CHAPTER 21: Panganib Sa Isla

1916 Words
CHAPTER 21: Panganib Sa Isla  == > SA KASALUKUYAN MULA SA SILID na kinasasadlakan ko bilang isang bilanggo, narinig ko ang ingay at ungol ng mga bampirang bihag rin katulad ko. Naging kakaiba ang mga ungol nila na parang ungol ng mabangis na hayop na mga halimaw na nais makawala. Batid kong may kakaibang nangyayari sa labas. At bigla na lang may malakas na kalabog sa metal na pinto ng kuwarto kung nasaan ako. May malakas na puwersang tumutulak rito. Napaatras ako, may bakat na nabubuo sanhi ng malakas na puwersang tumutulak sa pinto. Wala akong kakaibang kakayahan ngayon, pangkaraniwang tao na lamang ang lakas ko. Hindi ko maipagtatanggol ang sarili ko sa kung ano mang nilalang na nais pumasok sa silid. Pero naghanda pa rin ako upang lumaban. Hindi ako papayag na dito matatapos ang aking buhay! Ngunit aaminin kong may kabog sa dibdib ko. Natumba ang pinto paloob. Dumagundong sa loob ng silid ang malakas na pagbagsak nito at nakagawa pa ng pagbitak sa sementadong sahig. Hindi ako makapaniwala sa tumambad sa akin na may gawa ng pagkasira ng mabigat at makapal na pinto. “Ano ito?” gulat na nasambit ko. Isang bampirang lalaking malaki ang katawan at may apat na mga kamay? Napaatras ako at naghanap ng bagay na maari kong magamit pangdepensa. Tila wala sa kanyang sarili ang bampira. Pulang-pula ang kanyang mga mata at halos pumutok na ang mga ugat na naglalabasan sa buo nitong maputlang katawan. At ang mga pangil nito ay mas mahaba sa pangkaraniwan. Sumugod ito sa akin! Gutom na gutom na gusto akong lapain! Napakabilis ng kilos nito. Hindi ako nabigyan ng pagkakataon upang makalayo. Halos gahibla na lamang ng buhok ay nakadikit na sa akin ang matatalim nitong mga kuko ngunit bigla itong huminto. Hindi. Tumigil ito sa pagkilos, maging ako ay hindi makagalaw. Kilala ko ang bampirang may kakayahang ganito. At hindi ako nagkamali. Si Troy, bigla siyang sumugod at inatake ang halimaw na bampira sa anyo niyang bampira rin. Mabilis ang pagkilos niya at sunod-sunod na pinatamaan ng malakas na suntok ang ‘di makakilos na bampirang may apat na mga braso. Sa bawat dapo ng kamao ni Troy sa dibdib at tiyan ng bampira at napapasuka ito ng dugo kaya nagkalat ang pulang likido sa sahig. Nawalan ng malay ang bampira at unti-unting lumiit ang katawan nito. Tila natuyo naman ang mga ekstra nitong mga kamay, unti-unting lumiit hanggang sa naglaho. Kasabay rin no’n, nagawa ko nang makakilos. “Anong nangyayari? Ano siya?” tanong ko kay Troy. Sa labas ay naririnig ko na may mga naglalaban. “Patay na ba siya? Isa rin ba siyang bihag tulad ko?” Pinanlisikan ako ng mga pulang mata ni Troy. Sinakal niya ako nang nakasandal sa pader. “Tumakas ka na,” saad niya. “Ano?” “Lisanin mo na ang lugar na ito kung ayaw mong matulad ka sa bampirang ‘yan.” “Anong ginawa ninyo sa kanila?” Diniinan ni Troy ang pagkakasakal niya sa akin. “Huwag ka nang maraming tanong!” “Bakit mo ako pinapatakas?” “Binibigyan kita ng pabor, sa isang kondisyon. Layuan mo si Arjay.” “Nagbalik na ba siya?” “Lalayuan mo siya, palalayain kita,” madiing saad ni Troy. “Hindi ako papayag!” sigaw ko. Sumama ang tingin niya sa akin dahil sa sinabi ko. Mabilis siyang kumilos buhat ako hawak sa leeg. Tumakbo siya palabas ng silid, at biglang nasa tabing-dagat na kami sa may mga batuhan, parte ng resort kung saan wala nang nagagawing bisita dahil medyo masukal na ang lugar. Parang kisap-mata lang ang nangyari, parang may nag-flash lang na liwanag sa harap ko at biglang narito na kami. Sa palagay ko ginamitan niya rin ng kakayahan niya ang lahat na madaanan namin kaya walang nakapigil sa paglabas namin at gamit na rin ang kanyang kakaibang bilis bilang isang bampira. Wala na ang anyong bampira ni Troy at binitawan na niya ako. “Kung ayaw mong mapahamak siya, ipaubaya mo na siya sa akin.” “May nararamdaman ka pa rin sa kanya?” sambit ko. “Kalokohan. Sa tingin mo may nararamdaman pa rin ako sa kanya? Hindi lang ako papayag na maging masaya ang mga dahilan kung bakit ako naging ganito! Kayo! Kayo ang dahilan!” Itinulak niya ako at bumangga ako sa matatalim na bato. Napaluhod ako at pakiramdam ko ay may mga nabaling buto sa katawan ko. “Pero bakit gusto mo siyang protektahan?” tanong ko habang pinipilit kong tumayo. “Dahil nais kong masiguro na tumanda siya nang mag-isa hanggang sa mamatay! Dahil hinding-hindi ko siya mapapatawad kahit pa sa mga susunod niyang buhay! Nauna ko siyang makilala at minahal noon, pero itinaya niya ang buhay niya para sa ‘yo na isang halimaw! At ngayon, nauna ko siyang muling matagpuan, ngunit nand’yan ka na naman at naging malapit kayong dalawa. Hindi ako papayag na makita kayong magkasama!” Humakbang ako palapit kay Troy. “Makasarili ka! Hindi mo siya kayang mahalin ngayon dahil lalaki siya. Pero hindi mo rin siya nais maging masaya kasama ng iba. Kaya ba pati girlfriend niya inagaw mo sa kanya?” “Kailangan ko pa bang sagutin ‘yan?” nakangising tanong niya. “Mahal ko siya. Mahal ko siya ngayon bilang si Arjay. Hindi ko siya lalayuan. Ilalaban ko siya!” Tinawanan ako ni Troy. Tawang may pangmamaliit at nakakainsulto. “Kabaklaan mo!” Hinawakan niya ako sa damit at inangat na ikinapunit ng suot ko. “Ang pag-ibig ay pag-ibig! Mahal ko siya!” “Ako lang ang makakapagligtas sa kanya!” Binitawan niya ako kasabay nang pagkasira ng damit ko na nahulog sa buhangin. “Anong ba ang ibig mong sabihin? Ano ba talaga ang nangyayari, Troy?” madiing tanong ko. Hindi niya ako madiretso. May nangyayaring ayaw niyang sabihin sa ‘kin. “Wala ka bang nararamdamang kakaiba sa katawan mo?” “Ano bang sinasabi mo?” “May mga eksperimentong ginawa sa mga bihag na bampira. Ang ilan sa kanila ay matagumpay na nagkaroon ng mutation at nagkaroon ng kakaibang lakas at kakayahan. Ang ilan ay namatay nang mawala ang kanilang pagiging bampira. At may ilan na nag-mutate na nawala sa sarili tulad ng umatake sa ‘yo kanina. Ikaw naman ay hindi nag-mutate ngunit hindi ka rin namatay. Posibleng bumalik ang pagiging bampira mo kung patuloy kang iinom ng dugo tao. Nasa iyo ang desisyon, kung nais mong maging normal na tao na lamang o maging bampira ulit.” “Posibleng normal na tao na talaga ako?” “Hindi ka dapat matuwa. Nasa panganib ang buhay ng mga tao sa isla. Sinadyang pakawalan ang mga nawala sa sariling bampira na mistulan nang halimaw upang magdulot ng kaguluhan. Ang mga mutant na bampira ay patibong upang lisanin ng mga tao ang isla.” “Napakasama n’yo! Nais ninyong angkinin ang isla, tama ba?” “Ang mga bampira sa iba’t ibang parte ng Pilipinas at maging ang ilan na naninirahan sa ibang bansa ay nais gawing tirahan ng mga bampira ang islang ito ng Catanduanes. Wala akong magagawa sa nais nila.” Nakita ko sa mga mata ni Troy na labag siya sa idea na ‘yon. “Nais mong labanan ko ang mga mutant na bampira?” “Magdesisyon ka na. Ibabalik kita bilang bihag, o lilisanin mo na ang lugar na ‘to?” “Hayaan mong makasama ko siya,” sambit ko. Sinakal niya ako at inangat. “Huwag kang makasarili. Ako lamang ang makakasiguro ng kaligtaan niya at buo niyang pamilya. Oo, nais kong labanan mo ang mga bampirang halimaw dahil alam kong wala kang laban sa kanila.” Binigyan ako ng ngisi at pangmamaliit na titig ni Troy sa huling sinambit niya. Ako na ngayon ang tinatawag niyang makasarili dahil hindi ko kayang layuan si Arjay. Mahinang natawa ako. Bakit ganito? Nasa sitwasyon na naman ako na maari ko nang hawakan ang kanyang kamay, ngunit wala pa man, kailangan ko nang bumitaw. “May paparating. Mamili ka na,” seryosong sabi ni Troy. “Lalayuan ko siya,” sambit ko. Hinawakan niya ako at binuhat, at malakas na hinagis sa maalong dagat. Malayo ang tinapunan ko. Hindi na ako nag-aksaya pa ng oras at lumangoy ako palayo sa resort. Lumangoy ako nang lumangoy hanggang sa makilala ko na ang pampang at umahon. At siya ang una kong nakita. “Dark?” mahinang nasambit ko kasabay nang mabilis na pagpintig ng aking puso. Tumayo ako paulit-ulit ko siyang tinatawag sa isipan ko. Mahal na mahal ko ang lalaking nasa harapan ko. Tila napawi ang matindi kong pagod nang mapagmasdan ko siya at muling marinig ang tinig niya. Hindi ko na napigilan ang pagdaloy ng luha ko. Kailangan ko na siyang layuan, kahit pa ang yakapin siya ang nais ko. ---------- == > SA KASALUKUYAN < == “IYON NA NANG makita ka ni insan sa dagat?” “Oo,” sagot ko kay Mengil. “At mabuti na lamang ay nasa tabing-dagat na ako nang maabutan ako ni Sharon. Hindi ko alam na nakasunod siya sa akin.” Biglang may narinig kaming kaguluhan sa labas at may mga wang-wang ng ambulansiya at sasakyan ng mga pulis. Tumakbo kami ni Mengil palabas ng bahay, naabutan naming may lalaking nakahandusay sa gilid ng kalsada, na sa tingin ko ay wala nang buhay. Duguan ang lalaki at maraming sugat sa katawan. May mga umiiyak at may nagkukuwento sa pulis ng kanyang nasaksihan. “Madilim sir, hindi ko sir gaanong nakita. Nasa malayo rin kasi ako sir. Pero may umatake sa kanya, parang aso na malaki. Pero tumayo? Takot na takot ako kaya tumakbo na rin ako at nagtago,” salaysay ng lalaking saksi sa mga pulis. “Ito na ba ‘yon?” may takot na sambit ni Mengil. Habang pinagmamasdan ang bangkay ng lalaking isinasakay na sa stretcher. “Umaatake na sila,” sambit ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD