuwarto. Kahit hindi naman kalakihan pero ang linis at maaliwalas. Parang kuwarto na rin nang may pera sa aming probinsiya. "At the end, I have my bedroom to sleep!" bulalas ko dahil sa kasiyahan. Umupo ako sa maliit na katre. Hindi manipis ang foam at hindi rin matigas. "Alam kong magugustuhan mo rito, Garlic," nakatawang sabi ni Atoy habang pinanonood niya akong nakaupong paekis sa katre. "Nakatutuwa nga itong si Garlic, Atoy, tiyak na maaaliw ako nito sa kaniya," sabad naman ni Nanay Sofie na napapatawa pa. "Sigurado po, Nay. Napakabiba at napakadaldal pa, kaya hindi ka babagutin kapag siya ang kasama mo. Andaming alam na kalokohan," Kumindat pa si Atoy sa akin. "Aba, hoy mabait ako, no! Hindi ako gumagawa mg kalokohan, Atoy. Sinisiraan mo yata ako, ah." "Ikaw naman, iba yata ang pagkakaintindi mo." "Ganiyan ba talaga itong anak po ninyo, Nay Sofie?" Natawa na naman si Nay Sofie sa biruan namin ni Atoy. Bumalik kami sa kusina at saka pinaghanda ng meryenda ni Nay Sofie. Kahit ang kanilang tinapay ay napakasarap. Laging pandesal lang ang natitikman ko at isinasawsaw sa kape. Ilang saglit lang din ay nagpaalam na si Atoy para bumalik sa kanilang bahay. "Atoy, pupuntahan mo ba ako rito lagi?" tanong ko sa kaniya nang ihatid siya namin sa labas ng gate. "Oo naman, mami-miss ko ang muta mo, Garlic," biro na naman niya sa akin. "Sus, muta ko talaga?" "Siyempre, pati ikaw. Sige, aalis na ako, ha. Maghilamos ka lagi ng mukha para hindi ka matuyuan ng laway," dagdag pa niya. "Luko ka, ah." Napatawa pa siya. "Nay, alis na po ako," paalam na rin niya sa kaniyang ina at napapangiti siya sa akin sabay pingot ng matangos kong ilong. "Ingat, Atoy!" halos sabay naming wika ni Nanay Sofie habang kumakaway kay Atoy na pasakay na ng traysikel palabas ng subdivision. Pagkapasok namin sa loob ng mansion ay ipinaliwanag sa akin ni Nanay Sofie ang mga dapat kong gawin. "Garlic, metikulusa si Maam Kittie kaya, kailangan ang mga gamit dito sa mansion ay malinis at saka organized. Apat kayong mga katulong dito at ako ang mayordoma. Si Sir Doglas ay walang pakialam iyan kung malinis o hindi basta ang mga kakailanganin niya ay intact. Pero huwag mo nang problemahin iyan dahil si Pepsi ang bahala sa pag-aayos ng mga gamit ni Sir. Ang nagluluto naman sa kusina ay si Royal, ang paglalaba naman at paglilinis dito sa ibaba ay sina RC at Sparkle. Kaya mula ngayon, ikaw ang maglilinis doon sa itaas, pati na rin ang mga kuwarto. Si Sir Peanut naman ang panganay nilang anak. Pero mag-ingat ka dahil sobrang strikto niyan. Ayaw din niya nang pakalat-kalat. Isa siyang civil engineer at kasalukuyang nagtatrabaho sa isang malaking companiya na may shares din ang kaniyang mga magulang. Si Maam Butter naman ang pangalawa, isa siyang model at madalas ay marami siyang show sa television. Medyo suplada at may pagkamaldita rin, kaya ingat-ingat ka sa mga galaw mo sa kaniya. Pero sa kabuuan, mabait naman iyon at mapagbigay Ang bunsong anak nila ay si Senyorito Cheesy, nasa highschool pa lamang siya at mabait na bata. Alam kong magkakasundo kayo dahil kalog din iyon. Kailangang araw-araw ay malinis ang kani-kanilang kuwarto at maaga ka ring gumising para ayusin ang lahat. Naiintindihan mo ba, Garlic?" mahabang eksplinasyon sa akin ni Nanay Sofie. Halos kumalong yata ang ulo ko sa pangalan ng mga kasama ko rito sa mansion. Sir Doglas at Maam Kittie, sus aso at pusa? Sir Peanut, Maam Butter at saka si Senyorito Cheesy, ay Ginoo puro palaman sa pandesal, sinabayan pa ng mga pantulak na katulong na sina Pepsie, Royal, RC at Sparkle. Dinagdagan ko pa na Garlic pansahog sa mga niluluto. Hindi kaya mental hospital itong pinasukan ko? Naalog na yata ang laman ng aking utak. "Garlic, naiintindihan mo ba?" muling tanong ni Nanay Sofie dahil natulala na yata ako. "A-ay, opo, Nay, naiintindihan ko po. Nasaan na nga pala sina Pepsie, Royal, RC at Sparkle? Huwag po ninyong sabihin na nasa loob sila ng reprigerator," biro kong sabi sa kaniya. "Ay hindi. Mamaya makikila mo sila. Nasa labas pa yata ang mga 'yon. Namalengke muna sila at nagpaalam na magpapadala ng pera sa kani-kanilang mga pamilya sa probinsiya," nakatawang sagot naman niya. "Ganoon po ba? Bigla yata akong muling inuhaw, Nay. May cokes po ba kayo?" Natuyo nga ang lalamunan ko sa mga instraksiyon sa akin ni Nanay Sofie. "Cokes? Baka coke. May soda roon sa loob ng refrigerator, Garlic. Halika samahan na kita." Pati ang kusina, wala akong masabi dahil grabe, napakaganda talaga. Sinimulan ko na rin ang paglilinis sa loob ng mansion. Napakaluwang talaga sa loob. Napakaganda ng mga malalaking pigurines. Ang telebisyon nila ay sobrang laki at parang mas malaki pa sa mesa namin sa probinsiya. Habang pinupunasan ko ang mga naka-display ay napapalantak ako sa sobrang ganda. May napansin akong isang pigurine na kulay brown at ang kintab. "Sus, maryahosep, anong klaseng pigurine ba ito, parang kuwan ng aso namin sa probinsiya, ang bastos!" bulalas ko. "Hoy, sino ka?" sigaw ng babae sa aking likuran. Dagli akong lumingon at muntik ko nang mabitawan ang hinahawakan kong pigurine. "G-good morning po, I am Garlic, the new year eve," agad ko namang sagot at yumukod pa sa kaniya at bigla akong kinabahan. "Barbara, anak dumating ka na pala. Ay siya nga pala si Garlic, kakilala siya ng Kuya Atoy mo. Siya ang papalit kay Geray. Ahmn...Garlic, siya ang aking anak, si Barbara," pakilala ni Nanay Sofie. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Nagagandahan siya siguro sa akin dahil tila mariin ang pagkakatitig niya sa akin. Baka tomboy 'to. "Ah, siya pala ang kapalit ni Manang Geray. Hoy, ingatan mo nga iyang manhood figurine at baka mabasag iyan, patay ka kay Maam Butter!" malakas na sabi niya sa akin. "Man-og?" tanong ko sa kaniya habang hawak pa ang pigurine. Kinilatis ko talaga at napapangiwi ako na ewan. "Anong man-og ba ang sinasabi mo? That's manhood figurine. Hindi ka ba nakakakilala niyan? Oh my God, kahit elementary learner nakakilala kung ano iyan," mataray niyang pagkakasabi sa akin. "Kilala ko naman ito, Barbara pero ang sabi mo kasi, man-og kaya hindi po ito man-og. B-bu..." pinutol ko na lang at ayaw ko na lang sabihin, ang bastos kasi. Ang laki pa ng ugat at parang totoo. Patawarin ako ng Diyos sa mga sinasabi ko. "Did I told you, man-og? What's that? I said, manhood, not man-og!" Napalakas na naman ang boses niya. "Ah...manghod pala? Sa amin kasi ang manghod, nakababatang kapatid. Ang man-og naman ay ahas. Pero mas malapit-lapit na rin ang man-og dahil itong hawak ko ay para ring ahas, nanunuklaw, hindi po ba?" nakangiti ko pang pagpapaliwanag sa kaniya. "Nay, saan bang planeta ito pinulot ni Atoy? Bingi na, ignorante pa. Hay, makaalis na nga!" Tumalikod na siya sa amin ni Nay Sofie na naiinis. Bakit ba siya naiinis? Sinabi ko lang naman ang pagkakadinig ko, ah. Una man-og, ikalawa, manghod. Weh, ewan ko sa kaniya, akala ba niya, gwapa siya? In fairness, gwapa nga naman si Barbara kaya nga lang parang maldita. "Pagpasensiyahan mo na ang anak ko, Garlic. Ganiyan lang talaga iyon. Pero ang pagkakasabi niya ay, manhood." Inulit-ulit pa ni Nanay Sofie sa akin ang pagkakabigkas hanggang sa na-gets ko na rin. "Manhood pala, Nay. Iba kasi ang pagkakadinig ko, eh. Salamat po, ha. Ang galing at ang bait po ninyo." "Wala iyon. Kailangan mo lang ang tibay ng loob kapag nagtatrabaho ka lalo na sa loob ng mansion. Mababait naman ang amo natin basta aayusin lang natin ang ating trabaho," saad pa niya. "Yes po, Nay. I understand and put in my mind you talk to me. Do not sad, I Garlic Habonito, work good inside the mansion. I do to run my ambition and to continue my highschool cut when my mother tigok by lulon big colon." Ang dami ng pagkakunot ng noo niya sa mga litanya ko, kaya napatawa na lamang siya at napapailing. "O siya sige. Do your work now. I will proceed to the kitchen at may tatapusin din ako. Mag-ingat ka riyan, ha. Ang manhood figurine hagudin mo nang maayos, este punasan mo nang maigi at pagka-ingatan," sabi niyang natatawa sabay alis papuntang kusina. Dali-dali ko namang inilagay sa dating kinalalagyan ang pigurine na hawak ko. Akalain mong, ang weird naman ng mga naka-display sa bahay na ito, nakakaloka. Manhood pa pala ang tawag dito. Napakalaki at maugat. Sus, pambihira! Makabuntis din kaya ang pigurine na 'to? Napahampas ako sa aking noo dahil kung ano-ano ang pumapasok sa isipan ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD