Nang nawala si Mama, mas lalong naging mahirap sa'ming magkakapatid ang buhay. Nandiyan naman si Papa pero pakiramdam ko simula nang nawala si Mama ay nawala na rin ito. Mas madalas pa ang pag-iinom niya kesa sa pag-aalaga sa mga kapatid ko. Maliliit pa sina Clarisse at Andolf, hindi pa kayang tumayo para sa kani-kanilang paa. Ayaw kong maranasan nila ang magutom--- kaya tumigil muna ako sa pag-aaral para magtrabaho.
Dahil sa trabaho, kailangan kong lumuwas ng Bayan. Kaya hindi ko alam kung naaalagaan ba ni Papa ang mga kapatid ko. Sana nga lang. Dahil hindi ko na alam kung paano ko pa hahatiin ang oras ko, gayong sa layo ng pinagtatrabahuan ko e minsan na lang din akong nakakauwi.
Mahirap maging panganay, ngunit sa tuwing nakikita ko ang saya sa mukha ng mga kapatid ko ay parang napapawi na rin ang pagod ko. Yon nga lang, si Papa... hindi ko alam kung kailan siya magigising sa katotohanan na kailangan naming mabuhay kahit wala na si Mama. Mabait naman si Papa, masipag ngunit dahil sa nangyari kay Mama parang nawalan na rin ito ng ganang mabuhay. Gayong nandito pa naman kami.
Naiintindihan ko ang pagdadalamhati niya, pero paano nga ang mga kapatid ko? Sana nama'y isipin niya rin ang mga maliliit ko pang mga kapatid. Kahit wag na ako dahil kaya ko naman ang sarili ko.
Sa tuwing katapusan ng buwan ay doon lang ako nakakauwi ng tatlong araw sa bahay. Doon ko lang din naaalagaan ang mga kapatid. Si Papa nama'y buong araw ding nasa mga kumpare niya para makipag-inuman
Nalulungkot na lang ako sa tuwing nakikita ang mga kapatid na bakas ang saya sa mga mukha ngunit halata ang kawalan ng pag-aalaga. Hindi ko nga alam kung ano pa ang gagawin. Sinakrapisyo ko na nga ang pag-aaral ngunit gano'n pa rin. Walang pagbabago. Hindi nga kami nagugutom ngunit parang pagod... pagod na ang bahay.
"Pa... pwede ho ba kayong makausap?" tanong ko isang umaga nang nakita ko siyang nagkakape sa tapat ng bakuran.
Malalim na naman ang iniisip. Nakatanaw sa malamig na hanging nasa labas at sa malawak na kalangitan. Alam ko naman na nangungulila siya, ngunit kami ba ay hindi?
"Pa, lumalaki na sina Clarisse at Andolf... baka nga next year papag-aralin ko na sila."
Napatitig si Papa sa akin. Minsan, kahit naiinis na ako sa pinaggagawa niya. Hindi ko pa ring maiwasang malungkot sa tuwing nakikita ko ang lungkot sa mga mata niya. Nando'n pa rin, dalawang taon na pero ang sakit sa mga mata niya hindi pa rin nababawasan.
Napaluha ako, at gano'n na lang ang gulat ni Papa. Niyakap ko siya ng mahigpit. Nangungulila rin naman kami pero kita ko kung gaanong nawala ang isang parte ng buhay ni Papa. Mahal na mahal niya si Mama. Sobrang mahal.
"Pa... para sa mga kapatid ko na lang po. Alagaan niyo naman sila." Pakiusap ko.
Narinig ko ang pagbuntong hininga niya bago binalik sa akin ang yakap.
"Kung sana hindi ko na lang buong pusong minahal ang Mama mo, siguro hindi ako masasaktan ng ganito."
Mas lalo akong naiyak sa sinabi ni Papa.
Talaga nga namang pag nagmahal ka ng buong-buo. Wala nang matitira sa'yo kundi awa na lang sa sarili. Kaya nga, ayaw kong magmahal. Ayaw kong matulad kay Papa.
Nang sumunod na araw ay lumuwas na naman ako patungong bayan at bumalik sa resto na pinagtatrabahuan bilang kahera. Stay in ako kaya malaki-laki rin ang natitipid ko sa sahod. Iyon naman ang pinapadala ko sa bahay para sa pagkain.
Kung ang mga kasama ko sa trabaho ay may Sunday's Trip ako nama'y kontento na lang sa paglilinis nang tinutuluyan at kung tapos na ay nagdidilig na naman ng mga halaman na nasa likod ng restaurant. Ang katapat noon ay ang bahay ng mismong may-ari. At kung wala na talagang ginagawa, doon ko naman tinatawagan si Papa para kumustahin ang mga kalagayan nila.
Nitong mga nakaraang araw, pansin ko ang pagbabago ni Papa. Nakikibalita na lang ako kay Flor, pinakamalapit na kapitbahay. At nakakapagtaka na madalas niya na raw makita si Papa na pumipirmi sa bahay at inaalagaan ang mga kapatid ko. Kapag ganoon, mas lalong napapadali sa akin ang trabaho at mas lalong nawawala ang pagod. Hindi na ako masyadong nag-aalala.
"Bwiset!" naiinis na bulong ni Anthony nang dumaan sa kahera.
Napaangat ako mula sa pagbibilang at tinitigan siya. Halatang badtrip, mukhang manununtok pa ng tao.
"Bakit?" tanong ko at tumitig sa unahan, sa pag-aakalang may nakarinig sa pagmumura niya.
"Ang yabang no'ng kasama no'ng isang pulis. Akala mo kung sino. Pakilagyan nga ng lason 'tong Lomi niya."
Napailing na lang ako at kinuha ang orders. Umalis naman si Anthony at sinalubong ang mga bagong dating. Pag ganitong badtrip ang isang 'to, alam kong hindi niya maihahatid ng maayos ang orders ng tagong table.
"Nia, bakit ikaw?" takang tanong ni Glory nang dumaan ako sa gilid ng kahera.
"Badtrip, e." turo ko kay Anthony na nasa malayo.
Tumawa naman siya, "Baka gusto mo na iyan, a!"
Umiling ako, at wala sa isip ko ang magkagusto sa kahit sino. Saka mas mahalaga sa akin ang mga kapatid. At ayaw ko ring matulad kay Papa. Na mukhang nasira ang buhay nang nawala si Mama.
"Good afternoon, Sir. Your orders po." Magiliw na balita ko at nilapag sa mesa itong nasa listahan.
Narinig ko na may tumawa sa harapan. Ito nga siguro ang kasama ng pulis na kinaiinisan ni Anthony. Sandaling tinitigan ko siya, at amuse nga itong nakangisi at nakatitig sa akin. Ngumiti na lang din ako kahit na may kakaiba sa mga ngisi niya. Parang nang-aasar. Kaya siguro napikon ang waiter namin.
"Yul," tawag niya sa katapat pagkatapos ay binalik ang titig sa akin.
Kumunot naman ang noo ko at bumaling sa taong nasa gilid. Medyo napatalon ako sa gulat. Ngunit inalis ko kaagad ang gulat sa mukha. Di na lang ako nagpahalata na bigla akong kinabahan.
"Miss, may mga extra service ba kayo rito?"
"H-ha?" baling ko sa katapat. Mas lalong lumawak ang ngisi niya.
Dahil nga tago ang mga mesang nandito at walang ibang nakaupo kundi sila lang, naging matapang siguro ang isang 'to para magtanong.
"A-ah! Meron naman po, short orders and door to door delivery. Kung gusto niyo po ng gano'n, pwede kayong humingi ng contact numbers do'n sa counter. Pasensya na hindi ko kabisado ang mga numero."
Tumango ito, mas lalo pang ngumisi. Saka umiling, nakatitig na naman siya sa gilid ko. Kaya kahit gusto kong sumilip ay hindi ko na ginawa. Nahihiya akong tumitig sa mukha niya. Kahit na nakatatak na naman sa isipan ko ang gwapo nitong mukha.
"Hindi, iba ang ibig kong sabihin Miss." Iling nito.
Kumunot naman ang noo ko. At ano naman iyon?
"Alex, tama na iyan." Malalim na sabi ng pulis na tinutukoy ni Anthony kanina.
Napalunok ako sa gulat sa lalim ng boses niya. Ganito ba talaga 'to?
"What?" natatawang sabi noong Alex, "Loosen up, Yul. Alam mo kailangan mo rin ng pampawala init niyang ulo mo... sa ibaba." Humagalpak na naman ito ng tawa.
Nanlalaki ang mga mata ko nang napagtanto kung ano ang ibig sabihin ng mga tanong kanina no'ng 'Alex'. Masyado na itong pribado.
"A-ah, maiiwan ko na po muna kayo." Paalam ko.
"Teka!" pigil no'ng 'Alex'.
Tumigil naman ako sa pagpihit. Nakagat ko naman ang pang-ibabang labi. Kung hindi ko lang iniisip ang magiging impression nitong mga customers namin, baka nga naging bastos na ako sa pag-alis.
"M-may kailangan pa po ba kayo?" kinakabahang tanong ko.
"Here..." abot niya ng card. Nanginginig ang kamay ko nang aabutin na sana iyon.
"Stop, Alex. You're making the kid scared." Awat niya sa kasama.
Hinahapo na ako sa kaba. At sa pangalawang beses, sinilip ko siyang muli. Agad na namula ang pisngi ko nang nakita ang mukha niya. Halatang sanay sa hirap ng trabaho, halatang sanay sa rahas.
"Ha?" gulat namang lingon ng kasama niya sa akin.
At hindi ko naman alam kung alin ang ikinagulat nito. Ang takot ko ba? Hindi niya ba napapansin iyon sa madalas kong pag-utal? Nanginginig na nga ako sa kaba.
"Kid?" takang tanong pa nito.
"Ilang taon ka na ba, iha?" Tanong ng pulis.
Halos mabuwal ako sa kinatatayuan. Hindi ko inaasahan na tatawagin niya akong 'iha' kahit obvious naman ang layo ng edad namin. Matured ito kumpara sa akin na mukhang bata pa rin.
"E-eighteen po..." nakayukong sabi ko.
Humagalpak naman ng tawa iyong kasama niya, at tuluyan ng itinago ang calling card.
"18, Ulysses! Yang mga yan, pwede na. Hindi na illegal! Ilang taon lang ba ang bata sa atin? 15 or 16 years? Come on, man! Get a taste!"
Doon ko na napagtanto na masyado nang bastos ang sinasabi ng 'Alex'. Tama nga si Anthony, 'Bwiset' nga 'to.
"K-kailangan ko na pong bu---"
"Teka lang!" pigil pa no'ng 'Alex'.
Mas lalong nangasim ang pakiramdam ko. Mabuti na lang at dumating si Glory.
"Nia, galit na iyong mga magbabayad at hindi pa namin nasusuklian."
Lumingon din ito sa mga customers namin. Lalo na't nagtagal ang pagtitig niya sa gilid ko. At biglang kumalat ang pamumula sa buong mukha niya. Napagtanto ko, na hindi lang pala ako ang attractive dito. Marami kami, panigurado.
"Kailangan ko na pong umalis." Ngiti ko na lang at mabilis na umalis.
Hindi na ako muling sumubok na maghatid ng mga orders. Naging trauma yata sa akin ang ginawa no'ng 'Alex'. Hinayaan ko na lang ang mga kasamahan ko. Huling sulyap ko na lang ay ang pag-alis ng dalawa, na lumingon pa iyong kaalitan ni Anthony at sumaludo pa sa akin. Ngumiwi ako at sinilip si Anthony na mukhang manununtok pa rin ng tao habang nakatulala sa glass door. Sumilip akong muli at nakitang sumakay ang 'Alex' sa isang sasakyan at ang 'Ulysses' nama'y sinuot muna ang helmet bago sumakay sa big bike.
Nalaglag tuloy ang panga ko, at kung hindi lang dahil sa tikhim ni Glory, nuncang magigising pa ako sa nakakakilabot na ayos no'ng Ulysses. Masyado ngang mainit.
"Hot no'n..." ngisi ni Glory.
Hindi na ako nagkomento pa, ayaw ko ring magmaang-maangan. Dahil mauutal lang ako.
"Ate, gusto ko nga no'ng nakita ko sa TV!" tampo ni Clarisse nang tumawag ako sa kanila kinabukasan. Sunday ngayon kaya ako na naman ang mag-isa sa quarter. Umalis kasi sina Glory at iba pa naming mga kasamahan.
"Bibilhan kita..." suko ko na.
"Talaga, Ate?"
Tumango na lang ako at nagpaalam na para umalis. May extra pa naman ako, at bibilhan ko rin sina Andolf at Papa ng mga bagong damit. Siguro hindi naman ako mamumulubi noon.
Kakatapos ko lang maligo nang sumilip si Ma'am Elsie sa quarter. Nagkagulatan pa kami ng nakita niya akong nakatuwalya pa.
"Aalis ka ba, Nia?"
"Sandali lang naman po." Tango ko sa kanya.
"Mabuti naman at papasyal ka. Bata ka pa, pero kailangan mo rin namang mamasyal minsan. Ah!" putol niya sa sasabihin, "Mga pinaglumaan nga pala ng anak ko, baka gusto mo. At saka may isa ritong hindi niya pa naisusout pero hindi niya naman gusto. Baka gusto mong soutin bago ang alis mo mamaya." Iniba niya iyong isang damit.
Ngumiti ako at nagpasalamat sa kanya. Umalis din naman siya pagkatapos noon. Tiningnan ko naman ang iniba niyang damit. At tinitigan ang medyo sexy'ng damit. Okay lang naman siguro ito. Romper iyon na sleeveless. Medyo maiksi nga lang talaga, 5 flat iyong nag-iisang anak na babae niya, samantalang ako 5'5 kaya siguro maiksi nga talaga sa akin pagkasout.
Umalis ako ng mga bandang alas 11 at pumara ng jeep sa kanto. May ilan ngang nakatitig sa akin. Siguro naiiksian sa sout ko. Hindi ko alam kung magsisisi ba ako o ano... kahit na komportable naman ako roon.
Pagkababa sa mall ay naglakad na ako papasok. Saka ko inalala kung saang departamento ba nabibili iyong gustong damit ni Clarisse. Naalala ko naman sa isang advertisement ang itsura nito... kaya hahanapin ko.
Napatitig ako sa cute na polo para kay Andolf. Nag-aalangan pa ako sa presyo ngunit pinili ko na lang na bilhin iyon. Makakapag-ipon pa naman siguro ako sa ipapadala sa amin. At saka minsan ko lang naman gawin ito. Walang mawawala, mapapalitan naman ang pera.
"Hi..."
Gulat akong napalingon sa tabi ko, alam ko na ako iyong binati. Kasi wala namang iba na narito. Ako lang at siya... iyong pulis.
Namula nga kaagad pati tenga ko sa kaba. Ang gwapo niya talaga...
"Hello po..." bati ko pabalik.
Tumitig siya ng matagal sa hawak ko na polo. Para kay Andolf.
Ngumiti siya at itinaas ang cute na damit pambata at pangbabae.
"Bibili ka rin ba para sa anak mo? Boy?"
'Rin' nagtagal ang pag-iisip ko ro'n kumpara sa iniisip niyang may anak ako. Kaya nang hindi ako sumagot ay nagtanong pa siyang muli sa akin.
"Sa tingin mo, bagay ba 'to sa batang 3 years old? Birthday ng anak ko bukas, ireregalo ko sana."
Kumpirmado.