CHAPTER 27: Pagkahulog

2869 Words
CHAPTER 27: Pagkahulog HINDI AKO MAKAPANIWALA na ang gagong nang-agaw sa girlfriend ko noon na mahal na mahal ko ay magiging syota ko ngayon. At isa siyang bampira. Na makailang ulit na akong tinakot at pinagbantaan. Sa kabilang banda ng utak ko, may nagsasabing bakit ko ‘to ginagawa? Na hindi tama ito. Ngunit sa kabilang banda naman, may malakas na sumisigaw sa utak ko na gawin ito. Magiging malaking tulong sa akin si Troy kung magiging malapit kaming dalawa. May mas marami akong malalaman at maaring maging proteksiyon ko siya. Ngunit batid ko rin na kailangan kong mag-ingat. Tumawa si Troy sa sinabi ko. Tawa na hindi ako pinagtatawanan. Tawa na nadidismaya. Tumayo siya at nagmura. “Putang-ina!” halos pasigaw na sabi niya. Mabilis siyang kumilos, bigla niya akong naitayo nang hawakan niya ako sa kuwelyo ng damit ko. Tiningnan ko lang siya. Hindi ako nagpakita ng takot sa kanya. “Gano’n lang ba talaga ako? Gano’n lang ba ako sa ‘yo?! Hah?!” galit na tanong niya, ngunit hindi ko maintindihan ang gusto niyang sabihin. “Makalipas ang mahabang panahon, gano’n pa rin ako sa ‘yo! Na inuuto-uto mo lang! Paaasahin mo lang! Hindi man lang ba talaga ako naging mahalaga? Maging sa buhay mo ngayon, gano’n pa rin ang tingin ko sa akin! Na madali mong madadala at mapapaniwala sa iyong matatamis na mga salita!” Itinulak niya ako at patihaya akong bumagsak sa buhangin. Napaubo ako dahil na rin sa pagkakasakal niya sa akin kanina. Naguguluhan ako. Hindi ko agad maprosesa ang mga sinabi niya. At sumisigaw siya ngayon na tila pinapakawalan ang galit na nasa kanyang dibdib na matagal niyang kinikimkim. May bigla akong naalala. Hindi ito ang unang pagkakataon na kinakausap ako ni Troy na para akong ibang tao. “Sino si Joana?” tanong ko sa kanya habang bumabangon ako. Minsan na niya akong tinawag sa pangalang iyon. At katulad ngayon, parang ang Joana ngayon ang kaharap at kinakausap niya, at hindi ako. Hindi siya nakasagot. Nakatitig lamang siya sa ‘kin… > > “ANO ANG PANGALAN mo?” tanong ko sa mutant vampire. Mas tumangkad pa ito dahil sa paghaba ng mga paa nito. Sa tingin ko nasa walo o siyam na talampakan na ang taas nito. Para na itong payat na poste. At mas humaba ang mga kamay nito kaysa sa paghaba ng kanyang mga paa na sumasayad na sa semento. Patuloy sa pagtawa ang bampira. Nakakairita ang boses nito. Manipis rin katulad ng katawan nito na nakakainis pakinggan. “Ako si Larry,” pakilala nito. Humakbang ito. “Kayo ‘yon. Ang tumalo sa katulad ko.” Naghanda kami ni Mengil. Ang nakalaban namin marahil no’n isang gabi ang tinutukoy nito. “Katulad ka rin namin. Nakita kita sa resort. Ano ang nagagawa mo? Maari ko bang makita?” sabi nito na animo’y siguradong-sigurado sa kanyang sinasabi. “Hindi n’yo ako katulad. Hindi ako naging halimaw. Naging tao ako,” sagot ko. Marahil nakita ako nito sa resort habang bihag ako. Mas lumakas ang tawa ni kumag na parang sinasabi sa akin na nahihibang ako. “Ang tao ay maaring maging bampira. Ngunit ang bampira ay hindi maaring maging tao,” natatawang sagot nito. Bakit ba siya tawa nang tawa?! Natigilan ako. Maaring tama siya. Ngunit maari ding mali. Sabi ni Troy, nagiging tao na ako. Sinabi rin sa akin ng demonyong si Sharon ‘yon. Naging lab rat nila ako para sa anti-vampire vaccine nilang ginagawa. At gumana ‘yon sa akin kaya nga nawala ang mga katangian ko bilang isang bampira at hindi ko na masikmura ang pag-inom ng sariwang dugo. Nakaramdam ako ng labis na galit nang maalala ko ang pag-uusap namin ni Sharon habang bihag nila ako. “Bakit mo ‘to ginagawa sa akin?” iyon ang tanong ko sa kanya. “Walang espesyal sa iyo. Sadyang may karapatan lang akong gawin ang nais kong gawin sa iyo, dahil ako ang may likha sa iyo. Ako ang dahilan kung bakit nabuhay ka nang matagal. Ngunit wala kang silbi sa akin. Batid kong hindi ka magiging kaisa sa aking mga hangarin, kaya narito ka at mistulang kasangkapan sa aking mga binabalak. At iyon ang naging silbi mo. Masasabi kong tagumpay ang aming pag-aaral. Gumana ang anti-vampire vaccine kaya ngayon masasabi kong normal na tao ka na lamang. May mga pagsusuri pa kaming gagawin, kaya huwag kang mamamatay, Crisanto.” Iyon ang mga sinabi niya sa akin. At bago siya tuluyang umalis no’n, sinabi niyang balikan ko siya kung gusto kong masagot ang mga katanungan ko. At iyon ang gagawin ko! Babalikan ko siya. Magpapalakas ako. Kahit wala na akong kakaibang kakayahan, tatalunin ko siya! Aalamin ko ang mga sinasabi niya! Kilala niya ako sa totoo kong pangalan. Maaring kilala niya ang aking mga magulang. At kung bakit naging iba ako sa iba. Naging sumpa ang turing ko sa pagkatao ko. At sabi niya siya ang may gawa no’n, na siya ang lumikha sa akin! Sa harap ko, ipapaliwanag niya ang mga pinagsasabi niya! Sharooooon! “Aaaaaaahhhh!” malakas na sigaw ko at sumugod ako sa mutant vampire na patakbo na ring papalapit sa amin. Kasabay ko rin si Mengil at parehas kaming sumusugod. Sinalubong kami ng suntok ng bampira, kaya napaatras kami. Dahil ang bilis ng mga kamao nitong salitang umaatake sa akin. Tawa pa rin nang tawa ang tingting na parang minamaliit kami. Akala mo naman tinamaan niya kami. “Pre, ibigay mo na ang pinakamabilis mong takbo. Malaki ang chance na matalo natin siya kapag nalapitan natin siya,” sabi ko kay Mengil. “Sikapin mong ‘wag matamaan ng suntok niya,” pahabol ko. Ngunit biglang – “Aaaa!” daing ni Mengil at tumilapon siya. Bigla siyang sinuntok ng bampira ng humaba nitong kamay. Nang akmang lalapitan ko siya, pinigilan niya ako. “Ayos lang ako! Kayang-kaya!” sigaw niya. Hindi na ako nag-aksaya ng segundo pa. Kung kanina ang pagsugod ko sa bampira ay para malapitan ito upang mapunterya ko ang kanyang katawan, ngayon ay sasalubungin ko ng halik ng aking espada ang kanyang kamao. Pipira-pirasuhin ko ang mahaba nitong mga kamay at mga paa! Nakita ko ang pagkilos ng kanyang mga kamao at nasabayan ko ang paggalaw nito habang mabilis akong tumatakbo. Nadadaplisan ko lamang ang mga kamay nito. Sadyang mabilis ito ‘di hamak kumpara sa bilis ko. Nakalusot sa mga mata ko ang isa nitong pagsuntok kaya tinamaan ako sa kaliwang balikat. Napatilapon din ako tulad ni Mengil, ngunit agad din akong bumangon. Humalikhik na naman ang tingting! Bubusalan ko ang animal na ‘to, eh! “Sabay tayo, pre,” ani Mengil. Tumango ako at sabay kaming muling sumugod ni Mengil sa pinakamabilis naming pagtakbo at paggalaw upang maiwasan ang atake ng kalaban. Tulad ko, sinasalubong na rin ni Mengil ng kanyang patalim ang kamao ng kalaban. Nasusugatan namin ito kaya nawala na ang nakakairitang pagtawa nito. At napalitan ng naiinis na sigaw. Muli kaming sumugod. Mas naging mabilis ang pagkilos ko at nagawa kong maputol ang isang kamay nito! At ang isa pa! Patuloy kong hiniwa ang nakaangat nitong mga kamay na umaatake pa rin sa amin habang mabilis akong tumatakbo papalapit sa kanya! Naglaglagan ang piraso ng parte ng kamay ng bampira at kumalat ang dugo sa paligid. Hanggang sa makalapit ako sa kanya. Tumalon ako at pinahalik ko sa katawan nito ang aking espada nang paulit-ulit! Maraming hiwa at mahahaba ang nagawa kong pinsala sa katawan ng bampira. At nang lumapag ako, itinusok ko sa kanyang dibdib ang aking espada na bumaon hanggang sa likod nito. “S-Sabi ko na nga ba, katulad ka namin,” mahinang sabi ng bampira. Sa pagbunot ko sa Dark Kiss, pataob na bumagsak ito sa harap ko. Nagpunas ako ng mukha gamit ang damit ko dahil sa talsik ng dugo. Maging ang suot ko siguro ay meron. Gamit ang puting damit ng mutant vampire, pinunasan ko ang aking espada upang matanggal ang dugo rito. Tapos ay ibinaon ko sa lalagyan nito na nasa likod ko. Lumingon-lingon ako sa paligid. Hinahanap ko ang itim na van. Ngunit wala akong makita sa paligid. Nakaharap ko si Mengil. Parang gulat na gulat siya at nakanganga pa. “Ang galing mo,” sabi niya. Nilapitan niya ang bampirang nakahandusay sa kalsada at sinuri ito. “Deads na ba siya?” tanong niya nang ipatihaya ito. “Hindi ko alam. Ngunit hindi naghihilom ang mga sugat niya,” sabi ko. Napatay ko kaya siya? Tanong ko sa sarili ko. Nilapitan ako ni Mengil. “Yong ginawa mo kanina, nagagawa ba ng tao ‘yon?” tanong niya at nando’n pa rin ang paghanga sa ginawa ko. “Hindi na ako sumugod dahil baka madamay pa ako sa pag-atake mo. Lupet mo.” Hindi ko namalayan na ako lang pala ang sumugod sa bampira at naiwan siyang nakatayo lang. “Anong sinasabi mo?” pagtataka ko. “Sobrang bilis mo at ang taas ng talon mo kanina? Sigurado ka bang nawala na talaga ang mga kakayahan mo bilang bampira?” Hindi ako nakasagot. Hindi ko napansin ‘yon. Naisip ko ang sinabi ng bampira bago siya bumagsak, na katulad nila ako. Hindi kaya, bumabalik ang pagiging bampira ko? No’ng isang gabi, nabuo at naging yelo ang pawis ko. Naputol ang pag-iisip ko nang may marinig kaming mga siren ng police mobile. Sa kabilang kalsada ang mga ito. Nagkatinginan kami ni Mengil. Kapwa namin natunugan na baka may muling pag-atake ng bampira sa ibang lugar. “Papuntang pier ‘yon,” ani Mengil. Tumakbo kami papunta sa aming mga motor upang sundan ang mga pulis. “Pero pa’no ang bampirang iyon?” tanong ni Mengil. “Hindi siya hahayaan d’yan ng mga taga-resort,” sagot ko. At habang tinutunton namin ang patungo sa pier sakay ng aming mga motor, may nakasalubong kaming itim na van. HUMAKBANG AKO PALAPIT kay Troy. Hindi niya masagot ang tanong ko. “Sino si Joana?” muling tanong ko sa kanya. “Mahal mo ba si Tres?” tanong ang naging sagot niya sa akin. Kung gano’n, may alam siya sa kung ano man ang nangyayari sa amin ni Tres. “Hindi,” sagot ko. Nilapitan niya rin ako at tintigan ako sa mga mata. Halos isang dangkal na lamang ang layo ng mukha namin sa isa’t isa. “Sinungaling. Hindi iyan ang nakikita ko sa mga mata mo,” tiim bagang na sabi niya. “Ano ba ang nakikita mo sa mga mata ko?” tanong ko. Natigilan siya at humakbang paatras. At mabilis siyang naglaho. Ni ‘di nasundan ng mga mata ko kung saang direksyon siya pumunta. Napaupo ako muli at nahiga sa buhangin. Nablangko ang utak ko. Hindi ko alam ang iisipin ko. Pinagmasdan ko na lamang ang kalangitan. Pakiramdam ko ngayon, nahuhulog ako sa napakadilim lugar. Nang tanungin ako ni Troy kung mahal ko si Tres, madali kong nasagot iyon ng hindi. Ngunit sa tingin ko, hindi sang-ayon do’n ang puso ko. Nakakaramdam na naman ako sa loob ko na nasasaktan ako. At muli na namang dumaloy ang mga luha ko na hindi ko namamalayan. > > NARATING NAMIN ANG pier, at do’n nga pumunta ang mga pulis. May dalawang gwardiya na walang malay silang naabutan. At sa paggising ng mga ito, may dinadaing ang mga itong masakit sa kanilang katawan. May punit din ang mga suot nila na parang may umatake sa kanila. Ngunit walang maalala ang dalawang gwardiya sa nangyari sa kanila. Pinaalis ng mga pulis ang mga tao na nagdatingan para makiisyuso upang mas maayos nilang maimbistigahan ang nangyari. Nagpaiwan kami ni Mengil at sumimpleng makalapit kung saan natagpuan ang mga gwardiya na mabuti’t kapwa buhay. May mga local media na nagtatanong na sa mga pulis. “Kilala ko ang isang pulis na ‘yon,” sabi ni Mengil. Itinuro niya ang pulis na hindi sumasagot sa interview ng mga media. Pabalik na ang bagitong pulis sa police mobile. “Classmate ko ng high school ‘yon, si Bab.” Sinundan namin ang lalaki. Pasimple itong tinapik ni Mengil at hinayaan kong siya na ang makipag-usap dito. “Tol, anong nangyari dito?” tanong ni Mengil. “Ginulat mo ako, ‘tol. Bakit nandito ka ‘tol, delikado ngayon gumala sa labas,” sabi ng pulis. “At bakit ganyan ang suot mo? Bumyahe ka ba?” Hinubad ni Mengil ang helmet niya. “Kagagaling ko lang sa trabaho, sa Happy Chicken na ako pumapasok. Pauwi ako ng Igang nang marinig ko na nagkakagulo rito. At siyempre dapat full gaer ako para safety sa pagmomotor, ” pagsisinungaling ni Mengil. Mukhang bihasa siya. “May pinatay na naman ba? Mukhang okay naman ‘yong dalawang gwardiya, ah?” “Hindi ko na nga alam ang nangyayari ngayon sa ‘tin,” napapailing na sabi ng pulis na si Bab. “May tumawag sa amin na babae, may gulo raw dito sa pier. Ang naabutan naman namin ‘yong dalawang gwardiya na nahimatay?” “Nasaan ‘yong babaeng tumawag?” usisa ni Mengil. “Iyon nga ang hindi namin alam? Wala rin matandaan ang dalawang gwardiya sa nangyari,” sagot nito “Sabihan mo mga taga-sainyo na mag-ingat. At ‘wag kang masyadong nagpapagabi sa labas, ‘tol,” paalala nito at tiningnan ako. “Katrabaho mo?” tanong nito. “Tres, pre,” pakilala ko at tumango ako rito. Natitigan ko ang bagitong pulis. Mukhang mabait naman ito. “Bab, nga pala,” pakilala nito at inabot ang kamay sa akin. Ngunit hindi na kami nakapagkamay dahil may papalapit nang pulis na kasamahan nito kaya nagpaalam na ito sa amin ni Mengil. Agad ko namang nilapitan ang lugar kung saan nakita ang dalawang gwardiya. Sinuri ko ang paligid nito. Basag ang salamin ng guardhouse. At sa pader, may mga napansin ako na parang may malakas na pinukpok dahil may mga tipak ito na sa tingin ko ay bago pa lang. At mukhang may nangyari ngang gulo sa lugar dahil ang mga damo sa gilid ng ay mukhang nadaganan o natapakan. May mga dahon pang naputol na nagkalat. Pero bakit walang maalala ang mga gwardiya at bakit gano’n ang hitsura nila? At may mga dinadaing pa sa katawan at may punit ang mga uniform nila? Kung sakali man na nakuha nila ang sakit ng katawan nila sa pagbagsak nila nang mahimatay sila, malabo naman na mapunit nang gano’n ang suot nila? May hindi tama rito. “Sa tingin mo, bampira ang may gawa?” tanong ni Mengil. Hindi ko namalayan na nasa tabi ko na siya. “Nakakapagtaka nga, eh,” sabi ko. “Parang may nangyaring laban dito?” Pinagmasdan ko ang paligid. Malakas ang kutob ko na may bampirang may kinalaman sa nangyari rito. “Maaring binura ang alaala nila.” “Kung gano’n, mahihirapan tayong mapigilan sila. Hindi natin alam kung ilan ang kalaban at sabay-sabay pa sa magkakaibang lugar ang pag-atake nila,” pag-aalala ni Mengil. At inaayunan ko ang sinabi niya. At hindi rin namin alam kung gaano kalakas ang mga kalaban. “Ngunit nakakapagtaka talaga? Kung mutant vampire ‘yon, hindi na sila iiwang buhay. Ang mga dugo sa damit nila ay mukhang galing sa mga galos nila at hindi dahil sinipsipan sila ng dugo.” “Ano sa tingin mo ang nangyari?” Hindi ako agad nakasagot sa tanong ni Mengil. Pero pakiramdam koi yon talaga ang posibleng nangyari. “Maaring may tumulong sa dalawang gwardiya.” “At binura ang alaala nila kaya wala silang maalala sa nangyari?” Nagkatinginan kami. “Bampira?” sabay naming nasabi. Nagulat kami ni Mengil nang may biglang magsalita. “Bampira?” tanong nito. “Bab? ‘Tol?” ani Mengil. Hindi ako umimik at nakiramdam lang. Seryoso ang mukha ng pulis na si Bab. “Sumama kayo sa akin,” pautos na wika nito. SINILIP KO SINA mama at Jane sa kuwarto nila, mahimbing na ang tulog nila. Hindi sila dapat madamay. At hindi na dapat pa malaman ni mama ang totoong nangyari kay papa. Pumasok ako sa maliit kong kuwarto. Kahit paano may dalawang kuwarto na ang bahay namin at sementado na. Nakatulong din ang pagpunta ko ng Maynila at ang munti naming tindahan para mapaayos ang bahay. Agad akong nahiga nang patayin ko ang ilaw. Ngunit walang antok na maramdaman kahit pa naubos ko ang alak. Dumaan na ang mahigit kalahating oras na pabago-bago lang ako ng posisyon ko sa kamang yari sa kawayan. Hanggang sa nagbukas ang pinto at biglang nagsara. Naaninag ko ang imahe ng lalaki. Naaambunan ng liwanag mula sa labas ng kuwarto ko ang loob, kaya nakilala ko ang lalaking biglang pumasok, si Troy. Nakaramdam ako ng kaba kahit kanina lamang ay magkausap kaming dalawa. Sino ba naman ang hindi kakabahan, siniguro kong naka-lock ang pinto ng bahay at ‘di naman makakadaan sa bintana ang tao kahit pa nakabukas ito, pero nandito siya ngayon sa harapan ko sa loob ng aking kuwarto. Inalis ko ang takot sa dibdib ko upang makapag-isip ako sa posible niyang gawin sa akin. Humakbang siya palapit sa kama ko. Hindi ako makapagsalita. Akmang babangon ako, ngunit dahan-dahan siyang nahiga sa tabi ko. Muling nahiga lang ako, at naramdaman kong nakatingin siya sa akin. At nararamdaman ko ang malamig niyang katawan. Nang lingunin ko siya, pinagmamasdan niya ako. Nakatagilid siya na nakaharap sa akin. “Troy?” nasabi ko. “Sige, maging tayo na,” sambit niya. Napalunok ako. Kahit ako mismo ang nagsabi sa kanya kanina no’n, naguguluhan pa rin ako sa nangyayari. Bigla-bigla na lang, nasa sitwasyon akong ganito. Hinaplos niya ang mukha ko, napakalamig ng kanyang palad. Napagmasdan ko siya. Tila may luha sa mga mata niya. “Akin ka na…” pabulong na sambit niya sa ‘kin. Tumayo ang mga balahibo ko. At naramdaman ko ang sincerity sa tinig niya. Hindi makapagproseso ang utak ko. Wala akong salita na maisip para sabihin. Tila mas dumidilim ang lugar na kinahuhulugan ko na pinasok ko mismo.

Read on the App

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD