ABALA SI Ira sa pagso-sort out ng mga answer sheets kaya hindi niya namamalayan ang oras. Naroon siya sa kanyang classroom. Nagulat na lang siya nang biglang may kumatok. Paglingon niya sa pinto, naroon si Xyrus. “Miryenda time na,” wika nito saka ibinaba ang dalang paper bag sa isa sa mga armchair. Hindi na ito lumapit sa kanya. Tumalikod na agad ito pagkalapag sa paper bag. Tiningnan niya ang oras sa kanyang relo. Alas-diyes na pala ng umaga. Tumayo na siya at nilapitan ang armchair kung saan ibinaba ni Xyrus ang paper bag. Malapit lang ito sa may pintuan. Hindi kasi nito puwedeng ibaba malapit sa kanya dahil puno ng papel ang mesang ginagamit niya ganoon din ang ibang armchair na nasa kanyang harapan. Dinala niya ang paper bag sa kanyang mesa na nasa likurang bahagi ng classroom.

