Chapter 4

2312 Words
"Sanggol pa lang daw ako, Garlic ay wala na akong mga magulang. Napulot lang daw ako sa basurahan sabi naman ng iba. Mabuti nga lang at may kumupkop sa akin. Siya na ang naging ina-inahan ko rito, si Inay Sofie. May anak din siyang babae, si Barbara at kasing-edad mo rin yata at kasalukuyang nag-aaral na sa kolehiyo." Kahit ganoon ang kuwento ni Atoy ay nakikita ko pa ring nakangiti ang kaniyang mga mata ngunit hindi maikailang may halo pa rin itong lungkot. "Ang lungkot din pala ng kuwento ng buhay mo. Pero bakit pangongolekta ng basura ang pinili mong gawin? Marami namang puwede mong pasukang trabaho, ah. At saka hindi ka ba nag-aaral sa ngayon?" tanong ko sa kaniya. "Huminto muna ako sa pag-aaral dahil hindi kami kayang pagsabayin ni Inay Sofie sa kolehiyo. Okay naman ang pangongolekta ng basura at marangal naman ‘tong trabaho. Nakatutulong din naman ako kay Inay Sofie. Paminsan-minsan ay may trabaho din akong pang-ekstra at nang mapagkikitaan din," tugon naman niya habang nasa malayo nakatingin. "Ano ba ang trabaho ng ina-inahan mo, Atoy?" "Sa malaking bahay sa subdivision siya nagtatrabaho, isa siya roong mayordoma, kaya minsan lang siya makakauwi sa aming bahay. Iyong isa mga anak nga ng amo niya ay isang sikat na modelo rito sa Maynila," turan ni Atoy na nagpadilat ng aking mga mata. "Talaga? Eh, bakit hindi kayo tumira roon gayong mayordoma naman pala ang inay mo?" "Mas gugustuhin ko pa sa maliit na bahay keysa naman doon tumira. Si Barbara minsan nandoon din sa mansiyon. Pero napaka-wild kasi nitong si Barbara kaya lagi siyang napapagalitan ni inay. Pinipilit kasi niyang sa pribadong paaralan siya mag-aral kahit hindi kaya ni inay at dahil sa nag-iisang anak ay wala naman siyang magawa kundi ang sundin ang kapritso ng kaniyang anak," kuwento pa niya sa akin. "Ganoon ba? Okay lang 'yon anak naman niya iyon, eh. Pero alam mo, gusto ko ring makapasok sa mga ganoong klaseng bahay. Malaki at saka mala-palasyo. Ako nga hindi na rin nakapag-aral kaya only little things I know." Alam kong mapapa-wow si Atoy sa pa-English ko. "Ang galing mong mag-English, ah," palantak niyang natatawa. Sabi ko na eh, kitam? "Hintayin na lang nating dumilim para makita mo ang ganda ng nag-iilawang fountain mamaya." "Pasensiya ka na, Atoy, kunti lang ang dala kong pera. Baka naman ilibre mo ako ulit mamaya. Iyong hindi naman fish balls, makunat din kasing kainin. Kahit sa turo-turo lang basta may karne naman," nakangiti kong turan sa kaniya. "Karnenas gusto mo?" natawang sabi niya. “Karnenas? Ano iyon? Parang bonggang pagkain ‘yan, ah.” inosente kong tanong. Natawa naman siya sa tanong ko. “Sosyal nga dahil karneng isda sa lata.” “Ano? Susmaryahosep! Eh, iyan ang paboyret menu namin sa probinsiya kapag walang ulam, sardinas lang pala. Ikaw ha, pina-sosyal mo pa. Minsan, hinahalo namin iyan sa ginisang kangkong.” “Ang sarap naman.” “Sawa na ako roon, Atoy. Iyong ibang karne naman sana katulad ng manok, baboy o saka baka. Minsan lang ako makatikim ng mga ganiyang pagkain.” "Walang problema, Garlic may ekstra pa naman ako rito. Pinaghandaan ko naman talaga itong date natin." "Date? Naku, Atoy huwag kang mangarap. Kung date man ito nakaka-ew. Gusto ko sa isang sikat na restaurant, pagkatapos ay may mga iniinom na lambanog ba iyon? May pa-roses, may tugtog, may maraming pagkain na masasarap, ayoko sa ganitong date, no?" pairap kong sabi sa kaniya. Napakamot naman siya ng kaniyang ulo. "Ang totyal mo naman, Garlic. Anong lambanog, baka wine ang ibig mong sabihin. Pero malay mo, balang-araw madadala rin kita sa gusto mong date. Pero sa ngayon, ganito na muna, okay?" "Naku, huwag nga akong umasa, Atoy hanggang eskinita lang ang kaya mo, no? Alam mo, marami rin akong pangarap sa buhay. Ayoko nang ganito lamang. Gusto kong makapunta sa mga lugar na nais ko. Ang sabi nga ng Ate Aying, ambisyosa nga raw ako. Hindi ba, wala namang masama kung nangangarap ka para sa iyong sarili?" sabi ko sa kaniya na talagang nangangarap. "Oo naman. Nakikita kong malayo pa ang mararating mo. Maganda ka at kahit laking probinsiya ay hindi mababakas ang hitsura mong probinsiyana. Maputi at makinis ang balat mo. Puwede ka ngang maging modelo dahil sa tangkad mo." Titig na titig si Atoy habang sinasabi niya iyon sa akin. Napalawak naman ang ngiti ko. "Ah sus, wala nang bawian iyan, ha. Kung may pagkakataon lang sana, Atoy gusto kong maging artista o kaya'y maging sikat at kung hindi naman papalarin ay makapag-asawa man lang ng porener na mayaman," sabi kong nakatingala pa sa kalawakan. Nakita kong nahulog ang balikat ni Atoy. Biglang nalungkot ang kaniyang mukha nang marinig ang sinabi ko. Hindi na siya nagsalita ng ilang minuto. "Hoy, ano ka ba, nakabibingi naman ang pagiging tahimik mo riyan." "Natutuwa lang akong nakilala kita, Garlic. Muling nabuhay ang malungkot kong pagkatao. Dalawampung taon na ang nakalipas pero hindi ko pa nakikilala ang aking mga magulang. Masakit mang malaman na iniwan lang ako sa basurahan. Kahit itinago pa ito ni Inay ng ilang taon ay nalaman ko pa rin ang katotohanan. Hindi ko naman pinangarap na yumaman sa mundong ito, kundi ang maramdaman man lang ang pagmamahal ng mga tunay na magulang," malungkot niyang sabi. Bigla rin akong naging seryoso sa narinig ko mula sa kaniya. Nakaramdam ako ng awa kay Atoy. Hinawakan ko siya sa balikat at tinapik-tapik. "Huwag ka nang malungkot, ang importante nabuhay ka. Kahit papaano ay may taong kumupkop sa iyo at ipinadamang isa kang tao. Hindi ka pinabayaan at kinilala kang tunay na anak. Hayaan mo at magmula ngayon, magiging totoo mo akong kaibigan. Pero take note ha, only friends and nothing beyond," alo ko at nagpangiti sa kaniya dahil sa galing kong mag-English. "Iyon talaga ang nagugustuhan ko sa iyo, Garlic dahil ang galing mong mag-English. You make me happy and contented. I hope you won't change." Hinawakan niya ang aking kamay. "Ang sosyal mong basurero. Huwag mo namang masyadong galingan ang English mo. Matatalo ako niyan, eh," ngiti kong sabi sa kaniya at nakisabay na ring siyang ngumiti sa akin. Ninanakawan ko siya ng sulyap paminsan-minsan. Parang hindi basurero ang mukha niya kung mariin mo siyang titigan. Napakaamo ng kaniyang mukha at ang pilikmata niya ay kaygandang pagmasdan lalo na kapag nakangiti. Makinis din ang kutis niya kaya nagtataka ako kung saan nga ba talaga siya nanggaling. Baka anak ito ni Yorme. "Huwag mawalan ng pag-asa, Atoy. Darating ang araw na makikilala mo talaga ang tunay mong mga magulang." Napabuntong-hininga siya sa sinabi ko. Bumili na rin si Atoy ng makakain namin. Hinintay naming dumilim ang paligid. Marami na rin ang mga tao sa Luneta, halos magpamilya ang naroroon at mayroon ding magsyota at nag-aakbayan. Napapamangha rin ako sa paligid nito. Tumabi pa ako kay Dr. Jose Rizal sa kaniyang monumento, sayang nga lang