Chapter 6 - In the Middle of the Road

1371 Words
KALALABAS pa lang ni Ira ng gate sa kanilang boarding house pero parang gusto na naman niyang bumalik sa loob. Paano ba naman umagang-umaga pa lang, bumungad sa kanya ang pinakaayaw niyang makita? Nasa gate ang binatang naghatid sa kanya kahapon. Bagaman, nakatalikod ito at nakaharap sa kalsada, alam niyang si Xyrus iyon. Mula sa kinatatayuan niya, nasasamyo niya ang pamilyar nitong pabango. Bukod doon kabisado na rin niya ang likod nito dahil ilang minuto lang namang nakabalandra sa harapan niya ang matigas nitong likod nang sumakay siya sa motorsiklo nito. Kung nagkataong boyfriend niya ito, baka natukso siyang isandal ang sarili sa likod nito kahapon. Pero pinigilan niya ang sarili dahil wala naman siyang karapatang gawin iyon. Besides, hindi niya rin type ang binate. Bukod kasi sa trabaho nito, may trauma na siya sa mga guwapo at matipunong lalaki na kagaya nito. Kagaya rin kasi nito ang mga nauna nang naging boyfriend niya. Guwapo at macho nga pero manloloko naman. Parang gusto na nga niyang sundin iyong payo ni Andrew E sa kanta nito na humanap na lang ng pangit at ibigin niyang tunay. Baka nga naman hindi na siya lolokohin kapag pangit ang dyowa niya. “Good morning, Miss Ira!” Ang lapad ng ngiti ni Xyrus nang bigla itong humarap sa kanya. “Good morning! Anong ginagawa mo naman dito?” Napakamot ng kanyang batok ang binata. “Ah, sinusundo ko po kayo, Ma’am. Baka gusto na ninyong kunin iyong bike ninyo. Nai-charge ko na iyon kahapon.” Sasabihin sana ni Ira na hindi siya pupunta ng school. Kaya lang nang mapatingin siya sa suot niyang denim skinny jeans at pink na blouse hindi na niya maipagkakaila na may pupuntahan nga siya. Tinernuhan pa kasi niya ito ng itim niyang sneakers at sling bag kaya halatang may lakad siya. “Magta-tricycle na lang ako. Baka kasi masita ka na naman sa checkpoint dahil wala kang suot na helmet,” pagdadahilan niya. “Ma’am, dalawa na ang dinala kong helmet. Iyong isa, para sa iyo.” Itinuro ni Xyrus ang motorsiklo nito. Nakasabit iyong isang helmet at nakapatong naman sa upuan ang isa pa. Napa-buntunghininga na lang si Ira. Wala na talaga siyang ligtas sa lalaking ito. Pasimpleng pinasadahan niya ito ng tingin. Medyo basa pa ang buhok nito. Mukhang bagong ligo lang. Nakasuot ito ng puting t-shirt na pinatungan ng itim na jacket. Navy blue slacks ang pang-ibaba nito na katerno ng uniform nito. Makintab at malinis din ang suot nitong black shoes. Nagmumukha itong supervisor ng mga security guard sa suot nito. “Ma’am, may problema po ba?” Napailing si Ira. “Wala naman. Pumasok ka na ba sa school o kagagaling mo sa bahay ninyo?” Alas-siyete y media na kasi ng umaga. Sa pagkakaalam niya, alas-sais ng umaga kung magpalit sila ng guwardiya sa school. “Galing na po ako sa school. Nagpaalam lang po ako kay Mrs. Minez na susunduin ko kayo.” Napangiwi si Ira. Siya na naman pala ang ginawang dahilan ng lalaki. Mamaya makantiyawan na siya ng head teacher nila. Ang hilig pa naman ng matandang iyon na biruin silang mga kadalagahan sa school. Lagi nitong sinasabi sa kanila na maghanap na sila ng boyfriend habang nasa kalendaryo pa ang kanilang edad. Sayang naman daw kung mai-expire lang ang mga matris nila. Huwag na raw nilang hintayin ang last trip dahil hindi na sila makakapili kapag umabot pa sila sa ganoong panahon. Baka patusin na lang daw nila kung sino man ang dumating. Sayang daw ang mga ganda nila kung basta na lang sila papatol sa kung sino-sino. Gusto sana niyang ikatwiran na bata pa siya. Twenty-five nga lang siya kaya malayo pa sa huling numero ng kalendaryo. Pero nakakahiya lang dahil may kasamahan pa siyang mas bata sa kanya pero may asawa’t anak na. Iyon naman ang ginawang halimbawa sa kanila ni Mrs. Minez. Gayahin daw sana nila iyon na habang nagsisimula pa lang sa pagtuturo, bumuo na rin ng pamilya. Mahirap kasi sa mga katulad nilang nasa ganoong propesyon na makahanap ng boyfriend dahil eskuwelahan at bahay lang naman ang madalas nilang pinupuntahan. Hindi naman kasi sila puwedeng maging partygoer o kaya’y maglagi sa mga bar dahil may iniingatan silang reputasyon. Kapag nasangkot sila sa gulo o kahihiyan, damay pati ang buong kagawaran kung saan sila nagmula. Kaya dapat lagi silang nag-iingat. “Tara na, Ma’am, habang maaga pa at hindi pa masakit sa balat ang sikat ng araw,” wika ni Xyrus na nagpabalik sa huwisyo niya. Wala nang nagawa si Ira kung hindi sundan na lang si Xyrus na nauna nang lumakad papunta sa motorsiklo nito. Isinuot nito sa ulo niya ang helmet na nakasabit sa motorsiklo. Habang inaayos nito ang lock ng helmet, nakatingin lang siya sa balikat nito dahil iyon lang ang naaabot ng tingin niya. Kinakailangan pa kasi niyang tumingala kung gusto niyang makita ang pagmumukha ng binata. Ang tangkad nito kumpara sa taas niyang lumagpas lang nang kaunti sa limang talampakan. Hanggang balikat lang siya nito. Ni hindi man lang siya umabot sa leeg ng lalaki. Nang maiayos nito ang helmet niya, nagsuot na rin ito ng helmet saka sumampa sa motorsiklo. Kaya kumapit na siya sa balikat nito nang sumampa siya sa likuran. “Ang layo mo na naman,” wika nito nang lumingon sa kanya. Hinila nito ang mga kamay niya kaya napilitan siyang dumikit dito. Wala siyang dalang malaking bag kaya halos wala ng espasyo sa pagitan nila. Halos dumikit na rin ang dibdib niya sa likod nito. Hindi man kalakihan ang bumper niya, kinakabahan pa rin siyang madikit ito sa balat ng binata. Hindi naman sila mag-dyowa para gawin niya iyon. Hindi niya gusto iyong nakikita niya minsan sa mga dumadaan sa kalsada na halos nakakapit-tuko na ang babae sa likuran ng lalaki habang nakasakay sila ng motorsiklo. Sobrang clingy naman iyon! “Ma’am, humawak kang mabuti dahil patatakbuhin ko ito nang mabilis. Twenty minutes lang ang ipinaalam ko kay Mrs. Minez. Naubos ko na iyong fifteen minutes.” Inayos pa ni Xyrus ang mga kamay niyang nakakapit sa baywang nito. Napasimangot na si Ira. Pagkakamalan na silang mag-dyowa nito, eh. Dibdib na lang niya ang hindi nakadikit sa katawan ni Xyrus. Huminto lang sila saglit nang mapadaan sila sa checkpoint. Tulad kahapon, sinaluduhan naman sila ng mga pulis na naka-assign doon sabay bati ng magandang umaga. “Ang lakas mo talaga sa mga pulis na iyon, ano? Malakas ka rin, pati kay Mrs. Minez. Ganyan ba talaga ang karisma mo?” Medyo nilakasan ni Ira ang boses niya para magkaringgan sila dahil pareho silang nakasuot ng helmet at humahampas pa ang hangin na malakas. “Ikaw na nga lang ang hindi tinatablan ng karisma ko. Kailan ka kaya magiging maamo sa akin? Iyong tipong hindi mo na ako tataasan ng kilay o kaya sisimangutan kapag nakaharap ka sa akin. Sana dumating din iyong time na nakangiti ka sa akin kapag nilalapitan kita. Puwede ba iyon, Ma’am? Mabait naman ako. Hindi ako nangangagat. Dumidila lang ako at kumakain.” Hinampas ni Ira ang likuran ni Xyrus. “Ano bang pinagsasabi mo?” “Seryoso ako, Ma’am. Ayaw mo lang kasing maniwala sa akin. Liligawan talaga kita basta pumayag ka lang.” Muli na naman itong hinampas ni Ira. Mas malakas na ito kaysa kanina. “Loko-loko ka! Tigilan mo nga ako. Saka ilugar mo iyang sarili mo.” Nadagdagan na naman ang inis niya rito. Kung hindi lang sila nakasakay ng motorsiklo, baka nasakal na niya ito. “Bakit ba ayaw mong maniwala, Ma’am? Ayaw mo ba talaga sa akin? Boyfriend material naman ako, ah. Kayang-kaya kitang ipagtanggol at ipaglaban. Subukan mo lang, Ma’am. Baka kapag naging tayo na, hindi mo na ako pakakawalan kahit kailan. Masarap akong magmahal.” “Ay! Buwisit ka!” Sa inis ni Ira, kinurot niya ng pino ang batok ni Xyrus. Napapitlag ang lalaki na naging dahilan para gumewang sila sa kalsada. “Ma’am, hindi pa kita nadadala sa langit pero gusto mo na yatang dumiretso tayo kay San Pedro!” sigaw nito bago kinabig ang motorsiklo para ibalik ito sa ayos. “Gago ka!” bulyaw din niya rito. Matutuyuan yata siya ng utak sa kakulitan ng buwisit na lalaking ito!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD