Chapter 20: Troy

1510 Words
Chapter 20: Troy NGUMISI AKO SA narinig kong sinabi ni Troy. "Ngayon sigurado na ako, na mula pa noon, sa nakaraang mahigit tatlong daang taon, kilala mo na ako," sambit ko. "Nakakatawa lang, na hindi kita maalala na nakilala ko? Pero ikaw, sa tingin ko, naging malakaing bahagi ako ng buhay mo?" Sinadya kong tumawa. Napansin ko ang pagkuyom ng mga palad niya, tanda na nagalit ko siya. Pero iyon talaga ang balak ko. "Isa ka ba sa namatayaan ng alagang hayop na nabiktima ko noon? At narito ka upang gantihan ako?" sarkastikong dagdag ko pa at mas lumaki ang ngiti ko. Huminga nang malalim si Troy at sumilay ang mala-demonyong ngiti sa mukha niya. Hindi pa rin nawawala ang ngiti sa labi ko at nakipagtitigan pa ako sa kanya. Humakbang siya. Halos dalawang dipa na lamang ang layo naming dalawa sa isa't isa. "Ako ang may hawak ng sibat na tumama kay Joana. Sibat ko ang tumusok sa katawan niya na ikinamatay niya. Na para dapat sa sa iyo na isang salot. Ako ang dahilan kung bakit hanggang ngayon nabubuhay ka." Pumantig ang tainga ko sa narinig ko. Nawala ang ngiti sa mukha ko at gumapang ang galit sa buo kong katawan. Kuwenilyohan ko siya. Gusto ko siyang iangat ngunit hindi ko kaya. Pinagtawanan niya lamang ako. Ako na ngayon ang naging katawa-tawa para sa kanya. Mahigpit niyang hinawakan ang dalawang kamay kong nakakapit sa kanya at madali niya itong napilipit kahit pa puwersado rin akong pumalag. Napaimpit na lamang ako sa sakit at walang nagawa. Kumilos siya nang mabilis at itinulak niya ako bigla. Malakas akong bumagsak sa sahig. Dumilim ang paningin ko at napaubo ako. Mabuti at hindi tumama ang ulo ko sa metal na kanto ng kama ngunit napauntog pa rin ako sa sahig kaya nakaramdam ako ng hilo. Inapakan niya ako sa dibdib nang babangon sana ako. Madiin ang pagkakaapak niya sa akin, ramdam ko ang bigat ng kanyang paa. "Tawa pa!" nakangising sigaw niya. Hindi na ako pumalag dahil wala naman akong magagawa. Tuluyan na lamang akong humiga sa sahig at tumawa. Tumawang may luha sa mga mata. Nang mawala sa akin si Joana, hindi lamang ang kanyang muling pagkabuhay ang aking hinintay at pinaghandaan, kundi maging ang mahanap at makaharap ang taong pumatay sa kanya. Upang pagbayarin ito sa ginawa nito. Sa pagpatay nito sa babaeng pinakamamahal ko. Sa sakit na idinulot nito sa akin. At sa pagbago nito sa takbo ng buhay ko. Nahanap ko si Joana. Muling nagtagpo kaming dalawa, ngunit isa na siyang lalaki ngayon. Hindi man nawala ang nararamdaman ko sa kanya. Hindi man nagbago kung gaano ko siya kamahal, ngunit hindi ko alam kung muling magiging akin siya. Ngayon kaharap ko na rin ang taong dapat kong singilin sa kasalanan niya. Ang pumatay kay Joana. Hindi ko inakalang makikita ko pa siya. Dahil ang alam ko, isa siyang tao at matagal nang namatay. At hindi ko inisip na tulad ni Joana ay muli siyang mabubuhay at maghaharap kaming dalawa. Hinanap ko siya noon ngunit hindi ko alam ang hitsura niya kaya nabigo ako. Bumabalik ang galit sa dibdib ko. Ang balak ko noon, kapag nakita ko ang taong dahilan ng pagkawala ni Joana, sisipsipin ko ang kanyang dugo hanggang sa siya'y matuyo. Pero ngayon, pa'no ko 'yon magagawa? Tumawa ako. Tumawa nang tumawa. Lahat nang inisip ko at lahat nang hinangad ko, ay nauwi sa kabiguan. Hindi umaayon sa akin ang kapalaran. Mapait ang tadhana. Hindi ko makuha ang gusto ko. Ang mga ipinagdarasal ko ay malabong makamit ko. Nasa madilim na lugar ako at patuloy pa rin akong inilulubog sa kadiliman. At wala akong magawa. Mula rito sa kinasasadlakan ko, hindi ko na alam kung ano pa ang mangyayari sa buhay ko. Tumawa ako. Tumawa nang tumawa na may luha sa mga mata. Inalis ni Troy ang pagkakaapak niya sa dibdib ko. "Baliw ka na!" singhal niya sabay sipa sa tagiliran ko. Nasaktan ako. Ngunit ngumiti lang ako. "Pa'no ka naging bampira?" tanong ko. NAPAATRAS ANG binatang si Temyong at nabalot siya ng takot. Ang sibat na pinakawalan niya na para sana sa itinuturing nilang salot ng bayan na kanilang tinutugis kasama ng kanyang mga kababaryo ay tumama sa dalagang kanyang iniibig, si Joana, nang iharang nito ang sarili upang iligtas ang binatang kilala nila sa pangalang Tres, ang kinikilala nilang salot na halimaw. Nakita niya ang pagbagsak ni Joana sa lupa. At nang maging kulay pula ang mga mata ni Tres nang kagatin nito ang leeg ng dalaga at tuluyang malagutan nang hininga. Tumakbo nang napakabilis si Temyong. Kahit pa nasa gitna siya nang madilim na kagubatan upang takasan ang halimaw at ang nagawa niyang kasalanan. Takot na takot siya ni hindi na alam ang direksyong kanyang tinatakbuhan. Kahit makailang ulit siyang natapilok, nadulas at nadapa, ay nagpatuloy lamang siya sa pagtakbo nang mabilis. Narating ni Temyong ang ibaba ng bundok. Hindi na pamilyar sa kanya ang lugar. Sa tulong ng liwanag ng buwan, nakita niya ang isang bahay. Biglang nagliwanag ang loob nito na nagmumula sa apoy ng gasera at bigla rin nagbukas ang pinto. Ngunit wala siyang nakitang tao sa loob. Nakaramdam si Temyong ng lamig, kakaiba iyon at hindi lamang dahil sa ihip ng hangin. At natigilan siya't hindi nakakilos nang may marinig siyang tinig ng isang babae. "Tumuloy ka muna sa aming tahanan. Upang makapagpahinga ka sa mahaba mong pagtakbo..." Mula sa likod niya nagmula ang tinig. Narinig niya ang mga yapak ng mga paa, hindi lamang iisa ang nasa likuran niya. Dinaanan siya ng mga nagmamay-ari ng mga yapak, isang babae, dalawang lalaki at isang batang babae. Pumasok ang mga ito sa bahay. Sa hindi mapaliwanag na pangyayari, kusang gumalaw ang mga paa ni Temyong at humakbang. Sinundan niya ang mga taong pumasok sa bahay. Biglang nagsara ang pinto pagkapasok niya ng bahay. Napakabilis ng t***k ng puso niya dahil sa kaba. Nakaharap sa kanya ang mga misteryosong tao na sa palagay niya ay ang pamilyang nakatira sa bahay sa gitna ng kagubatan. Maputi ang mga balat nito na hindi tulad niya at ng kanyang mga kababaryo na sunog sa araw ang balat. Nakangiti sa kanya ang mga ito na lalo niyang ikinapangamba. Lalo pa't hindi niya maigalaw ang kanyang katawan. At ang batang babae puno ng dugo ang mukha. At maging ang binatang lalaki ay may mga talsik ng dugo sa suot nitong damit. "Hector, tulungan mong maghugas ang kapatid mo at magbihis na rin kayo," utos ng babae. Tumayo ang binata at ang batang babae at naglakad patungong kusina. "Huwag kang matakot, hijo," nakangiting saad ng lalaki. "Maupo ka," alok ng babae. Napalunok na lamang si Temyong at tsaka niya lamang napagtanto na kontrolado niya na ang kanyang sarili. Bagama't balot ng takot, sinunod niya ang babae. "Huwag kang matakot, hindi ka namin sasaktan," nakangiting sabi ng babae. "May gantimpala pa akong ibibigay sa iyo dahil nagalak ako sa iyong ginawa." "Anong gantimpala?" natanong ni Temyong. Lumaki ang ngiti ng babae. Tumayo ito at humakbang. "Halika," anito. Iniliyad nito ang mga kamay. Tila nahipnotismo si Temyong, tumayo siya at lumapit sa babae na mas bumilis ang kabog sa dibdib. Hinawakan siya ng babae sa mukha, naramdaman niya ang napakalamig nitong palad. At nanlaki na lamang ang mga mata niya nang magbago ang kulay ng mga mata nito, naging pula tulad ng nakita niya sa binatang si Tres. Nais niyang tumakbo. Nasa isip niya ang tumakas. Ngunit hindi ni Temyong magawa. Tanging ang patuloy na pagbilis ng kabog ng kanyang dibdib sa takot ang nagagawa ng kanyang katawan. Hinimas ng babae ang kanyang leeg. Naging sunod-sunuran siya sa nais nitong gawin. "Buhay na walang kamatayan ang handog ko sa iyo," sambit nito. Lumabas ang pangil ng babae sa pagbuka ng bibig nito. Sobrang takot ang naramdaman ni Temyong. Nanginginig ang kanyang katawan. Nais niyang tumakbo't sumigaw ngunit nanatili lamang siyang nakatayo. Hindi siya kinokontrol ng babae, sadyang hindi niya lang magawa. Inilapit ng babae ang bibig nito sa kanyang leeg. Naramdaman niya ang sobrang lamig mula sa nakabukang bibig nito at nang bumaon ang apat nitong pangil. Hindi siya nakasigaw kahit pa ramdam niya ang hapdi. Nanlaki lamang ang kanyang mga mata at naramdaman ang matinding lamig na gumagapang sa kanyang katawan mula sa kanyang mga ugat na nagmula sa sugat dulot ng pagkagat ng babae. At ang kanyang mga mata ay naging kulay pula katulad ng nakita niyang mga mata ng binatang si Tres at ng babaeng nasa harapan niya na sakmal siya. At bago siya mawalan ng malay, nagpakita rin ang kanyang pangil. -------- NAGISING SI TEMYONG na batid na niya sa kanyang sarili na may kakaiba at hindi na siya pangkaraniwan. Ilang araw rin siyang walang malay at ang una niyang hinanap ay tubig upang mapawi ang matindi niyang uhaw. Ngunit iniluwa niya ang tubig, dahil hindi tinanggap ng kanyang katawan. Napaatras si Temyong nang makita ang pamilyang pamilyar sa kanya. At ang babaeng kumagat sa kanyang leeg ay may iniabot sa kanyang gintong tiyales na may lamang dugo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD