Chapter 1 - The Handsome Security Guard

1108 Words
“GOOD MORNING, Ma’am!” Napalingon si Ira nang marinig na may bumati sa kanya. Napako ang tingin niya nang matunghayan ang lalaking nagbukas ng gate para makapasok siya. May nagso-shooting ba sa loob ng eskuwelahan? Kailan pa may naligaw na artista dito? Namamanghang tinitigan niya ang lalaking nakatayo sa harapan niya at nakasuot ng uniform na pang-guwardiya. Napilitan siyang tumingala nang titigan ang mukha nito. Wow! Pang-basketabll player lang ang height ng lalaking ito, ah! Sa taas niyang five feet two inches tapos flat pa ang suot niyang sneakers, halos umabot lang siya sa dibdib ng lalaki. Pinasadahan niya ito ng tingin, mula ulo hanggang paa. In fairness, ang guwapo ng guwardiyang nasa harapan niya. Makapal ang alon-alon nitong itim na buhok. Makapal din ang mga kilay nito na bumagay sa itim nitong mata na kung tumitig ay parang tumatagos sa kaloob-looban niya. Matangos ang ilong nito at namumula ang labi na para bang kaysarap humalik. Bagong ahit ang bigote nito at ganoon din ang balbas na tumatakip sa prominente nitong panga. Nang bumaba ang tingin niya ay napansin niya ang malapad nitong balikat. Hindi rin naitago ng suot nitong uniform ang matipuno nitong dibdib. Saya nga lang at hindi niya nakikita ang tiyan nito kaya hindi niya mawari kung ilan ang abs nito. Mas ibinaba pa niya ang tingin. Biglang uminit ang pakiramdam niya nang mapadako ang tingin niya sa pantalon nito. Saan ba nanggaling ang lalaking ito? Nag-CR ba ito? Imposible namang bagong ligo ito dahil tuyong – tuyo ang buhok nito. Baka naman kababangon nito sa higaan, na sa pagmamadaling magbihis ay nakalimutang isara ang pantalon nito. Napailing siya lalo na nang maisip na may morning erection pa ito dahil bumabakat pa ang bukol sa harapan ng pantalon nito. Nag-angat siya ng tingin bago pa siya magkasala. “Ma’am?” Nagtatanong ang mga mata ng lalaki. “Ikaw ba ang bagong guwardiya dito?” mataray niyang tanong. “Yes po, Ma’am. Kapapasok ko lang po ngayon,” mahinahon nitong sagot. “Nakalimutan mong itaas ang siper ng iyong pantalon,” sabi ni Ira sa mahinang tinig. Pagkasabi nito ay agad siyang tumalikod. “Ma’am!” Narinig niyang tawag nito ngunit hindi ito pinansin ni Ira. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. “Ma’am, sandali lang!” wika ng lalaki nang bigla na lang humarang sa kanyang daanan. Wala sa sariling napatingin si Ira sa pantalon nito. Nang masigurong nakasara na ang siper nito saka pa lang siya tumingin sa mukha nito. “Ano?” naiinis niyang tanong dito. “Ma’am, ano po ang pangalan ninyo?” Tumikwas ang kilay ni Ira sa tanong ng lalaki. Guwardiya lang ito. Bakit interesado itong makipagkilala sa kanya? Eh, ano naman kung guwapo ito? Hindi naman siya interesado sa mga katulad nito. “Bakit mo tinatanong?” may disgustong tanong din ni Ira. “Ma’am, kasi…” Napakamot ng batok ang guwardiya. “K-kailangan kong isulat sa logbook,” tugon nito. Biglang natutop ni Ira ang bibig. O, ayan, advance ka kasing mag-isip! Assuming kang masyado, Ira! Hindi siya interesado sa iyo. Sa sobrang guwapo niya, papansinin ka pa ba niya? Ang liit mo kaya, pati na iyang dibdib mo. Malaki pa ang monay sa tindahan diyan sa labas. Itong utak mo lang ang malaki sa iyo. Ipinilig ni Ira ang ulo saka sinagot ang guwardiya. “Ira. Ira Celine Jaguani,” nakasimangot niyang sagot. Ipinagpatuloy ni Ira ang paglalakad. Sinadya pa niyang bungguin ang braso ng lalaki nang lagpasan ito. “Miss Ira!” muling tawag ng lalaki. Napatiim-bagang ang dalaga. “Ano na naman?” galit niyang tanong dito nang lingunin ito. “Ma’am, ako po si Xyrus,” nakangiting pagpapakilala nito. Napa-buntunghininga ang dalaga saka pinaikot nito ang mga mata. “Bakit tinatanong ko ba?” nakairap niyang sambit at mabilis itong tinalikuran. “MA’AM, EXCUSE me po!” Agad na nag-angat ng tingin si Ira. Kasalukuyan siyang nagtsi-tsek ng mga papel nang oras na iyon. “Ano iyon?” Hindi na nag-abalang tumayo si Ira mula sa kanyang upuan nang makita ang security guard na nasa tabi ng pintuan. “Ma’am, baka gusto po ninyong magpabili ng pagkain para sa lunch. Lalabas po kasi ako para bumili,” wika ng guwardiya. “Hindi na. May baon naman ako. Salamat na lang,” sagot ni Ira at muling ipinagpatuloy ang kanyang ginagawa. “Sige po, Ma’am. Enjoy your lunch po.” Narinig niyang sabi ng guwardiya. Pero hindi na ito nilingon ni Ira. Nakatutok ang kanyang atensyon sa ginagawa niya kaya wala na siyang pakialam sa paligid. Sabagay, wala naman talagang mag-iingay dahil iilan lang ang tao sa eskuwelahan. Kung sino lang ang kasama sa Skeletal Workforce, iyon lang ang nasa school ngayon. Mula noong nagkaroon ng pandemya ay ganoon ang set-up nila. Hindi na sila pumapasok araw-araw. Kanya-kanyang araw na sila ng pagpasok. Wala rin kahit isang estudyante na naroon. Kaya ang dating maingay na eskuwelahan ay naging parang sementeryo sa katahimikan. Napapitlag na lang siya nang makarinig ng katok sa pintuan. “Ano na naman ba?” hiyaw niya sa guwardiya. Ang kulit ng isang ito, ah. Kanina pa siya inaabala. “Ma’am, kasi ˗˗” “Ano?” naiinis na putol ni Ira sa sasabihin nito. Kung makapang-abala, akala mo naman VIP na kailangang estimahin. Saan ba kasi nakuha ng security agency ang lalaking ito? Hindi nito bagay ang nasa eskuwelahan. Dapat sa mall ito magbantay para maraming pumasok na customer. Sa eskuwelahan kahit naman gusto nang pumasok ng mga bata, hindi naman maaari. Napakamot ng kanyang ulo ang lalaki. “Ma’am, kuwan kasi…m-may ibibigay lang ako. Hindi pa pala kayo kumakain. Tamang-tama po itong dala kong inumin.” Itinaas nito ang hawak. Tumaas naman ang kilay ni Ira nang makita ang malaking Dutch Mill Delight. “Magkano iyan?” walang kangiti-ngiting tanong niya. “Ano po iyon, Ma’am?” kunot noong tanong nito. “Halika rito.” Kinawayan ni Ira ang lalaki. Agad namang pumasok ang guwardiya. Nakapalibot ang sneeze guard sa mesa ni Ira kaya ibinaba ng lalaki ang dala nito sa may siwang sa bandang baba. Naglabas naman ng fifty pesos si Ira at inilapag ito sa tabi ng inumin. “Keep the change,” wika niya. Napailing ang guwardiya. “Ma’am, libre po iyan. Hindi ko po pinababayaran,” sabi nito. Nagsalubong ang kilay ni Ira. “Ano?” Bigla namang tumunog ang cellphone ni Ira na nakalapag lang sa mesa niya kaya agad niya itong dinampot. Nang maitapat niya ito sa kanyang tainga ay mapansin niyang umalis na rin ang guwardiya. Tatawagin pa sana niya ito ngunit hindi na niya nagawa dahil may nagsalita sa kabilang linya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD