"Sa tingin ko, nakakaistorbo na yata ako sa'yo..." ngiti niya nang hindi man lang nakarinig ng sagot mula sa akin.
Nahihiyang napayuko ako sandali at inalala na hindi naman kami nag-usap noon sa resto. Ngunit may isang bagay akong napansin sa kanya... magkaiba sila ng ugali no'ng Alex. Gusto kong malaman kung maginoo ba ito o tulad lang din ni Alex, bastos, o baka nga tinatago niya lang ang tunay na kulay? Para ano?
Pilit ko ngang inaalala na hindi naman kami pareho ng tinatakbo ng isip. Maaaring tama ako o mali. Alinman, dapat ko bang pag-isipan iyon?
"A-ah..." napalingon ako sa paligid at nakitang nasa malayo ang mga damit ng batang pambabae. Hindi naman sa ayaw kong mangialam ngunit kita ko kasing hindi siya marunong mamili ng magagandang damit. Sa tingin ko maganda naman ang anak niya, kaya nararapat lang din do'n kung ano ang mas maganda.
"Hindi naman po ito sa anak ko..." nahihiyang inangat ko ang hawak na hanger, "Para sa kapatid ko po."
Halata ang pagtataka sa mukha niya ngunit biglang ngumiti. Para naman akong mapapairap sa panghihinang nararamdaman. Kahit ang ngiti nito, gwapo rin. Parang nanununaw ng kung sinong babae. Lalaking-lalaki kasi at saka, maginoo.
"I thought--- I'm sorry."
Tumango ako kahit bahagyang nahihiya. Ramdam ko ang pag-iinit ng batok ko sa nasilayan. Parang nanunuot pa rin sa isipan ko ang huling nakita. Ganoon nga siguro pag magaan ang loob mo at kahit kaonti ay nagiging masaya ka.
Iba na talaga itong nararamdaman ko. Alam ko, at hindi naman ako manhid para hindi malaman kung ano ito. Siguro nga simpleng crush lang... crush lang.
"Hindi, okay lang po. A-ano..." napapaisip ako nang malalim kung okay lang bang samahan ko siya sandali. Hindi ako mapapakali sa pinili niyang damit. Cute nga.. ngunit kulang.
"Parang..." pambibitin niya na siyang dahilan kung bakit inangat ko ang mukha. Halata ang lungkot sa mukha niya. Kahit gano'n, gwapo pa rin e... napaka-unfair ng mundo para sa mga taong hindi biniyayaan ng kakisigan. Samantalang ang daming single sa mundo na, ngunit nando'n pa rin ang halos lahat ng babae... mas pinipili ang sa tingin nila'y saan nasisiyahan ang mga mata nila. Parang wala na rin akong ipinagkaiba sa mga babaeng yon.
Paghanga lang naman, hindi ako mang-aagaw o ano. Ang laki pa ng responsibilidad ko para dagdagan pa ang problema.
"May nakita ho akong mas maganda diyan." Kalaunan ay sabi ko.
Naglakad ako palayo, dala ang polo para kay Andolf, at ramdam ko naman ang pagsunod niya sa akin mula sa likod. Napalunok pa ako sandali habang tinititigan ang isang damit pambata. Saka inangat para ipakita sa kanya. Tumango ito at ipinagtabi ang dalawa. Sa huli'y ibinaba niya ang napili at nagdesisyon na kunin yong isa.
Hindi naman ako makahinga nang mabuti habang nakasunod sa kanya. Naglabas pa nga ito ng wallet at kinuha ang hawak ko na hanger.
"Ako na..."
"Po?!" gano'n na lang ang gulat ko ng pati iyong polo na para kay Andolf ay binayaran niya rin. Napalunok na lang ako at nahihiyang ngumiti sa kahera na napatitig sandali sa akin at sa lalaking nasa harap ko.
Amuse nga siguro... paano pa kaya ako? Nahihiya ako, ngunit desisyon ko naman na bayaran iyon mamaya. Pagkatapos naming lumabas sa store na 'to.
"Babayaran ko po..." sabi ko nang mahina habang nakasunod sa kanya. Dinudukot ko naman ang kaonting ipon mula sa purse at inabot sa kanya. Namumula na ako sa hiya, ramdam ko ang init ng batok at pisngi ko dahil sa ginagawa niya.
Kinakabahan na rin ako habang nakikita ang mga taong nanonood sa taong nasa harapan ko. Nakapolong maroon pa naman ito at mukhang kagagaling lang sa pagsisimba. Nahihiya ako sa itsura ko ngayon na mukhang napadaan lang sa mall... kahit na masyadong maiksi itong sout ko.
"It's okay, wag mo nang bayaran." Ngiti niya pa.
Gusto ko sanang ipilit ang gusto ko kaya lang dahil nakita ko na may kumaway sa kanyang babae, dahan-dahan na akong tumigil sa paglalakad. Hinayaan ko siyang maglakad palayo, palapit sa babaeng kumaway. At sa pagliko ay naiwala ko na sila.
Napabuntong hininga ako sa nangyari at tinitigan ang supot ng damit para kay Andolf. Gusto ko sanang malaman kung iyong babae ba kanina ang asawa niya... ngunit napaisip din ako kina Clarisse, para sa damit niya at sa damit ni Papa. Ano naman kung malaman ko na iyon pala ang asawa niya?
Sakto naman pagkauwi ko ay ang pagdating ng mga katrabaho. Nagulat pa si Riza nang nakita akong pumasok sa loob ng quarter. Nagkatulalaan pa kami nina Anthony, Rommel, Ana at Glory.
"May pinapagandahan ka?" tuksong tanong ni Glory. Na dumaan pa sa gilid ko at nilabas ang niluto nitong popcorn.
Pinigilan ko naman ang ngiti ko at umiling sa kanya. Saka ako tumabi kay Anthony na napatitig sa akin at agad na nag-iwas ng titig. Pinanood ko naman si Glory na naghahanda ng popcorn sa coffee table at ini-on ang tv.
"Wala ba talaga? Sexy mo ngayon, e!" makahulugan nitong sinabi at tumitig sa katabi ko.
Mas lalo akong nagpigil ng ngiti at ginalingan pa sa pag-iling. Sakto namang kaka-umpisa lang ng palabas. At tumabi na rin sa akin si Glory. Ginugol namin ang hapon sa panonood ng palabas. Nagugulat na lang ako minsan pag tumitili sina Glory... yong akala mong horror ang pinapanood.
"Lumabas ka?" tanong ni Anthony kalaunan.
"Oo, may binili lang. Para kina Papa at sa mga kapatid ko." Inangat ko nang kaonti ang hawak na supot.
Tumango lang ito at hindi na nagtanong pang muli.
Kinagabihan ay tumawag si Papa at ipinakita sa akin ang mga kapatid na ang lalawak ng ngiti. Na-excite naman ako at hindi na natiis pang hindi ipakita ang mga damit na pinili ko para sa kanila. Yong ngiti lang nila, okay na ako. Kahit yong masiglang ngiti lang ni Papa, masaya na ako.
Ang babaw lang ng kaligayahan ko, ayaw ko na maging komplikado. At hindi ko maintindihan kung bakit sa panaginip ko ay nando'n si Ulysses at nakangiti sa akin. Sa halip na maging maganda iyon ay parang naging bangungot pa sa akin... dahil nga ayaw kong magkaroon ng kahit anong koneksyon sa taong may pamilya na. Alam ko ang gulo no'n, kaya kung pwede lang... umiwas.
"Pack up?" kinakabahang tanong ko.
Nagkasakit si Ana, at kulang kami sa tao. Nagdesisyon na nga lang si Ma'am Elsie na wag magbukas ngayon. May gaganapin kasing catering mamayang gabi. At dahil kailangan ng maraming tao, kailangan naming magpahinga. Children Party iyon.
Kaso nga lang, kinakabahan ako na baka pumalpak. Hindi ko alam kung paano ang proseso nito. Maliban kasi sa pagtulong sa ibang mga waiter ay wala naman akong ibang alam na gawin kundi ang magkahera.
"Chill! Sa tabi ka lang naman ng table tatayo. Kami ng bahala." Pang-aalo pa sa akin ni Rommel.
Hindi ko naman kung dapat ba akong magpasalamat o ano. Mas dumoble nga ang kaba ko nang mag-alas tres ay umalis na kami at tumungo sa venue. Halos hindi na ako makausap nang maayos dahil nag-iisip na ako ng mga bagay-bagay na gagawin ko mamaya.
Sinubukan ko namang kumalma. Kinakausap ko sina Glory pag may pagkakataon. Kaso, pagkarating ay bumalik na naman ang kabang naramdaman ko kanina. Ayaw kong pumalpak... ayaw ko na mapagalitan ni Ma'am Elsie mamaya. Hindi naman siguro ako magkakaproblema.
Tumulong muna ako sa pag-aayos ng mga mesa't upuan, bago bumalik sa sasakyan na pinaglagyan ng mga pagkain. Alas singko yata nang natapos kami at nagbihis sandali sa common bathroom na nasa gilid lang ng pool. Napatitig pa ako sa glass door na patungo panigurado sa sala ng bahay. Ni hindi ko pa nakikita ang loob ng bahay. Mukhang walang tao. Hayaan na, at baka may pinuntahan pa ang may-ari.
"Naks... mayora." Tukso pa ni Glory. Napailing na lang ako at inayos ang panyo'ng nasa leeg ko.
Bumukas ang ilaw sa entrance ng garden. Para namang 18 years old iyong magbi-birthday ngayon. Kung hindi lang dahil sa lalaking buhat-buhat ang batang nasa 3 years old.
Para naman akong mabubuwal sa gulat. Mas lalo tuloy nangatog ang tuhod ko kaba. Hindi lang dahil sa lamig ng gabi kundi sa lalaking matikas na naglakad sa gitna at buhat-buhat ang nakangiting bata.
Pati nga yata si Glory ay nagulat sa nakita, agad itong kumalabit sa akin na parang matutunaw sa hiya habang nagtatanong sa akin. Hindi ko naman masagot ng maayos... kasi nakatulala na ako.
"Ney, narinig mo ba ang tanong ko?" kalabit ulit ni Glory.
Napalunok na lang ako at umiwas sa entablado. Kung saan tumawa ito at bumati sa lahat ng dumalo.
"s**t Nia! Hindi na nakakapagtaka kung may anak na iyan. Siguro kahit sino naman willing to donate ang mga puson para sa lalaking yan."
Nalaglag ng kaonti ang panga ko sa pinagsasabi ni Glory. Sinenyasan ko naman siyang tumahimik kasi may dumaang bisita at napatitig sa sinabi ni Glory.
Humagikhik naman ang huli at medyo kinurot ang tagiliran ko. Hinimas ko lang iyon at lumayo rito para alalayan ang batang nag-aabot ng cupcake. Ngumiti ako pagkatapos kong yumuko at binigay sa kanya ang gusto. Mas dumami tuloy ang lumapit sa akin, puro mga bata. Hindi ko naman alam kung paano ko ipapaliwanag sa kanila na hindi pa oras para sa pagkain. Gayong alam ko, na hindi lahat ng bata ay kayang intindihin iyon.
"Okay, dahil gusto niyo na ng pagkain... ito, may baon si Ate rito." Ipinakita ko naman ang mga cookies. Na kinagat naman nila kahit simple lang ang desinyo noon.
Ilang minuto pa ay bumaba siya at nakipagbatian sa mga taong nasa harapan. Natulala na naman ako sabay iwas at pumwesto sa kabilang dulo ng mesa. Ngumiti pa nga ako kay Anthony na matamang nakatitig sa akin. Pakiramdam ko nagtataka ito sa mga inaakto ko. Hindi lang naman ako, ah, si Glory... sina Riza? Kita ko nga kung paano silang natutulala sa tatay ng may Birthday.
Pagkatapos ng prayer ay nagsimula na ang pagkuha ng mga pagkain. Gumilid akong lalo dahil nasasagi ng mga kumukuha. Ngumingiti lang ako sa tuwing may napapatitig sa akin. Nawala tuloy ang kaba ko kanina dahil sa nakita ko. Hindi na ako muling tumitig sa unahan, dahil siguradong kakabahan na naman ako hiya.
"Ate..." tawag ng batang lalaki mula sa paanan ko. Hinila-hila nito ang sout kong palda. Para siguro mapansin ko siya, gayong hindi na ako masyadong yumuyuko dahil sa mga bisita.
"Gusto ko po, cupcake." Ngiti nito.
Tumango ako at ngumiti sa kanya bago naglakad palapit sa gitna ng table at kumuha ng isang cupcake. Dahil sa ginawa ko mas dumami tuloy ang lumapit na mga bata. Sa tingin ko okay lang naman siguro iyon, hindi naman mauubos sa kaonting populasyon ng mga bata ang handa nitong may kaarawan.
"Uubusin niyo po, Ate?" mataray na turan ng isang batang babae.
Nagulat ako sa pagtataray niya kaya bahagya akong napatalon. Ngunit gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang nakita sa malapitan ang maganda at cute na batang 'to. Kamukha niya nga ng kaonti. Ang cute-cute ng pisngi. Masarap sanang kurutin kung hindi lang dahil sa mukha nitong naiinis.
"A-ah, nanghihingi iyong mga bisita mong mga bata. Kaya binigyan ko na..." nakangusong sabi ko.
"Ah, kaya---" naputol ang sasabihin pa sana nito nang may bumuhat sa kanya.
Gano'n na lang ang gulat ko nang nakita si Ulysses sa malapitan, nakaitim na t-shirt na hapit na hapit sa matipuno nitong katawan. Natulala nga ako sa dibdib niya kaya napaiwas kaagad ako roon.
"Hi, nice seeing you again." Mahinang sabi niya.
Sa sobrang hina noon hindi ako sigurado kung maririnig ba ng iba iyon. Maliban na lang talaga pag sinadya ding makiusyuso.
"Dad! Uubusin niya po iyong cupcakes!" sumbong nito.
Para naman akong tinakasan ng dugo. Ang pagkakamali ko rito, sana naghintay na lang ako sa magseserve noong mga cupcakes. Pinakialaman ko pa. Kaya galit ang batang may kaarawan.
Napaawang ang mga labi ko ng narinig na tumawa siya, bahagya kong inangat ang mukha at gano'n na naman ang pagkakamangha ko ng nakita siyang tumatawa na parang isang tunay na lalaki.
"Hindi mauubos iyan, baby. Tingnan mo---" turo nito sa ituktok ng pinaglagyan namin ng cupcakes.
"Pero Daddy---"
Sumimangot lang iyong bata at masama pa ang pagkakatitig sa akin, ako na lang ang yumuko. Ramdam ko na nag-iba ang kilos ng katawan niya. Nang inangat ko naman ng kaonti ang mukha ay nakitang siya na lang ang nando'n.
"Pasensya ka na sa anak ko..?"
"Antonia po, Nia na lang." nahihiyang sabi ko pa.
"Nia, kulang pa sa pagdedesiplina."
Tumango ako at sumilip sa likod niya. Nakita ko na nakatitig dito sina Glory at Anthony, kaya napaatras ako ng kaonti. Halatang guilty.
"Anyway, nice meeting you, Nia. I'm glad I met a beautiful young lady like you."
Nakagat ko kaagad ang pang-ibabang labi at napayuko para itago ang pamumula na naman ng pisngi. Para akong sinisiliban sa sinabi niya. Lalaking-lalaki.