Chapter 16: Ang Pagitan Sa Ating Dalawa

2550 Words
Chapter 16: Ang Pagitan Sa Ating Dalawa MAY MGA SANDALI sa buhay mo, na hindi ka nag-iisip. May mga bagay kang gagawin na hindi mo alam kung bakit mo ginagawa. Ngunit hindi ka na makakaatras pa. At dahil ayaw mo na din talagang humakbang pa pabalik. Dahil may mga taong bubulagin ka. Pagkabulag na hindi mo na makikita pa ang iba. Tanging siya lamang. Tanging siya, ang nais mong puntahan. Kahibangan. Kabaliwan. Kagaguhan. Kalokohan. Hindi mo man pinag-isipan. Hindi mo man inalam ang kahihinatnan. Ngunit buo ang loob mo, dahil para sa taong binulag ka ang gagawin mo. Siya ang madilim kong lugar na aking hahagkan. Papasukin ko, hindi ko man alam kung ano ang naghihintay na kapalaran. Lumuhod ako sa harap ni Tres. Iaalay ko sa kanya ang aking sarili. Luhaan kong hinawakan ang kanyang mukha. Gumapang sa buo kong katawan ang malamig na pakiramdam. Masuyo kong ginabayan siya palapit sa 'kin upang ibigay ang pahintulot na pagkagat niya sa aking leeg at inumin ang aking dugo upang siya ay iligtas. Naramdaman ko ang pagdampi ng kanyang napakalamig na labi sa aking leeg kasabay ng pagpikit ng aking mga mata at mahigpit ko siyang niyakap. Naaamoy ko ang dugo at lagkit nito na bumalot sa aming dalawa, dugong hindi tinanggap ng kanyang katawan. Nawa'y ang sariwa kong dugo ay tanggapin niya upang bumalik ang kanyang lakas. Nais kong muling makita ang kanyang ngiti at marinig ang kanyang tinig sa pagtawag niya sa 'kin. "T-Tubig..." Napadilat ako sa narinig kong mahinang usal ni Tres. Nararamdaman ko ang bigat ng kanyang katawan. Na tila wala siyang lakas para sa sarili niyang timbang. "Nauuhaw ako," muling mahinang sambit niya. Nagkatinginan kami ni Mengil. Mabilis na naglakad si pinsan palabas ng kuwarto upang kumuha ng tubig. Inangat ko si Tres sa pagkakasandal sa 'kin na puno ng katanungan. Muli ko siyang pinagmasdan. Luhaan ang kanyang mga mata at nandoon pa rin ang labis na pagod at paghihirap sa kanyang mukha. Hindi niya ako kinagat, hindi niya ininom ang aking dugo. "Bakit?" tanong ko. Luhaang nakatingin lang siya sa 'kin blangko ang ekpresyon ng mukha. Dumating si pinsan dala ang isang pitsel ng tubig at isang basong babasagin. Pinasandal ko si Tres sa katawan ko nang ilapag ni pinsan ang kanyang mga dala. Nabigla ako sa biglang pagkilos ni Tres, kinuha niya ang pitsel at agad tinungga ang laman nito. Halos maubos niya ang laman na ang iba'y tumapon na sa kanyang katawan dahil sa pagmamadaling makainom ng tubig. Uhaw na uhaw siya. Napaluha na lamang ako habang pinagmamasdan siya. Bakas na dumanas siya ng labis na hirap. Ang tubig ay tinanggap ng kanyang katawan at tila nakabawi siya ng lakas. At naibsan ang kanyang napakatinding uhaw. Nagawa niyang makatayo, umiwas siya sa pagtangka kong tulungan siya. Naglakad siya papunta sa banyo ng kuwarto niya at isinara ang pinto pagkapasok niya. Naiwan kaming hindi nakaimik ni pinsan. Napayuko na lamang ako at pinagmasdan ang duguan kong mga palad. "Ayos lang kaya siya?" tanong ni pinsan. Nang lingunin ko siya, bakas rin sa mukha niya ang pagkabigla na tila hindi rin makapaniwala sa mga nangyayaring ito tulad ko. "Insan, initin mo 'yong manok galing Happy Chicken. Lahat ng nasa ref. Lilinisin ko ang kalat dito," saad ko. Tumango si pinsan at lumabas na ng kuwarto. Hinubad ko ang aking duguang asul na damit pati na ang maong kong short, tanging grey na boxer ang natira kong saplot. Lumabas ako ng kuwarto at kumuha ng dalawang balde, isa may lamang tubig na may sabon at ang isa ay walang laman. Binitbit ko rin ang mop na magagamit ko sa paglilinis. Nilinis ko ang dugong nagkalat sa sahig pagkabalik ko ng kuwarto ni Tres. Bawat parteng natalsikan ng dugo ay pinunasan ko. Ginawa kong basahan na ang mga hinubad kong damit. Ginamit ko ang mop para sa huling bahagi ng paglilinis at matuyo ang sahig. Muli akong lumabas ng kuwarto, isinilid ko sa isang plastik ang aking mga damit matapos ko itong kusutin. Itinabi ko ito sa likod ng bahay kasama ang tumbler na pinanggalingan ng dugo. Tapos ay nilinis ko ang aking sarili. Tila lutang ako habang ginagawa ko ang mga bagay na 'yon, ni hindi ko kinibo si pinsan nang madaanan ko siya sa kusina. Bumalik ako sa kuwarto ni Tres na basa pa ang katawan. Naririnig ko pa rin ang pagbuhos ng shower sa loob ng banyo. Habang naglilinis ako kanina, iyon na ang tunog na naririnig ko. Nasa tapat ako ng pinto ng banyo, iniangat ko ang aking kamay upang hawakan ang doorknob. Mabilis ang kabog ng dibdib ko. Ano ba ang gagawin ko pagkapasok ko? Ngunit gusto ko lang masiguro kung okay siya. Hindi ito kalokohan. Nais ko lang malaman kung ligtas siya. Binuksan ko ang pinto, usok ang tumambad sa 'kin at mainit na pakiramdam. Sa likod ng salaming nabalot ng hamog, naaninag ko si Tres na nakayukong nakatayo sa tapat ng bumubuhos na tubig mula sa shower. Wala siyang saplot, ang suot niyang itim na pantalon kanina ay nasa sahig na balot pa rin ng dugo. Humakbang ako palapit sa kanya. "Dark?" Muli akong humakbang. "Dark?" Hindi mabuo sa utak ko kung ano ang dapat kong sabihin. Nakita ko ang pagkilos niya at hinarap niya ako. Napalunok ako at mas bumilis ang pintig ng puso ko. Ngunit muli pa rin akong humakbang upang mas malapitan na siya. Huminto ako. Salaming puno ng hamog na lamang ang pagitan naming dalawa. Humawak siya sa salamin, bumakat ang buong kanang palad niya rito. At ewan ko ba, tila kusang gumalaw ang kanang kamay ko at umangat ito upang hawakan rin ang salamin kung saan nakalapat ang palad niya. Naramdaman ko ang lamig na nagpabilis ng t***k ng puso ko. Malabo ko mang naaaninag ang kanyang mukha, alam kong nakatitig kami sa isa't isa. "Mula ngayon..." Narinig kong sambit niya. "Layuan na natin ang isa't isa..." . . . . Para akong nabingi sa narinig ko kahit pa napakahina lang ng boses niya. Binawi niya ang kanyang kamay sa salamin. Unti-unting luminaw ang imahe niya sa likod ng salamin, kasabay ng paglabo ng lahat sa isipan ko. Walang emosyon ang kanyang mga mata. Napalunok na lamang ako. Napako ako sa pagkakatayo ko at nanatiling nakahawak lang sa salamin. Tinalikuran niya ako, humarap siya sa shower at mas nilakasan ang pagbuhos nito. Parang sinasabi niya sa 'kin na kahit ano pa ang sabihin ko ay ayaw niyang marinig. Binawi ko ang aking kamay. "K-Kung may kailangan ka, tawagin mo lang kami," sambit ko. Naglakad ako palabas ng banyo. Bago ako lumabas ng pinto, nilingon ko siya. Muling nakatayong nakayuko lamang siya na tinatanggap ang bawat pagbuhos ng tubig sa kanyang katawan. Sumikip ang dibdib ko. Bakit pakiramdam ko ay lumalayo siya at nagkakaroon ng pader sa pagitan naming dalawa? Parang hindi siya ang Tres na nakilala ko noon... Nasasaktan ako. --------- AGAD AKONG BUMABA ng hagdan pagkatapos kong maligo at makapagbihis nang marinig ko ang boses ni pinsan sa baba na may kinakausap. Alam kong si Tres iyon. Mabilis na kumakain si Tres, kitang gutom na gutom siya. Nasa dining area silang dalawa ni Mengil. "Pre, tubig," presenta ni pinsan na nakatayo sa gilid niya. Tahimik akong lumapit sa kanila. Tinanguan ako ni pinsan nang mapansin niya ako. Lumagok ng tubig si Tres, nakaubos siya ng tatlong baso ng tubig at biglang tumayo. "Tapos na ako," saad niya. Humakbang siya papuntang kusina at kumuha ng kutsilyo sa drawer. Naglakad siya sa harap ko na hindi ako nilingon. Hindi niya ako tiningnan mula pagdating ko habang kumakain siya. Tuloy-tuloy siyang naglakad paakyat ng hagdan papasok sa kanyang kuwarto. Nakatingala lang ako hanggang sa narinig ko ang mahinang pagsara ng pinto sa taas. Napaupo na lang ako habang nililigpit ni pinsan ang pinagkainan ni Tres. "May sinabi ba siya sa 'yo?" tanong ko kay pinsan nang makaupo na siya. Umiling si pinsan. "Pagbaba niya rito, ang sabi niya lang nagugutom siya kaya pinaghanda ko siya. Sobrang kakaiba niya. Parang hindi siya ang Tres noon. Pero siguro dahil sa troma kung ano man ang sinapit niya?" Napayuko na lang ako at sinapo ang aking ulo ng aking mga kamay na nakatukod sa mesa. "Ano ba ang nangyari kanina? Pa'no mo siya natagpuan?" usisa ni pinsan. Hinarap ko si pinsan sa tanong niya. Oo nga pala, ang tungkol sa nangyari kanina. May nilalang na dapat naming katakutan. Sinubukan kong alalahanin ang lahat, ang bawat detalye maging ang pakiramdam. "Sigurado akong bampira ang babaeng 'yon," saad ni pinsang nang makuwento ko sa kanya ang lahat. Ngunit hindi ko na sa kanya nabahagi ang pumasok na alaala sa 'kin nang araw na malunod si papa. Na tila may kinalaman rin ang babae sa pagkamatay ni papa. Pero malabo rin sa utak ko ang lahat. Malabo na kailangan ng kasagutan. Hindi lang ba basta nalunod si papa? "At hindi titigil ang bampirang iyon. Nasa panganib si Tres..." Natigilan kami. Nakaramdam ako ng takot at alam kong gano'n din si pinsan. "Kailangan nating mag-ingat." "Hindi na lang mundo ngayon ng mga tao ang ginagalawan natin. Pinasok na natin nang tuluyan ang mundo nila, ng mga bampira." "Nakahanda ako," saad ni pinsan. "Wala nang atrasan 'to," tugon ko. "Kailangan nating alamin kung sino talaga ang kalaban." "Ang pamilya ni Troy, may kutob akong sila talaga 'yon." Napalunok ako. Rumehistro sa utak ko ang imahe ng babaeng bampira sa ilalim ng dagat. "Sino siya?" nasambit ko. "Sinong tinutukoy mo?" "Ang babaeng bampira. Posible kayang -" "Ang mama ni Troy?" sabay naming nabanggit ni pinsan, at kapwa kami napaisip nang malalim. "Si Tres lang ang makakasagot ng lahat ng 'to," saad ko. "Kakausapin natin siya. Sasabihin natin sa kanya ang lahat ng nalalaman natin. Sabihin natin sa kanya na kakampi niya tayo. Sasamahan natin siya sa laban niya." Tumango ako sa mga sinabi ni pinsan. Gustong-gusto ko nang kausapin si Tres upang malaman na ang nangyari sa kanya. Pero ewan ko ba, naduduwag ako. Pa'no kung kahit handa akong samahan siya sa laban niya ay nais niya pa rin akong layuan siya? Pero seryoso ba siya do'n? Sa kabila ng takot at mga iniisip ko, napangiti ako. "Bakit?" tanong ni pinsan. "Hindi ko akalaing magagawa ko 'yon kanina. Nakipagsagupaan ako sa isang bampira sa ilalim ng dagat," nakangiting pahayag ko. "Insan, sa ilalim ng dagat," may pagmamalaking sabi ko. "Naharap mo ang takot mo." Tumango ako sa sinambit ni pinsan. Ang napakahabang panahong kinatakutan ko, naharap ko dahil kay Tres. Oo, biglaan ang paghatak sa 'kin kaya na punta ako sa ilalim ng dagat, ngunit hindi ako nag-panic. At ang dapat na mas katukutan ko ang dagat dahil sa nangyari kanina, ay kabaliktaran ngayon. At tila mas nais kong ilubog ang sarili ko sa dagat upang malinaw na maalala ang lahat, ang araw ng kamatayan ni papa. May tumawag sa cellphone ni pinsan at agad niya itong sinagot. "Opo, 'tay. Pabalik na po ako. Sige po, bye po." Tumayo siya. "Kailangan kong umuwi. Kukunin ko rin ang ibang gamit ko," paalam niya sa 'kin. "Kapag nagtanong sila, sabihin mo na lang, may lalaki akong niligtas na nalulunod. Hindi naman siguro nila nakilala si Tres?" "Wala silang dapat malaman upang maging ligtas sila." Sang-ayon kami ni pinsan sa idea na 'yon. "Pakuha na rin ako ng mga gamit. 'Yong cellphone ko naiwan ko rin sa bahay. Bahala ka nang dumiskarte do'n. Tatawagan ko na lang si mama pagbalik mo." Tumango si pinsan at naglakad na siya palabas ng bahay. Nakasunod ako sa kanya para maisara ang gate at pinto pagkaalis niya. May iniabot sa 'kin si pinsan bago siya sumampa sa tricycle. "Sa 'yo 'to." Ang jacket na pula ang inabot niya, kinuha ko ito. Naiwan ang jacket sa tricycle nang buhatin namin si Tres papasok sa bahay kanina. Naalala ko nang ibigay sa 'kin ni mama ang jacket, mahigpit kong yakap si Tres no'n at labis na nag-aalala. At ang regalo nilang jacket sa 'kin ay inabot niya upang ipasuot ko kay Tres. Nang makaalis si pinsan, agad kong isinara ang gate at pinto ng bahay. Napakatahimik sa loob. Hindi ganito ang na-imagine ko sa muling pagkikita namin ni Tres sa pagbabalik niya. Iniisip ko na makikita ko ang kakulitan niya. At muli niya akong tatawaging Dark. Na sasabihin niyang na-miss niya ako. Na muli niyang harapang sasabihin sa 'kin na gusto niya ako. Tapos bibiruin ko siya at guguluhin ang buhok niya. At mag-iinuman kami, at sisigaw sa tabing-dagat. Tahimik akong umakyat ng hagdan hawak ang jacket na pula. Huminto ako sa tapat ng pinto ng kuwarto ni Tres. Humarap ako rito. Huminga ako nang malalim. Gusto ko siyang makita. Ngunit nagdadalawang isip ako kung kakatok ba ako o papasok na lang sa kuwarto ko. Isinandal ko ang noo ko sa pinto at nag-isip. Gago ka kasi Dark! Bakit kailangan mong sabihin sa 'kin 'yon! Pakiramdam ko tinutulak niya ako. Na simpleng kakilala ko na lang siya. Kakilalang dumaan lang sa buhay ko. Na nakasabay ko lang siya sa biyahe. At nang huminto ang sasakyan, tapos na. Wala na. Kailangan na naming bumaba at maghiwalay ng landas. Hindi ako gumawa ng ingay, tumalikod ako at sumandal sa pinto. At dahan-dahang naupo sa sahig. Naupo lang ako do'n hanggang sa makabalik si pinsan. -------- KINABUKASAN, NAGPASYA akong um-absent muna sa trabaho. Buong gabi akong nag-isip, ni hindi ko alam kung nakatulog ba ako. "Ikaw na bahala insan, sabihin mo na lang masama ang pakiramdam ko," bilin ko kay pinsan pagkasampa niya ng motor para pumasok sa trabaho. "Oo, ako na ang bahala. Ako na rin bahala sa puwesto mo. Kaya ko 'yon," sagot niya. "Gandahan mo palusot baka masisante ako, ilang araw pa lang, absent na." Tumango si pinsan. "Ako pa ba?" Lumapit siya sa 'kin. "Wag mong hayaan mawala siya sa paningin mo. Lagi mo lang dapat hawak 'yong pocket knife mo. At tawagan mo ako agad kung sakaling may mangyari." Nang makaalis si pinsan, siniguro kong ma-lock ang gate. Pinuntahan ko na rin ang mga pinto ng bahay na mga posibleng entry point. Kahit pa kagabi nasiguro na naming nakasara ang mga 'yon. Ala-onse na, hindi pa rin nagigising si Tres. Naghanda ako ng tanghalian namin. Habang hinihiwa ko ang karne ng manok para sa tinola, nakita ko ang pagdating niya. "Good morning!" nakangiting bati ko sa kanya kahit magtatanghali na. "Nandito ka pa?" malamig na tanong niya. "Oo?" sarkastikong sagot ko at ngumiti muli ako sa kanya. Diretso niya lang akong tiningnan na walang emosyon. Naghugas ako ng kamay, kumuha ako ng tubig at inabot ko sa kanya. Tahimik lang siya at hindi kumilos. Lumuwag ang pakiramdam ko. Kahit paano, nawala sa mukha niya ang matinding pagod. Pansin ang pamamayat ng katawan niya sa kanyang mukha. Maputla rin ang kulay niya na tila matagal na hindi nasikatan ng araw. Nakalugay ang mahaba niyang buhok na lumagpas na sa kanyang balikat. Pero kahit gano'n, bakas pa rin ang gandang lalaki niya. "Gusto mong ipagtimpla kita ng kape?" Hindi siya sumagot. "Naalala mo, pinagtimpla kita ng kape no'n, naubos mo." Nakatayo lang siya. Umiwas siya ng tingin sa 'kin at naglakad palayo. "Hoy! Loko ka 'di mo ba ako narinig?!" sigaw ko sa kanya. Nilingon niya ako at tiningnan nang masama. At tiningnan ko rin siya nang masama. Nakipagtitigan ako sa kanya. Iniisip ko kung magbabago siya ng anyo at magiging pula ang mga mata, ngunit hindi. Kapag nag-enarte ang isa, tapangan mo at ipilit mo ang gusto mo sa kanya. Lalo na alam mong iyon ang makakabuti sa inyong dalawa. . . Teka? . . . Ano ba kaming dalawa? -------- = KAGABI, nang huminto si Arjay sa tapat ng pinto ni Tres, ay naramdaman iyon ng binata. Humakbang si Tres palapit. Nang isandal ni Arjay ang kanyang noo sa pinto, iyon din ang eksaktong ginawa ni Tres. Nang mapaupo siya sa sahig, ang binatang nais niyang makita at makausap ay naupo rin na nakasandal sa kahoy na pinto. Ang pintong pagitan nilang dalawa ay saksi sa mga damdaming pinipigilan at nasasaktan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD