Chapter 14: Pagsisimula

3506 Words
Chapter 14: Pagsisimula LIMANG DALAGA ang bumungad sa 'kin pagpasok ko ng restaurant. Open ang nakalagay sa labas ng pinto ngunit walang ibang customer, ako at ang limang malulusog na dalaga lang ang nasa loob. Naglakad ang isa at dumaan sa harap ko papunta sa pinto, binaliktad niya ang sign board para maging 'closed' ang makikita sa labas. Napalunok ako at iniisip kung lumabas na muli sa pinto ngunit narinig kong ni-lock ng babae ang salaming slide door. "Maupo ka," utos sa 'kin ng tisay na chubby. Muling napalunok ako at sinunod ito. "W-Wala - s-sirado po ba kayo?" Tumikhim ako. "Ako po si Arjay, naghahanap daw po kayo ng waiter. Pinsan ko si Mengil, kilala niya daw po siya?" pakilala ko. Pinagmasdan ko sila isa-isa at halos kasing edad ko lang ata silang lima. Napagmasdan ko rin ang paligid, Pilipino restaurant ang theme nito na mga kawayan ang pangunahing bumubuo ng paligid pero air-con at saradong mga salamin ang bintana at pinto. At hanep ang mga ilaw nila na sunod pa rin sa tema ng lugar. Nasa trenta lang ata ang table at karamihan ay apatan ang upuan, may dalawa lang na waluhan na nasa magkabilang dulo. At narito kami nakaupo sa isa sa waluhang mesa. Hindi, ako lang pala ang nakaupo at silang lima ay nakatayo lang na nakatingin sa 'kin. Nakakaramdam na ako ng pagkailang at mas matindi pa sa unang job interview ko ang nararamdaman kong kaba. Nakakaloko naman kasi 'to! "Ang bango mo," sambit ng morena at suminghot pa sa hangin. Tumikhim ang tisay na nagpaupo sa 'kin kanina. "Ako si Tina," pakilala nito. "And this is Chezca," turo niya sa katabi niya na pinakamalusog sa kanilang lima. "Kami ang in-charge sa kitchen." "Hi, I'm Michelle," pakilala ng isa, siya pala ang pinakamalusog. "Ako ang cashier, in-charge sa accounting at lahat ng details in expenses." "Ako si Fatima," pakilala ng morena na medyo sobra. "Rider. Delivery girl." Kaya pala. "Hi, Arjay! My name is Hannah, kahit baliktarin mo, 'Hannah' pa rin," Todo ang smile niya, siya ang nag-locked ng pinto. "Beautiful service crew here. Ako ang makakasama mo sa pag-serve sa mga guest, if tanggapin ka namin?" Nakangiti siya pero parang may pananakot. "Hi, Ako po si Arjay Aguilar. Sana matanggap ako," saad ko. Tumayo pa ako. Tinawanan nila ako. "Masyado kang pormal," saad ni Tina. "Ba't 'di mo gayahin pinsan mo na makapal mukha?" Napangiti ako. "Sige po," sambit ko. "Please, pa erase ng 'po'. Piling ko magmamano ka sa 'min, eh. Magkakaedad lang tayo," sabi ni Chezca. Naupo sila at naupo na rin ako. "Hindi ba sinabi sa 'yo ni Mengil na closed kami ngayon?" Umiling ako sa tanong ni Michelle. "May inventory kasi kami ngayon, and meeting na rin para pag-usapan ang takbo nitong restaurant since nagbukas kami." "Sorry po, walang nasabi si insan," sagot ko na medyo nahiya na. Kaya pala para rin silang nagulat pagdating ko. "Ops, 'yong po," pasita sa 'kin ni Fatima. "Sorry," sambit ko. "Sorry din," ani Hannah. "Nakalimutan ko, kaya nabuksan ko ang entrance at binaliktad ang sign. Nasanay lang." "At bakit mo naman din pala ni-locked ngayon, nakita mong may tao?" tanong ni Tina. "Sorry, nasanay lang ulit. Alerto lang, iwas masang loob," sagot ni Hannah. "Well, Arjay, you're hired," pahayag ni Michelle. "Talaga po?" Lumuwag dibdib ko. "Talaga?" inulit ko na agad na walang po. "Maraming salamat!" "Balik ka bukas for orientation. Before 11 am dapat nandito ka na. Ngayon kasi, wala pa kami halos tulog, magdamag kaming may inayos rito at magsisimula na kami ng meeting," saad ni Tina. "And by the way, 10 hours a day tayo, from 11:30 am to 10:30 pm and every Sunday off. Okay ba 'yon sa 'yo?" "Okay - " magpo-po na naman sana ako. "Sanay ako sa gano'n," dugtong ko. "Tomorrow na lang namin discuss ang ibang details. Si Hannah na bahala sa 'yo," sambit ni Michelle. "Don't worry, hindi ako naninipsip ng dugo," nakangiting sabi ni Hannah. "Ha?" Alam kong nagbibiro ito, pero dahil may nalalaman ako tungkol sa mga bampira kaya medyo natigilan ako. Tinawanan ako ni Hannah. "Tara na," sabi nito pagkatayo para samahan ako palabas ng pinto. "Thank you," sabi ko sa kanila pagtayo ko. Makikipagkamay sana ako, nakahanda na ang kamay ko pero hinila na ako ni Hannah. "Naku, walang mga jowa 'yan kaya 'wag ka masyadong malapit sa kanila," pabirong sabi nito at sinamahan na ako palabas ng pinto. As in diretso labas tapos locked ng pinto, hinawi pa ang kurtinang puti para 'di makita ang loob. Napakamot na lang ako at naglakad. Ni 'di nila tiningnan ang resumé ko? Kung lubog lang mga panga nila, iisipin kong mga adik sila. Pupuntahan ko sana si insan para sitahin sa 'di niya pagsabi sa 'kin na closed pala ang Happy Chicken, ngunit napansin kong may sumusunod sa 'kin. At hindi siya nagtatago, pinapakita niyang nakasunod siya sa 'kin pagkalabas ko pa lang ng restaurant, si Troy. Sinadya kong maglakad sa maraming tao, alam kung hindi niya ipapahamak ang kanyang sarili, hindi niya ipapaalam kung ano siya. Hindi ako puwedeng umuwi mag-isa, malamang iyon ang hinihintay niya upang muling atakehin ako. Ngunit mapangahas si Troy, nilapitan niya ako at naglakad kasabay ko. "Binalaan na kita," madiing sambit niya tapos biglang wala na siya. Napahinto ako at nilibot ang aking mga mata sa paligid, hindi ko alam kung saang direksyon siya nagpunta. Nakaramdam ako ng takot. Sa gitna ng mga taong naglalakad sa gilid ng daan, nakatayo lang ako na hindi alam ang gagawin. Napaatras ako, papalapit siya sa 'kin. Binilisan ko ang paglalakad, tumawid ako ng kalsada at agad pinasok ang isang computer shop. Naupo ako malapit sa bantay ng shop at sinabing open time ang renta ko ng computer. Sa puwesto ko, alam kong nakatutok ang CCTV camera sa loob. Nag-text ako agad kay Mingel kong nasaan ako. Pinaalam ko na nasa computer shop ako katabi ng drug store malapit sa palengke. Sinabi ko rin na muling nagpakita si Troy at sinusundan ako. Pasilip-silip ako sa labas ng shop, salamin ang pinto kaya kita ang papasok. Nag-search ako tungkol sa mga bampira, bagama't may mga binanggit na sa 'kin si pinsan tungkol sa mga nabasa niya, gusto ko pa rin makasiguro at may mas malaman tungkol sa lahi at uri nila. Kalokohan lang ito dati, pero ito nangyayari na. May nakakaharap akong bampira at pinagbabantaan pa ang buhay ko. Pero mukhang kalokohan ang mga nababasa ko sa internet, masusunog daw ang bampira sa araw? Pero si Troy, nasisinagan ng araw kanina. At matagal ko nang nakikitang naaarawan siya! Maging si Tres, na isang bampira, nakasama ko siya sa pamamasyal at maaraw ng mga sandaling 'yon. Kahinaan din daw ng mga bampira ang silver at mamamatay sila sa pamamagitan ng pagtusok sa kanilang puso. Ewan ko kung paniniwalaan ko 'to? Napalingon ako sa pagbukas ng pinto, ngunit wala akong nakitang pumasok. Nakaramdam ako ng lamig na tila pag-ihip ng hangin mula sa dagat tapos biglang naghabol na lang ako ng hininga. Ang weird? At ang mas werdo pa, nang humarap ako sa monitor, tumambad sa 'kin ang mga photos ng mga pugot na ulo at mga patay na taong parang natuyuan ng dugo. Nang tingnan ko sa search bar, 'Vampire's alleged victims aroud the world' ang nando'n. Napatayo ako na nagulat pa ang mga katabi ko. Alam kong hindi ako ang nag-search no'n. Naagaw ang pansin ko ng cellphone kong katabi ng keyboard, nasa voice record na ito at may naka-save na audio. Napalunok ako at gumapang ang kaba sa buong katawan ko. Ano ba ang nangyari? Dinampot ko ang cellphone upang pakinggan ang recorded audio. Ramdam ko ang panghihina ng kamay ko ng pindutin ko ang 'OK'. At tuluyan na akong nabalot ng takot nang marinig ko ang tinig sa audio clip. "Akala mo ba ay may magagawa ang mga tao sa paligid mo? Akala mo ba - " Pinatay ko ang clip ng audio na hindi tinatapos. Tinig iyon ni Troy. Pero pa'no? Nilibot ko ang tingin sa paligid, wala siya. Anong ginawa niya? "Boss, may problema ba?" tanong ng lalaking nagbabantay ng shop. "Boss, 'yong CCTV, puwedeng makita ang record?" pagbabakasakali ko nang harapin ko ang lalaki at lapitan ito sa counter na kinauupuan nito. "Pasensya, boss. Hindi gumagana 'yan ngayon, hindi pa namin napaayos. May nawala po ba ako?" Napakunot-noo na lang ako nang marinig ko ang sagot ng lalaki. Hindi na ako nagpumilit pa at binayaran na lang ang oras na nakunsumo ko. Sa loob ng shop, mukhang walang kakaibang nangyari. Ako lang ang nakaranas no'n, dahil ako lang naman ang target niya. Lumabas ako ng shop at diretsong naglakad papunta sa palengke upang puntahan ang puwesto nina pinsan. Hindi na ako lumingon pa sa kung saan. Wala rin naman akong magagawa kahit pa nakasunod si Troy nang mga oras na 'yon. "Anong nangyari?" bungad sa 'kin ni pinsan nang marating ko ang puwesto nila sa tindahan ng mga karne. "Mamaya na lang," bulong ko sa kanya. Abala sa mga oras na 'yon sina Tito Andoy at Tito Ramon. Sinita ko na lang si pinsan tungkol sa pagpapapunta niya sa 'kin sa Happy Chicken kahit sarado ito. Pero nakuwento ko na rin na tinanggap naman ako at bukas ang umpisa ko sa trabaho. Hindi namin pinag-usapan si Troy dahil alam naming posibleng marinig kami ng bampirang 'yon. -------- PINAKINGGAN NAMIN NI pinsan ang audio clip kinagabihan nang makauwi na kami sa bahay ni Tres. Pero bago 'yon, siniguro muna naming nakasara lahat ng bintana at lahat na puwedeng pasukan ng kung ano man. Sa kusina kami nag-usap magpinsan. Nakalapag sa mesa ang cellphone ko kung nasaan ang record ng boses ni Troy na pagbabanta sa 'kin. "Akala mo ba ay may magagawa ang mga tao sa paligid mo? Akala mo ba maililigtas ka nila? Hangga't nasa isla ka, nasa hukay ang isang paa mo!" buong record ng pagbabanta sa 'kin ni Troy. Napaisip ako nang marinig ko ng buo ang sinabi ni Troy. "Kung talagang nais niya akong saktan, bakit hindi niya ginagawa? Nagawa niya ang bagay 'yon kanina, ni hindi ko alam kung paanong nangyari 'yon? Kung paano niya na-record ang boses niya rito at ma-search sa monitor na nasa harap ko ang mga bagay na 'yon? Bakit kailangan niya pa akong pagbantaan? Naguguluhan ako sa intensyon niya?" saad ko. "Sa totoo lang naguguluhan din ako. Dahil nang una kong makita siya na isang bampira, habang naglalaban sila no'n ni Tres, inaatake ka niya at gustong saktan?" sambit ni pinsan. "Pero ngayon, pakiramdam ko inililigtas niya ako sa panganib? May kinalaman kaya ang pagtawag niya sa 'kin ng Joana? Ano bang kinalaman ko sa Joana na 'yon? Sino siya?" "Mas lalo akong naguluhan sa Joana na 'yan." "Haharapin ko si Troy kapag nagpakita siya ulit. Tatanungin ko siya sa nangyayaring 'to," sambit ko. Palagay ko iyon lang ang paraan. At ano ba talaga ang kinalaman ko sa kanila? Bakit parang may kaugnayan ako sa tulad nilang mga bampira? "Hindi tayo puwedeng magpakasiguro," pagtutol ni pinsan sa sinabi ko. "Maaring naglalaro ang Troy na 'yon, nasisiyahang siyang natatakot tayo. Gano'n siya, parang sina Francis na hilig mantrip. Kung haharapin mo siya, magkasama tayong haharap sa kanya. Kahit pa'no dalawa tayo at makakalaban tayo sa kanya." May mga kinuha si pinsan sa drawer, mga kutsilyo. "Anong gagawin mo d'yan?" tanong ko. Inabot niya sa 'kin ang isa. "Itabi mo sa pagtulog mo. Dapat may pang-self defense tayo. 'Di ba, nagawa niyang makapasok dito na hindi mo namamalayan?" Tumango na lang ako kay pinsan. Pakiramdam ko kasi kailangan ko rin talaga 'yon para panatag akong makatulog. ---------- WALA PANG ALAS-ONSE ng umaga ay nasa Happy Chicken na ako. Pagpasok ko pa lang bumungad na sa 'kin si ma'am Hannah, nakabulaklaking polo siya na kulay green at puting short at sapatos. At may name tag na naka-pin sa polo niya. "Good morning!" bati niya sa 'kin. "Good morning ma'am," tugon ko. Hinila niya ako papunta sa pantry, nando'n sina ma'am Michelle at ma'am Fatima na parehas ang suot kay ma'am Hannah, may name tag din sila kung saan nakasulat ang kanilang pangalan. Nakamaong na pants lang si ma'am Fatima at may suot na jacket. "Good morning ma'am," bati ko sa dalawa. "Good morning din," sagot ni Michelle. "Alisin mo na ang ma'am. Tropa-tropa tayo rito," natatawang sabi niya. "Huwag kang masyadong pormal Arjay, nakakailang," sabi ni ma'am Fatima. "First name basis lang tayo, okay?" "Sige po, okay po," sagot ko. "Ang po?" sambit ni ma'am Hannah. Tumango ako. Ako ang maiilang sa kanila kung hindi ako magbibigay galang. Amo ko sila kahit pa magkakaedad lang kami. Pero okay, tanggal ang 'po' at 'ma'am'. "Sibat na ako. Hannah, okay na 'yong orders?" si Fatima. "Kanina pa, sis!" sagot ni Hannah. Naglakad na si Fatima at naiwan kaming tatlo nina Michelle at Hannah. Sumunod na rin si Michelle na umalis at binilin ako kay Hannah. "Nag-breakfast ka na ba? Lunch?" "Oo. Naisip ko kasi, 11:30 ang start ng operate ng restaurant, so dapat bago ako pumasok nakapag-lunch na ako," sagot ko kay Hannah. "Lunch and dinner kasi ang sini-serve natin dito. 3 ng hapon at 7 ng gabi break time natin." Tumango ako sa sinabi niya. "Start na tayo?" "Yes, Hannah," nakangiting sabi ko. Sa locker may kinuhang damit at short si Hannah katulad ng suot niya. "Uniform mo 'to, 2 sets 'to. 'Wag kang mag-alala, libre 'to. At libre rin ang food mo kapag naka-duty ka kaya hindi mo kailangang lumabas pa o isipin pa magbaon. At dahil 10 hours duty a day, asahan mong above minimum ang salary mo per day. Pero si Michelle na magdi-discuss about do'n, explain niya rin sa 'yo ang mga kaltas at kung kelan ang sahod. Magbihis ka na." Napangiti ako sa narinig ko. Makakatipid ako at malaki ang maabot kong pera kina mama. Parang jackpot naman ang trabahong 'tong napasukan ko. Itinuro ni Hannah ang CR para sa mga staff para doon ako magbihis. Nagmadali akong kumilos para 'di naman isipin na ang bagal ko gumalaw. Paglabas ko, nakabihis na ako at nakalagay na sa bag ang mga damit kong hinubad pati ang isang set ko ng uniform. May itinuro si Hannah. "Ito ang magiging locker mo. Dito na rin sa pantry ang staff quarters. If break time, puwede ka ritong tumambay." "Siya nga pala, pa'no 'yong break time? Bale anim lang tayong staff, tama?" "Basta kapag 3 and 7 na, rest ka muna. 'Wag mo na kaming pansinin," nakangiting sagot ni Hannah. Tumango na lang ako. Tapos inisa-isa na niya sa 'kin ang mga dapat kong tandaan at gagawin habang naka-duty. Una, off-limit ako sa kusina. Basta ang gagawin ko lang ay kukunin ang order ng guest at magsi-serve. Tapos lilinisin ang table if tapos na ang customer. Kami rin ni Hannah ang kukuha ng bayad ng customer at maghahatid sa table kung may sukli. Ngingiti sa bawat papasok at iga-guide sila sa table. Naka-assigned din sa 'kin ang paglilinis ng male restroom habang wala pang utility na nakukuha. At bawal na bawal akong umakyat sa second floor na siyang bahay ng lima kong amo. Nang banggitin sa 'kin na hindi ako puwedeng pumasok sa kusina medyo nagtaka ako, lalo na hindi kita ang loob ng kusina. May rectangle na part lang na bukas kung saan kukunin namin ang pagkain na nakalagay sa tray. Sina Tina at Chezca lang ang nasa kusina, ang galing naman nilang ma-managed ang trabaho do'n. "May tanong ka?" tanong ni Hannah. "Wala ba tayong guard dito?" tanong ko. Iyon kasi ang napansin ko. Wala naman akong tanong sa magiging duty ko kasi same lang naman 'yon ng naging trabaho ko sa Maynila. "Sa laki naming lima, you think kailangan pa namin ng guard?" Ngumiti na lang ako, hindi ko alam kung seryoso ang sagot ni Hannah. May inabot siya sa 'kin na agad ko namang binasa. "Be familiar sa menu natin dito. Then after mong basahin 'yan, sumunod ka na sa 'kin do'n sa labas. Malapit na mag-time. 'Yong nametag mo nga pala and ID baka tomorrow pa. And ang record ng pasok mo, 'wag kang mag-alala, si Michelle na bahala do'n. Basta mag-log ka na lang at make sure na masulat mo ang time in mo. Ikaw lang naman kasi ang worker namin dito. 'Di ba nga, we all own this. So, gano'n na lang naisip naming paraan para sa pasok mo." Tumango ako. Naiintindihan ko naman. At mukha namang hindi nila ako lolokohin. Umalis na si Hannah at binasa ko na ang binigay niya. As expected, panay lutong manok ang nasa menu ng Happy Chicken. Happy Chicken's Menu Mains: 1. Fried Chicken with Sweet and Spicy Pili Sauce - 115.00 2. Chicken Inasal with Special Gata Sauce (Spicy or Super Spicy) - 125.00 3. Sinampalokang Manok with Gata - 115.00 4. Chicken Nuggets with Five Different Sauce - 105.00 5. White Chicken Adobo in Pili Oil - 165.00 For Extra Rice: Plain - 15.00 / Java rice - 25.00 / Garlic rice - 20.00 Drinks: 1. Buko Juice - 25.00(M) / 40.00(L) 2. Buko Shake - 55.00 3. Mango Shake - 65.00 4. Banana Milk Shake - 65.00 Desserts: 1. Pili Tart - 60.00 for 5 2. Ube Leche Flan - 75.00 3. Mango Cheesecake - 75.00 4. Pili Cheesecake - 85.00 5. Halo-halo - 60.00 "Okay!" ganadong sambit ko nang mabasa ko ang menu. May iced tea at soft drinks na puwede rin ma-order na wala sa menu. At libre ang tubig. Sumunod ako kay Hannah. Nasulyapan ko rin na nasa counter na si Michelle kung saan namin ibibigay ang bayad ng customer. Maaamoy sa kabuuan ng lugar ang mabangong niluluto sa kusina pero hindi mo maririnig ang ingay ro'n. Parang nagyayayang kumain ang amoy ng lugar at ang gaan lang ng ambience, tipong kakain ka lang sa bahay n'yo. Pagpatak ng 11:30 ay may nagsipasukan na. Panay bati namin ni Hannah at itinuro ang maaring maupuan ng mga customer na pumasok, ang iba naman ay kusang naupo na lang. Nasa mesa na ang mga menu, naghintay na lang kami ng hudyat ng customer kung ibibigay na nila ang napili nilang kainin. Nagsunod-sunod na ang pagkuha namin ng order. Bigay agad sa kusina ang order. At wala pang 15 minutes, okay na ang order. Kaya sunod-sunod din ang pagdala namin sa bawat table ng mga pagkain. Pagpatak ng alas-dose, napuno ang mesa dahil sa mga estudyante na nag-aaral malapit sa College School. Parang ang bilis ng pangyayari, ang bilis kasi ng service. Pati pagsukli sa bayad ng mga customer ay agad-agad. Mabilisan din ang paglinis namin ng mga table at pag-set up. Madali ko naman nagamay ang trabaho dahil nga may experienced na ako sa trabahong ito. Nabibisita ko rin ang restroom na naka-assigned sa 'kin. Pagsapit ng alas-tres ng hapon, binulungan na ako ni Hannah na mag-break na ako. Siya na raw bahala, tutal hindi na ganoon karami ang pumapasok at ang mga orders ay kalimitang desserts at drinks na lang na kumbaga meryenda ng mga customer na pumapasok. "Hoy, Arjay?" Tinapik ako ni Hannah. Nakatanaw kasi ako sa labas at hindi agad nakatugon sa sinabi niya. "3 na, kain ka na do'n sa pantry. Nawiwili ka naman na nakatingin sa 'yo ang mga babaeng estudyante!" "Hindi, ah!" tanggi ko sa biro niya. Pero napansin ko rin naman kanina ang mga tingin sa 'kin ng ibang customer. Pero siguro dahil bago lang ako. "Asus! Sige na, break time ka muna." "Okay," tugon ko. Bago ko tuluyang puntahan ang pantry, sinulyapan ko ang lalaking tinitingnan ko kanina upang makasiguro kung si Troy nga ba 'yon. At tama ako, si Troy ang nasa labas na nakatayo sa kabilang kalsada. Alam kong tinitingnan niya ako. -------- KINAGABIHAN, SINUNDO ako ni pinsan. Habang nag-aayos ako para sa pagsasara ng restaurant katulong sina Michelle at Hannah, nakipagkuwentuhan siya sa pantry kina Tina, Chezca at Fatima. Nakikain na rin siya. Tama ang sinabi ni Tina kahapon, makapal nga ang mukha ni pinsan. Natapos ang unang araw ko sa trabaho na bagama't nakakapagod, magaan naman ang trabaho at kayang-kaya. Diretso na kaming umuwi ni pinsan pagkalabas namin ng restaurant sakay ng motor niya. "Bukas sabay na tayong papasok," sabi ni Mengil nang makapasok kami sa bahay ni Tres. "Anong sabay?" "Magtatrabaho na rin ako sa Happy Chicken." "Bakit? Pa'no sina Tito? Sino makakatulong nila?" "Nagpapahanap din ng janitor sina ma'am Tina. Dapat si Arturo ang irerekomenda ko. Pero kanina, nagpresenta na akong ako na lang. Nakausap ko na sina tatay, pumayag na sila. Buong araw kong pinag-isipan 'yon. Kanina nakita mo na naman si Troy, ikaw talaga ang punterya niya. 'Di ba sabi ko, magkasama tayong haharap sa kanya? Dapat lagi tayong magkasama. Walang dapat mapahamak sa 'ting dalawa hangga't hindi bumabalik si Tres." May ibinigay sa 'kin si pinsan na folding pocket knife na may didiinan ka lang ay lalabas na ang patalim. "Sana kahit paano, mailigtas tayo ng munting patalim na 'to," sambit ni pinsan. May pocket knife din siyang hawak. "Kahit saan tayo pumunta, dapat bitbit natin 'to. Diyahe naman kung 'yong kutsilyo sa kusina dala-dala natin." Napangiti na lang ako sa huling sinabi ni pinsan. "Diyahe rin kung magkuwentas tayo ng bawang," biro ko naman. Natawa si pinsan. "Takot kaya sila sa bawang?" tanong niya. "Piling ko hindi. May halong bawang ang mga niluto natin no'n sa manok, pero nakakain si Tres," sagot ko. Napailing si pinsan. "Ano talaga kaya ang kahinaan nila?" Wala kaming nasagot sa tanong ni pinsan, nagpasya na kaming magpahinga na at pumunta na kami sa kanya-kanya naming kuwarto. Naghimalos at nagsipilyo ako, at naupo lang muna sa kama habang pinaglalaruan ang pocket knife. At iniisip siya. "Nasaan ka ba, Tres?" nasambit ko. Nanganganib ang buhay ko ngunit hindi ko magawang lumayo. Dahil gusto ko siyang muling makita. Hindi ko man lubos na mawari, pero isa na siya sa rason ng buhay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD