Chapter 18: Ina

1807 Words
Chapter 18: Ina BUMABA AKO SA tapat ng cover court ng barangay namin. Mula rito ay lalakarin ko pa papunta sa bahay. Hindi na ako puwedeng bumalik sa bahay ni Tres, ngunit ayaw ko rin umuwi. Lagpas na alas-onse ng gabi at wala nang mga taong naglalakad sa kalsada. Napakatahimik ng paligid, tanging ingay ng mga insekto ang maririnig. Pumasok ako sa court, nilapag ko ang gamit ko at naupo sa sementadong upuan. Mas lalo kong naramdaman ang katahimikan na kabaliktaran ng aking utak. Magulo. Hindi ko maintindihan. Nakakaloko. Nakakagago. Naupo lang ako. Wala na ang luha sa mga mata ko. Ngunit hindi ko pa rin masabi kung okay na ang pakiramdam ko. Naguguluhan ako. Nasasaktan? Hindi ko alam. Pero paulit-ulit kong naririnig ang tinig ni Tres at mga pang-iinsulto niya sa 'kin. Ang pagtaboy niya sa 'kin. Bakit ba masyado akong naapektuhan sa ipinakita niya? Siguro hindi ko lang inasahan na magiging gano'n siya? Pero ano ba ang inaasahan ko? Napabuntong-hininga ako. Ano na ang gagawin ko ngayon? Maraming katanungan sa utak ko. Sa sobrang dami, hindi ko na mabuo ang mga salita. May nararamdaman akong galit sa kanya. Pero ano ang dahilan? Dahil tinaboy niya ako? Dahil sinabi niyang hindi niya talaga ako gusto? Dahil ba tinawag niya akong bakla? O dahil... dahil ba sa tanong niya kung nahulog na ba ako sa kanya? Ah, Ewan! Basta gago siya! At nasasaktan ako sa mga sinabi niya! Nagdagsaan sa utak ko ang mga panahong kasama ko siya. Maging nang mawala siya at labis akong maapektuhan. Ang paghahanap ko sa kanya. Ang pangamba ko nang panahong 'yon. At ang naramdaman ko nang muli ko siyang makita. "Tang*na mo!" mahina ngunit madiin kong sambit kasabay nang muling pag-agos ng luha mula sa mga mata ko. Pakiramdam ko pinaglaruan niya ako. Ginago niya ako. Nasa punto na ako na... na nais ko nang ipakita sa kanya na mahalaga siya sa 'kin. Gusto kong iparamdam sa kanya ang pag-aalala ko nang mawala siya. Gusto kong maramdaman niyang hindi siya nag-iisa. Pero hinarang niya ako ng napakakapal at napakatibay na pader. Hindi niya ako binigyan ng pagkakataon. Nilaglag niya ako sa dilim. Binagsak. Nagtuloy-tuloy ang pagdaloy ng mga luha ko. Pinigilan kong makagawa ng ingay. Napapangisi ako. Gusto kong pagtawanan ang sarili ko sa pag-iyak ko. Nagpunas ako ng luha nang makarinig ako ng yapak na papalapit. Nagulat ako pag-lingon ko nang makilala ko ang dumating. >---------- ARJAY "MA?" Hindi ko inaasahan ang pagdating ni mama. Naupo siya sa tabi ko ay hinaplos ang likod ko. "Tumawag si Mengil, ang sabi pauwi ka. Kanina pa ako naghihintay sa bahay," sambit ni mama. "Tayo na po," sambit ko. Akmang tatayo ako ngunit pinigilan ako ni mama. "Maupo ka. Usap muna tayo 'nak," sambit niya. "Kamusta ka na?" "Ma?" nabigla ako sa tanong ni mama. Saglit namayani ang katahimikan. Kapwa kami nakatingin sa stage na nasa harapan namin na naiilawan ng ilaw mula sa poste sa labas. "Nang mamatay ang papa mo, inamin ko sa 'yo na sinisi kita. Hiningi ko ng tawad sa 'yo 'yon na nagalit ako sa 'yo. At nagsisi rin ako. Pa'no ako nagalit sa anak ko na nawalan ng ama? Na dumanas ng truma. Na nasaksihan ang trahedyang 'yon..." Hinarap ako ni mama. Nakatingin lang ako sa kanya. "Anak, naging open ako sa 'yo. Kasi mama mo ako. Gusto ko gano'n ka rin sa 'kin, 'nak. Pero never ka sa 'kin nagkuwento. Never natin pinag-usapan ang nararamdaman mo. Never ka naging open sa mga problema mo..." Dumaloy ang luha sa mga mata ni mama na agad niyang pinunas. Maging ako, muling dumaloy ang luha sa mga mata ko. "Anak, naghihintay lang ako. Gusto kong maging open ka rin sa 'kin, 'nak. Gusto kong kailangan mo ako. Gusto ko kapag hindi ka okay, alam ko. 'Nak, patawarin mo na ako." Tuluyan nang umiyak si mama. "Ma, hindi ako galit sa 'yo," nasambit ko. "Pero 'nak, iyon kasi ang nararamdaman ko. Kasi ayaw mo akong bahagian ng mga nangyayari sa 'yo. Nang magdesisyon kang pumunta ng Maynila, sabi mo gusto mo lang ma-experienced magtrabaho do'n. Pumayag ako kasi may tiwala ako sa 'yo. Pero 'nak, alam kung hindi lang 'yon ang dahilan. Gusto kong tanungin ka kada tumatawag ka. Pero kasi gusto ko ikaw ang magkusa. Gusto ko kasi 'nak maramdaman na kailangan mo ako na mama mo. Gusto kong magsumbong ka sa 'kin. Promise 'nak, hindi na kita sisisihin. Hindi na ako magagalit sa 'yo..." "Ma, okay lang ako," sambit ko. "Iyan ka na naman. Okay ka pero umiiyak ka rito? Okay ka pero sa kalagitnaan ng gabi, uuwi ka tapos hindi agad makatuloy sa bahay? Ano ba ang nangyayari sa 'yo, anak?" Nakikita ko sa mga mata ni mama ang kagustuhang damayan ako. Napalunok ako. Napayuko. Hinahanap sa utak ko ang tamang sagot. Ngunit wala. Wala dahil malabo. Luha. Pagluha ko ang tanging naging sagot ko. Niyakap ako ni mama nang mahigpit. "Nakahanda lang makinig si mama, 'nak. Alam ko malaki ka na. Nasa wastong pag-iisip na. Pero mama mo pa rin ako. Hindi natatapos ang pagiging ina ng isang nanay..." "Hindi ko na alam 'ma?" nasambit ko. Hindi ko na napigilang maiyak. "Hindi ko na alam ang nangyayari sa 'kin, 'ma? Hindi ko na alam...?" Pakiramdam ko bumalik ako sa pagkabata na umiiyak sa kanyang ina. Ngayon ko lang nagawa 'to. Mula nang mawala si papa, lagi na akong umiiyak mag-isa. Nagawa ko ito sa harap ni Tres. Umiyak na ako noon sa harap niya. At ngayon, siya ang dahilan ng pagluha ko. Magulo pa rin kung ano ba ang nararamdaman ko. Pero alam kung bago lang sa 'kin 'to. Kakaiba na hindi ko inakala. > TRES < NANG AKO'Y MAWALA. Napayuko sina Troy at mga kapatid niya na tila may pinangingilagan. Ang kanilang ama naman ay dismayado akong tiningnan at napapailing pa ito. At si Sharon, ang ina ng pamilya ay seryoso akong tinitigan, matalim ang kanyang mga mata na para bang sinasaksak na ako nang paulit-ulit. "Maupo ka," sambit ni Sharon. "Aalis na ako," tugon ko. "Maupo kaaaaa!!!" malakas na sigaw nito sa 'kin at biglang matamis na ngumiti. "Mas masarap ang dugo kapag nakalagay sa ginto." Napailing ako. Baliw. May saltik sa utak. Iyon ang mga salitang rumihestro sa isip ko. Hindi ko siya pinakinggan at ginamit ko ang aking bilis upang puntahan ang pinto para lumabas. Ngunit hindi ko na ito mabuksan. At nang hawiin ko ang kurtina, nakaharang na sa labas ng pinto ang mga staff na bambira. Pulang mga mata ang namayani sa likod ng salamin. Paglingon ko sa pamilya ni Troy upang iutos sa kanila na padaanin ako, biglang naging madilim ang lahat. At ang tanging tumambad na lamang sa akin ay si Sharon, ang mama ni Troy. Nakangiti siya. Madilim ang paligid ngunit malinaw ko siyang nakikita, ang mahaba niyang dark-blue na damit at maging ang pagkakatali ng kanyang buhok ay kitang-kita ko. Hindi dahil sa aking kakayahan, ngunit dahil sa babaeng iyon! "Anong ginagawa mo?" madiing tanong ko sa paghakbang ko palapit sa babaeng bampirang pinaglalaruan ako. Ginagamitan niya ako ng kapangyarihan niya. "Itigil mo 'to!" sigaw ko. Hindi ko na rin magalaw ang mga paa ko. "Ano ba ang sinasabi mo, Crisanto?" Nanlaki ang mga mata ko sa narinig kong pangalang tinawag niya sa 'kin. "Sino ka?!" sigaw ko. Humakbang siyang mas lumaki ang ngiti palapit sa 'kin. Ang babaeng ito, alam niya ang totoong pangalan ko. Ang pangalang binigay sa 'kin ng magulang ko nang isilang ako. "Sino kaaaaaaaa?!" muling sigaw ko. Bigla siyang dumami at pinalibutan ako. Hindi ko pa rin magalaw ang mga paa ko, tanging pagpihit ng katawan ko ang nagagawa ko. "Hindi 'to totoo!" Pinipilit kong labanan ang kapangyarihan niya ngunit 'di ko magawa. Inangat ko ang aking mga kamay at nag-concentrate ako. Inisip kong patalsikin lahat ang nakapalibot sa 'kin upang makawala ako sa kanyang kapangyarihan, ngunit walang naging epekto! Lumapit ang Sharon na nasa harap ko, hindi ko alam kung siya ang totoo. Matalim ko siyang tinitigan upang paangatin siya, ngunit hindi ko rin nagawa. Hindi gumagana sa kanya ang kakayahan ko. Tuluyan siyang nakalapit sa 'kin at sinakal ako. Unti-unting naghihiwalay ang mga paa ko sa sahig. "Ako ang may likha sa 'yo, hindi mo ako magagawang saktan," nakangising sambit niya. Hindi ako makapagsalita sa higpit ng pagkakasakal sa leeg ko at bumabaon na ang mga kuko niya. Sino siya? Sino kaaaaaaaaaa?! Sigaw ko sa utak ko. Nagbago ako ng anyo, nilabas ko ang pagiging bampira ko. Gamit ang buong lakas ko, nagawa kong mabaliktad ang kamay niyang nakasakal sa 'kin. Narinig ko ang pagkabali ng kanyang buto. Nakawala ako at mas pinahaba ko ang matatalim kong kuko. Ang nabali niyang kamay ay bumalik sa dati. Napagaling niya agad ang kanyang sarili. Ngayon alam ko na, kung bakit tila pinangingilagan siya maging ng sarili niyang pamilya. Masyadong malakas ang bampirang ito. Sabay-sabay nagbago ng anyo ang lahat ng nakapalibot sa 'kin. Naging pula na rin ang kanilang mga mata. Tinangka kong sumugod gamit ang bilis ko. Ngunit nahawakan ako ng iba at hindi ako makawala. Bumabaon sa katawan ko ang mga matatalim na kuko nila, sa aking mga kamay, braso, balikat, likod at leeg ko. Tanging pagsigaw na lamang ang nagawa ko. Walang silbi sa kanila ang lakas ko! At ang Sharon na nasa harapan ko ay paghalakhak ang naging tugon sa aking paghihirap.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD