Pagkatapos ng pag-uusap nila ay bumalik si Sam sa ospital. Muli silang nag-usap ni Estella.
"Ano?" ang gulat na tanong ni Estella. "Bakit ka pumayag?"
"Tama naman kasi siya" si Sam.
"Kung totoong mahal mo ang isang tao; matututunan mong magparaya lalo na kung sa ikabubuti ng taong mahal mo. Uunahin mo siya kesa sa pansarili mong kaligayahan" ang mga katagang binitiwan ni Andrew na tumatak kay Sam. Kailangan niyang isipin ang kapakanan ni Jun. Masakit pero kailangan. Wala na talagang ibang pagpipilian.
"Paano mo to sasabihin sa kanya?" ang tanong naman ni Estella.
"Hindi niya na ako makikita pa, Estella" ang malungkot na sinabi ni Sam.
"Anong ibig mong sabihin?" si Estella. "Hindi mo man lang ba sasabihin sa kanya? Hindi ka man lang ba magpapaalam?"
"Hindi ko kaya. At hindi niya na kailangang malaman pa. Estella, ikaw ang magsabi sa kanya"
"na ano?"
"N-na... Na ... Na... Sumama na ako kay Andrew papuntang America" si Sam. "Pero wag mong babanggitin na ito ay dahil sa kanya"
"Bakit naman?"
"Kasi ayaw kong magpatuloy siya sa buhay na nagui-guilty na dahil sa kanya ay sumama ako sa iba."
Napabuntong hininga na lamang si Estella at pumayag.
"Estella, mangako ka sa akin" si Sam. "Alagaan mo ng mabuti si Jun"
Nagsimula naman silang lumuha.
"Sam, hindi ito tama" si Estella.
"Wala tayong pagpipilian" si Sam.
"Hindi ito patas para sa inyong dalawa"
"Ang mahalaga ngayon ay si Jun. Ito lang ang magagawa ko sa ngayon" ang paliwanag ni Sam. "Wala akong pagsisisihan, Estella"
"Ano ba, Sam? Parang aalis ka naman agad niyan eh" ang suway ni Estella.
"Aalis na ako kapag naayos na ang lahat ng kakailanganin para makaalis ako" ang tugon naman naman ni Sam.
"Agad-agad?" ang gulat na tanong ni Estella. Napatango naman si Sam. "Yun ang gusto ni Andrew"
"Hindi ko maintindihan" si Estella. Sumunod ang mga araw ay hindi iniwan ni Sam si Jun; buong magdamag lang siyang nakatitig dito. Sinusulit niya ang mga natitirang oras na magkasama sila. Isang araw nakatanggap siya ng mensahe na kailangan na nilang umalis kinabukasan. Kinuha ni Sam ang pagkakataon para mag-iwan ng mensahe kay Jun. Hinawakan niya ang kamay ni Jun. Nagsimula siyang lumuha.
"Jun, magpatuloy ka" si Sam. "Kahit na may mga plano na tayo na hindi na matutuloy pa. Magpatuloy ka pa rin. Abutin mo ang mga pangarap mo; pilitin mong maging masaya. Mahal na mahal kita"
Kinaumagahan, bago siya umalis ay hinalikan niya ito at nagpaalam na kay Estella. Nagtungo siya sa boarding house. Ilang minuto naman siyang naupo sa kama nila ni Jun. Naluluha siyang tumayo at nag-ayos ng gamit. Hindi nagtagal ay napahagulgol na siya. Sa lahat ng taong masasama, iniisip niya kung bakit sila pa? Bigla namang may narinig siyang dalawang maiikling busina mula sa labas. Batid niyang si Andrew yun na naghihintay na sa kanya. Sa huling pagkakataon ay inikot niya ang kanyang tingin sa paligid. Natigilan siya nang matapat siya sa pinto. Kaagad niyang kinuha ang polo dun at sinuksok sa dala niyang traveling bag. Lumabas naman siya ng kuwarto at nagmadaling lumabas ng boarding house. Ayaw niyang magkaroon ng interaksyon sa kung sino man. Sa ngayon gusto niya na lang tumakas.
"Ang tagal mo" ang komento ni Andrew nang salubungin siya.
"Tara na" ang malamig na tugon ni Sam sabay pasok sa kotse. Sumunod naman si Andrew. Hindi naman nagtagal ay lumarga na sila. Tahimik lang silang dalawa. Nakatulala lang si Sam habang nakatitig sa labas. Napapabuntong-hininga na lang si Andrew. Oo, naaawa siya pero kailangan niyang maging makasarili. Ayaw niya rin sa ganitong paraan pero ito lang ang paraan para mapasakamay niya ang taong mahal niya.
"Sam, alam kong mahirap... Pero gagawin ko ang lahat para mahalin mo ako pabalik"ang sabi ni Andrew pero hindi umiimik si Sam. "Sam, sana mapagbigyan mo ako"
"Ano pa bang gusto mo, Andrew?" ang tanong naman ni Sam. "Nakuha mo na ang gusto mo. Andito na ako. Sana naman makontento ka na. Kung gusto mong mahalin kita... Pwes, hindi mangyayari yun. Makuha mo man ang pisikal kong katauhan.... Hinding-hindi mo makukuha ang pagmamahal ko."
Nasaktan si Andrew sa mga sinabi ni Sam. Nasaktan ng lubos.... At simula ng araw na yun... May madilim na mundong bumuo sa puso ni Andrew.
"Siguro nga" ang tugon ni Andrew. "Pero sa akin ka na at hinding-hindi ka na makakabalik pa ng Pilipinas. Ayaw mo man o sa gusto mo; itong mukha ko ang makikita mo sa araw-araw. So you better get used to it."
Hindi na tumugon pa si Sam. Hindi niya na alam kung anong gagawin. Ang mahalaga ay magiging maayos na ang lagay ni Jun. Nagsimula na naman siyang lumuha ng tahimik.
Samantala... Binabantayan na nga ni Estella si Jun. Kani-kanina lang ay emosyonal na nagpaalam si Sam sa kanila. Hindi niya alam kung tama ang ginawa ni Sam pero wala siya sa lugar para kwestyunin ang desisyon ng bagong-tagpo niyang kaibigan na kaagad ding nawala. Kasama niya ngayon si Aling Aida na hinahanap si Sam. Hindi niya masabi ang totoo... Kaya ang rason na pinapasabi ni Sam ang binigay niyang dahilan. Hindi naman makapaniwala ang matanda sa narinig niya ngunit pilit niyang inintindi ang naging desisyon ni Sam.
Nataranta sila nang makita nilang gumalaw ang kamay ni Jun kasunod ng pagmulat niya ng mga mata.
"Estella, tawagin mkoang doktor!" ang utos ni Aling Aida. Kaagad namng lumabas si Estella para tawagin ang doktor.
"Jun, kamusta ang pakiramdam mo?" ang tanong ni Aling Aida. Nakatitig lang si Jun sa kanya.
"Sino po kayo?" ang tanong ni Jun sa kanya.
Napakunot naman ng noo si Aling Aida.
"Hindi mo ba ako nakikilala?" ang tanong pabalik ni Aling Aida. "Ako to, Jun. Si Aling Aida. Ang landlady niyo nila Sam"
"S-sam?" si Jun. "Sino po siya? Bakit wala akong maalala?"
Nagsimula namang lumuha si Jun. Akto namang pumasok ang doktor at pinakalma si Jun. Sa labas ay kina-usap ng doktor ang dalawa tungkol kay Jun.
"Dahil sa injury niya. It seems that he has retrogade amnesia" ang pagsisimula ng doktor"
"Amnesia? Hindi ba yun yung nakakalimot ka ng ala-ala?" ang tanong ni Estella.
"Oo pero napakalawak kung ang salitang "Amnesia" lang ang pagbabasehan natin" ang tugon ng doktor. "Maraming klase ng amnesia. At least 8 Kinds... Iba-ibang epekto at iba-ibang pinagmumulan. Sa ngayon, sigurado lang na may Retrogade amnesia ang pasyente o ang kawalan ng kakayahan para ma-alala ang mga nakaraang impormasyon bago ang kanyang aksidente. Maari po ring magkroon siya ng anterogade amnesia o ang kawalan ng kakayahang maisaulo ang mga bagong impormasyon pagkatapos ng aksidente. Bago ko pa makalimutan, may isang taong tutulong sa inyo sa babayarin kaya wag na po kayong mag-alala sa mga gagastusin."
"Salamat po, dok" ang pasasalamat ng dalawa bago puntahan si Jun. Nadatnan nila si Jun na lumuluha.
"Jun, anong problema?" ang tanong ni Estella. "May masakit ba sayo? Tatawagin ba natin ang doktor?"
"Hindi" ang tugon naman ni Jun.
"Ano ngang problema?" ang tanong ni Estella.
"Hindi ko alam pero napakalungkot ko ngayon" ang tugon ni Jun. "Pakiramdam ko may kailangan akong maalala pero hindi ko magawa. Hindi ko alam kung bakit sobrang sakit ngayon dito"
Sabay turo naman ni Jun sa kanyang dibdib. Batid ng dalawa na hindi man maalala ng utak ni Jun ang tungkol kay Sam ay ang pangungulila naman ng puso niya para sa kanya.