at wala akong camera kaya hindi ako nakapagkuha ng litrato. Ito ‘yong Luneta Park sa klase namin sa Araling Panlipunan noong elementary, talagang maganda ang lugar na ito. Seventy-six ang kuha ko nito noong nasa Grade Four ako kay Maam Tilapia. Hindi ko raw pinapasok sa utak ko ang mga itinuturo niya. Hay, ang boring niya kasing magturo. Panay pa lunok niya ng kaniyang laway. Buti pa si Maam Galunggong noong nasa Grade Five ako ay binigyan niya ako ng eighty na grades. Panay naman kasi pakuha niya ng puting buhok sa akin tuwing hapon kaya binigyan niya ako ng plus five. O, ‘di ba ang galing? "Wooww!" bulalas ko. "Atoy sobrang ganda ng fountain, at sari-sari pa ang mga kulay!" "Sabi ko sa iyo, eh. Pakinggan mo rin, umiiba ang musika kaya iyon ang sabi ko sa iyo na musical fountain." Napangawa talaga ang bibig ko. First time ko kasing makita ang mga ganito. "Parang nakabibighani ng damdamin ang bawat musikang nakahahalina. Ang sarap pakinggan at saka maganda sa mata ang nag-iibang mga kulay. Tuwang-tuwa talaga ako, Atoy. Now to see the light dance. Ang ganda-ganda talaga. Halika, lilipat tayo sa puwestong iyon, Atoy." Hindi ko namalayang magkahawak ang kamay namin ni Atoy habang binabagtas namin ang daanang papunta sa kabilang puwesto dahil sa kasiyahang naramdaman ko sa panonood ng magandang fountain. Ang dami na ng tao at halos nagsisiksikan na. May mga dala rin silang pagkain at naglalatag pa ng banig para makasalo ang magpamilya. Ang saya nilang tingnan lalo na ang magpamilya na nilalaro-laro ang mga bata at nagtatawanan. May mga sweet ding tatay na naglalaro at nakisaya sa mga anak nito. Nahinto kami sa paglalakad nang mapansin kong natulala si Atoy. Nakikita ko sa kaniyang mga mata ang damdaming gusto niyang maranasang nilalambing at nilalaro ng isang ama. Hinahaplos-haplos at inihehele ng isang ina. Tutok na tutok ang kaniyang mga mata sa mag-anak na masayang nakipaglaro at nagyayakapan. "Halika ka na, Atoy at doon na lang tayo sa kabila. Tiyak na mapapanood natin nang maayos ang fountain," tabig ko sa kaniya at umalma naman siya. Gusto ko siyamg yakapin at aluin para maramdaman niyang may nanay siya. Aba, hindi pupuwede, bata pa ako at hindi puwedeng maging nanay para sa kaniya. Habang walang sawa naming pinapanood ang napakagandang fountain ay nilalantakan namin ang binili niyang tsitserya. Hindi ko rin malaman kung bakit masaya ako na nakasama si Atoy. Sa pagkukuwentuhan namin ay minsan niya akong sinusubuan ng cheese snack at hindi ko na ring magawang tumutol. “Kailan ba tayo babalik dito?” napapamangha ko pa ring tanong. “Ikaw, hanggang kailan mo gusto.” “Kung pupuwede lang na eveready, ang saya kasi at ang sarap ng ambulance,” dagli kong sagot na nakangiti pa. Nakita kong kumunot ang noo niya. “Anong eveready at ambulance ang pinagsasabi mo? Wala namang ambulance dito.” Napalinga-linga pa siya sa paligid habang tinatanong iyon sa akin. “Ano ka ba, you not understanding my simple English? Eveready, araw-araw. Ambulance, ang narinig ko ‘yong maganda ang lugar at masarap sa pakiramdam. Iyon, ang kahulugan. Ang hina mo naman, Atoy.” Hindi ko akalain na humagalpak siya nang tawa. Aba, may nakakatawa ba sa paliwanag ko? “Eveready? Eh, brand ng battery iyan, eh. Everyday yata ang ibig mong sabihin. Ambulance? Sasakyan iyan ng mga dinadalang pasyente papuntang hospital. Baka ambiance ang ibig mong sabihin, Garlic,” paliwanag niya sa akin. Napairap ako sa kaniya. Ano ba ‘yan tila mapapahiya ako. “Atoy, same-same lang naman iyon. Magkatunog naman sa hulihan kaya pareho lang ang kahulugan ng mga iyon. Huwag ka nang umeksena. Hayaan mo na, huwag mo nang masyadong dibdibin. Marami pang naka-stock sa utak ko.” Napapailing na lamang siyang nakatawa. "Ikaw talaga andami mong alam." Hinila na rin niya ako at hinawakan sa siko. “Halika, doon tayo sa kabilang iyon. Mauupo tayo sa berdeng damuhan. Magkukunwari tayong magsyota para naman hindi naman tayo out of place dito.” “Weeh, asa ka, ha. Hindi tayo magsyota. Magmuta baka puwede pa.” Tumawa na lamang siya sa mga pagbibiro ko sa kaniya. Tumagal din kami sa napakagandang lugar na 'yon. Tila hindi nakakasawang pagmasdan ang maiilaw na fountain. Kalauna'y inaya ko na rin siyang umuwi dahil tila gabi na talaga. Baka mainip na si Tiya Sonita sa paghihintay. "O sige, umuwi na tayo, Garlic. Nag-enjoy ka ba ngayon?" "Aba, siyempre. Enjoy many my night watch fountain dance in the luneta and sing a song." "Hanep ka talaga." Natatawa na lamang siya sa mga sagot ko. "Tiya Sonita!" masaya kong sambit nang makauwi na kami. Inihatid ako ni Atoy. "O, nandito na pala kayo, Garlic at Atoy. Kumusta ang pamamasyal ninyong dalawa?" tanong naman niya kaagad. "Magandang gabi po, Aling Sonita. Alam kong nag-enjoy itong si Garlic lalo na sa panonood sa musical fountain," tugon naman ni Atoy. "Ay totoo po, Tiya, ang ganda-ganda talaga, nag-iiba pa ang mga kulay at parang crayola. Ang musika ay nag-iiba rin. Salamat, Atoy ha at saka sa libreng pagkain," baling ko sa kaniya. "Mabuti naman kung gayon. Kahit papaano ay nakapasyal ka nang saglit. Kumain na nga rin kayo. Bumili na ako ng ulam sa karinderya ni Blanca. Masarap itong adobong manok at saka pansit. Masarap kasi magluto ang asawa niyang si Kopiko kaya marami ang mga costumer nila," aya ni Tiya habang binubuksan ang mga nakatakip na pagkain. “Blanca at Kopiko?” tanong ko naman na napapaisip. “Oo, sila ang may-ari ng karinderya sa kabila. Iyong may pangalan na Barako Refreshment, katapat naman ng Mapait Refreshment,” imporma naman ni Tiya Sonita “Ha? Parang kape ang mga iyan, ah.” pakiwari ko naman. “Sige na kumain na kayo.” "Atoy, halika sabay ka nang kumain sa amin ni Tiya Sonita," aya ko na rin kay Atoy at hinawakan ko pa siya sa braso. "Naku huwag na, Garlic. Uuwi na lang po ako. Sa bahay na ako maghapunan," tanggi naman niya at akmang tatalikod na. "Ano ka ba? Para ka namang others. You sit and eat the table," sabi ko sa kaniya. Mapapa-wow na naman siya sa pa-English ko. "O, sige na nga I will eat the table and the plato," natatawa naman niyang sagot. Hindi talaga siya patatalo sa akin. Nagsimula na rin kaming kumain. Hindi na ako naiilang sa kaniya dahil nakikita ko namang mabait siyang tao. Habang kumakain ay walang tigil ang pagbibida ko kay Tiya Sonita sa mga nadaanan namin at sa karanasan ko sa luneta park. Sobra talaga akong nag-enjoy sa pamamasyal namin. Sa probinsiya hanggang bukirin lang at lawak ng dagat ang nakikita ko, samantalang dito sa Maynila marami palang mga pasyalan ang puwedeng mapuntahan. "Mabuti naman at nag-enjoy ka ng husto, Garlic. Kapag dumito ka na, marami ka pang mapupuntahang maganda," ani Tiya Sonita. "Totoo 'yan, Garlic kaya sana tumagal ka pa rito," sabad naman ni Atoy. Makikita ang saya sa mukha niya kahit may lungkot pa rin sa kaniyang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD