Chapter 13: Bampira

2764 Words
Chapter 13: Bampira NAKARAMDAM AKO ng antok sa pagkakahiga ko sa kama, nakasayad ang mga paa ko sa sahig dahil paupo lang akong humiga. Naramdaman ko na lamang na may tumabi sa 'kin sa paggalaw ng kinahihigaan kong malambot na kutson. Napadilat ako, at nang babangon na sana ako, narinig ko ang tinig ng lalaki na nagpatigil sa 'kin sa pagkilos. "Manatili kang nakahiga," madiing sambit nito. Pautos ngunit hindi ko maramdaman na may galit. At kilala ko ang boses. "Dapat ay hindi ka na bumalik pa. Maayos naman ang buhay mo sa Maynila, kaya bakit kailangan mo pang bumalik?" Sa puntong 'yon ay may naramdaman akong galit sa lalaki. "Bakit kung magsalita ka, parang alam mo ang lagay ko sa Maynila?" tanong ko sa kanya. "Umalis ka na sa isla. Lisanin mo ang lugar na ito at huwag ka nang babalik pa!" "Sino ka para diktahan ako?" "Tulad ka pa rin ng dati! Matigas ang ulo mo at hindi nakikinig!" Akmang babangon na ako dahil hindi ko na nagugustuhan ang sinasabi niya. Para siyang baliw na nagsasalita ng walang kuwenta. Pero pinigilan niya ako, diniinan niya ang dibdib ko at napakalakas niya kaya wala akong magawa. "Bitawan mo ako!" napasigaw na ako at nakaramdam na ng galit. "Nanganganib ang buhay mo! Narito ako para bantaan ka! Para iligtas ka! At 'wag na 'wag na kayong babalik sa resort!" Tama ako, may kinalaman nga doon. May kinalaman sa pagkawala ni Tres. "Tapatin mo ako, Troy. May kinalaman ba kayo sa pagkawala ni Tres?" "Bakit siya pa rin ang iniisip mo? Buhay mo na ngayon ang nalalagay sa alanganin!" sigaw niya. "Pinagbabantaan mo ba ako?" "Gaya, ng sabi ko narito ako para iligtas ka." "Sino? Sino ang mga nagtatangka sa buhay ko?" Pinilit ko muling bumangon, may puwersa na akong ginagamit pero hindi ko pa rin maalis ang kamay niyang nakapatong sa 'kin. Kakaiba ang lakas niya. "Uulitin ko, lisanin mo na ang isla," madiing sambit niya. "May kinalaman ba kayo sa pagkawala ni Tres?" Diniinan niya ang dibdib ko at nakaramdam ako ng sakit. "Nasaan siyaaaa!" sigaw ko. Naramdaman ko na lamang na may humawak sa leeg ko. Napakabilis ng pangyayari at biglang nakatayo na kami ni Troy habang sakal niya ang leeg ko. At unti-unti niya akong inaangat mula sa sahig. "Katulad ka pa rin talaga ng dati. Ang Tres na 'yon pa rin ang laging nasa isip mo! Kahit pa ikapahamak mo, Joana!" muling sigaw niya na tila may kasamang panunumbat. Hindi ko magawang makapagsalita sa higpit ng pagkakasakal niya sa 'kin. Nararamdaman ko ang matinding galit niya. At nanlaki na lamang ang mga mata ko nang naging kulay pula ang kanyang mga mata at naramdaman ko ang sobrang lamig ng kamay niya. At walang silbi ang pagpalag ko sa kanya, para lang akong humahampas at sumisipa sa pader. Nakaramdam na ako ng matinding takot. Hinagis niya ako sa kama. Babangon pa lang ako, bigla na siyang nawala. Ang malakas na paghampas ng pinto nang magsara ito na lamang ang nakita ko. Napaubo ako at ramdam ko pa rin ang sakit ng leeg ko. Tumayo ako para sundan si Troy. Ngunit walang bakas niya sa bahay akong nakita, nakaalis na siya. Nanginginig akong napaupo sa sofa nang marating ko ang baba ng bahay at agad kong tinawagan si pinsan para sabihin sa kanya ang nangyari. Agad akong pinuntahan ni pinsan Mengil. Tinawagan ko siya para ikuwento ang mga nangyari pero ngayon hindi ko alam kung paano ako magsisimula. Dahil hindi ko mapaniwalaan ang mga 'yon. Lalo na ang pagbago ng mga mata ni Troy at kakaibang lakas niya. Nararamdaman ko pa rin ang takot at matinding kaba. "Insan?" ani pinsan sabay ng pagtapik sa 'kin. Naabutan niya ako sa sala na nakaupo lang. "Ha?" "Nakatulala ka," sambit niya. "Ano ba ang nangyari? Anong ginawa ni Troy?" Napalunok ako at huminga nang malalim. Hindi ko talaga ma-process sa utak ko ang mga nangyari. Gusto ko mang sabihing kalokohan, pero hindi. Nasaksihan ko mismo 'yon. Kitang-kita ko at hindi 'yon imahenasyon lang, actual kong naranasan 'yon. Tumayo ako at muling huminga nang malalim. "Pinuntahan ako ni Troy rito. Hindi ko alam kung pa'no niya nalamang nandito ako. At 'di ko man lang naramdaman ang pagdating niya. Nasa kuwarto ako kanina, bigla na lang siyang nando'n. At bigla na lang din siyang nawala matapos niya akong pagbantaan." "Pinagbantaan?" "Insan, gusto niyang umalis ako ng isla. Nanganganib daw ako at 'wag na tayong bumalik ng resort. Palagay ko, may kinalaman nga sila sa pagkawala ni Tres. Tama ang hinala mo insan. Dahil iyon lang ang nakikita kong dahilan para pagbantaan nila ako. Wala naman akong atraso sa kanila. Hindi naman siguro 'to tungkol kay Selena, dahil matagal na akong walang pakialam sa kanila." Natigilan ako. Maniniwala ba si pinsan kapag sinabi ko sa kanya ang tungkol kay Troy, 'yong kakaibang pangyayari kanina? What on Earth naman kasi 'yon? Parang lahat iisipin na kalokohan lang 'yon, eh. "Ano pa ang sinabi niya? Wala ba siyang ginawa sa 'yo?" Napatingin ako kay pinsan. 'Yong mga sinabi ni Troy na parang matagal na niya akong kilala, na ewan kung ano bang pinagsasabi niya at tinawag niya pa ako sa pangalan ng babae. Kalokohan talaga! "Joana." "Joana?" pagtataka ni pinsan sa sinabi ko. "Tinawag niya akong Joana, na parang gago lang. Parang ibang tao ako na kinakausap niya?" "Anong ibig mong sabihin?" "Katulad ka pa rin talaga ng dati. Ang Tres na 'yon pa rin ang laging nasa isip mo! Kahit pa ikapahamak mo, Joana!" Naupo ako. "Iyon ang eksaktong sinabi niya. Ang weird, 'di ba?" Hindi rin alam ni pinsan ang magiging reaksyon niya sa narinig niya. "At talagang weird siya. May kakaiba sa kanya. Parang hindi siya tao?" "Ha?" "Insan, sinaktan niya ako. Sinakal niya ako." Napuna ko ang gulat na reaksyon ni pinsan. "At napakalakas niya at napakabilis. Nagawa niya akong mabuhat nang 'di ko namamalayan? At -" "At?" Muli akong tumayo. "Insan, 'di ko alam kung maniniwala ka. Pero kitang-kita ko na nagbago ang kulay ng mga mata niya. Habang sakal niya ako, naging kulay pula ang mga mata niya. Alam mo 'yon, parang mga bampira sa pelikula?" Napatayo si pinsan. Nando'n ang shock sa mukha niya, pero parang hindi rin gaanong ikinagulat? "Hindi natin 'to puwedeng sabihin sa iba," sambit niya. Pinagmasdan ko siya, may kakaiba sa kanya. "Insan, tapatin mo nga ako. Ano ba talaga ang nalalaman mo? May kutob akong alam mo na ang tungkol kay Troy. 'Yon ba ang sekretong sinasabi mo? At alam din ba ni Tres ang tungkol do'n? Iyon ba ang dahilan kung bakit posibleng may kinalaman si Troy sa pagkawala niya?" Napayuko lang si pinsan. Pilit niyang ayaw sabihin sa 'kin ang nalalaman niya. "Insaaaan!" sigaw ko. Napatitig siya sa 'kin. "Sa tingin ko, gano'n na nga." Napakunot ang noo ko. "Anong gano'n na nga?" Napahinga nang malalim si pinsan. "Hindi ko rin kasi alam, Jay. 'Di ko sigurado." Naupo siya at naupo rin ako. "Insan, aksidente ko silang nakita, si Tres at Troy, naglalaban sila." Nagsimulang magkuwento si pinsan at nagpasya akong makinig lang sa kanya. "Gabi 'yon nang mag-inuman tayo sa kubo do'n sa tabing-dagat. Nauna ako sa inyong dalawa ni Tres, kayo na lang dalawa ang natira sa kubo. Dahil parang hindi pa ako makatulog, binalikan ko kayo. Pero bago pa man ako makalapit sa kubo, may kakaibang ingay na akong narinig. At 'yon ay sina Tres at Troy, habang naglalaban sila. Kitang-kita ng mga mata ko ang mga kulay pula nilang mga mata, at ang kakaibang bilis nila't lakas. Pilit kang inililigtas ni Tres kay Troy na gusto kang saktan. Tulog ka no'n at walang malay sa nangyayari." Natapos ang kuwento ni pinsan na sobrang ikinagulat ko. Habang tulog ako, gusto akong saktan ni Troy at ipinagtatanggol ako ni Tres? "Seryoso 'yan?" napapailing na tanong ko. Tumango si pinsan. "Pero hindi ko alam kung bampira ba sila o anong nilalang? Kaya ako lumipat dito noon para malaman ang totoo. Para itanong mismo kay Tres ang tungkol do'n." Natigilan na lamang ako. Parang kalokohan kasi talaga. Pero ako mismo, nasaksihan ko ang kalokohang 'yon. "Ibig sabihin, hindi rin normal na tao si Tres?" tanong ko. Kasabay no'n, inaalala ko ang mga sandaling kasama ko si Tres, wala akong napansin na kakaiba sa kanya. Bukod sa sobrang lakas ng loob niya na harapang aminin sa 'kin ang nararamdaman niya. Tumango si pinsan sa tanong ko. "Bakit hindi ka natakot sa kanya kahit alam mo 'yon?" "Dahil alam kong hindi masama si Tres. Ramdam ko 'yon. Nakita ko sa mukha niya habang inililigtas ka niya kay Troy noong gabing iyon na ayaw niyang talagang masaktan ka ng iba. May pagpapahalaga siya sa tao, sa 'yo." "Pero kanina, si Troy, kaya niya akong patayin. Pero bakit 'di niya ginawa at sabi niya pa, inililigtas niya ako? Sinasabi niyang nanganganib ang buhay ko. Pinagbabantaan niya ako kanino?" "Ang gulo nga, eh. No'ng nasa resort tayo, parang gano'n ata ang gusto niyang sabihin nang paalisin niya tayo?" Sinang-ayunan ko ang sinabi ni pinsan. "Sa pamilya niya? Nang araw na 'yon, posible kayang sa resort talaga pumunta si Tres gaya ng hinala mo? At do'n, hindi na siya nakalabas pa?" "Nang mawala siya 'yan na talaga ang pinaniwalaan ko. Malamang may masamang gawain ang pamilya nila. O nakikita nilang banta sa kanila si Tres kaya inunahan na nila. Basta, alam kong sila ang may kagagawan nang pagkawala ni Tres." May ipinakita sa 'kin si pinsan sa cellphone niya, mga research niya about sa mga bampira. Nando'n ang history of vampire, maging mga nasusulat sa mga libro at katangian nila sa mga pelikula. "Pero insan, fiction lang ang mga 'to, eh?" sambit ko. "Oo nga. Pero coincidence lang ba na binabanggit d'yan ang pulang mga mata, mabilis kumilos, malakas, at malamig ang katawan? Hindi kaya ang mga nagsulat niyan ay may kaugnayan sa mga bampira, o sila mismo ay bampira? Insan, si Tres at Troy, hindi mo aakalaing iba sila. Puwedeng inilabas ang mga kuwentong nand'yan para isiping kathang-isip lang talaga na kuwentong gawa-gawa lang ang tungkol sa mga bampira. Para kung sakaling may aksidenteng makakita sa kanila, iisipin na costume lang? O may nagtitrip lang. Dahil nang makita ko sina Tres at Troy, naisip ko na baka lasing lang ako. At nang makombinsi ko ang sarili ko na totoo nga ang nakikita ko, kung hindi ko sila personal na kilala, iisipin ko na nagtitrip lang sila. Na baka may camera at prank lang lahat." "Pero bampira ba talaga siya? Si Tres, gano'n ba talaga siya?" May kaba sa dibdib ko. Matatanggap ko ba na bampira si Tres? Gugustuhin ko pa bang bumalik siya? "Sa ngayon, isang bampira ang nakikita kong katangian nila. At kailangan siguro isekreto lang natin 'to. Dahil baka may mas masamang mangyari pa. At mukhang walang maniniwala sa 'tin kung isisiwalat natin 'to sa iba." Tinapik ako ni pinsan. "Anong iniisip mo?" "Wala. Hindi lang ako makapaniwala," sagot ko. "Ano na ang plano mo ngayon? Aalis ka ba?" Sa tanong ni pinsan, muling natahimik na naman ako. Aalis ba ako? Saglit akong parang nablangko at nabingi. At muling bumalik sa alaala ko ang mga sandaling kasama ko si Tres, ang una naming pagtatagpo at ang gabing tinawag naming Dark ang isa't isa. Isa nga siyang misteryo na madilim na hindi ko alam kung ano ang nasa loob niya. Bakit niya ako gusto? . . . . "Hindi," tugon ko kay pinsan. "Hindi ako aalis." ---------- KINABUKASAN, NAGPAALAM ako kay mama, na pansamantala, sa buhay muna ni Tres ako titira kasama si pinsan. Pati si insan, nagpaalam na rin kina Tito Andoy at Tito Ramon. Hindi ako tatakas. Haharapin ko 'to. Ngunit nagpasya kami ni pinsan na lumayo sa pamilya namin para hindi na sila madamay pa. Dahil kung aalis ako ng isla, hindi rin ako mapapanatag. At sa nalaman ko tungkol kay Tres, at kay Troy, hindi rin matatahimik ang isipan ko kung tatakasan ko 'to. Hindi ko alam kung ano ba talaga 'tong pinasok namin ni insan, 'di pa rin mag-sink in sa utak ko talaga sa totoo lang. Hindi ko isinasantabi ang posibilidad na mapahamak ako, na nalalagay ang buhay ko sa alanganin, pero... ang posibilidad na maari ko pa siyang muling makita ang nangingibabaw sa isip ko. Naniniwala akong buhay siya at nasa malapit lang. At ayaw kong balewalain na lang na alam ko ang maaring sangkot sa pagkawala niya tapos tatakasan ko na lamang at walang gagawin. Habang buhay kong dadalhin 'yon sa dibdib ko. Ayaw kong muling maramdaman 'yon, ang sa ngayong nararamdaman ko pa rin... ang pagkawala ni papa. "Sa Linggo, siguraduhin mong uuwi kayo," bilin ni mama. "Opo, ma," sagot ko bago sumampa ng motor ni pinsan. Sa Linggo ang ika labindalawang taong kamatayan ni papa. Ang araw na naging napakasakit sa 'kin. Ang araw na labis kung pinagsisisihan. Nang araw na 'yon, labindalawang taon na ang nakalilipas, bagama't high tide, mapayapa pa rin ang dagat. Makulimlim ang panahon at hindi mainit. Kinulit ko si papa na magbangka kami. Walang malaking alon, pero lumubog ang bangka. Nagkaroon ng butas na unti-unting lumalaki. Kapwa kami ni papa marunong lumangoy, pero hindi siya nakaligtas. Malabo sa alaala ko ang mga nangyari, hindi ko halos matandaan kung ano ang eksaktong naganap. Ang naalala ko na lamang, lumulubog kami ni papa sa dagat at may mga mangingisdang sumaklolo sa amin. Nawalan ako ng malay, at paggising ko, patay na si papa. Mula noon, naging gago na ang tingin ko sa dagat. At nagkaroon din ako ng takot dito, hindi na ako muli pang naligo sa dagat kahit pa malapit ito sa bahay namin. Sarili ko ang sinisisi ko sa nangyari. At naramdaman ko rin iyon kay mama. Kapapanganak lamang niya noon kay Jane, kaya alam kong sobrang napakasakit sa kanya no'n, ang wala nang makakatuwang pa sa pagpapalaki ng mga anak. Hanggang sa magbinata ako, dala-dala ko ang pakiramdam na 'yon. Kahit pa sinabi na sa 'kin ni mama na hindi ko kasalanan at humihingi siya ng tawad sa ipinakita niya sa 'kin noon, hindi pa rin lubusang nawala sa pakiramdam ko ang pagsisisi at panghihinayang. At ayaw ko nang muling maramdaman 'yon - ang manghinayang sa mga bagay na ginawa ko o hindi ginawa at pagsisihan ang magiging bunga no'n. Alam kong hindi pagtakas sa sitwasyong ito ang solusyon, kaya haharapin ko 'to. Gusto kong masagot ang lahat ng katanungan ko. Mga katanungang hindi ko mabahagi kahit kanino. Na sa tingin ko, si Tres lamang ang makakasagot. Ang dark spot sa utak ko, alam kong siya ang makakapagpaliwanag no'n. -------- PAGKATAPOS NAMIN mananghalian ni pinsan kasama sina Tito Andoy at Tito Ramon sa canteen malapit sa puwesto nila sa palengke, sinamahan ako ni pinsan sa restaurant na bagong bukas lamang. Suki na raw nila ang kainan na nagpapa-deliver sa kanila ng manok. Kapag nababanggit ang manok, siya agad ang naaalala ko. "Sigurado ka ba talaga na tanggap na ako agad dito?" tanong ko kay pinsan. Nasa tapat na kami ng restaurant na dalawang buwan pa lamang nagbubukas. Akala ko simpleng kainan lang, pero parang pangsosyalan. "Oo, close ko na sina ma'am d'yan. Nirekomenda na kita, sabi ko pinsan kita at may experience na sa pagiging waiter," kompiyansang sagot ni pinsan. "Iwan na kita balik na ako sa palengke. Sabihin mo, ikaw pinsan ko." Hindi na naghintay ng sasabihin ko ang loko-loko, pinaharurot na ang motor niya. Ewan ko ba ba't ako biglang kinabahan, eh sanay naman ako sa pag-apply ng trabaho. Sa Maynila nga mag-isa lang ako at walang rekomendasiyon, dito pa kaya sa probinsiya namin? Sabi ni pinsan, mga taga-Albay ang may ari ng restaurant, 'Happy Chicken' ang pangalan nito. Sa pangalan pa lang alam mong manok na ang pinaka-star ng kainan. Mga magkakaibigan ang limang dalagang may ari ng restaurant, mga young businesswoman na dito piniling magnegosyo sa isla dahil may mga kamag-anak din naman sila rito. Dalawang palapag ang gusali at ang second floor ang kanilang tahanan. Chineck ko ang dala kong papel kung kompleto, resúme at iba pang requirements, at ang certificate ko galing sa last kong trabaho sa Maynila. Humakbang ako papasok at binuksan ang pinto. Pagpasok ko, may mga dalagang tila nakaabang na sa pagdating ko. --------- = SA TWIN ROCK Beach Resort, nakatayo si Sharon sa tabing-dagat. Tinatamaan ng maliliit na alon ang kanyang mga paa. Kulay pulang dress ang suot niya na nililipad-lipad ng hangin. Agaw pansin siya, kaya naman napapatingin sa kanya ang mga bisita ng resort. Papalapit sa kanya ang kanyang asawang si Rolando na nakapulang polo. "Ano ba ang bumabagabag sa iyo, mahal ko?" tanong nito sa kanya nang makalapit ito at hawakan ang kanyang kamay. "Taong 2008, nandito rin tayo noon sa islang ito. 12 years na mula noon, nang huling maranasan ko ang mang-hunting ng tao sa dagat. Nami-miss ko lang 'yon, ang magmistulang halimaw ng dagat na biglang aatake sa kanyang biktima," nakangiting tugon niya. "Hindi ko makalimutan ang amoy ng batang lalaki, at nararamdaman ko hanggang sa ngayon ang labis niyang takot." Napapikit si Sharon at lumanghap ng hangin. "Nasasabik ako sa kanyang dugo." =
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD