bc

Wedding Girls - Lynette

book_age16+
140
FOLLOW
1K
READ
contract marriage
sensitive
independent
confident
boss
drama
bxg
office/work place
small town
like
intro-logo
Blurb

Marriage of convenience, iyon ang solusyon upang mapadaling maisalin sa pangalan ni Lynette ang naiwang pag-aari ng kanyang ama. Ang totoo ay puwede niyang kontestahin sa korte ang tungkol sa kondisyon nito. Pero ang pinakapraktikal na paraan ay ang sundin na lang niya ang gusto nitong magpakasal siya at makisama sa mapapangasawa sa loob ng anim na buwan.

At hindi masamang magpakasal kay Dominic Laurente. He was her first love, after all.

At mapapatunayan niya sa sarili kung totoo ang sabi ng iba na: first love never dies…

chap-preview
Free preview
Chapter 1
“CONDOLENCE, Lynette,” sinserong sabi sa kanya ni Veronica nang tabihan siya nito. Kasal ng kasamahan nilang wedding girls na si Samantha. At sa kanilang grupo ay sila pa lang ni Veronica ang umookupa sa mesang inireserba para sa kanila. Ang ibang wedding girls ay abala pa marahil sa mga duty nito para sa kasalang iyon. “Thank you,” sagot niya. “Hindi ko nabalitaan agad. Kung alam ko lang, nagpunta ako sa burol,” paliwanag pa ni Veronica. “Okay lang,” aniyang may kasama pang tango. Hindi mababakas sa kanyang mukha na sarili niyang ama ang mismong namatay. Iyon ay dahil na rin siguro sa matagal nilang hindi pagkikita bago pa nangyari dito ang aksidenteng kumitil sa buhay nito. “Kumusta ka na?” concerned pa ring usisa sa kanya ni Veronica. “My father passed away when I was in high school. It was a big blow for me. Muntik na nga akong mahinto noon sa pagpasok.” “Close siguro kayo ng father mo. Alam mo naman ang buhay ko, bata pa ako ay naghiwalay na ang mga magulang ko. Napunta ako sa mama ko.” “Still, siya pa rin ang father mo.” “Yeah,” tango niya. “Hindi ko nakakalimutan iyon. Utang-na-loob ko pa rin sa kanya kung bakit ako sumulpot sa mundong ito.” Napadako ang tingin niya sa entrance ng reception hall kung saan nakaposte pa roon sina Samantha at Joshua upang saludarin ang iba pang bisita. “Hayan na pala sina Donna at Alex,” wika niyang siniglahan ang tinig. Mas gusto niyang mabaling ang paksa sa iba kaysa sa personal niyang buhay. “Sa ating mga wedding girls, iilan lang tayong talagang nakakapag-enjoy sa mismong wedding day. Look at Jenna, ito ang pinaka-highlight ng trabaho niya. Aside from the long months of planning and preparation, ito iyong talagang araw na ima-materialize niya ang lahat ng pinagpaguran niya. And I know, kahit mismong si Samantha ang bride ngayon, naging busy din siya sa menu planning. Hanggang kagabi na isinuot ko sa mannequin ang bridal gown niya, naririnig ko pa siya sa pagbibigay ng instruction sa mga cook niya para masigurong perpekto ang luto ng lahat ng ihahanda,” mahabang sabi nito. “Tama ka,” ayon niya. “Lahat naman tayo ay busy basta may trabaho. Siyempre, gusto natin ay perpekto ang serbisyo at produktong ibinibigay natin sa kliyente natin. Pero parang bonus na natin na pagdating ng ganitong araw, nandito tayo at nakaupo na lang.” “Hoy! Feeling bisita na kayong dalawa diyan, ah?” kantiyaw sa kanila ni Donna nang lumapit ito sa kanila. Kapwa sila napangiti ni Veronica. “Well, iyan nga nag pinag-uusapan namin. Look at the other wedding girls, ngayon sila aligagang-aligaga sa trabaho nila.” “Ako man, ah? Break ko lang ngayon. Mayamaya, ire-retouch ko pa ang make-up ni Samantha,” ani Donna. “Basta ako, malaya nang makipagsosyalan,” nakangisi namang sabi ni Alex. Paggawa ng imbitasyon at souvenirs ang forte nito kaya naman wala na itong trabaho sa oras na iyon. “Si Sydney at Haidee, hindi ko pa yata napapansin?” wika niya. “Alam mo naman iyong dalawnag iyon, magkabarkada. Malamang ay papunta na rin dito iyon. Wala namang hilig na mag-attend ng wedding ceremony iyon. Reception agad ang sinusugod palibhasa, nandito ang tsibog,” biro ni Alex. “In fairness sa dalawang iyon, pareho silang magaling kaya nagiging lively ang mga bisita,” pagtatanggol ni Donna. “Speaking of them, nandiyan na sila,” sabi ni Veronica at kumaway sa direksyong tinitingnan nito. “Nasaan na ba si Sienna? Nawala na sa limelight?” usisa ni Alex. “Nagtanong ka pa,” irap dito ni Donna. “Ikaw man itong makipag-together again sa first and only love mo, iisnabin mo siguro kahit invitation ng presidente ng Pilipinas.” Napangiti siya. “Donna, parang bakla na rin ang tono ng pagsasalita mo. Hindi kaya mahawa ka na sa kanila?” Iniarko nito ang kilay na daig pa nga ang isang bakla. “Huwag ninyo akong sisihin. Alam ninyo namang nahasa ang skills ko dahil na rin sa mga baklang nakapaligid sa akin. Nagkaisip ako na bakla ang nag-alaga sa akin. Ngayon, may sarili na akong raket, bakla pa rin ang adviser ko,” proud na sagot nito. “Pero teka muna,” ani Veronica. “In fairness kay Sienna, kahit bihira natin siyang makita, hindi rin naman siya nakakalimot, ha? Sabi sa akin ni Samantha, thankful daw sila ni Joshua sa regalo sa kanila ni Sienna. Two-week honeymoon package sa Boracay. Memorable pala kina Samantha at Joshua ang Boracay kaya naman iyon ang iniregalo sa kanila ni Sienna.” “Galante si Lola Sienna!” sabi ni Donna. “Ako kaya, kapag ikinasal, honeymoon package din kaya ang ibibigay niya? Baka kaya discount lang, ah?” “Malay natin? Mag-asawa ka muna,” wika ni Alex dito. Nasamid si Donna. “Malabo yata iyan. Ang tingin sa akin ng mga lalaki, bakla rin. Mukha ngang walang magkakagusto sa akin, eh.” “Kumilos ka kasi nang pino,” sabi niya dito. “Minsan kasi, mas malandi ka pa sa bakla, eh.” “Babaeng bakla ako, eh,” irap nito. “Excuse me,” mabilis na sabi niya at tumayo na rin nang marinig ang pagtunog ng kanyang cell phone. “Wendy, napatawag ka?” sagot niya sa kabilang linya nang makalayo sa mesa. Assistant niya ang babae sa jewelry shop niya. “Ate, may naghahanap sa inyo dito. Dominic Laurente daw.” Dominic. Of course, kilala niya kung sino ang taong iyon. Hindi siya agad nakakibo. “Tinatanong kung anong oras kayo babalik,” narinig niyang wika uli ni Wendy. “Sabi ko, hindi ko alam dahil nakipagkasalan kayo sa kaibigan ninyo. Mukhang desidido na makita kayo. Importante daw na magkausap kayo.” “Sinabi mo ba kung nasaan ako ngayon?” “Hindi ho. Kaya lang, napansin niya iyong wedding invitation ni Samantha. Binasa niya. Ate, pasensya na kayo. Gandang-ganda kasi ako sa invitation kaya habang nakatao ako dito sa shop, paulit-ulit kong tinitingnan. Alam ko namang sa inyo iyong invitation. Pinakialaman kong ilabas buhat sa office ninyo,” mahabang sabi nito. “Sige, hayaan mo na. Nandiyan pa ba si D-Dominic?” “Nasa reception area ho, hawak pa rin iyong invitation.” Napailing si Lynette. “Okay, sabihin mo na lang na hindi mo ako ma-contact.” “Eh, kung maghintay ho dito?” “Hayaan mo siya.” Nang maputol ang linya ay napabuntong-hininga siya. So, dumating na pala si Dominic. At sa ayaw man niya o sa gusto, anuman ang gawin niyang pag-aantala sa kanilang pagkikita ay magkikita at magkikita pa rin sila. “Lynette, mamaya na iyang telebabad,” lapit sa kanya ni Donna. “Dumating na si Caroline. And guess what? Buntis na ang bruha, ninang daw tayong lahat ng magiging anak niya,” excited na sabi nito. Ngumiti siya at bumalik na rin sa kanilang mesa. “Talaga?” At sinikap niyang ibaling na lang sa kasalukuyan ang tinatakbo ng isip. Subalit parang balintuna na sa pagkakataong mas maingay ang grupo ay natatahimik naman siya. At umiwas man siya o hindi ay si Dominic ang pumapasok sa isip niya. Hanggang sa pag-uwi niya, okupado ng lalaking iyon ang buong isip niya. LIMANG taon lang si Lynette nang maghiwalay ang kanyang mga magulang. Dumaan pa sa korte ang di-pagkakasundo ng mga ito kung kanino siya mapupunta. Natatandaan pa niya noon kung paano siya tinanong ng hukom kung kanino siya sasama. Siyempre pa ay ang ina ang kanyang pinili. Bagaman walang masamang trato sa kanya ang amang si Camilo Albano, ang natatak naman sa kanyang batang isip ay ang madalas na pag-aaway ng mga ito. Nang igawad ang custody sa kanyang ina na si Normie, hindi niya alam noon kung iyon ay dahil sa isinagot niya sa hukom o dahil sa talaga namang sa ina ibinibigay ang karapatan sapagkat wala pa siyang pitong taon. Natatandaan niyang napaiyak ang papa niya nang sabihin iyon ng hukom. Niyakap pa siya nito nang ubod-higpit kaya napaiyak din naman siya. Pero sadya marahil hindi magkasundo ang kanyang mga magulang kaya maging ang eksenang iyon ay pinag-awayan pa rin ng dalawa. Hinaltak siya ni Normie palayo sa kanyang ama na ikinagalit naman nito. May karapatan ang kanyang ama na dalawin siya at mahiram tuwing bakasyon. Pero ilang taon muna ang lumipas bago siya nito hiniram at isinama sa Laoag kung saan ito nakatira. Grade three na yata siya noon. Nang mag-away ang mga magulang niya dahil lang sa pagsama sa kanya ng kanyang ama ay parang hindi na siya nagulat pa. Sabik din naman siyang sumama sa ama, iyon nga lang, sa kabila ng pagiging mabuti nito sa kanya ay parang nagkaroon na ng pader ang damdamin niya. Hindi niya magawang makipaglapit ng husto kay Camilo bagaman mahal niya ito bilang kanyang ama. Akala niya, simula na iyon ng taon-taon niyang pagbabakasyon sa kanyang ama. Subalit nang sumunod na taon, bago natapos ang bakasyon ay nag-asawa ng iba ang kanyang ina. Isang alahero ang stepfather niyang si Martin. Humahango iyon ng mga gawang-alahas sa Meycauayan at dinadala naman sa iba’t ibang siyudad sa bansa. Minsan ay may mga small-time na alahera itong binibigyan ng produkto pero madalas ay ito ang mismong nagbebenta sa mayayamang kliyente. Mayroon din itong dalawang jewelry shop na minamantina. Isa sa Greenhills at ang isa naman ay sa Pasay. Kung saan-saan din sila napupunta dahil dito palibhasa ay kasama sila sa pagbibiyahe nito. At iyon din ang dahilan kung kaya’t kahit matagal nang hiwalay ang kanyang mga magulang ay nag-aaway pa rin ang dalawa basta nagkausap. Graduation na niya ng elementary nang muli silang magkitang mag-ama. Sa nakalipas na taon ay pawang tawag sa telepono ang komunikasyon nila. Nagpapadala din ito ng sustento sa kanya. Kadalasan ay mga gamit sa eskuwela at damit niya pero naririnig din niya sa pag-uusap nina Normie at Camilo na pinadadagdagan ng mama niya ang pinapadala nito dahil tumataas daw ang matrikula. Ibig sabihin, ang papa din niya ang sumasagot sa pag-aaral niya. Gusto sana ng papa niya na isama siya sa Laoag pagkatapos ng graduation subalit tumutol si Normie. Marami daw kailangang iprfepara para sa pagpasok niya ng high school at maaga din daw ang enrolment kaya hindi rin sulit ang gagawin niyang pag-alis. Muli, pinag-awayan na naman ng mga ito ang bagay na iyon. Sa panahong iyon ay manhid na rin siya sa pag-aaway ng dalawa. At para matigil na lang ang pagsasagutan ng mga ito ay siya na ang kumausap sa kanyang ama. Bagaman gusto niyang sumama dito sa Laoag, nagkunwa siyang kailangan pa niyang um-attend ng summer classes para maipasa ang entrance test sa exclusive high school na gusto niyang pasukan. Nang tumuntong siya ng high school ay madalas na rin niyang makausap ang ama. Madalas ay lumuluwas ito ng Maynila at sa eskuwelahan siya pinupuntahan. Parang sikreto na nilang dalawa ang lihim na pagluwas nito dahil ayaw nitong ipabanggit pa sa kanyang mama na nagkikita sila. Yaon din ang panahong naging malapit siya sa ama. Bagaman sa pag-uwi niya ay mayroon siyang father image sa katauhan ng stepfather, iba pa rin sa pakiramdam niya na tunay niyang ama ang nakakausap niya. Magtatapos na siya ng third year nang ipaalala sa kanya ni Camilo ang pagsama niya sa Laoag. Nasabik siya. Matagal na rin naman niyang gustong bumalik sa tinitirhan nito. Ibang-iba ang lugar na iyon kaysa sa bahay nila sa Maynila palibhasa ay malawak na lupain iyon. Mayroon ding batis na bahagi ang lupa. Doon dumadaloy ang malinis na tubig na nagmumula sa ilog at kalapit na dagat. Bago sumapit ang bakasyon, siya na mismo ang nagsabi sa ina ng kagustuhan niyang magbakasyon sa Laoag. “Aano ka naman sa bundok na iyon?” pagalit pang sabi ni Normie nang marinig siya. “Mama, hindi bundok ang tumana ni Papa. Masarap doon, malawak ang bakuran. Maluwang ang paligid kahit magtatakbo ako.” “Lynette, disisais ka na sa darating na birthday mo. Hindi ka na grade three para maglaro ng habulan. Ano ang ipinakain sa iyo ng ama mo at gusto mong magpunta doon?” “Wala, Mama,” nakayukong sabi niya. “Gusto ko lang po talaga na magbakasyon kay Papa. May karapatan naman po siya, hindi ba? Sabi ng korte, puwede niya akong hiramin kapag bakasyon.” Tinitigan siya ni Normie. “Hindi ka na nga pala bata. May isip ka na rin. Pati desisyon ng korte, naikakatwiran mo na sa akin ngayon,” tila patuyang sabi nito. “Hindi naman po sa ganoon.” “Siya, bahala ka,” tila walang pakialam na sabi nito sa kanya. “Maganda pa naman sana ang plano ni Martin ngayong bakasyon. Pupunta siya sa Hong Kong dahil mura daw ang brilyante doon. Balak nga niyang pati ikaw ay isama imbes na ako lang. Pero kung mas gusto mong sa lugar na iyon pumirmi ngayong bakasyon, ikaw ang masusunod. Gusto ko lang malaman mo na hindi palaging may posibilidad na mapunta ka sa Hong Kong,” tila nang-iinggit na sabi nito. Pero walang dating sa kanya ang sinabi nito. Ang mas gusto niya ay ang makarating sa Laoag. Dalawang araw matapos ang huling araw ng klase ay dumating ang kanyang papa upang sunduin siya. Siyempre pa ay naroroon ang kanyang mama. Kung anu-ano ang bilin nito sa kanya at sa kanyang papa. Mayroon pang pagbabanta na kung may masamang mangyayari sa kanya ay mayroon ding masamang mangyayari sa kanyang papa. At nagtataka siya na sa lahat ng sinabi ng mama niya ay walang pinatulan ang kanyang papa. Nakasakay na sila sa pick-up nito at nagbibiyahe nang malaman niya kung bakit. “Lynette, tanggap mo naman na siguro ngayon ang sitwasyon namin ng mama mo. Wala nang pag-asa ang relasyon namin lalo at nag-asawa na rin siya,” malumanay na sabi ni Camilo. “Siguro naman ay mauunawaan mo kung mag-asawa na rin ako.” “Mag-aasawa na ho kayo?” ulit niya. Bahagya itong tumango. “Sa isang babaeng malayong-malayo ang ugali sa mama mo. Tahimik si Gina,” anitong napangiti pa. “Mabait siya. Alam niyang mayroon na akong anak. Kilalang-kilala ka na nga niya sa mga litratong ipinapakita ko sa kanya. At tanggap ka na rin niya.” “T-totoo ho kayang tanggap niya ako?” may agam-agam na tanong niya. “Wala kang dapat ipag-alala. Ang totoo ay tatlong taon na rin ang relasyon namin. Hindi ko nga lang sinasabi sa iyo. Pero ngayong napapayag ko na siya na magpakasal kami, wala nang dahilan pa para itago ko sa iyo ang tungkol sa kanya. Lynette, anak, mabait ang Tita Gina mo. Tiyak na magkakasundo kayo.” Napatango na lang siya. Sa halos walong oras nilang biyahe ay nanahimik na lang siya. Nabawasan ang kasabikan niyang makarating sa Laoag. Nag-aalala siya na baka nagsisinungaling lang ang kanyang papa at madama niyang hindi naman siya welcome sa magiging asawa nito. Alas siyete na ng gabi nang makarating sila sa Laoag. Kung titingnan niya ang labas ng bahay ay parang wala namang nabago buhat nang huli siyang matuntong doon maliban sa bagong pahid na pintura. Subalit nang makapasok siya ay namangha siya. Higit na maayos ang bahay na dati ay nakaasa lang sa katulong. Mas maaliwalas tingnan ang paligid dahil sa bulaklaking mga kurtina at disenyo ng almohadon sa sofa na yari sa narra. Mayroon ding mga buhay na halamang nasa sulok ng bahay. Ibang-iba ang itsura niyon kumpara noon na basta na lang nililinis ng katulong ang paligid. “Mukha na palang dalaga si Lynette,” narinig niyang sabi ng babaeng lumapit sa kanila. Bata ito marahil ng sampung taon kung ikukumpara sa mama niya. May kaliitan ang bulto subalit maliksi ang kilos. Maaliwalas din bukas ng mukha. Kaysa sa kanyang ama ay sa kanya ito nakatingin. Nang magtagpo ang kanilang mga mata ay ngumiti ito nang matamis sa kanya. “Ako ang Tita Gina mo. Nabanggit na siguro ako sa iyo ng papa mo.” Bahagya siyang tumango. “Good evening po,” mahinang sabi niya. “Mukha kang mahiyain,” nakangiti pa ring sabi nito. “O baka naman naninibago ka lang. Welcome ka dito, Lynette. Ang totoo, ako pa mismo ang naghanda ng kuwartong tutuluyan mo. Mamaya, ihahatid kita doon. Sana magustuhan mo ang pag-aayos ko.” “Thank you po.” “Gina, mayroon na ba tayong hapunan? Malayo ang naging biyahe namin ni Lynette. Nagmeryenda lang kami nang huminto kami sandali sa Vigan.” Mabilis itong tumango. “Siyempre naman. Naghanda ako ng mainit na sabaw at masarap na ulam. Sandali at ipapahain ko na. Naigayak ko na nga ang mesa. Hindi lang ako nagpasandok ng pagkain para hindi lumamig. Maup muna kayo para mapahinga nang kaunti.” At bumaling ito sa kanya. “Lynette, feel at home. Bahay mo rin ito. Sandali lang, ha?” Tumango siya at kiming ngumiti. “Anak, ipapababa ko lang sa katulong ang bagahe mo at kaunting pasalubong,” sabi naman sa kanya ng papa niya. “Bahala ka na diyan. Malaya kang makakapaglibot sa buong bahay kung gusto mo. Sa iyo din ito sabi nga ng Tita Gina mo.” Pero hindi siya lumayo sa lugar na pinag-iwanan sa kanya. Nang lumabas muli ang papa niya ay iginala lang niya ang tingin sa sala. Nakaantig naman sa kalooban niya ang makitang mayroong din siyang naka-display na litrato sa ibabaw ng chest drawer na puno ng iba’t ibang litrato. Hindi na siya nagtaka nang makita ang ibang litrato doon na magkasama ang kanyang papa at ang Tita Gina niya kung paanong hindi na rin siya nagtaka na parang matagal na rin itong nakatira sa bahay ng kanyang papa. Natutok ang tingin niya sa isang litrato ng isang lalaki. Hindi niya kilala iyon. At hindi rin naman niya iniisip na baka anak iyon ni Gina. Tila may edad na rin ang lalaki. Hindi nga lang kasing tanda ni Gina. Sa tantiya niya, nasa mahigit beinte na ang edad ng lalaki. Subalit sa pagkakangiti nito sa litrato ay parang mas bata aang anyo nito. Naalala niya ang napanood niyang pelikula na Godfather III. Crush na crush niya doon ang artistang si Andy Garcia. At ganoon na lang ang gulat niya nang malaman kung gaano na ang edad ng artistang iyon. Marhail ay ganoon din ang lalaking nasa litrato. Bata lang tingnan subalit sa bukas ng mga mata ay tila marami na itong pinagdaaanang karanasan sa buhay. Lihim siyang napangiti. Labinglimang taon lang siya at maglalabing-anim sasummer na iyon pero para bagang napakarami na niyang alam sa pag-analisa ng itsura ng isang tao. Marahil ay impluwensya na rin iyon ng kanyang Tito Martin. Palagi niya kasi itong naririnig na nagbibigay ng opinyon sa isang tao base sa panlabas na anyo. Kailangan daw iyon dahil sa trabaho nito dahil malalaking halaga rin ang sangkot sa pagpapautang nito ng alahas. Muli ay tinitigan niya ang lalaking nasa larawan. Hindi ito hawig kay Andy Garcia pero may taglay ding karisma ang anyo nito. Parang walang hindi maaakit sa klase ng ngiti nito lalo at tila kaygaganda ng mga ngipin nito. “Ikaw siguroang anak ni Tito Camilo.” Napapitlag siya sa gulat nang marinig ang tinig na iyon. Nang pumihit siya sa nagsalita ay mas lalo siyang nagulat. Ang mismong lalaking tinititigan niya sa larawan ang nasa harapan niya. At sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya ay tumibok ang kanyang puso nang malayo sa normal na pagtibok niyon.

editor-pick
Dreame-Editor's pick

bc

The Reborn Woman's Revenge: WET & WILD NIGHTS WITH MY NEW HUSBAND

read
176.0K
bc

MAGDALENA (SPG)

read
30.1K
bc

Brotherhood Billionaire Series 6: Honey and the Beast

read
96.1K
bc

The Ballerina's Downfall

read
81.5K
bc

His Obsession

read
104.1K
bc

The naive Secretary

read
69.7K
bc

TEMPTED CRUISE XI: A NIGHT OF LUST

read
29.1K

Scan code to download app

download_iosApp Store
google icon
Google Play
Facebook