Chapter 17: Mga Damdaming Hindi Magtagpo

1926 Words
Chapter 17: Mga Damdaming Hindi Magtagpo NILAPITAN KO SIYA at hinawakan ang kanang kamay niya. Hinila ko siya pabalik sa kusina at pinaupo sa breakfast nook. Walang imik na nagtimpla ako ng kape para sa kanya at nilapag ito sa harap niya. Naghanda rin ako ng pitsel na may tubig at baso. Diretso lang ang tingin niya at walang emosyon ang kanyang mukha. Ni 'di niya ako matingnan. Parang girlfriend mo na may regla ang loko! Tumikhim ako. "Gusto mo ng lugaw? May manok at nilagang itlog 'yon, luto ko. Gusto mo ba ng itlog?" Hindi pa rin nagbago ang hitsura niya. Nakapameywang na naglakad ako at tumayo sa tapat niya. Sa wakas, nagtama na ang aming mga mata. Ngumiti ako sa kanya, ngunit nanatiling walang emosyon ang mukha niya. Mas nilakihan ko ang ngiti ko. "Uy, 'di sumagot gusto ng itlog," biro ko. Natahimik ako... Tumalikod na lang ako, wala siya sa mood makipagbiruan. Binuksan ko ang kalan upang initin ang niluto kong lugaw kaninang madaling araw. Alas-tres pa lang ng umaga ay gising na ako para maghanda ng almusal. Naisip ko na baka maaga siyang magising at maghanap ng makakain. Naalala ko nang minsang mag-inuman kami, kinabukasan no'n, kumain siya ng lugaw na may manok na dala ni Mengil. Kaya iyon din ang niluto ko na hinaluan pa ng nilagang itlog para mas masarap. "Maupo ka lang," pautos na sabi ko habang nagsasandok ng lugaw sa mangkok. Hindi ako nakatingin sa kanya pero narinig ko ang paggalaw ng upuan. Nilapag ko sa harap niya ang lugaw. Kumuha na rin ako ng kutsara na gagamitin niya. "Gusto mo ng kalamansi?" tanong ko. Hindi siya sumagot at 'di pa rin kumikilos. "Busog ka ba? Uminom ka ba ng dugo kanina bago ka bumaba?" Hindi pa rin siya sumagot. "Gusto mo ng dugo ko?" Hinarap niya ako, ngunit hindi pa rin siya kumikibo. Humakbang ako palapit sa kanya. "Okay lang, Dark. Hindi naman siguro ako mamamatay kung sisipsip ka ng dugo ko, 'di ba?" Nakatitig lang siya sa 'kin. "Kaya ko naman siguro ang sakit?" Sumama ang tingin niya sa 'kin at malakas na hinampas niya ang kanyang dalawang kamay sa nook na nagpagalaw sa mga nakapatong dito. Tumayo siya at natumba pa ang upuan niya. Naglakad siya palayo na nakakuyom ang mga kamay. Naiwan akong tulala sa pagkabigla. May kaba sa dibdib ko. Nakaramdam ako ng takot sa kanya. Ngunit wala akong balak umatras. Akala niya aatrasan ko ang trip niya? Hindi lang siya ang bampirang nakaharap ko na! Sinundan ko siya. "Bastos ka, ah!" sigaw ko sa kanya. Natigilan siya nang paghakbang habang umaakyat ng hagdan. Nilingon niya ako na may galit sa mga mata. Nakipagtitigan ako sa kanya. Wala akong planong tumiklop sa bampirang 'to. Gusto kong ipakita niya sa 'kin ang ibang anyo niya. Gusto kong tanungin niya ako sa nalalaman ko. Gusto kong maging bukas siya sa 'kin sa pagkatao niya. Gusto ko muling marinig at makita ang dating siya. 'Yong Tres na walang pag-aalangang inamin sa 'kin na gusto niya ako. 'Yong Tres na sinasabi ang nasa loob niya. Oo at naramdaman ko sa kanya na isa siyang madilim na lugar at nahiwagaan ako sa kanya, ngunit naramdaman ko rin sa kanya no'n na gusto niyang maging bahagi ako ng mundo niya. Na handa siyang papasukin ako sa madilim niyang lugar. Napakuyom ako. May naramdaman akong guilt sa loob ko. Nang panahong 'yon, pakiramdamn ko naging sarado ako sa kanya. Hindi ko siya nais papasukin sa mundo ko. Ako rin ang madilim niyang lugar. At sabi niya, ako rin ang safe place niya. Dahil hindi ko siya hinusgahan at nahaharap niya ako nang may ngiti sa kabila ng pag-amin niya na gusto niya ako. Ano na ba talaga ang nararamdaman ko? Ano 'tong ginagawa ko? Ano ba ang gusto ko? Tumalikod siya at muling humakbang. "Na-miss kita," sambit ko. Huminto siya. "Na-miss kita, Dark. Sobra..." Muli siyang humakbang. Loko! Patulo na luha ko, iisnabin lang ako? Mabilis akong humakbang. Naabutan ko siya bago pa man niya mahawakan ang pinto ng kuwarto niya. Pinaharap ko siya sa 'kin at naisandal ko siya sa pinto. "Ano ba 'to?" napalakas na boses na tanong ko. "Ano bang gusto mo?" malamig na tanong niya sabay hawi sa mga kamay ko. "Ano ba 'tong ginagawa mo?" "Ano bang ginawa ko?" "Wow?!" Napaatras ako at huminga nang malalim kasabay ng pagpapakawala ng dismaya ko sa sitwasyon. "Dapat pinag-uusapan natin 'yong nangyari. Dapat kinikuwento mo sa 'min kung ano ang nangyari sa 'yo!" Hindi ko na napigilang mapalakas ng boses ko kasabay ng hindi ko mapigilang paglabas ng emosyon sa loob ko. "Dapat tinatanong mo sa 'min kung ano bang mga nalalaman namin. Dapat pinag-uusapan natin ang pagkawala mo! Kung ano ba ang nangyari sa 'yo? Kung sino ang may kagagawan no'n? Dark, mahigit dalawang taon kang nawala! May mga taong nag-aalala sa 'yo!" Diretso niya akong tiningnan. "May mga bagay kang hindi mo na dapat panghimasukan..." Natigilan ako. Linya ko sa kanya dati 'yon. Tumalikod siya. Ngunit muli ko siyang pinaharap sa 'kin. "Ni 'di ka man lang nagpasalamat sa 'kin." Hawak ko ang magkabilang braso niya. "Niligtas kita. Binuwis ko ang buhay ko para sa 'yo. Hinarap ko takot ko. Nakipaglaban ako sa bampira para sa 'yo! Wala lang ba sa 'yo 'yon?" Pumatak na ang luha sa mga mata ko. Ewan ko kung anong kalokohan 'to. Ngunit may pakiramdam sa loob ko nag-utos sa mga luha kong dumaloy. Umiwas siya ng tingin. Hindi niya ako matingnan nang diretso. "Hinanap kita. Naghintay akong bumalik ka. Naghintay ako nang dalawang taon. Dapat nagkukuwento ka. Dapat nagsusumbong ka. Dapat inaalam mo kung nag-alala ba kami sa 'yo at kung hinanap ka namin. Dapat open tayong nag-uusap. Dapat pinag-uusapan natin 'yon... Sobra akong nag-alala sa 'yo..." Bumitaw ako sa kanya. Napaatras ako at huminga nang malalim sabay punas sa luha ko sa mukha. At muli ko siyang tinitigan. Nabakas ko ang lungkot sa dating walang emosyon niyang mga mata. "Masaya akong bumalik ka. Gusto kong ipakita sa 'yon. Pero bakit tinutulak mo ako? Bakit parang lumalayo ka? Bakit parang wala akong karapatang malaman ang mga nangyari? Bakit parang wala tayong pinagsamahan? Ba't parang iba ako sa 'yo...?" "Mamaya, pagbalik ni Mengil, sasabihin ko ang lahat..." Iyon lang ang sinabi niya at tumalikod na siya. Hindi ko na nagawang pigilan pa siya sa pagpasok niya sa kuwarto niya. Naiwan akong nakatayo lang at napayuko na lamang. -------- Sumapit ang ala-una, alas-dos, hindi na siya lumabas ng kuwarto niya. Kinatok ko na siya. "Nakahanda na ang pagkain sa mesa. Alam kong magugustuhan mo 'yon. Papasok ako sa kuwarto ko, hindi ako lalabas hangga't nasa labas ka." Umalis ako sa tapat ng kuwarto niya. Hindi na ako naghintay ng sagot niya. Gano'n din ang nangyari nang hapunan. Hinanda ko ang pagkain niya tapos pasok ako sa kuwarto ko. Paglabas ko, huhugasan ko ang pinagkainan niya. Nang umuwi si pinsan, tsaka ko na lamang siya nakita. Nasa sala kaming tatlo. Naghihintay kami ni pinsan sa kuwento niya. "Nang araw na mawala ako, pumunta ako sa Twin Rock, upang alamin ang tungkol kay Troy. Isa siyang bampira tulad ko, at nais kong alamin ang tungkol sa pamilya niya at pinagmulan. At bukod do'n, may bagay siyang alam tungkol sa 'kin. Hindi sila basta bampira. May organisasyong kasapi ang kanilang pamilya. May mga ilegal silang gawain. Hindi ninyo na dapat pang malaman ang tungkol do'n. Bawat bampira ay may espesyal na kakayahan bukod sa mga nagagawa naming kakaiba. Wala kayong laban sa kanila..." "Nakahanda kami sa mangyayari. Magtiwala ka sa 'min, pre. Alam na namin ang tungkol sa pagiging bampira nila. Alam namin na nasa panganib na buhay namin," seryosong pahayag ni pinsan. "Bakit n'yo ginagawa 'to?" tanong ni Tres nang pukulin niya kami ng kanyang tingin. Gusto kong magsalita, ngunit napatingin na lang ako sa kawalan. Ang kanina ko pang nararamdaman ay 'di mawala. Na parang hindi ako kailangang narito. Na dapat wala akong pakialam. Ang hirap pala ng pakiramdam na parang tinutulak ka ng taong gusto mong pahalagahan. Masakit isiksik ang sarili mo sa taong pinaparamdam sa 'yo na 'di ka niya kailangan. "May personal akong rason," sambit ni pinsan. Naupo nang tuwid si Tres, nag-crossed arms siya at seryosong tiningnan si pinsan. "Makikinig ako. Gusto kong malaman ang dahilan mo," sambit niya. Napansin ko sa mukha ni pinsan ang lungkot kasabay ng galit. Napapatiim-bagang siyang napailing. "Galit ako sa uri mo," diretsong saab niya kay Tres. Napatingin sa 'kin si pinsan bago siya muling nagsalita. Wala akong idea sa nais niyang ipagtapat. Hindi ko alam ang galit na nasa loob niya patungkol sa mga bampira. "Ang akala ko, panaginip lang ang lahat nang 'yon. Ngunit nang makita ko ang sagupaan n'yo ni Troy sa tabing-dagat, nakumbinsi ko ang aking sarili na hindi panaginip ang pagpatay kay nanay. Pinatay siya ng halimaw." Mas sumeryoso ang mukha ni pinsan. "Ng tulad mo." "Kung gano'n, hindi ka takot sa akin? Sa kabila ng alam mo na pumapatay ang kauri ko ng tao?" Tila sinusubok ni Tres si pinsan. "Hindi. Dahil kilala ko kung sino ang pumatay kay nanay. Parehas tayo ng kaaway, Tres." Tiningnan lamang ni Tres si pinsan, hudyat na ipagpatuloy niya ang sasabihin niya. "Nasaksihan ko ang pagpatay kay nanay. Walong taon lang ako no'n. Kitang-kita ko kung paano binusalan si nanay ng babaeng bampira habang kagat ang leeg niya. Nakasilip ako sa bintana no'n, takot na takot at naihi pa sa short ko. Kinabukasan, natagpuang patay si nanay sa labas ng aming bahay. Walang dugong nagkalat. Walang bakas ng sugat. Walang bakas ng pag-atake ng halimaw..." Hindi ako makapaniwala sa naririnig ko kay pinsan. "Sinabi ko kay tatay ang nakita ko. Sa lahat. Pero hindi nila ako pinaniwalaan. Tingin nila panaginip ko lang 'yon at isang gawa-gawang kuwento." Napakuyom si pinsan. Nanginginig ang mga kamay niya sa galit at dumaloy na ang luha sa mga mata niya. "Lumaki ako na pinaniwalaang panaginip na lang ang lahat. Hanggang ang pangyayaring 'yon ay paulit-ulit ko na talagang napanaginipan. Nang makita ko kayo ni Troy, hindi ako makapaniwalang totoo ang tulad n'yo. At ang pagkamatay ni nanay, alam kong totoo na 'yon at hindi ko lang basta panaginip o kathang-isip." "Ang babaeng bampira, tama ba ang iniisip ko na ang ina ni Troy ang tinutukoy mo?" tanong ni Tres. "Hinding-hindi ko makakalimutan ang mukha niya. At ang pananamit niya. Sigurado akong siya 'yon." "Ngunit hindi ko masisiguro ang kaligtasan mo," sabi ni Tres kay pinsan. "Nakahanda ako," buong loob na sambit ni pinsan. Pinukol ako ng tingin ni Tres. Tingin na pakiramdam ko ay unang beses niya pa lang akong nakita. "Ikaw, ano ang dahilan mo?" diretsong tanong niya sa 'kin. Ikaw? Tinawag niya akong 'ikaw'? Natahimik ako. Pero ano ba talaga ang dahilan ko? "Wala kang dahilan? Trip mo lang? Bored ka sa buhay mo?" Bakit ba ganyan siya? "May dahilan ako," sambit ko. "Ang papa ko, sa tingin ko hindi aksidente ang pagkalunod niya. Pinatay siya ng isa rin bampira." "Sa tingin mo lang?" nakakalokong tanong niya sa 'kin. "Dahil hindi ko sigurado. Pero nang iligtas kita sa babaeng bampira sa ilalim ng dagat, may mga naaalala ako sa araw na iyon nang mamatay si papa. May nagpalubog ng bangkang sinasakyan namin at may humila sa 'kin. Iniligtas ako ni papa kaya siya ang napahamak." "Ngunit hindi ka pa rin sigurado sa sinasabi mo? Baka nga ginaya mo lang ang kuwento ni Mengil?" Mas naging nakakaloko ang mga tingin niya sa 'kin. "Pre, nagsasabi ng totoo si insan," pagtatanggol ni pinsan sa 'kin. "Hindi pa rin natin siya mapagkakatiwalaan. Maaring maipahamak niya lang tayo dahil wala siyang sapat na dahilan sa labang 'to." "Ano bang sinasabi mo?" inis na tanong ko. "Wala akong tiwala sa 'yo," sagot niya. "Pera lang naman ang dahilan mo, 'di ba?" "Ano?" 'di makapaniwalang tanong ko. "Tres, hindi gano'n si pinsan," sambit ni Mengil. Tumayo si Tres at naglakad siya palayo na hindi kami pinakinggan. Pagbalik niya, may dala siyang tatlong tali ng pera na tig-iisang libo. Sa papel nakasulat na sa bawat tali ay nagkakahalaga ng 100,000 pesos. Nilapag niya ang mga pera sa harap ko. "Kunin mo 'yan. Bayad para sa pananahimik mo. Siguro naman sapat na 'yan para itikom mo 'yang bibig mo para sa mga nalalaman mo," sambit ni Tres na ikinabingi ko. Matalim ko siyang tiningnan na nakakuyom ang mga palad ko. Parang gusto kong paulanan ng suntok ang mukha niya. "Pre, hindi magagawa ni Arjay 'yon. Hinanap ka namin. Nangako kaming handa kami sa lahat. Na parte na kami ng mundo n'yong mga bampira," paliwanag ni pinsan. "Pag-uusapan natin ang lahat," iyon lang ang naging tugon ni Tres kay pinsan. "Kapag nakaalis na siya sa bahay na 'to," sambit niya nang ibaling niya ang tingin niya sa 'kin. Tumalikod si Tres at naglakad paakyat ng hagdan diretso sa kuwarto niya. Hindi ako nakapagsalita. Nakatitig ako sa mga pera at parang gusto kong punitin isa-isa. "Insan, kakausapin ko siya," saad ni pinsan. "Gago 'yon, ah," napapangiting sambit ko ngunit may gigil. Dinampot ko ang mga pera at tumayo. "D'yan ka lang. Ako ang kakausap sa kanya." Naglakad ako dala ang mga pera paakyat ng hagdan. Nang makatapat ako sa pinto ng kuwarto ni Tres, malakas ko itong kinatok. "Buksan mo 'to!" sigaw ko. Paulit-ulit kong kinalampag ang pinto habang sumisigaw. Ngunit walang sagot akong narinig mula sa loob. "Loko ka! Kapag hindi mo 'to binuksan, sisirain ko 'tong pintong 'to!" galit na banta ko. "Tres!" Wala pa rin siyang tugon. Sinusubukan niya talaga ako! Tumalikod ako upang maghanap ng pangsira ng doorknob. Ngunit 'di pa man ako nakakalayo, narinig ko na ang pagbukas ng pinto. Patulak kong binuksan ang pinto at agad akong pumasok. Sabay pahampas na isinara ang pinto at ni-lock ito. Tumambad siya sa 'kin na nakatayo malapit sa kama niya. Naka-crossed arms siya at patingalang nakatitig sa 'kin. Ang yabang ng loko! Galit na binato ko sa harap niya ang pera. "Siraulo ka ba?!" sigaw ko. "Gusto mong malaman ang dahilan ko? Ikaw! Ikaw ang dahilan ko..." Nakatitig lang siya sa 'kin. "Hindi ba sapat 'yon? Hindi ba sapat na maging dahilan ka? At bakit hindi mo ako pinaniniwalaan sa mga naaalala ko? Bakit walang kuwenta sa 'yo ang mga sinasabi ko?" Nanatiling nakatitig lang siya sa 'kin. "At bakit ka ba nagkakaganito? Parang hindi ikaw ang Tres na kilala ko." "Kilala mo ba talaga ako?" tanong niya. "May mga pinagsamahan tayo," sambit ko. "Mga nakaraan na lang 'yon. Ano ba ang espesyal sa mga 'yon?" "Hindi ba sabi mo gusto mo ako?" Nang sambitin ko 'yon, para akong hibang. Parang nagmamakaawa. Bumilis ang t***k ng puso ko at nagtayuan ang mga balahibo ko. Tumawa siya. Humakbang siya palapit sa 'kin habang tumatawa. "Ano naman?" tanong niya. Halos isang dangkal lamang ang layo namin sa isa't isa. Natigilan ako. "Ha?" tanging nasabi ko. "Naniwala ka talaga na gusto kita?" Muli siyang tumawa. Pinagtatawanan niya ako. "Huwag mong sabihing nahulog ka do'n?" Tiningnan ko siya nang masama ngunit tumawa lang siya. Hinawakan niya ako sa magkabilang balikat na may nakakainsultong mga tingin. "Bakla ka na ba? Nababading ka na?" nakangising tanong niya. Gumapang ang kanyang mga malamig palad patungo sa aking leeg hanggang sa mukha ko. Napalunok ako at hindi nakakilos ngunit napakuyom na ang mga kamay ko. Gumuhit ang kanang hinlalaki niya sa labi ko. "Trip mo na ba ang makipaglaplapan sa kapwa mo lalaki? Sumusubo ka na?" nakangising tanong niya. Napatiim-bagang ako. "Put*ng ina mo!" gigil na sambit ko at tinulak ko siya nang malakas. "Mali ba? Ba't nagagalit ka?" insulto niya pa. Muli ko siyang tinulak sabay suntok sa panga niya. Natumba siya at napahiga sa kama habang tumatawa. "Put*ng ina mo, Tres!" madiing sambit ko. Tumawa lang ulit siya. Nakakainsultong tawa. Nakakapangliit. Nakakagago. Bahagya siyang bumangon at tiningnan ako. "Salamat nga pala sa pagligtas mo sa 'kin," nakangiting sambit niya. At sumenyas siya na umalis na ako. Tumalikod ako at lumabas ng pinto. Pumasok ako sa kuwarto ko at nagmadaling nagligpit ng mga gamit ko habang gigil na minumura siya sa isip ko. Gumagapang ang galit sa buong katawan ko. Agad akong lumabas ng kuwarto bitbit ang bag kung nasaan ang mga gamit ko. Pagbaba ko ng hagdan sumalubong sa 'kin si pinsan at pinigilan niya ako. "Uuwi na ako. Ikaw na bahala sa kanya. Mag-iingat ka insan," sambit ko. Tinalikuran ko si pinsan at dire-diretso akong naglakad palabas ng bahay at ng gate. Naglakad ako sa direksyon patungo sa baryo namin hanggang sa may dumaan na tricycle. Pinara ko 'yon at sumakay ako. Habang nasa byahe, kahit nasa dibdib ko pa rin ang galit, pero parang gusto kong bumaba at bumalik. Napayuko na lang ako sa pagdaloy ng luha ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD