Habang sakay kami ni Atoy ng jeep papuntang Mall of Asia ay panay ang lingon ko sa aming madadaanang mga gusali.
"Wow, Atoy ang tataas talaga!" palantak kong sabi.
"Oo. Matataas talaga ang mga gusali rito sa Maynila, Garlic. Sentro kasi ng kalakalan ang Maynila kaya maraming mga business at company ang nasa mga malalaki at matataas na gusali," agad naman niyang sagot.
"Naks naman. Ang dami mong alam, ah. Sana minsan, makakaakyat din ako sa gusaling iyan. Nakikita mo ba ang malaking telebisyon na iyon, Atoy?" Itinuro ko sa kaniya ang nadaanan naming malaking telebisyon.
"Oo, advertising television iyan. Mga modelo at saka panay artista ang lumalabas diyan."
"Balang-araw, mukha ko naman ang makikita mo riyan sa malaking screen na iyan," patawa-tawa ko pang sabi sa kaniya.
Ang ibang pasaherong nakikinig sa usapan namin ay panay sulyap sa akin na nakangiti. Ang iba naman ay napapaismid. Aba, ano kaya ang iniisip nila sa akin? Ay walang pakels ako sa kanila, basta e-enjoy ko ang aking life habang nandito ako sa Maynila.
"Para po, Mama!" sigaw ni Atoy sa driver. Hinila niya ang aking kamay para pumanaog na sa jeep.
"Nasaan na ba tayo, Atoy?" tanong ko sa kaniya habang palinga-linga ang aking ulo.
"Nandito na tayo, Garlic. Tatawid lang tayo at nasa Mall of Asia na agad tayo."
"Ang daming taong dumadaan. Papuntang Mall of Asia rin ba sila?"
"Siguro. Huwag kang tatanga-tanga, ha baka maligaw ka kapag nakahiwalay ka sa akin," sabi pa niya.
"Umm!"
"Aray naman, bakit mo ako binatukan sa ulo," nakakunot-noo niyang tanong habang naglalakad kami.
"Para kang si Itay. Hindi ako tatanga-tanga. I have the ability to reproduce energy so I am sure I will have gravity," tugon ko sa kaniya at ginamitan ko naman siya ng aking malalim na English.
"Perfect! Iba ka talaga, Garlic. May English na, may pang Science subject pa ang tira mo ngayon, ah," natawa pa niyang sabi at sabay palakpak.
"Mag-sorry ka nga sa akin."
"Eh, 'di sorry."
"Ayusin mo, sisigaw ako rito."
"Sorry na po, magandang dilag..."
Nangiti na rin ako kay Atoy at habang nagso-sorry siya sa akin ay hindi ako nakatingin sa dinadaanan namin kaya nakabangga ako ng isang teen ager na babae.
"Ouchhh!" malakas niyang sambit.
"Ay, Garlic po pangalan ko at hindi Awts," sabi ko pa sa kaniya dahil akala ko tinawag niya ako sa ganoong pangalan.
"Stupid. Hindi ka tumitingin sa dinadaanan mo. Tatanga-tanga ka kasi!" sagot pa niya at tinapunan ako ng masakit na tingin.
Bago pa nakabuka ang bibig ko para makasagot naman sa kaniya ay tumalikod na siya dahil hinila na siya ng kasama niyang lalaki.
"Putsang babaeng iyon, ah. Sinabihan pa ako nang tatanga-tanga. Hoy, shorts mong maikli na mukhang kurtina ni Aling Perla sa kaniyang karenderia, akala niya sa kaniyang sarili, ang ganda-ganda. Tabingi naman ang guhit ng kilay mo!" sumigaw na rin ako para marinig ng babae.
"Ano ka ba, Garlic, halika na nga. Pinagtitinginan tayo ng mga tao. Baka isipin nilang may kaaway ka." Hinila na ako ni Atoy papalayo.
"Anak ng...sinabihan ba naman akong tatanga-tanga."
"Sabi ko sa iyo, eh."
"Ano?" Pinandilatan ko siya ng mata.
"Wala, sabi ko tanga 'yong babae. Nandito na tayo. Sasakay tayo ng escalator, Garlic," sabi niya at hinawakan ang aking kamay para makaakyat sa tila hagdanan na gumagalaw.
"A-Atoy!" napakapit ako sa kaniyang braso.
"O, bakit?"
"Saan ba patungo ang hagdanang iyan? Bakit gumagalaw?" inosente kong tanong.
First time ko kasing makasakay dito. Kahit doon sa Iloilo ay hindi pa ako nakapunta sa mall. Hanggang bayan lang kami. Wala naman kaming pera para makapasyal sa ganitong lugar.
"First time mo ba, Garlic?"
"Oo, natatakot ako, Atoy at baka mahulog ako."
"Huwag kang matakot. Hahawak ka na lang nang mabuti sa akin para hindi ka mahulog," nakatawa niyang turan sa akin.
May dumadaan din na sasakay sa escalator at nakatingin sa aming dalawa ni Atoy. Sa pangkukumbinsi niya at sa wakas ay nalampasan ko rin at nakatawid sa gumagalaw na hagdanan. Ipinikit ko pa ang aking mga mata dahil sa takot.
Namalayan ko na lamang na tinabig ako ni Atoy at saka ako lumundag nang mamataan ko na ang sahig na marmol.
"Ano ang pakiramdam na naka-survived ka, Garlic?" tanong niya kaagad sa akin at nakakapit pa rin ako sa kaniyang braso.
"My heart is jump because of more nervous system," nakangiti kong sagot sa kabila ng pangangatog ng aking tuhod.
"Hanep talaga ang nervous system mo," napatawa rin niyang sabi.
Giniya ako ni Atoy sa mga stall at mga paninda ng mga sari-saring damit.
"Wow...ang lawak-lawak naman ng mall na ito. Tingnan mo, Atoy ang sahig, ang kintab. Puwedeng gawing salamin at saka ang sarap mahiga at umupo," napapamangha kong saad at umupo nga ako sa sahig. "Ang ginaw-ginaw pa. Sus, ang ganda nga talaga ng lugar na ito."
"Garlic, tumayo ka nga riyan. May dumadaan oh," sabi naman niya sa akin at inalalayan akong makatayo.
"This is a parasite!" Idinipa ko pa ang aking mga kamay at nilanghap ang malamig na buga sa loob ng mall.
"Anong parasite?"
"Ano ka ba, paraiso. Parang paraiso ang lugar na ito."
"Ah, paradise! Huwag mo namang gawing bulate ang mall, hindi ito parasite," pagtatama na naman niya.
Ah, basta, malapit-lapit na rin. Iyon na iyon.
Pumapasok din kami sa iba't ibang tindahan na may magagandang damit. Sinusukat-sukat ko pa ito at tinitingnan ang aking sarili sa salamin.
"Tingnan mo, Atoy, bagay na bagay sa akin ang bestidang ito. Para akong si Liza Toberano nito."
"Mas maganda ka pa nga sa kaniya. Ang lamang lang niya sa iyo ay artista siya."
"Aba, bumabawi. Iyan talaga ang nagagandahan ko sa iyong ugali, Atoy kasi nagsasabi ka ng totoo," nakangiti kong tugon sa kaniya kahit ang totoo, kinukrung-krung lang niya ako.
Tiningnan ko ang presyo ng damit na tila simple lang naman ngunit napakalambot ng tela.
Napaawang ang aking bibig dahil sa pagkakagulat.
"Oh my, ang ganda! Pero tingnan mo, Atoy t-three four nine nine pesos ang presyo. Magkano ba ito?"
Hindi ako masyadong matalino sa Math, eh. Sa English ako magaling pero kalimitan seventy-five din ang grado ko noon.
Binasa naman ni Atoy ang presyo. "Three thousand, four hundred ninety-nine pesos. Iyan ang presyo ng damit na 'yan."
"Ano? Sus ganito ba talaga ang presyo nito? Eh, bente lang ito sa ukay-ukay, ah."
"Oo mahal kasi ang mga bilihin dito, Garlic. Pangmayaman talaga rito. Alam mo ba na ang ibang mga artista ay pumupunta rin dito para mag-shopping?"
"Talaga? Nakatutuwa naman Atoy, in my whole life I never happy like in this wonderful parasite este paradise."
Napangiti na naman si Atoy habang nakatingin sa akin.
"So, it's your time to shine, Garlic," wika din niya.
"Yes, in the day come, I will be a sunshine in the good morning and I get the dream true in my heart in the afternoon." Alam kong mapapalantak na naman siya sa galing kong mag-English.
"Wow, good morning and good afternoon, Garlic," malakas niyang tawa.
"Oh, why you laugh out loud?"
"Tssskk...bilib na talaga ako sa iyo, Garlic. Mauubusan ako ng vocabulary sa mga new words na ginagamit mo. Pang website ka talaga. Halika dadaan tayo sa may ice skating sa baba."
"Ha? Ano ba ang ice isketing?" mangha kong tanong. "Ice water at saka ice candy lang ang mayroon sa aming probinsiya. Minsan, may dumadaan ding ice cream at saka ice scramble." mangha kong tanong.
"Ah...hindi pagkain ang ice skating. Ito ay isang uri ng sport kung saan ang mga tao ay dumudulas sa ibabaw ng makinis na ibabaw ng yelo o ice sa mga isketing na may talim ng bakal," pagpapaliwanag niya sa akin pero wala akong may naunawaan. Pakialam ko ba naman sa mga isketing-isketing na 'yan.
"Kung gayon, may mga ganiyan pala rito sa mall na 'to?"
"Oo, ang lawak-lawak ng ice skating dito. Manood tayo sa mga nagsasayaw doon at nagpa-practice."
Napapa-wow talaga ako nang marating namin ang ice isketing na lugar. Ganito pala ang ibig sabihin ni Atoy. May ilang batang nagsasayaw at paikot-ikot sa parang totoong yelong sahig. May mga teen agers ding mga babae na nakasuot ng maiksing parang screen bag ang tela at nakasuot ng stockings at ang sapatos ay tila barko na may gulong sa ilalaim.
"Nag-e-enjoy talaga ako sa pag-ikot-ikot natin, Atoy. Maupo muna tayo rito sa sahig," aya ko sa kaniya dahil tila napagod ang aking mga binti.
"Hayun may upuan sa dulo, doon tayo uupo, Garlic."
Nawiwili ako sa panonood ng mga taong paroon at parito sa loob ng mall. Halos nalibot na rin namin ni Atoy ang kabuuan nito.
"Okay ka lang ba, Garlic?"
"Atoy, kaya ko pang maglibot pero itong bituka ko gumugulong na yata sa loob. Gutom na ako," reklamo ko sa kaniya.
"Sige, hanap tayo nang puwede nating kainan."
Sumakay kaming muli sa hagdanan na gumagalaw. Mahigpit ang pagkakapit ko sa braso ni Atoy dahil natatakot talaga ako at baka mahulog ako at gumulong-gulong paibaba.
Nahinto kami sa isang stall na puro crystal ang dingding.
"Tinuhog Chicken Inasal." Binasa ko ang nakasulat na nakasabit sa parang blackboard.
"Papasok tayo sa loob, Garlic," sabi ni Atoy sabay hila ng aking kamay.
"Atoy, mukhang mahal dito. Wala akong pera."
"Lagi ka namang walang pera. Don't worry sagot kita ngayon."
"Iyon nga ang sabi ko. Sagot mo talaga ngayon ang kainan natin." Natawa pa ako at napangiti na rin siya.
Pinaupo niya ako sa pandalawahang mesa habang nakipila siya para mag-order. Inilibot ko ang aking paningin sa loob at labas ng mall.
"Ganito pala ang buhay sa Maynila, ang daming magagandang lugar ang puwedeng mapuntahan. Iba talaga kapag mayaman ka dahil na-e-enjoy mo ang pamamasyal lalo na kapag may gusto kang bilhin, mabibili mo kaagad. Balang-araw, babalik ako rito at bibilhin ko ang lahat ng magugustuhan ko," usal ko sa aking isipan habang hinihintay si Atoy na makabalik sa pinupuwestuhan ko.
Nang dumating na ang inorder ni Atoy ay takam na takam talaga ako. Isang hiwa ng inasal na manok at isa ring piniritong manok. Nakita kong gumamit si Atoy ng kutsara at tinidor kaya ginaya ko na rin siya. Mukhang sosyal kami habang naka-kutsara at tinidor.
"Sige na kumain ka na, Garlic. Masarap ang inasal at saka fried chicken nila rito."
"Oo nga, mukhang masarap talaga at sarap na papakin."
Nang tusukin ko na ang piniritong manok ay gumalaw ang pinggan ko kasabay nang paglukso ng manok. Nadulas ang tinidor. Mabuti na lamang at nasalo kaagad ni Atoy ang manok.
"Ay!" Napatakip pa ako ng bibig.
"Hawakan mo nang mabuti ang pinggan mo, Garlic." Alam kong pilit ang tawa ni Atoy para hindi ako mapahiya.
Walang hiyang kainan 'to. Buhay pa pala ang nilulutong manok. Tumalon pa mula sa pinggan. Ano ba naman kasi, ang sosyal tingnan tapos ang pinggan ay gumagalaw. Mabuti na lamang at nilagyan ni Atoy ng placemats daw para hindi na madulas at hindi na rin masyadong gagalaw ang pingga. Pero talagang masarap nga ang mga luto nila.
"Salamat, Atoy ha, nabusog talaga ako sa tinuhog na manok at saka sa piniritong manok na muntikan nang lumipad. Ang sarap-sarap, lalo na ang halo-halo na inorder mo," sabi ko sa kaniya habang hinihimas-himas pa ang aking tiyan dahil sa kabusugan.
Natawa na siya sa sinabi ko. "Walang anuman, Garlic. Masaya ako kapag nakikita kitang masaya."
"Ah sus...talaga ha? Eh, uuwi na ba tayo?"
"Pupunta muna tayo sa likuran ng Mall of Asia, doon sa itaas. May mga magagandang tanawin doon. Uuwi rin tayo kaagad kasi magdidilim na rin."
Pumunta kami sa likuran at inilibot ako roon ni Atoy.
"Sayang, Atoy ano?"
"Sayang ang ano?"
"Wala tayong camera. Sana nakakuha tayo ng picture, para may remembrans tayo sa mga pinupuntahan natin gaya nito."
"Huwag kang mag-alala, darating din ang araw na magkaka-cellphone tayo at babalik tayo rito muli at magse-selfie tayo. Tiyak na magaganda ang kuha natin," nakangiti niyang turan.
Bumaba na kami para lumabas sa Mall of Asia. Nang nasa labas na kami ay nakita ko ang malaking hawla na may pangalang 'Mall of Asia'. Nauna si Atoy at sumusunod ako sa kaniya.
"Atoy!" tawag ko sa kaniya at agad naman siyang lumingon.
"Bakit na naman?"
"Tingnan mo, ang laki-laki ng hawla." Tumingala pa ako sa itaas at itinuro ito sa kaniya.
"Ah, iyan ba? Hindi hawla iyan, Garlic."
"Eh, ano ang tawag diyan? Ganoon ang hitsura ng hawla na nilalagyan ng mga ibon sa probinsiya. Pero sa amin, maliit lang samantalang dito ang laki-laki pala."
"Nakakatawa ka talaga, Garlic. Hinulma iyan kagaya ng isang globo at makikita ang mapa ng Asya," paliwanag naman niya sa akin.
Napatango-tango na lamang ako. Ang hirap ipaliwanag ng mga nakikita ko rito.
"Ang daming alam ng basurerong ito," sabi ko sa aking isipan.
Nakisabay na ako sa kaniya kung saan kami dapat dadaan at sasakay pauwi.
Inihatid na rin niya ako hanggang sa bahay.
"Thank you talaga, Atoy, ha. Super akong nag-enjoy sa pagsama mo sa akin at lalo na ang libreng pagkain at pamasahe," sabi ko sa kaniya bago ako pumasok ng bahay.
"Huwag mo nang banggitin ang mga bagay na iyan, Garlic. Masaya ako dahil naranasan mo rin kahit papaano ang mga magagandang lugar dito sa Maynila," sagot naman niya.
Bago siya umalis ay dinampian niya ako ng simpleng halik sa pisngi. Nabigla man ay hinayaan ko na lamang siya lalo na at naamoy ko na naman ang baby oil na pinahid niya sa kaniyang buhok.
"Good night, Garlic. See you tomorrow," paalam na niya at kumaway na rin ako sa kaniya.
"See you in the morning. You go home and thank you for today visit us in Mall of Asia. I happy and delicious food in the stomach is delivery. Mag-ingat sa daan, Atoy. Good night."
Napailing siya sa mahaba kong litanya at napapangiti. Hindi niya kaya ang skill and ability ni Garlic.
Pumasok na rin ako sa mansion ni Tiya Sonita, ay este munting bahay pala. Masaya ako sa naging adventure ko ngayong araw dahil sa kabutihan ni Atoy.
I can sleep in my bedroom that my lip is smile because of the happy experience I visit in a parasite este a paradise place Mall of Asia that so many things I see and eat.
Tsskk...gumagaling na talaga ako. Kunting kembot pa, Garlic.
Napaisip din ako sa mga nakababata kong kapatid sa probinsiya. Hindi rin nila nararanasan ang mga ganitong lugar. Tulad ko, hanggang bukirin nga lang ang narating at napagtuunan ng pansin.
Kahit sa Iloilo, hindi man lang kami nakapunta sa siyudad. Ganito pala kapag salat ka sa pera, makukuntento ka na lamang sa kung ano ang kaya.