Prologue
"KASALANAN mo ang lahat ng ito, Xyrus!" nanggagalaiting bulyaw ni Lorrienne sa kapatid habang pinagsusuntok ang dibdib niya. Kanina pa ito umiiyak kaya namumugto na ang mga mata nito.
Nanatili namang walang imik ang binata. Hinayaan lang niya ang kapatid sa ginagawa nito. Samantalang si Yannah ay nakatayo lang sa isang sulok at tahimik na umiiyak.
"Lagi mo na lang inuuna ang sarili mo! Hindi mo man lang inisip sina mama at papa. Kung sana nandito ka para protektahan sila, kaming lahat, hindi sana nangyari ito. Kailangan pa bang may magbuwis ng buhay para malaman mo na may halaga kami sa iyo. Nasaan ka noong kailangan ka namin? Nasaan ka?Sagutin mo ako!" Muling pinaghahampas ni Lorrienne ang dibdib ni Xyrus.
Hindi pa rin umimik ang binata. Nakatitig lang siya sa ate niya. Mabuti na lang at hindi gaanong matangkad ang kapatid niya. Kung nagkataong magkasingtangkad sila, baka pati mukha at ulo niya ay nahampas nito. Hindi man masakit ang palo ng kapatid ay ininda pa rin ito ni Xyrus dahil sa paulit-ulit na pagbayo nito sa dibdib niya.
"Excuse me!"
Biglang tumigil ang Ate Lorrienne niya nang marinig ang nagsalita.
Nilingon ito ni Xyrus. Patakbo namang lumapit ang ate niya rito. Ganoon din ang ginawa ni Yannah.
"Kayo ba ang kamag-anak ng mga pasyente?" tanong ng doktor.
"Opo, Dok. Kami ang anak ng mga pasyente," sagot ng ate niya.
"We did our best. But I'm sorry. Hindi na namin sila nailigtas, " umiiling na sambit ng doktor.
Biglang natumba ang ate niya. Mabuti na lang at nasa likuran lang siya nito kaya maagap niyang nasalo bago pa ito bumagsak sa sahig. Si Yannah naman ay lumupasay habang umiiyak.
"HINDI pa ba tayo uuwi?" tanong ni Lorrienne kay Xyrus.
"Mauna na kayo. Dito lang muna ako, " tugon ng binata nang hindi nililingon ang kapatid. Isang malalim na buntunghininga ang narinig niyang pinakawalan ng kapatid.
"Tara na, Yannah. Iwan na natin si Xyrus." Narinig niyang sambit ng ate niya.
Nang mawala na ang lahat ng nakipaglibing ay saka pa lang pinakawalan ni Xyrus ang totoong nararamdaman niya.
Mula noong marinig niya ang sabi ng doktor na hindi nailigtas sa kamatayan ang mga magulang niya ay hindi siya umiyak. Kahit isang patak ng luha ay walang nalaglag mula sa mga mata niya. Ngunit ngayong mag-isa na lang niya at walang nakakakita sa kanya ay hinayaan niya ang sariling umiyak.
Pasalampak siyang naupo sa damuhan. "I'm sorry, 'ma, 'pa. I'm very sorry," mabigat ang loob na sambit niya.
Biglang dumilim ang paligid. Kasunod nito ay dumaan ang malakas na kulog at kidlat. Ilang sandali pa ay bumuhos ang ulan.
Hindi inalintana ni Xyrus ang ulan. Tumayo siya at pinakatitigan ang puntod ng mga magulang. Napahiyaw siya sa sobrang sakit na nararamdaman.
Kasabay nang pagbuhos ng ulan ay kumawala ang lahat ng kanyang hinanakit, galit, panghihinayang, at pagsisisi.
“I promise you. I will do everything within my power to avenge your death. Sisingilin ko ng buhay kung sinuman ang may gawa nito sa inyo. Hindi ako titigil hangga’t hindi nananagot ang may kasalanan,” pangako niya sa puntod ng mga magulang.