KANINA PA hinahanap ni Ira ang padlock ng kanyang kuwarto pero nahalughog na niya ang kanyang buong mesa ay hindi pa rin ito makita.
“Tinamaan ng lintik! Kung kailan uuwi na ang tao saka naman hindi mahanap ang padlock na iyan. Haisst!” naiinis na sambit ng dalaga.
“Ma’am, may problema po ba?”
Muntik nang mahulog ang puso ni Ira sa gulat. Napahawak siya sa kanyang dibdib nang bumaling sa nagsalita.
“Peste naman! Nananadya ka ba? Kaninang umaga mo pa ako iniinis, ah. Ano ba ang gusto mong mangyari, ha? Kung wala kang magawa sa buhay mo, huwag akong buwisitin mo, ha? Diligan mo ang lahat ng halaman sa labas o kaya ay magwalis ka sa buong eskuwelahan. Kung hindi ka pa kuntento, mag-istambay ka sa harap ng gate, kausapin mo lahat ng dadaan na tao,” matalim ang mga matang sabi niya rito.
Halatang nagulat ang guwardiya sa sinabi niya. Hindi nakakibo ang lalaki. Napamaang ito.
Kumuyom ang dalawang kamay ni Ira. “Aalis ka ba o hindi? Gusto mong pilayan kita, ha?” pagbabanta niya rito. Matangkad ang lalaki at matipuno ang pangangatawan nito. Hindi siya sigurado na mapapatumba niya ito lalo na’t maliit siya. Pero puwede niyang subukan kung talagang mauubusan na siya ng pasensiya rito.
Itinaas ng lalaki ang dalawang kamay nito. “Hindi po ako lalaban, Ma’am,” sabi nito.
“Pero ang sungit ninyo,” pabulong nito wika.
Halos hindi na umabot sa pandinig ni Ira ang sinabi nito. Kaya lang sobrang tahimik ng paligid kaya narinig pa rin niya ito.
“Anong sinabi mo?” bulyaw niya rito.
Ibinaba ng lalaki ang kamay nito. “Ang sabi ko po, hindi ako lalaban. Hindi po kasi ako pumapatol sa babae,” tugon nito.
“Ikaw iyon! Pero ako pumapatol sa lalaki!” hiyaw niya rito bago niya itinaas ang kanang paa. Balak sana niyang patamaan ito sa bandang dibdib. Ngunit nasalo ng lalaki ang paa niya. Nahawakan nito ang bahagi ng paa niyang nakasuot ng sapatos.
Kung ordinaryong tao lang ang kaharap ng lalaki, baka natumba na ito sa paraan ng paghawak nito. Pero hindi si Ira. Sanay na siya dahil sa pagiging black belter niya sa taekwondo bukod pa sa kaalaman niya sa iba’t ibang uri ng martial arts.
Akmang gagamitin naman niya ang kanyang kamay nang biglang magsalita ang lalaki.
“Ma’am, tigilan na ninyo ito. Nakikita tayo sa CCTV. Baka kung anong isipin ng mga tao sa principal’s office,” paalala nito saka binitiwan ang paa niya.
Biglang umayos sa kanyang pagkakatayo si Ira. Galit na tinalikuran niya ang lalaki. Muli niyang binalikan ang hinahanap na padlock.
“Ma’am, gusto ko lang naman po kayong tulungan kung anuman ang hinahanap ninyo.” Narinig niyang sabi ng guwardiya.
Napa-buntunghininga si Ira. “Umalis ka na lang. Hindi ko kailangan ng tulong mo,” sabi niya nang hindi ito nililingon.
Hindi alam ni Ira kung nakaalais na ang lalaki o nasa likuran pa rin niya. Wala kasi siyang narinig na yabag o kahit na anong kaluskos. Pero wala na siyang pakialam dito. Ipinagpatuloy na lang niya ang kanyang ginagawa.
Makalipas ang ilang minuto ay nag-give na rin siya. Hindi na talaga niya mahahanap pa ang padlock na iyon. Hinila niya ang pintuan at isinara na lang ito. Dadaan siya sa opisina para ipaalam ang bagay na ito. Baka sakaling may extra padlock doon na maaari niyang magamit.
Binitbit niya ang kanyang backpack at ang isa pang bag na naglalaman ng papel mula sa mga estudyante niya. Noong isang linggo kasi ay nagpasa ang mga magulang ng sagutang papael mula sa kani-kanilang anak. Ngayon ay hindi pa siya tapos na mag-tsek sa dami ng mga papel na iyon.
Pagpasok niya sa opisina ay ibinaba lang niya ang bag na dala saka dumiretso sa opisina ng principal.
“Good afternoon po, Ma’am,” bati niya sa head teacher nila na siyang kasama nila ngayon bilang SWF. Nakaharap ito sa laptop at mukhang busy sa ginagawa nito.
“Ira, nandito ka pa pala. Akala ko ay nakauwi ka na,” seryosong tugon naman ni Mrs. Minez nang mapatingin sa kanya.
“Pauwi na po ako, Ma’am. Hinahanap ko lang kanina iyong padlock ng kuwarto ko. Nawawala po kasi kaya hindi ako makaalis,” paglilinaw niya.
“Padlock ang hinahanap mo? Hindi ba susi?” kunot noong tanong ng head teacher niya.
Umiling si Ira. “Padlock po, Ma’am. Pero iyong susi ay nakakabit din yata doon. Hindi kasi maila-lock iyon kapag walang nakasuksok na susi. “Ngayon lang niya naalala na pati susi pala niya ay nawawala rin.
“Kung susi mo ang nawawala baka na kay Xyrus. Inutusan ko kasi siya kanina na i-tsek ang mga susi na nakasabit sa keyholder at siguruhing may duplicate ang opisina sa lahat ng mga kuwarto. Baka wala ka pang naibigay kaya kinuha niya iyon,” paliwanag ni Mrs. Minez.
Napabuga ng hangin si Ira. “Wala po akong duplicate ng susi ko sa kuwarto. Magpapagawa pa lang po sana ako, Ma’am,” katwiran ni Ira.
“Kung gano’n, sabihin mo na lang kay Xyrus na siya na ang bahalang mag-padlock ng kuwarto mo. Baka nga nasa kanya ang padlock na hinahanap mo,” payo naman ng head teacher.
“Sige po, Ma’am. Tutuloy na po ako,” wika niya at tumayo na siya. Tatalikod na sana siya nang pigilan siya ni Mrs. Minez.
“Sandali lang, iha. May itatanong nga lang ako sa iyo.”
Muling bumalik sa kanyang upuan ang dalaga. “Ano po iyon, Ma’am?”
“May problema ka ba sa bago nating security guard,iha? Nakita ko kasi sa CCTV footage na nagkakasagutan yata kayo kanina. May balak ka pa yatang saktan iyong tao,” puna ni Mrs. Minez.
Napamura sa kanyang isip ang dalaga. Tama nga iyong naisip ng guwardiya kanina. “Pasensiya na po, Ma’am. Naiinis lang kasi ako sa kanya. Kanina pa niya ako kinukulit,” depensa niya.
Napangiti nang malapad ang head teacher niya. “Hanggang ngayon dala-dala mo pa rin ang galit sa ex-fiance mo. Hindi naman lahat ng lalaki ay katulad niya na manloloko. Kung nakukulitan ka kay Xyrus, parte ng trabaho niya na siguruhing ligtas ang buong eskuwelahan kasama na ang mga gamit at taong narito. Baka nami-misinterpret mo lang ang concern niya. Mag-move on ka na, iha. Kung patuloy ka sa pagsusungit diyan, lalayuan ka ng mga lalaki.Gusto mo bang maging matandang dalaga rin katulad ng iba nating kasama dito? Maganda ka, iha at bata pa.There’s a life outside the four corners of your classroom. Get a life,” suhestiyon nito.
Napangiwi si Ira. “Ma’am, ang inirereto naman ninyo ay isang security guard. Baka naman puwedeng mamili din ako,” seryosong sabi niya.
Biglang natawa si Mrs. Minez. “Hindi naman si Xyrus ang tinutukoy ko. Pero puwede na rin, guwapo naman iyong tao saka masipag pa. Isa pa’y marangal naman ang trabaho na pagguwardiya,” may himig pagbibirong saad nito.
Nagkakamot ang ulong napatayo si Ira. “Tutuloy na po ako. Ibibilin ko na lang doon sa guwardiya iyong kuwarto ko. Sige po,” wika niya bago lumabas ng opisina.
Binitbit niya ang bag na iniwan sa receiving area saka tuluyan nang lumabas ng admin building. Pagdaan niya sa guardhouse ay naabutan niyang may kausap ang guwardiya sa cellphone nito. Ngunit nang mapansin siya nito ay biglang ibinaba ang cellphone na hawak nito.
“Miss Ira,” tawag nito nang lumapit sa kanya.
“Ikaw na ang magsara sa kuwarto ko dahil nasa iyo naman ang susi ko,” seryosong sabi niya.
“Pasensiya na po kayo. May kausap kasi kayo kanina kaya hindi ko na naipaalam. Balak ko sanang sabihin sa inyo nitong hapon pero hindi naman ninyo ako binibigyan ng pagkakataon na magsalita,” paglilinaw nito.
Sumimangot na naman si Ira. “So, ako pa ang may kasalanan ngayon?” Kung hindi lang siya kinausap ni Mrs. Minez ay sasapakin niya sana ang lalaking ito. Akala mo kung sino itong umasta.
“Wala po akong sinabing gano’n, Ma’am.”
“Wala nga siguro. Pero iyon ang implikasyon ng sinabi mo. Isa pa’y hindi naman ako tanga para hindi maintindihan ang sinabi mo,” naiinis niyang sabi rito.
“Sorry po, Ma’am. Pasensiya na po talaga sa nangyari. Hindi ko naman po sinasadyang gawin iyon. Sinunod ko lang naman ang utos ni Mrs. Minez,” paliwanag nito.
“Naintindihan ko. Pero sana naman ay nagpaalam ka bago mo ginawa iyon. Ikaw kaya ang mawalan ng susi ng sasakyan mo. Ano kaya ang mararamdaman mo kapag nangyari iyon?” nagagalit niyang tanong dito.
“Sorry po. Hindi na mauulit, Ma’am,” may sinseridad na wika nito.
Umismid si Ira ngunit hindi na siya umimik. Promises are made to be broken, wika niya sa kanyang isip. Matalim ang mga matang tinalikuran na lang niya ito.
“Miss Ira, ingat po kayo,” pahabol ng guwardiya.
Nilingon ito ni Ira. “Sila ang mag-ingat sa akin,” seryosong sagot niya. Kasama ka na roon, gusto sana niyang idugtong pero pinigilan lang niya ang sarili. Baka magsumbong ito kay Mrs. Minez, siya pa ang mapagalitan. Mukhang malakas pa naman ito sa head teacher nila.
Muli niyang ipinagpatuloy ang paglalakad nang hindi na ito nililingon.