Chapter 5

2250 Words
Pagkatapos naming kumain ay inihatid ko na si Atoy sa labas. "O, hanggang dito ka na lang, Garlic. Gabi na, eh. Pumasok ka na at hindi muna ako aalis hanggang hindi ka pa nakapasok sa loob," turan niya sa akin. "Sigurado ka ba, Atoy?" "Oo, sige na pasok na. Madilim na kasi sa bahaging ito. Baka kung mapaano ka. I want to see you safe, Garlic." Naku nag-English na naman ang basurerong ito. "Okay. I will enter the house and you will see me in the door to step the floor," agad kong sabi. Naks, gumagaling na talaga ako. Aba, natawa pa. May nakatatawa ba sa pa-English ko? Siguro, natatawa talaga siya sa sobrang galing ko. Nang makapasok na ako ay kumayaw na ako sa kaniya at nakita ko na ring umibis na siya paaalis. Ilang linggo na rin ang nakaraan ay ganoon pa rin ang estilo ng buhay ko sa piling ni Tiya Sonita. Natuto na rin akong magsigaw-sigaw para manghikayat ng mga mamimili. "Uyyy...magandang ale, dito na po kayo bumili. Magaganda at preska ang aming mga gulay, kasing-beautiful ng iyong buhok na bagong suklay!" pasigaw-sigaw ko at pakumpas-kumpas din ng aking kamay para makapang-engganyo ng mga mamimili. "Preska ba talaga ang mga gulay ninyo, Ineng?” Lumapit na rin siya sa puwesto namin ni Tiya Sonita. "Ay, siyempre naman po. Bagong pitas lang po sa bahay nina Aling Ditas. Ang talong ay walang butas-butas, ang sitaw ay kasinghaba ng iyong kaulayaw, ang ampalaya ay walang langitngit, katas nito'y hindi masyadong mapait at itong alogbate naman, ang dahon ay berdeng-berde, puwede pang panggamot sa galis at kati-kati," panghikayat ko sa kaniya at may pakindat-kindat pa. “Gumagaling, ah!” Ay nagpalakpakan pa talaga ang nasa tabi ng tindahan ni Tiya Sonita. Napapangiti sila habang sa akin nakatingin. "Ang galing mo, Garlic puwede ka palang pang-commercial sa telebisyon!" turan ni Aling Perla, ang kalapit-tindera rin. “Magaling ang batang ere. O, sige na bumili ka na sa mga paninda ni Garlic, tiyak na matatakam ka sa preskang paninda niyan!" Wow, suportado din ako ni Aling Calla. "O, sige pagbilhan mo nga ako ng isang kilo ng ampalaya at saka itong talong," agad na turan ng ale. "Hindi po kayo magsisisi sa mga paninda ni Tiya Sonita at tiyak na babalik-balikan mo talaga. You happy to eat the taylong and the ampafree," sabi ko sa kaniya sa slang na paraan habang isinilid na ang mga gulay sa bayong nito. "Ampafree? Ano iyon?" na-curious niyang tanong. "Ampafree po? Ay, english po ng ampalaya. Ampa at saka laya. Hindi ba, ang english ng laya ay free? Kaya kapag pinagsama ampalaya ay nagiging ampafree. O, ‘di ba, ang galing ko sa English?" nakangiti ko pang turan sa kaniya at napakamot naman siya ng kaniyang ulo. Pag-alis niya ay kumikibot pa siya at ilang ulit niyang sinabi ang ampafree. May bago siyang natutuhan sa akin. Iba talaga kapag probinsiyana, maraming alam. Nakakapagod man ang pagtutulong sa tindahan sa palengke, kahit papaano ay nadagdagan naman ang kita ni Tiya Sonita dahil sa mga diskarte ko. Diskarteous kasi ako. Naalala ko pa iyong mukhang mestisa kanina na dumaan malapit sa tindahan ni Tiya Sonita. Nakaapak siya sa lubak-lubak na semento at nabasa ang sandalyas niyang mamahalin umano ng tubig. "Oh, yuck..." mahina niyang sigaw na narinig ko naman. "What's the matter, Madam? Solid or liquid?" tanong ko sa kaniya. Napalingon siya sa akin. Naks, tumatama na ang pa-English ko, may kasama na yatang Science. “Didn't you see? I tackle this dirty area! Clean your site everyday!" sabi niyang pataray. "Madam, wala po kaming eveready battery. We only sell, gulay like taylong, ampafree, kelebasa, sitaw, bataw, kundol patola, upo at luya. And beside, step your look and please be careful with your heart by Jose Marie Chan." Akala niya hindi ko siya papatulan sa pag-e-English, ha. "Oh my goodness. You're stupid. Grrr!" Nandidilat pa ang mata niya sa akin at agad-agad na umalis na nayayamot. "Stow pid, stow pid…" paulit-ulit kong sambit. Napatirik ang mata ko kasi biglang humina ang dictionary ng utak ko. Ano ba ibig sabihin ng salitang iyon? Napangiti ako nang maalala ang nangyaring iyon. "Hoy, bakit pangiti-ngiti ka riyan, Garlic?" "Ahm, wala po, Tiya. Sige po kakain na po tayo para makapagpahinga na rin tayo." "Oo nga. Salamat nga pala sa pagtulong mo sa akin, ha. Magmula nang sumama at tumulong ka sa tindahan ay biglang dumami ang costumers ko. Nadagdagan naman kahit papaano ang kita natin sa araw-araw," nakangiting sabi ni Tiya Sonita. "Salamat din po, Tiya at isinama po ninyo ako rito sa Maynila. Masaya na rin ako kahit papaano at may ginagawa ako rito. Kumusta na kaya sina Itay, Ate Aying at mga kapatid ko?" Bigla akong nalungkot nang maalala sila sa probinsiya. "Wala naman kasi akong cellphone para makontak sila." "Ay lalo na po sila roon. Wala namang pambiling cellphone si Ate Aying. Alam mo namang kulang pa iyong kita niya sa pagtatrabaho sa tindahan ni Aling Monica sa bayan para sa mga pangangailangan ng mga kapatid ko." "Hayaan mo, Garlic may naipon akong pera dahil sa pagtulong mo. Ibibigay ko iyan sa iyo para naman makaipon ka at mabibili mo ang mga gusto mo." "Naku po, Tiya huwag na po. Hindi ko pa nga nababayaran iyong utang ko sa iyo sa pamasahe sa pagpunta ko rito sa Maynila." "Huwag mo nang isipin iyon, Garlic, tulong ko na rin iyan sa iyo," sabi niya sabay tayo at may kinuha sa kahon. "O, ito tanggapin mo ang perang ito para maipon mo." "Ano ka ba, sa iyo na iyan, Tiya pandagdag sa gastusin natin," tanggi ko pero lunok ako nang lunok ng laway. Parang limandaan din yata ang ibibigay sa akin ni Tiya Sonita. "Para talaga sa iyo iyan. Itago mo." "Ikaw talaga, Tiya. Akin na nga iyan, baka magbago pa nga ang isip mo. Salamat po, ha.Iipunin ko talaga ito. Para naman may pambili rin ako ng panty, puro butas-butas na kasi, eh at masyado nang luma. Ang iba naman ay kinain na yata ng langgam at mahimulmol na." pabulong kong turan sa kaniya at agad na kinuha ang pera at isinilid sa bulsa ng aking pantalon. "Ummm!" "Aray naman, bakit mo naman po ako hinampas sa batok, Tiya Sonita?” "Akala ko ba ayaw mong tanggapin. Mabilis pa kaya sa alas-kuwatro ang pagkuha mo ng pera, ah. Luka-luka ka talaga!" natatawa pa niyang saad at napakamot naman ako ng aking ulo. Sakit kaya ang pagkahampas niya. Nagtaka ako kung bakit hindi na nakadalaw si Atoy sa bahay at kahit sa palengke ay hindi na siya nakadaan. Mag-iisang linggo na rin yata. "Tiya, hindi yata nakakolekta ng basura si Atoy, ah," puna ko. "Tiyak bukas magkokolekta na iyan. Baka tumulong sa inay niya roon sa malaking bahay," sagot naman niya. "Tiya, totoo ba na ampon lang si Atoy? Nakakaawa naman pala ang kuwento ng buhay niya, ano?" "Oo nga, pero napakabait ng batang iyan. Hindi rin namin masyadong alam ang totoong estorya ng buhay niya pero mahal din iyan ng kaniyang ina-inahan. Inalagaan naman siya nito pero sa mansion talaga namalagi iyang inay niya kaya lumaking nasanay na walang ama at ina si Atoy na nag-aalaga. Iniwanan din kasi iyang inay niya nang mabuntis sa kay...sino nga ba ang pangalan ng kapatid niyang iyon?" "Si Barbara po. Naikuwento nga sa akin ni Atoy, eh. Nakikita ko talaga sa kaniyang mga mata at mukha ang pangungulila niya sa mga magulang. Hay, kahit papaano pala ay naging maganda pa ang buhay ko keysa sa kaniya dahil may kinagisnan akong mga magulang. Iyon nga lang, namatay na rin si Inay Consing. Luko talaga ang colon na iyon at naging dahilan ng kaniyang pagkamatay,” malungkot ko ring nasabi. “Ganiyan talaga ang buhay, Garlic. Bawat tao ay may kaniya-kaniyang kuwento at suwerte.” Kinabukasan nga ay maagang nakigising si Atoy. "Aling Sonita! Garlic na maganda, yuhoo! Magandang umaga po!" pasigaw-sigaw niya at agad naman akong bumangon sa kama ko, este sa katre palang may manipis na foam. Kinuha ko na rin ang mga muta ko sa mata at baka iyon na naman ang mapansin ni Atoy. "Bakit ngayon ka lang nakapasyal, basurero, ay Atoy pala?" dagli kong tanong nang makalabas na ako. "Bakit, na-miss mo na ba ako, Garlic?" nakangiti pa na sabi ng luko. "Oo, na-miss ko talaga ang paglilibre mo ng pagkain sa akin." "Ah, iyon lang pala ang na-miss mo? Akala ko pa naman..." "Ano na naman?" Tiningnan na naman niya ako nang mariin. Medyo lumapit pa siya nang kunti habang nakatitig sa aking mukha. "Garlic?" "Hoy, bakit ba? Ano bang klaseng titig iyan, ha?" "Naghilamos ka na ba?" "Ha? Eh, wala pa nga, eh. Huwag mong sabihing may muta na naman ako. Nakuha ko na lahat iyon bago ako lumabas, no?" “Ang labi mo kasi may linyang pahaba na kulay puti.” Itinuro pa talaga niya. "Ayan o, parang...parang...natuyong laway." Agad ko ngang kinamay at hinilod. Meron ngang natuyong laway. Ewan ko ba kung bakit naglalaway talaga ako kapag natutulog. Hindi ko namamalayan, eh. "Madali lang namang kunin, ah. Masyado talagang masipat iyang mata mo. O, magkape ka na nga," aya ko na rin sa kaniya. Patay-malisya na rin lang ako kahit nahiya rin ako na nakita niya ang tuyo kong laway. "Hinahanap ko talaga ang timpla ng kape mo, Garlic." Umupo na rin siya sa mahabang bangkito. "Atoy, mabuti naman at nandito ka na. Marami na nga ang basura namin. Kasi itong si Garlic lamon nang lamon kaya marami ang basura nito ng pagkain," agad na bungad ni Tiya Sonita na nanggaling pa sa banyo. Umibak yata dahil may halong amoy pa ng dumi. Yakkk. "Tiya naman, eh. Naghugas ka na ba ng kamay mo? Sabunan mo nga!" Nagtakip pa ako ng ilong. "Ay oo nga pala. Nasaan na ba ang sepgard?" "Hindi po iyan sepgard, Tiya bodygard iyan. Ako bumili niyan, eh." "Ikaw talagang bata ka. Lukaret ka talaga. O, siya magkape na kayo riyan at bibili na rin ako ng pandesal.” Pagkatapos niyang maghugas ng kamay ay lumabas nga siya at dumeretso ng tindahan. "Pakilagay po sa supot, Tiya, ha. Huwag mong kamayin!" pahabol kong sabi sa kaniya. "Natatawa talaga ako sa iyo, Garlic. Ahmm...maiba nga pala ako. Gusto mo bang magtrabaho sa mansion?" tanong naman ni Atoy na pinag-cross pa ang kaniyang braso. "Sa pinagtatrabahuhan ng inay mo?" "Oo. Umuwi na kasi iyong isang maid nila sa kanilang probinsiya dahil nagkasakit ang nanay nito, kaya sabi ni inay Sofie ay naghahanap sila ng ipapalit. Pasensiya ka na, ha kung ikaw ang natanong ko. Okay lang naman kung ayaw mo," turan niyang nag-aalinlangan. "Ano ka ba, talagang gusto ko. Kahit maid pa iyan, ang importante makatira ako sa malaking bahay. Gustong-gusto ko iyon, Atoy," eksayted kong sabi at nakurot ko tuloy ang mukha niya. "Aray naman. Ang sakit naman, Garlic ah," kunwari niyang nasasaktan. "Kailan mo ako dadalhin doon?" Sa susunod na araw. Pero magpaalam ka muna kay Aling Sonita baka magagalit iyon sa akin at baka ayaw ka rin niyang payagan." "Oo naman. Hindi naman tatanggi iyang si Tiya Sonita basta sa ikabubuti ko. Papayag 'yon.Puwede mo ba akong ipasyal uli bukas?" "Saan?" "Sa lugar na alam mo. Iyong maganda at malibang din tayo. Ang maganda ang ambulance.” “Ambiance,” pagtatama niya. “Sus, pareho lang iyon.” Napatawa na lamang siya at saglit na napaisip siya nang matagal. "Gusto mo ba sa Mall of Asia?" "Saan naman iyon? Aba, mag-eeroplano tayo? Naku, mahal yata ang pamasahe papunta roon at saka ‘di ba kailangan pa ang pisport para makapunta roon?" inosente kong tanong. “Anong pisport? Baka passport ang ibig mong sabihin. Grabe naman iyang imahinasyon mo. Dito lang iyan sa Maynila ang Mall of Asia. Isang malaking mall iyan at maraming mga mayayaman ang pumupunta riyan. Ipapasyal kita sa likuran at may magagandang tanawin din doon at tiyak na malilibang ka." "Talaga? Sige Atoy. I will experience to witness the Mall of Asia here in Manila and I'm sure I will happy and proud to talk to my father, sister and other kafatid in province of Iloilo that I finally see the place I go to." Nandidilat pa ang aking mga mata sa sobrang excitement. Napanganga na naman si Atoy sa galing kong mag-English. “Ay grabe, lume-level up ka na talaga, Garlic. Ang galing.” Pumalakpak pa siya. Muntik pa akong mabilaukan sa pag-inom ng kape nang tumawa siya. Paano ba naman ako hindi mabilaukan dahil nang tumawa siya ay nakita ko ang kaniyang ngipin. Kulay itim. May tinta yata, siguradong adobong pusit ang ulam nito kagabi. Ibig bang sabihin hindi si Atoy nakapag-tooth brush? Nakalamang ako sa kaniya. He not practice brush the teeth before sleep in the bed o baka nakalimutan lang niya. Basta, ew pa rin. "Bakit ka tumawa?" puna niya sa akin. "Wala. Masaya lang ako nang makita ko ang puwitan ng kaldero." "Puwitan ng kaldero? Saan ba?" "Sa harapan ko." Lumilinga naman siya at talagang hinanap ang puwitan ng kaldero. Panay naman ang tawa ko sa reaksiyon niya. "Ikaw ha, niloloko mo na naman ako." "Sige na nga. Tumawa ka nga ulit." "Bakit?" "Nasa loob ang puwitan ng kaldero. Ang ngipin mo." Napapailing pa siya nang tawa ako nang tawa. Tila nahiya rin siya at saka tumayo sabay mumog sa lababo. "Luka ka talaga. May araw ka rin sa akin." "Weh, matagal pa 'yon." Naging magaan ang loob namin sa isa't-isa. Para na rin siyang kapatid ko at malapit na kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD