CHAPTER 25: Pagharap Sa Takot

3263 Words
CHAPTER 25: Pagharap Sa Takot  ARJAY KINABUKASAN, TINUTUO KO na ‘di muna pumasok. Pinaghanda ko ng almusal sina mama at Jane. Ako na rin ang nagpresentang maghugas. Habang nililigpit ko ang mga pinaghugasan ko, lumapit sa akin si mama. “Hindi ka pumasok para makapagpahinga. Pero heto, ikaw ang gumagawa ng mga ‘yan,” ani mama. “Okay lang po, ‘ma. Hindi kaya kayo nakakapagod pagsilbihan ni Jane,” nakangiting sabi ko. “Salamat, ‘nak,” nakangiting sabi ni mama. “Ma...” Napahinto ako at napatitig saglit kay mama. “Kapag natagpuan ko na ang sarili ko. Kapag alam ko na ang gumugulo sa ‘kin, kayo po ang unang sasabihin ko. Sa ngayon po kasi, malabo pa rin ang isip ko, ‘ma,” sambit ko. Hinaplos ni mama ang buhok ko at niyakap ako. “Ang panganay ko,” sambit niya na punong-puno ng pagmamahal at pang-unawa. “Sorry, ‘ma…” --------- MALAKAS ANG ALON ng dagat. Humakbang ako palapit dito. Nais kong malaman kung nawala na ba ang takot ko sa dagat. At umaasa akong may mga alaalang magbabalik sa isipan ko, ang araw na may umatake sa amin ni papa sa dagat. Ang araw nang mamatay si papa. Naniniwala akong hindi lang basta aksidente iyon. May pumatay kay papa. Malabo man sa alaala ko ang mukha ng babae, pero malakas ang kutob ko na ang bampirang mama ni Troy ang halimaw na ‘yon. “Go, kuya!” narinig kong sigaw ni Jane. Lumingon ako, kasama ni Jane si mama, nasa kubo sila. “Go, anak!” sigaw ni mama. May hawak pa siyang cellphone at sa tingin ko, kinukunan niya ako ng video. “Ano bang ginagawa n’yo?” medyo nahiyang sigaw ko. Baka kasi may mga kapitbahay na makarinig. Hindi ko akalain na nand’yan sila. “Support mo kami, kuya!” sigaw ni Jane. Napangiti na lang ako. “Ang pogi mo ‘nak kahit sa malayo. Kaya mo ‘yan, Arjay, anak! Isi-send ko ‘to kina Tito Andoy mo at kay Tito Ramon mo! Go, anak!” sigaw ni mama. Napangiti na lang din ulit ako at hinarap ko ang dagat na may namumuong luha sa mga mata. Huminga ako nang malalim. Tumatama na ang dulo ng alon sa aking mga paa. Nagtuloy-tuloy ako sa paglalakad hanggang tinatamaan na ako ng paghampas ng alon at hanggang sa maging kabeywang ko na ang lalim ng tubig. May kabang gumapang sa katawan ko, ngunit kailangan kong labanan ang aking takot. Bumuwelo ako, muli akong humugot ng malalim na hininga at pumailalim na ako sa tubig. At nilangoy ko ang mas malalim pang parte ng dagat. Lumangoy ako nang lumangoy hanggang sa mawala ang kabog ng takot sa aking dibdib. Malamig ang tubig, ramdam ko iyon sa buo kong katawan. Dumilat ako, nakita ko ang malabong ilalim ng dagat. Animo’y isang malawak na kawalan. Tulad ng aking isipan at nararamdaman na hindi ko matagpuan. Umahon ako. Dumaloy ang luha ko. Hindi dahil sa hapdi ng tubig dagat sa aking mga mata, kundi dahil sa nararamdaman kong saya. Wala na ang takot ko. Nagawa ko. Kaya ko na ngayon harapin ito. Naharap ko ito. “Pa? ‘pa…?” Nakatingla ako sa langit. “Pangako ‘pa, aalamin ko ang totoong nangyari,” ipinangako ko sa sarili ko at kay papa na nasawi nang araw na ‘yon. Patihaya akong nagpalutang. Nakiisa ako sa dagat habang pinagmamasdan ang asul na kalangitan kung saan gumagalaw ang mga ulap. Saglit akong tila naligaw sa kawalan. At bigla na lang… Kabaliwan, pero iniisip kong nasa tabi ko siya. Hawak ko ang kamay niya at nagpapalutang kaming dalawa. Dahil sa kanya, naharap ko ang takot ko. Nang iligtas ko siya sa ilalim ng dagat nang araw na muli ko siyang makita matapos ang mahigit dalawang taon. Nagkaroon ako ng tapang dahil sa kanya. Ang madilim na lugar, ang naging ligtas kong lugar. “Dark…” mahinang nasambit ko. Ipinikit ko ang aking mga mata, at pilit siyang inaalis sa isip ko. Umahon ako. Patakbong sumalubong sa akin sina mama at Jane. Nakita ko ang saya nila. Tulad ko, may luhang dumadaloy sa kanilang mga mata. Niyakap nila ako. “Mababasa kayo,” sabi ko. “Okay lang. Tingin ka anak sa camera,” sabi ni mama. Nagre-record pa rin ng video ang cellphone. “Maliligo naman kami. ‘Di ba ‘ma?” ani Jane. “Oo!” sagot ni mama. “Pa’no ‘yong tindahan, Nandito tayo lahat,” sabi ko. “Hayaan mo na ‘yon,” sagot ni mama. “Manoy? Manoy Andoy – ” Hindi na natuloy ni mama ang kanyang sasabihin. Umiyak na lamang siya gano’n din si Jane. Nagtutuloy-tuloy na ang pagluha ko. Napaiyak na din ako. Muli ko silang niyakap. Hindi ko akalain na gano’n kalaking bagay sa kanila ‘yon. Naging makasarili ko. Hindi ko napansin na nasasaktan sila na may kinatatakutan ako. --------- = SA PALENGKE = MAGKATABING NAKATAYO SINA Andoy at Ramon habang pinapanood ang video ni Arjay na hinaharap ang takot sa paglangoy sa dagat. Napaluha si Andoy, gano’n si Ramon. Nasaksihan ng mga ito kung paano natakot si Arjay sa dagat. At kung paano niya nilayo ang sarili sa iba nang panahong sariwa pa ang mga sugat sa pagkamatay ng kanyang ama. “Siguro napakasaya ngayon ng kapatid ko,” sambit ni Andoy. “Tiyak ‘yon. Tingnan mo nga siya sa video,” pagsang-ayon ni Ramon at sabay ang mga itong bahagyang natawa dahil sa masayang sigaw ni Nora sa video na mama ni Arjay. “Day off ng mga bata sa Linggo, ‘di ba? At hindi naman tayo magtitinda. Magsalo-salo tayo?” suggest ni Andoy. “Alam mo bang tumatakbo rin ‘yan sa isip ko?” nakangiting sang-ayon ni Ramon. -------- = SA HAPPY CHICKEN = “ANO’NG NGININGITI-NGITI MO d’yan?” puna ni Hannah kay Mengil. “Para ka pang iiyak?” puna naman ni Michelle. “Wala,” sagot ni Mengil. Nasa pantry sila. Tinitingnan ni Mengil sa kanyang cellphone ang video na sinend ng tita niyang si Nora, ang pagsagupa ni Arjay sa dagat. Biglang may umagaw sa cellphone na hawak ni Mengil. “Si Arjay, hindi pumasok para maligo sa dagat?” nakangiwing komento ni Fatima na biglang pumasok sa pantry. Ngumiti si Mengil. “Maraming taon na nilabanan ni insan ang takot niya sa dagat.” “Ano’ng ibig mong sabihin?” tanong ni Hannah. “Namatay ang papa niya sa dagat. Aksidente ang nangyari, at sila ang magkasama no’n sa Bangka. Mula noon, nagkaroon na ng takot si Arjay sa dagat. Tiyak napakasaya ngayon ni Tiya Nora. Pati sina tatay,” paliwanag ni Mengil. “Oo nga. Kaya pala sobrang saya nila,” ani Fatima. “Mama niya ba ito?” Tumango si Mengil. “Kaya pala naiiyak pa ang mama niya.” Tiningnan rin nina Hannah at Michelle ang video at napangiti ang mga ito at naramdaman din ang emosyon nina Arjay sa video. “Sabihan mo si Arjay kahit hanggang bukas siya maligo sa dagat,” sabi ni Michelle. Mahinang natawa si Mengil. Nawala na ang ilang niya sa kanyang mga boss na babae. Alam na niyang hindi dapat katakutan ang mga ito. Nabanggit sa kanya ni Tres na mukha namang hindi mga bampira ang mga ito. --------- = SA TABING-DAGAT = PINAGMAMASDAN NI TRES mula sa malayo si Arjay habang masayang naliligo sa dagat kasama ang mama at kapatid nito. Sa unang pagdampi pa lamang ng tubig dagat sa mga paa ni Arjay, nandoon na si Tres. “Ganito ba ang konsepto mo ng paglayo?” Napalingon si Tres sa likuran niya nang may biglang may magsalita. Nakilala niya na ang tinig nito ‘di niya pa man ito nakikita, si Troy. “Nakabantay ka pala talaga sa kanya?” tanong niya. “Oo. Tinutupad ko ang kasunduan natin. Kaya tumupad ka sa usapan natin kung ayaw mong ako mismo ang magdala ng halimaw na bampira sa bahay nila. Alam mong ginagawa ko ang sinasabi ko,” banta ni Troy. “Tinutupad ko ang pangako ko. Mali bang pagmasdan siya mula malayo?” “Ito na ang huling pagkakataon na makikita kitang umaaligid sa kanya,” muling banta ni Troy. “Balita ko, kinakalaban mo ang mga mutant vampire? Iyon na lang ang pagtuunan mo. Magpakabayani ka sa islang ito.” “Iyon naman ang gusto mo, ‘di ba? Hindi ka rin sang-ayon sa plano ng pamilya mo. Gusto mong labanan ko ang mga mutant vampire, tama?” “Dahil gusto kong sila ang pumatay sa ‘yo. Ayaw kong bigyang ng rason si Arjay na magalit sa akin o sa pamilya ko. Magiging akin siya.” Nakaramdam si Tres ng galit sa kanyang dibdib. “Ang sabi mo, nais mo lang siyang mag-isa. Haharangin mo ang magmamahal sa kanya at mamahalin niya!” Ngumisi si Troy. “Ano pa ba ang pakialam mo sa gusto kong gawin?” “Troy, nakikiusap ako sa ‘yo.” “Na ano?” Mas lumaki ang nakakalokong ngiti ni Troy. “Lumabayan mo siya,” madiing sambit ni Tres. Tinulak siya ni Troy. Mahina lamang ngunit napaatras si Tres. “Pinagbabantaan mo ba ako?” maangas na tanong nito. “Wala kang magagawa. Hawak ko ang buhay niya at ng pamilya niya. May pagkakataon kang iligtas siya, ngunit tinalikuran mo siya. Mas pinipili mo maging mahina, maging tao. Kaysa makasama siya. Kaya ano ang karapatan mo?” Natigilan si Tres. Napakuyom na lamang siya. Walang mali sa sinabi ng bampirang binatang kaharap niya. Tumalikod na lamang siya, at humakbang palayo. “Kung gusto mong mawalan ng bisa ang kasunduan natin, at mabawi siya, yakapin mong muli ang pagiging bampira at labanan mo ako hanggang isa na lang ang matira sa atin.” Napahinto si Tres sa kanyang narinig. Muling napakuyom na lamang siya, na pinipigilan ang kung ano mang nasa loob niya. Hindi na niya nilingon pa si Troy, itinuloy niya ang paglalakad palayo. Samantala, umahon na sina Arjay at ang mama at kapatid niya, naglalakad na sila palayo sa dagat. Nasulyapan ni Arjay si Troy sa malayo. Alam niyang nakatingin ito sa kanya. Mag-isa na lamang si Troy sa pagkakataong iyon. Huminto si Arjay sa paglalakad, nakipagtitigan siya kay Troy. ---------- ARJAY NAPAHINTO AKO NANG mapansin ko si Troy sa malayo. Tiningnan ko siya, at batid kong nakatingin siya sa akin. Hindi ko alam ang pakay niya o kung ano man ang trip niya. Wala na akong takot ngayon sa kanya kahit makailang ulit na niya akong pinagbantaan. Hindi pa rin malinaw sa alaala ko ang mukha ng babae nang araw ng trahedya sa dagat. Ngunit malakas talaga ang kutob ko na mama iyon ni Troy. Si pinsan, ang mama rin ni Troy ang pumatay sa nanay niya. Naniniwala ako na hindi nangsisinungaling si pinsan. Kaya dapat kong maalala ang lahat! Kailangang maging malinaw sa alaala ko ang mukha ng kriminal na iyon! Hindi ako matatahimik! Magbabayad ang halimaw na iyon! At maari kong magamit si Troy upang makapaghiganti sa kanya! Napakuyom ako, at ipinangako ko sa sarili ko na bibigyan ko ng hustisya ang pagkamatay ni papa. Hindi ako natatakot sa kanila! Hindi ako tatahimik lang! Gumagapang ang galit sa laman! “Anak, ‘wag ka nang magpatusta sa araw!” narinig kong sigaw ni mama. Nasa kubo na sila ni Jane. Nakangiting tumakbo ako palapit sa kanila at sabay-sabay na kaming bumalik sa bahay. Hindi pa rin mawala ang saya nila na nagawa kong maharap ang takot ko sa dagat. Kung may nagho-hold back man sa akin sa balak kong paghihiganti, sina mama at Jane iyon. Dahil maari kong ikapahamak ang binabalak ko. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin kina mama ang nalalaman ko, o dapat ko pa bang ipaalam sakanila? Ayaw kong madamay pa sila. At alam kong mahihirapan silang paniwalaan ‘yon. At kung sakali man, alam kong pipigilan nila ako sa paghihiganti ko. Habang nagbabanlaw ako, inaalala ko ang mga alaalang naalala ko habang nasa ilalim ako ng dagat. Sa pagdilat ko sa ilalim, malabo kong nakita ang malawak na ilalim ng dagat. Kasabay no’n, dumagsa ang mga malabong alaala sa utak ko nang araw ng trahedya. Kalmado ang dagat, nagsasagwan si papa. Masaya siya na nakikita akong excited sa pagbabangka naming dalawa. Tumayo ako sa may unahan ng bangka, pakiramdam ko lumilipad ako na ako si Superman. Ngunit biglang umuga ang bangka, may puwersa na parang pinapalubog ito, at nahulog ako. Narinig ko ang pag-aalalang sigaw ni papa. Pinipilit kong umahon ngunit may malamig na nakakapit sa paa ko at hinihila ako nito pailalim. Tiningnan ko ito, babae ito, sinasayaw ng tubig ang mahaba nitong buhok at ang itim nitong mahabang suot. Nakaramdam ako ng labis na takot nang maging kulay pula ang mga mata nito. Sumaklolo sa akin si papa, ngunit siya naman ang inatake ng babae. Hindi ko na maalala kung paano ako nakaligtas, naging madilim na sa akin ang lahat. Hanggang do’n lang naalala ko. Pero base sa rumescue sa amin, tumaob ang bangka at bangkay na si papa nang matagpuan nila. At nakasampa ako sa nakataob na bangka. Malakas pa raw ang ulan noon. Ngunit hindi ko na maalala na bumuhos ang malakas na ulan nang araw na iyon. Maaalala ko rin ang lahat! Makikilala ko rin ang halimaw na ‘yon! ---------- HABANG IPINAGPAPAHINGA KO ang utak ko sa mga naaalala ko, naisip kong uminom ng beer upang makatulog ako. Kumuha ako ng apat na bote at cornick para pulutan, at pumunta ako sa tabing-dagat. Low tide, at pumuwesto ako medyo malapit sa tubig. Maliwanag ang kalahating buwan kaya hindi ko kailangang gumamit ng ilaw. Maririnig ang ingay ng mga mangingisdang namamana, gumagamit sila ng rechargeable flashlight na binalot ng goma upang makita ang ilalim ng dagat. Maraming ilaw sa malawak na batuhan na lumilitaw kapag low tide, mga mangingisdang mga maliliit na alimango at mga kung ano pang makakaing lamang dagat ang hinuhuli nila. Para silang mga alitaptap sa malayo. Medyo kalmado at hindi gaanong malakas ang ihip ng hangin. Sa maghapong dumaan, hindi ko pa rin napag-isipan ang isa pang gumugulo sa akin. Pero nandoon na ang katanungan, na kung mahal ko na ba siya? At kung nasasaktan ba talaga ako sa ginawa niya? Ang gagong ‘yon, akala niya mukha akong pera? Hindi ko mapigilang magalit kapag naaalala ko ang gabing ‘yon na para niya akong pinagtabuyan at pinagtawanan nang sabihin kong labis akong nag-aalala sa kanya! Hindi ako naniniwalang pinagtripan niya lang ako nang sabihin niyang mahal niya ako. Nakita ko sa mga mata niyang totoo ‘yon, at naramdaman ko rin na totoo. Ito na naman ako. Akala ko buo na sa isip ko na lalayo na ako sa kanya. Na hindi na puwede. Pero bakit ngayon, itinutulak ko na naman ang sarili ko sa kanya. Imbes na hilahin ko ang sarili ko palayo! Lalaki ako. Kilala ko ang sarili ko. Pero bakit ganito? Napatungga ako ng beer. At nagpakawala ng malalim na hininga. “Tarantado ka!” mahinang nasabi ko. Napayuko ako. Pumasok sa alaala ko nang una kaming magkita. Tumatakbo ako no’n palayo kina Francis. Nagtama ang aming mga mata. May kakaiba na sa mga tingin niya sa akin no’n na parang nakakita siya ng multo. Iniligtas niya ako nang araw na ‘yon sa pambu-bully sa akin ng grupo nina Francis. Naalala ko rin nang muli kaming magkita sa palengke. Nag-deliver pa ako ng mga manok sa bahay niya. Napangisi ako. Nang araw na ‘yon, isinandal niya ako sa pader. Siraulo. Nang araw ding iyon siya nagpakilala at pasigaw ko namang ibinigay ang pangalan ko sa kanya nang paalis na ako. Naalala ko rin nang imbitahan siya ni pinsan sa birthday ni Tito Andoy. Iyon ang gabing unang nagkainuman kami. Wala akong malay na bampira pala siya. Napangiti ako. Nasilipan niya ako nang gabing ‘yon dito sa tabing-dagat nang umihi ako. At nang gabi ring iyon, sinabi niyang gusto niya ako. At tinawag ko siyang ‘Dark’. “Dark, dahil para kang madilim na lugar na ‘di ko alam kung ano ang meron sa ‘yo. Para kang isang malaking misteryo na biglang sumulpot. Na parang matagal na kitang kilala.” Iyon ang sinabi ko sa kanya. Iyon ang tingin ko sa kanya nang mga sandaling ‘yon. At hanggang ngayon, isa pa rin siyang madilim na lugar para sa akin. Na hindi ko matagpuan. Iminom ako ng beer. Naalala ko ang sagot niya sa akin no’n. “Dark na rin ang itatawag ko sa ‘yo. Dahil para ka rin isang madilim na lugar, na gustong-gusto ko. Lugar na walang manghuhusga sa ‘kin at ligtas ako.” Iyon ang naging tugon niya sa akin. Naramdaman ko ang bawat salitang binitawan niya. Hindi iyon pangti-trip lang. Hindi ko siya hinusgahan no’n kahit pa lalaki siya at lalaki rin ako na pinagtapatan niya ng kanyang nararamdaman. Kapwa kami nasa madilim na lugar at hindi matagpuan ang isa’t isa. Naalala ko ang lahat, ang bawat araw na pinagsamahan namin. Nang muli kaming magkainuman, nang maging tour guide niya ako sa pamamasyal niya, at nang tumira ako sa bahay niya. Balewala sa ‘kin ang mga bagay na ‘yon noon, ngunit malinaw na naaalala ko ngayon. May gabing umiyak ako sa tabi niya dahil sa sakit na nararamdaman ko no’n, dahil sa ex kong si Selena. Ang makasarili ko, pinakita ko sa kanya na nasasaktan ako para sa iba kahit pa alam kong gusto niya ako. Nang gabing ‘yon, komportable ako sa kanya. Hindi ako nahiyang ipakita ang kahinaan ko. At sabi niya, mas minahal niya ako dahil sa kahinaan ko. Buong puso niya akong tinatanggap kahit hindi pa kami lubusang magkakilala. Alam kong walang pagpapanggap ang mga sinabi niya sa ‘kin noon. Pero bakit ganito siya ngayon? Napainom ako ng alak. Naalala kong minsan kong sinabi sa kanya na gusto kong magkaanak at bumuo ng masayang pamilya. Naisip ko ngayon na siguro nasaktan ko siya sa sinabi kong ‘yon. Para kasing sinabi ko na rin sa kanya na itigil na niya ang nararamdaman niya sa akin dahil wala siyang pag-asa. Na walang pag-asang maging kami. Gumawa ako ng pader sa pagitan naming dalawa. Pero nanatili siya no’n. Pero bakit ngayon, bigla niya akong tinutulak palayo? “Kapag gano’n na ang nararamdaman ko, lalayo ako sa ‘yo. Dahil hindi puwede.” Nasabi ko sa kanya ang mga salitag iyon. Muli akong tumungga ng beer. Ngayon lumalayo ako sa kanya. Gano’n na ba ang nararamdaman ko? At nang mawala siya, labis talaga akong naapektuhan. Pinili kong lumayo, ngunit umaasa pa rin akong makikita ko siya. Kaya kahit nasa Maynila ako, nagbabakasakali akong isang araw, matagpuan ko siya. Kalokohan! Kaya ba ako lumayo no’n, dahil gano’n na ang nararamdaman ko? Kaya ba ako labis na naapektuhan dahil nasasaktan na ako sa pagkawala niya? Hindi ko namalayan na dumadaloy na ang luha mula sa aking mga mata. At nabitawan ko ang hawak kong bote ng beer. Nanginginig ang mga kamay ko. Bigla na lang naiiyak ako. Bakit ganito? Natigilan ako nang may biglang magsalita. “Umiiyak ka?” tanong nito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD