Pakiramdam ng dalaga ay pasan-pasan niya ang napakabigat na mundo. Pinahid niya ang kaniyang luhang tumulo nang maisip ang ina. Alam niyang ayaw lang nitong mag-alala pero hindi niya lang matanggap na may sakit na cancer ang ina niya. Napatakip siya sa bibig niya at napahagulgol nang tahimik. Umupo siya sa upuan sa gilid at hinayaan ang sariling lukubin ng sakit. “Sana kayanin ni, Mama. Huwag mo siyang pabayaan, Diyos ko. Ikaw lang ang kakapitan ko,” mahinang saad niya. Nanginginig ang kamay niya nang mapagpasiyahan niyang tumayo na at bumalik sa ward ng ina niya. Kailangan niya itong makausap. Pinunasan niya ang kaniyang mata at inayos ang sarili. Pumasok siya sa loob at nilapitan si Sasha. “Puwede bang iwan mo muna kami saglit ni, Mama?” aniya rito. Tumango naman ito at lumabas.

