Chapter 3
Inakala ko talagang nasa malaking bahay nakatira si Tiya Sonita. Ini-imagine kong nasa isang subdibisyon o kaya'y napaka-eleganteng bahay ang kaniyang tinutuluyan. Akala ko lang pala 'yon.
Hindi ako makatulog sa unang gabi ko sa Maynila at ang ingay-ingay ng paligid.
"Hoy, Gorio. Huwag na huwag kang pasiguro sa mga ginagawa mo, ha. Malilintikan ka sa akin!" Naririnig kong nagsisigawan sa labas ng bahay na inuupahan ni Tiya Sonita.
"Bog! Bog!"
"Animal ka talaga, bakit mo binato ang bubong natin? Walang hiya ka. Bumalik ka roon sa kabit mo! Ikaw pa ang may ganang magalit sa ginawa mong kahayupan?" Patuloy na ngawngaw ng boses ng babae.
Pumanaog ako sa kama, wow kama, sa katre palang kawayan na nilagyan lang ng manipis na foam. Ipininid ko nang kaunti ang bintana at kitang-kita kong maraming tao sa labas. Nakikiusyuso sila sa mga nagaganap na awayan.
"Ikaw, Mariposa ha, makati talaga iyang dila mo. Sige labas ka riyan at puputulin ko iyang makati mong dila. Ano ba ang ginawa mo kay Marisol, bakit mo siya sinugod sa kaniyang bahay? Magtutuos tayo ngayon!" sigaw din ng bruskong lalaki na nandoon lang sa 'di kalayuan.
"Aba, ikaw pa ang magaling na magalit? Umuwi ka sa kabit mong mahaba ang balahibo sa kilikili! magsama kayong mga balasubas!"
"Mas mahaba ang nguso mo. Daldalira ka! Sige, iyon talaga ang gusto mo? Puwes, doon na ako titira sa bahay ni Marisol! Magkamay ka na lang dahil sa sama ng ugali mo!"
Rinig ko pa ang tawanan sa labas. Tiyak na pinagpipiyestahan sila ng mga kapitbahay na sobrang mga tsismoso at tsismosa.
"Oh, Garlic, hindi ka pa ba matutulog?" Bumangon ang Tiya Sonita at tinapik ako sa balikat.
"Ganito po ba talaga rito sa Maynila? Eh, sobra pa yata sa probinsiya, ah. Tiya, ano po ba ang trabaho ninyo rito?" natanong ko na sa kaniya.
"Nagtitinda lang ako sa palengke, Garlic. Pasensiya ka na at hindi ko na nasabi sa iyo. Pero maganda naman ang kita ko sa pagtitinda. Kung gusto mo tumulong ka na rin sa akin. May kasama rin akong nagtitinda ng mga kwek-kwek at saka mga fish balls," sabi sa akin ni Tiya. "Ganito talaga sa lugar na ito. Sanay na kami sa ingay sa paligid. Kung minsan ay mas sobra pa riyan. May nagsasabunutan din at naghahabulan ng itak."
"Ha?" gulat kong wika. "Naku po, napakadelikado naman pala kung ganoon, Tiya."
"Masasanay ka rin kapag mamalagi ka rito. Mababait naman ang mga kapitbahay natin dito, kaya mga lang minsan kapag nagagalit sa isa't-isa maririnig talaga ng lahat dahil talak nang talak lalo na kapag kapwa babae."
"Kung sabagay, kahit saan naman pong lugar may ganiyan talagang pag-uugali, Tiya."
Alam kong galit na galit ang Ate Aying ko sa ginawa kong pagtakas para makasama kay Tiya Sonita sa Maynila. Balang araw mauunawaan din nila kung bakit ko ito ginawa. Hindi lang naman ito para sa sarili ko kundi pati na rin sa kanila. Kapag yumaman na ako at makapag-asawa ng Hapon, tiyak na maiaahon ko na sila sa kahirapan. Hay, kung ano-ano na ang pumapasok sa kukute ko.
Gustong-gusto ko na ring tapusin ang aking pag-aaral pero kailangan ko munang magsumikap para maabot iyon.
I can learn if not schooling in secondary but day come in the morning that I will success and my Ate Aying and my Daddy Bagweng, wow Daddy, Itay pala proud to the province of Iloilo that I become wife of the Japanese Kawasaki.
Tsss...
Kinaumagahan ay maagang nagising si Tiya Sonita. Naghihilik pa yata ako nang yugyugin niya ako sa aking higaan.
"Garlic, gumising ka na riyan. Magtimpla ka na ng kape mo para makapag-almusal ka na. Meron nang mainit na pandesal sa mesa binili ko sa tindahang malapit lamang dito sa atin," agad na bungad ni Tiya Sonita.
"Magandang umaga po, Aling Sonita, magkokolekta na po ako ng basura," dinig kong wika ng isang mataas na binata. Nakalagay sa kaniyang ulo ang T-shirt na kulay abo at ginawa itong pantakip sa ulo niya.
"O, ang aga mo ngayon, Atoy para magkolekta ng basura, ah," tugon naman ni Tiya at kinuha ang mga basura sa ilalim ng lababo.
Dumungaw din ako para masilayan siya nang husto.
"Uyy, may magandang Intsik pala kayong kasama ngayon, Aling Sonita," sabi pa ng binata at nakatingin sa aking nakangiti nang pagkatamis-tamis.
"Pamangkin ko pala, siya si Garlic. Sumama siya sa akin mula sa probinsiya, Atoy," Bumaling naman si Tiya sa akin. "Garlic, siya si Atoy, taga-kolekta siya rito ng mga basura, mabait na bata ito at napakasipag."
"Hi, Atoy Patotoy," bati ko naman sa binata at sinabayan din ng ngiti.
"Hi din, Garlic. Patotoy talaga, ha. Ahm...basta taga-probinsiya talagang magaganda at palabiro. Akala ko Intsik ka dahil ang singkit ng iyong mga mata. Kaso marami pang muta. Kunin mo muna para lalo kang gumanda." Ah sus, sinabi pa niya talaga. Luko talaga 'to.
"Lagyan ko kaya ng napkin iyang nguso mo. Ang tabil. O, siya magkape muna ako dahil lalo akong ginutom dahil sa Atoy na 'to," irap kong sabi.
"Ikaw naman, hindi na mabiro." Napatawa pa siya.
"Lalo yata akong sisipagin sa pagkokolekta ng basura nito, Aling Sonita dahil may magandang dilag akong nasisilayan." Hindi pa rin maalis ang tingin niya sa muta ko, este sa mga mata ko.
May hitsura naman ang Atoy na 'to at kahit inuukray na niya ako sa una naming pagkikita, mukhang mabait naman dahil ang amo ng kaniyang mukha.
"Ay mas mabuti nga 'pag ganiyan para hindi dadami ang basura rito sa bahay," nakatawang sabi rin ni Tiya Sonita kaya napaismid akong nanunuya.
Sumama ako sa palengke kung saan nagtitinda si Tiya Sonita. Napakaraming tao sa palengke. Paroon at parito lang. Tila mahihilo ang ulo ko sa sari-saring taong dumadaan. Maingay din sa loob lalo na kapag may nag-eendorso ng mga paninda nila.
"Sonita, nakabalik ka na pala galing probinsiya. Kumusta naman ang lagay ng pamilya mo roon?" tanong ng isang ale sa kaniya.
"Mabuti naman ang mga pamangkin ko roon. Matagal-tagal na kasing hindi ako nakauwi sa amin. Siya nga pala, ang pamangkin ko sa pinsan, si Garlic. Mula ngayon dito na siya tutulong sa atin sa pagtitinda," pagpapakilala ni Tiya sa akin.
"Ang ganda naman ng pamangkin mo. May lahi ba siyang Intsik? Ang puti at ang singkit ng mata," puri niya sa akin. O, 'di ba sabi ko, maganda talaga ako?
"Tiya, magtitinda ba talaga ako rito? Masisira ang beauty ko sa palengke. Puwede na ba akong mag-audition sa ABC SBN at AGMA?" tanong ko sa kaniya.
"Huwag ka munang mag-ilusyon, Garlic. Saka na iyang audition. O, heto pala ang mga dapat mong gawin, ha. Kailangang tatandaan mo ang mga paninda at ang mga presyo ng mga ito. Huwag kang mag-alala, matutuhan mo rin ang lahat kapag nagtagal ka na rito," sabi pa niya at iginiya na niya ako sa mga paninda niya.
May mga gulay, may mga de-lata at kung ano-ano pa ang itinitinda ni Tiya Sonita. Matandang dalaga itong tiyahin ko. Nasa fifties na siya at mula sa narinig ko noon kay inay, nang mabigo siya sa una niyang pag-ibig ay hindi na siya nag-abalang tumanggap ng ibang manliligaw. Sumama kasi sa mayamang babae ang kaniyang dating nobyo, kaya halos utasin niya noon ang kaniyang buhay. Ipinangako na niyang hindi na siya magnonobyo pa dahil salot lang daw sa kaniyang buhay at ito ang dahilan kung bakit napadpad siya rito sa Maynila.
Sa tabi ng gulayan niya ay may lulutuan din si Tiya. Dito niya niluluto ang mga kwek-kwek at saka nilalagyan din niya ng makapal na plastik ang mga niluluto niyag fish balls para hindi masyadong langawin. Marami rin ang bumibili kalimitan ay mga tinedyer at mga kargador sa palengke. Hindi iniinda ni Tiya Sonita ang init. Mas kailangan nga niyang may isang tutulong sa pagtitinda dahil marami rin ang bumibili ng kaniyang mga gulay na inilalako. Masyadong masipag pala ang aking tiyahin.
Ilang linggo rin ang nakaraan at nasanay na ako sa pagtitinda. Hindi ko nga lang feel dahil ang langsa ng ilan naming kasama sa palengke. Iba kasi ang puntirya ko sa pagpunta sa Maynila, ang makita ang kabuuan at kagandahan nito lalo na kung gabi at ang makapasok sana sa estasyon ng telebisyon.
Araw ng Sabado at maaga na naman kaming nagising.
"Magandang araw po, Aling Sonita. Nandiyan ba si Garlic?" Narinig kong tanong ni Atoy.
"O, ang aga mo, Atoy ah. Wala kaming maraming basura ngayon, kakakolekta mo lang kasi noong isang araw," agad namang sabi ni Tiya Sonita.
"Bakit ba hinahanap mo ako, Atoy? Mukha ba akong basura?" sabi ko naman sa kaniya at bitbit ang isang tasa upang magtimpla ng kape.
"Wala lang. Ay hindi ka mukhang basura, ang ganda-ganda mo kaya. Gusto lang kitang makita, Garlic. Ang ganda ng pangalan mo, masarap ka sigurong igisa sa adobong manok," biro niya sa akin.
"Talagang masarap akong igisa lalo na sa native na manok. O, siya magkape ka na rin at ipagtimpla kita. You inside the house and ready sit go," aya ko na sa kaniya dahil mukhang mabait naman itong si Atoy. At in fairness, naka-English na naman ako. Narinig ko lang 'to sa palengke kamakailan lang.
Guwapo naman itong si Atoy, ang ganda ng mata at binagayan ng mahabang pilikmata niya. Lalo na ngayong pormal na ang kaniyang kasuotan parang hindi basurero ang dating.
"Talaga bang ipagtimpla mo ako ng kape?" Kumislap pa ang kaniyang mga matang nakatingin sa akin. "Ang galing mo palang mag-English."
"Alangan namang paliliguan kita ng kape. Ano ba ang gusto mo, black or white?" tanong ko sa kaniya.
"Anong black or white?"
"Eh, kung gusto mong may gatas white, kung gusto mong puro kape eh, 'di black."
"Ah...gusto ko sana ikaw...Garlic," seryoso niyang pagkakasabi at tumititig pa talaga sa singkit kong mata.
"Bubuhusan kaya kita ng mainit na tubig? Baka sakaling magising ka sa day dreaming mo," nguso ko sa kaniya. Naalala ko tuloy si Bantot, aww si Donato pala. Lagi niya akong pinupuri at nagpaparinig ng ligaw.
"Ikaw talaga, hindi na mabiro."
"Huwag mo akong biruin lalo na kapag may muta pa ang mga mata ko."
Napatawa siya tuloy sa sinabi ko.
Mula noon, lagi nang pumupunta si Atoy sa bahay ni Tiya Sonita. Kung minsan ay may dala siyang mainit na pandesal. Pagkatapos niyang magkolekta ng mga basura ay dagli siyang pumupunta sa palengke.
"Garlic, gusto mo bang sumama sa akin?" tanong niya isang araw.
"Saan naman ang punta mo?"
"Sa Luneta Park. Nakapunta ka na ba roon?"
"Siyempre, hindi pa. Alam mo namang bagong salta lang ako rito sa Maynila."
"Kung yayain kitang mamasyal doon, sasama ka ba sa akin?"
"Kung ipapaalam mo ako kay Tiya Sonita at kung papayag siya, eh 'di sasama na rin ako."
"Sige, sa Linggo ipapaalam kita kay Aling Sonita para makapasyal ka naman. Lalo na kung gabi ang ganda ng fountain doon, may sari-saring ilaw. Ang tawag nila ay musical fountain."
"Anong ibig sabihin ng musical fountain? Umaawit na fountain?" inosente kong tanong.
"Basta kapag nakapunta ka roon talagang mapapa-wow ka."
Naging interesado ako tuloy sa kaniyang sinabi.
Ipinagpaalam nga ako ni Atoy kay Tiya Sonita na ipapasyal niya raw ako sa Luneta Park.
"Siguraduhin mong makauwi rito si Garlic, Atoy ha. Alam mo namang baguhan lang sa Maynila ang pamangkin ko," tugon ni Tiya kay Atoy.
"Huwag po kayong mag-alala, Aling Sonita, kilala naman po ninyo ako 'di ba? Hindi ko siya pababayaan. Gusto ko ring makita ni Garlic ang ilang bahagi ng Maynila," nakangiti namang turan ni Atoy.
"O siya, sige. Mag-ingat kayo."
Mahabang biyahe rin ang binagtas namin dahil sa traffic. Nakasuot ako ng jeans at saka blusang puti at ipinusod ko ang mahaba kong buhok. Bumagay naman sa akin ang sandalyas na binili ni Tiya Sonita, kapalit ng tsinelas nina Itay at Ate Aying na isinuot ko. Nasa limang talampakan at apat na pulgada ang taas ko. Samantalang si Atoy ay nasa limang talampakan at anim na pulgada naman. Katamtaman lamang ang kaniyang katawan.
Nang makarating na kami ay agad niya akong inilibot sa parke.
May mga nadaanan din kaming nagtitinda ng fish balls kaya kumain na rin kami.
"Ang sarap ng fish balls nila rito, Garlic," sabi niya sa akin at tumuhog siya ng isa at nagulat akong isinubo niya ito sa akin. "O, sige na ibuka mo na iyang bibig mo, masarap 'tong sa akin."
Hindi ko rin alam kung bakit ibinuka ko rin ang bibig ko at tinanggap naman ang sinubo niyang fish balls. "Hmm...masarap nga."
Gentleman naman pala itong si Atoy. Marami siyang naikuwento sa akin lalo na sa kaniyang buhay. Nakaramdam ako ng paghanga sa kaniyang pagkatao.
Nararamdaman ko ang pag-asam sa kaniyang puso na magkaroon ng mga taong magmamahal sa kaniya bilang isang anak. Malungkot ang kaniyang mga mata kahit nakatingin siya sa aking nakangiti. Parang may kung anong lungkot ang nakatago sa likod ng kaniyang mga ngiti.