CHAPTER 26: The Dark Kiss

2816 Words
CHAPTER 26: The Dark Kiss > NAGHAHARI NA ANG dilim sa labas. Pinagmamasdan ko ang painting ni Joana sa aking silid. Sa likod nito, nakatago ang sandata na ‘di ko akalaing darating ang araw na kakailanganin kong gamitin laban sa mga kauri kong bampira. “Joana? Sa sunod nating buhay, sana muli tayong magtagpo. At sana, nasa tamang panahon na tayong dalawa kapag nangyari ‘yon. Hindi tulad ngayon…” Malungkot akong napangiti. “Ibubuwis ko ang buhay ko para sa mga tao rito sa isla. Kung mamatay man ako, wala akong pagsisihan. Magkita tayong muli, um?” Ibinaba ko ang painting at isinandal ito sa gilid ng kama. Tumambad sa akin sa pader ang espada at wooden sheath nito na kulay itim na may strap na para maisuot mo sa iyong katawan. Moro Kris tribal sword ito na wavy ang talim. Double-edge sword ito na inihandog sa akin ng isang kaibigan na aking natulungan sa Mindanao, noong taong 1921. 2 inches ang lapad ng talim nito at 24 inches ang haba na may detalyadong detalye na nag-iisa lamang sa mundo. Ang itim na hawakan nito ay gawa mula sa sungay ng kalabaw na mas pinagtibay ng kinabit ditong metal. Ako mismo ang nagdesinyo ng hawakan na komportable sa kamay na umaabot ng 6 inches na mas mahaba sa pangkaraniwang sukat sa katulad nitong espada. Ang dulo nito ay nakaukit ang isang bungo na napapalibutan ng mga rosas. Sumisimbolo sa akin ang bungo at kay Joana naman ay ang mga rosas. Sa kabuuan, 30 inches ang haba nito. Kinuha ko ang espada at lalagyan nito. Sinuri ko ang espada. Hindi nagbago ang talim nito. “Hindi kita napangalanan noon. Dark Kiss, iyon ang itatawag ko sa ‘yo,” sambit ko. Hinagkan ko ang gitnang parte ng talim nito bago ko ito isuksuk sa lalagyan. Dark Kiss, Dahil ang paghalik nito sa kalaban ang susi sa madilim naming kinakaharap. Ang espadang ito ang tatapos sa maitim na balak ng mga bampira sa isla. At base sa aking kaibigan na nagbigay nito, dahil sa paalon-alon nitong talim, mas makakapinsala ito sa pagtusok nito sa kalaban. At magaan din itong iwasiwas sa hangin kaya madaling makontrol sa labanan. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin. Pulang t-shirt ang suot ko at itim na jagger pants upang makakilos ako nang maayos. Siniguro ko rin na nakatali nang maayos ang mga sintas ng itim kong rubber shoes. Isinuot ko ang aking sandata, nakapahalang ito sa aking katawan at nasa likod ang espada na nasa gawing kanan ko ang hanawakan na madali kong makukuha. Itinali ko ng goma ang mahaba kong buhok. At isinuot ko ang itim na hoody jacket upang maitago ang espada at hindi gaanong agaw pansin sa iba. Huminga ako nang malalim bago ko tinungo ang pinto palabas ng aking kuwarto. Pagbaba ko ng hagdan, naghihintay na sa akin si Mengil. Naka-full body motorcycle gear siya na all black. Halos suportado ang buong katawan niya. Mukhang makapal na boots pa ang suot niyang sapatos. “Makakakilos ka ba sa suot mo?” puna ko sa kanya. “Oo naman,” sagot niya at tumalon-talon pa. Kinuha niya pa ang bigay kong hunting knife na nakatago sa likod niya at kumilos siya na animo’y nakikipaglaban na. “Magaan lang naman ang suot ko. Pero matibay ‘to, ‘di gawang China. Naisip ko kasi na sa lakas ng mga bampira, kailangan ko ng suporta sa katawan. May ibang helmet nga rin akong isusuot habang nakikipaglaban na hindi makakasagabal sa pagkilos ko kahit palingon-lingon pa ako sa kung saan.” Nakangiting tumango ako. “Mainam nga iyon. Basta siguraduhin mo na hindi talaga sagabal sa kilos mo’t galaw ang iyong suot. Dahil mabibilis ang mga bampira,” sabi ko. Tumango siya na siguradong-sigurado sa mga paghahanda niya. “Ready ka na?” tanong ko. “Kanina pa,” matapang na sagot niya. “Tayo na,” sabi ko hudyat na kailangan na naming lumabas ng bahay at maghanap ng mutant vampire. “Sandali,” ani niya. May kinuha siya at ibinigay sa akin. Itim na gloves na labas ang mga daliri na may nakausling metal. Na kapag sumuntok ka sa kalaban iyon ang tatama. “Wala kang kakaibang lakas. Pero sigurado, kapag sumuntok ka niyan, makakapinsala ‘yan,” paliwanag niya. Maging siya ay may suot din na gloves na may metal. “Salamat,” sabi ko. Isinuot ko na rin kahit pa hindi ko sigurado kong makakapinsala nga ito sa bampira. Nang handang-handa na kami ay lumabas kami ni Mengil ng bahay at sumampa sa kanya-kanya naming motor na nakaparada na sa labas ng gate. At halos sabay kaming nagpatakbo na walang eksaktong lugar na pupuntahan. Base sa analisa namin, sa sentro ng Virac may mga nagpakita at malamang ay sa malalapit na barangay sa sentro may posibleng umatakeng halimaw. Iikutan namin ang lugar. At patuloy naman ang pagronda ng mga kinauukulan ng bawat barangay at ng kapulisan. Kaya kahit paano, malilimitahan ang lugar kung saan posibleng umatake ang mutant vampire. Nakabantay ang organisasyon sa mga pinakawalan nilang mutant vampire. Tiyak na hindi nila hahayaang basta na lamang umatake ang mga ito na posibleng mahirapan silang mapagtakpan. Nababatid ko na ang pananakot nilang nais gawin ay paunti-unti muna. Pinag-aaralan pa rin nila ang sitwasyon. Dahil maari naman nilang paatakehin ang mga halimaw sa mataong lugar upang mas makagawa ng kaguluhan, ngunit hindi nila ginagawa. At ang mga pag-atake ay sa gabi lamang at ang binibiktima ay iilan lamang. Mahina lamang ang patakbo namin ni Mengil ng motor at umiiwas kami kapag may nakita na kaming rumurondang nagbabantay ng lugar. Sa madidilim na parte at sa lugar na may eskinita kami nag-focus. Medyo maaga pa. May mga bukas pang kainan at ilang tindahan. Nagpasya kaming huminto muna sa madilim na parte ng lugar at nagmasid sa mga taong dumaraan na mga galing sa convenience store at kainan. May mga barangay tanod na nakabantay at nagpapaalala sa mga tao na nasa labas pa. “Mukhang hindi magpapakita dito ang bampira,” saad ko. “Sa pier kaya?” naisip ni Mengil “May mga nagtatrabaho do’n na panggabi tulad ng mga gwardya. At may college school din na malapit do’n, sa mga oras na ‘to, baka may mga studyante pa.” Sinang-ayunan ko ang suggestion ni Mengil. Nakahanda na kaming umalis nang biglang makarinig kami ng sigawan malapit sa convenience store. Sa tili ng mga nando’n, masasabi kong takot sila. Agad kaming tumakbo para alamin ang nangyayari. Hindi pa kami nakakalapit, nakita na namin ang lalaking parang hindi mapakali na nakahawak sa leeg niya. Biglang nangisay ang lalaki at bumagsak ito kalsada. Mukhang pamilyar sa akin ang binatang humandusay sa kalsada. Lalapitan ko sana ito para alamin kung buhay pa ngunit dumating na ang mga pulis at pinalayo ang mga bystanders at ang ilan sa mga ito ay kumukuha pa ng video. “May kasama ba rito ang lalaking ito?” tanong ng isang pulis. “Tropa ‘yan ni Francis,” narinig kong sabi ni Mengil. Tama, natatandaan ko na. Isa siya sa tatlong kasa-kasama ng bully na Francis na ‘yon. “Kami po ang kasama niya!” narinig kong sigaw ng lalaki. May kasama pa itong isa, at pamilyar rin sila sa akin, ang iba pang tropa ni Francis. Lumapit ang mga ito sa pulis. “Ano ang nangyari sa kanya?” tanong nang pulis. “Bigla na lang po siyang nangisay na parang inaatake,” kabadong sagot ng isa. “Sir, buhay pa po ba siya?” tanong naman ng isa pa nilang kasama na mababakas ang takot sa mukha. “Sumama kayo sa amin sa presinto para makuhanan ng statement,” sagot lang ng pulis. Dumating ang ambulansiya at isinakay ang humandusay sa kalsada. Isinama naman ng pulis sa mobile nila ang dalawa nitong nagpakilalang kasama. Nagpulasan ang mga tao at may ilan na natira na nag-usap-usap tungkol sa biglaang nangyari. “Buhay pa kaya siya?” tanong sa akin ni Mengil. “Patay na siya,” diretsong sagot ko. Dahil pinagmasdan ko ang lalaki habang sinasakay ito sa ambulansiya, at kahit habang nasa kalsada pa ito, wala nang paggalaw sa dibdib nito at nag-iba na rin ang kulay ng labi. “May hindi tama,” sabi ko. “Wala siyang sugat, pero may nakita akong patak ng dugo sa damit niya?” “Maari kayang?” “Maaring bampira ang umatake sa kanya. At maaring narito pa siya. Hindi ugali ng bampira na tatakbo palayo kapag siya ay may nabiktima,” saad ko. Pinagmasdan namin ni Mengil ang mga tao sa paligid. Naghanap kami ng kahina-hinala. Dahil maaring nasa paligid lamang ang may gawa noon. At isa sa mga narito at bampira. May na-spot-an ako sa tapsilogan na nasa kabilang kalsada. “Si Francis ang lalaking iyon, ‘di ba?” tanong ko kay Mengil bilang paniniguro. “Oo, si Francis nga ‘yon,” sagot ni Mengil. “Magbantay ka lang dito. Tatanungin ko siya,” sabi ko. Tumango si Mengil. Sinuot ko ang hood ng jacket ko at tumawid ako ng kalsada upang puntahan si Francis. Nagulat ang kumag nang bigla akong maupo sa harap niya. Iced-tea ang nasa harap niya na wala pang halos bawas. Mukhang kakapasok niya pa lamang dito. “Ang papa mo pa rin ba ang mayor ng bayan na ito?” tanong ko. Bumabalik sa alaala ko ang kahambugan ng taong ito. At hindi ko nakikita sa kanya ngayon iyon. Mukhang kabado siya. “I-Ikaw?” nagulat na sabi niya. “Oo, mayor pa rin ang papa ko. Lumayas sa harap ko kung ayaw mong pabugbog kita sa mga tao namin.” Napangisi ako. Hindi ko inalis ang pagkakatitig ko sa kanya. Nag-aangas na siya pero kita ko pa rin sa galaw ng katawan niya ang kaba. “Kaya ba hindi ka sumama sa presinto sa mga tropa mo dahil ayaw mong mapahiya ang mayor mong tatay?” diretsong tanong ko. “Ano bang sinasabi mo? Wala akong alam do’n,” pagalit na sabi niya. “Puwede lumayas ka na sa harap ko.” “Anong nangyari?” tanong ko na hindi siya pinansin sa sinabi niya. Kung kaya ko pang maging pula ang mga mata ko tinakot ko na ang bungol na ‘to, eh! “Sabihin mo para matulungan kita,” madiing sabi ko at mahina kong ibinagsak sa mesa ang dalawang nakakuyom na kamay ko na sinadyang ipakita sa kanya ang metal sa aking kamao. “May kinatatakutan ka. Nasa paligid ba ang may gawa no’n? Narito ba siya sa loob?” Deritso akong tiningnan ni Francis ngunit hindi pa rin siya makasagot. Mas naramdaman ko ang takot niya. “Magsalita ka,” muling madiing utos ko sa kanya. “A-Ang lalaking ‘yon.” Nanginginig na lumingon siya sa labas. Salamin ang pader ng tapsilogan kaya makikita ang nasa labas. “Ang nakaputing damit na payat na ‘yon.” Lumingon ako sa labas. Isang nakatalikod na lalaki lamang ang nando’n, ang lalaking matangkad na payat. “Pinagtripan namin siya sa eskinita. Si Jace ang gumulpi sa kanya, pero paglabas ng eskinita ni Jace nagkagano’n na siya. At nawala na ang lalaking ‘yan do’n nang puntahan namin sa eskinita. B-Baka ako ang isunod niya,” takot na salaysay ni Francis. Sasabihin ko sana kay Francis na siguro ngayon ay titigil na siya sa pambu-bully, ngunit biglang tumakbo ang nakaputing lalaki at patungo ito sa direksiyon ni Mengil. Agad akong tumakbo palabas ng tapsilogan. “Mengil!” sigaw ko upang balaan siya. Mabilis ang lalaki, sa tingin ko ay bampira nga ito. Pumorma si Mengil at nakita kong kukunin niya sana ang kanyang hunting knife upang protektahan ang kanyang sarili ngunit binunggo na siya ng payat na lalaki at napatilapon siya. Bumulagta si Mengil. Dumiretso naman palayo ang lalaki. “Ayos ka lang?” tanong ko nang malapitan ko si Mengil at inalalayan ko siya. “Buti na lang protektado ako,” sagot niya. “Ayos lang ako. Kaya ko. Sundan natin siya.” Binunot na niya ang kanyang patalim at tumakbo na kami sa direksyon kung saan nagtungo ang lalaki. “Positive na bampira siya. Kakaiba ang bilis niya at nakita kong may kakaiba siyang ginawa, humaba ang kamay niya. At iyon ang umatake sa kaibigan ni Francis,” saad ko habang tumatakbo kami. “Napansin ko ‘yon. Siko niya ang tumama sa tiyan ko,” sabi naman ni Mengil. Wala nang tao sa parte ng kalsadang napuntahan namin at wala na rin ang sinusundan naming bampira. Isa-isang pumutok ang bombilya na nasa paligid. May tila pumutik sa mga ito. Dumilim ang paligid ngunit maaninag pa rin ang paligid dahil sa liwanag ng kalahating buwan. “Pre, nandito siya, humanda ka,” sabi ko kay Mengil. May pinindot siya sa kanyang helmet, nagbuga ito ng liwanag. May flashlight ang suot niyang helmet, mukhang handang-handa talaga siya sa pagharap namin sa mga bampira. Hindi masakit sa mata ang liwanag kaya at makakatulong nga iyon sa amin para mas makita ang kalaban. Bigla kong tinulak si Mengil. May mabilis na papalapit sa amin, ang kaninang sinusundan naming bampira! Nakaiwas kami at dumaan ito sa gitna namin. Hinarap namin ito, hindi ito umiwas nang mapukol ng ilaw ng flashlight. At tumawa ito nang tumawa na animo’y wala sa katinuan. Matangkad na payat na lalaki ang bampira. Sa pagkulay pula ng mga mata nito, inilabas ko ang Dark Kiss na aking espada. Humakbang ako naghanda sa pag-atake ng kalaban. “Astig ‘yang espada mo, ah. Meron ka pa niyan, pre?” komento ni Mengil. “Nag-iisa lang ‘to sa mundo,” nakangiting sagot ko na hindi inaalis ang tingin sa bampirang nasa harapan namin na may kakaiba nang nangyayari sa katawan. Gumagawa ng kakaibang tunog ang mutant vampire at unti-unting humahaba ang mga paa’t kamay nito. HINDI KO PINANSIN ang dumating na nagsalita ngunit nagpunas ako ng luha sa aking mukha. Naupo rin ito sa buhangin malapit sa akin. Kinuha ko ang isang bote na hindi pa bukas at inalok ko sa kanya na hindi nagsasalita. Nagkatinginan kami ngunit mabilis ko rin binawi ang tingin ko sa kanya. Madali niyang nabuksan ang bote ng alak pagkaabot ko sa kanya at tumungga siya ng laman. “Hindi ka pumasok dahil ayaw mong gamitin ang bigay kong motor?” biglang tanong niya. Ngumisi ako. “Kailan pa may kaugnayan sa ‘yo ang mga ginagawa ko, Troy?” balik na tanong ko. “Galit ka ba sa akin?” Hindi ako nakasagot. Pag-inom ng alak at pagtanaw sa malayo ang naging sagot ko sa kanya. “Hindi ka nakasagot. So, galit ka nga,” sabi niya at muli siyang uminom ng alak. Tulad ko, nakatanaw rin siya sa malayo. “Bakit nandito ka?” tanong ko sa kanya. “Wala na kami ni Selena. Umuwi na siya sa kanila kasama ng mama niya,” sabi niya na malayo sa tanong ko. Nabalitaan ko na ‘yon na umuwi na sa bahay nila ang ex kong si Selena mula sa resort nila. Pero wala naman akong pakialam pa do’n. “Okay,” sabi ko na lang. “Gaano karami ang dugong kinukuha ninyo sa kanila araw-araw? Nagsawa na ba kayo sa kanila? May dugo pa ba sila?” Hinawakan ako ni Troy sa braso at pinaharap niya ako sa kanya. “Gaano na karami ang nalalaman mo?” tanong niya. Mas dumiin ang pagkakahawak niya sa akin. “Ano ba ang mga dapat kong hindi malaman?” tanong ang naging sagot ko sa kanya. Hindi siya nakaimik. Lumuwag ang pagkakahawak niya sa akin. Hinawakan ko ang kamay niya upang bawiin ang braso ko. Gumapang ang galit sa katawan ko ngunit kinalma ko ang sarili ko. Tumungga ako ng alak. Kahit paano, marami na rin akong alam tungkol sa kanila at sa pamilya nila. Alam kong sila ang bumihag kay Tres at puro bampira ang staff ng resort nila. At may mga bagay akong gustong malaman pa at aalamin ko ang totoo! Ang mama niya, siya ang pumatay sa papa ko! Sa tanong niya kung galit ako sa kanya? Oo! Galit na galit ako! Gusto kong isigaw sa harap niya ‘yon. Gusto kong ipakita sa kanya ang galit ko! Ngunit alam kong hindi makakabuti iyon sa ngayon. Muling hinarap ko siya. Nakatingin pa rin siya sa akin. “Bakit mo ba ‘to ginagawa? No’ng mga nakaraan lang, tinatakot mo ako at sinasaktan. Pero ano ‘to? Ano ba ‘tong ginagawa mo? Anong trip ba talaga ‘to, Troy?” “Gusto kong maging malapit tayo,” diretsong sagot niya. Na nagpagapang muli ng galit sa katawan ko ngunit pinilit kong ngumiti. “Tang-ina,” nakangising nasabi ko. Katulad na naman ba ito nang ginawa sa akin ni Tres? Bakit ba trip nila ako? Mga bading ba ang mga lalaking bampira? Naninipsip? Gusto kong matawa sa naisip ko ngunit seryoso kong tinitigan si Troy na hindi rin mapatid ang titig sa akin. “Gusto mo ba ako?” Umiwas siya ng tingin. Hindi siya nakasagot at uminom siya ng alak. Ayaw kong maging judgemental, pero nangyari na kasi ang ganito. At ngayon sasakyan ko na ang mga trip nila. Kung pinaglalaruan niya rin ako tulad ni Tres, edi maglaro kami. “Hindi ka nakasagot. So, gusto mo nga ako,” sabi ko na pagbalik sa sinabi niya sa akin kanina. Hinarap niya ako. “Pa’no kung gano’n na nga? Pa’no kung gusto nga kita?” “Edi, tayo na. Jowa na kita. At jowa mo na ako,” harapang nasabi ko sa kanya na hindi inaalis ang pagkakatitig ko sa kanyang mga mata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD