Chapter 7

5236 Words
Kabanata 7 "Anak, bakit ngayon ka lang? Saan ka ba nanggaling?" Aligagang tanong sa akin ni Inay nang makitang pababa ako ng motor ni Lukas. "Bakit po, Nay. May nangyari ba?" "Si Leny, kanina pa namimilipit sa sakit ng tiyan. Ikaw lang 'yong hinihintay namin para madala siya ng ospital!" Kaagad akong pumasok ng bahay at nakita kong namimilipit nga sa sakit ng tiyan ang aking kapatid. Siguro sa sobrang sakit nito naging mapusyaw na ang kulay ng kanyang balat. Nataranta naman ako nang bigla na lamang itong sumuka ng aking akayin. "Kailangan na natin siyang madala sa ospital, Koy!" Bulalas ni Lukas sa aking likuran at kaagad nitong nilapitan si Leny at binuhat patungo sa kanyang motor. "Nay kami na ang bahala kay Leny. Mauna na po kami sa ospital. Ihanda n'yo lamang po ang mga gamit niya!" Wika ko ng ini-start na muli ni Lukas ang makina ng kanyang motor. Nasa pagitan namin si Leny na noo'y umuungol dahil sa iniindang sakit sa kanyang tiyan. "S-sige, anak!" Halos dalawang oras rin ang aming hinintay bago lumabas ang resulta ng labtest ni Leny at napag-alamang may UTI ito at nasa accute stage na kaya kinailangan na itong i-confine upang malapatan ng matatapang na gamot at antibiotic. Sa kabuuan, ayon sa doktor na sumuri sa kanya, ayos lang naman daw ang kalagayan ni Leny dahil naisugod namin agad siya ng ospital iyon nga lang may limang araw rin siyang mako-confine at kinailangan kong lumiban sa klase at sa trabaho upang bantayan ang kapatid ko lalo na sa gabi dahil bawal kay Inay ang magpuyat. Laking pasalamat ko naman kay Lukas dahil sinasamahan niya akong magbantay kay Leny tuwing gabi. Matapos ng duty niya sa paaralan ay deretso na kaagad iyan sa ospital bitbit ang iba't ibang klase ng prutas at pagkain. Talagang ipinapadama niya sa akin ang kanyang pagmamahal pati na sa aking pamilya. "Ayaw mo bang umuwi, Koy? Maaga pa ang pasok mo bukas" Wika ko habang binabalatan niya ang biniling dalandan. "Hindi na Koy. Ayokong iwan kayo rito. Makasama lang kita, solve na ako!" "Shhh, bibig mo, mamaya marinig tayo ni Leny, ambilis pa naman niyang sumagap ng tsismis!" Kunway pinandilatan ko siya. "Jusme, Kuya, huwag kang ano diyan. Alam ko na kaya kayo!" Ang pagsingit naman ni Leny na siyang labis kong ikinagulat. Buong akala ko kasi ay nakatulog na siya. Iniangat pa niya ang kalahati ng kanyang katawan upang ipakitang hindi pa siya natutulog. "A-anong alam mo na?" "Mag-boyfriend kayo ni Kuya Lu—!" Maagap ang isang kamay ko na takpan ang kanyang bunganga sa takot na marinig ng ibang tao ang kanyang sasabihin. Hindi lang kasi kami ang na-confine sa naturang ward dahil pampublikong ospital iyon. Inalis ko rin naman ang aking kamay sa kanyang bunganga at baka mahirapan siyang makahinga. "Kung ano man ang nalalaman mo tungkol sa amin ni Lukas, sana sa'tin na lang iyon, Leny. Huwag mo munang ipaalam kay Inay at baka hindi niya kakayanin. Ako na ang bahalang magtapat sa kanya sa tamang panahon!" Seryosong pakiusap ko kay Leny. Dalagita na siya kaya siguradong naiintindihan niya ang aking nais. "Noong mga bata pa lamang tayo ay natunugan kong may kakaiba na sa pagkatao mo, Kuya at may gusto ka kay Kuya Lukas. Ganunpaman, hindi kailanman nagmaliw ang respeto ko sa'yo at pagmamahal bilang responsable at mapagmahal na kapatid. Nang mawala si Itay, ikaw na ang tumaguyod sa amin, kitang-kita namin ang pagsusumikap mong gampanan ang responsibilidad na iniwan ni Itay kaya tanggap ko at naiintindihan ko kung anuman ang pagkataong meroon ka. Sino ba naman ako para magreklamo na ako mismo ay alam kung iyan ang bagay na magpapaligaya sa'yo!" Ang tugon naman ni Leny. Niyakap ko siya at nagpasalamat sa kanyang pag-unawa. Kahit papaano, gumaan ang aking pakiramdam na may isa ng mahal ko sa buhay ang napagsabihan ko sa tunay kong pagkatao. Ganoon naman talaga. Napakahirap para sa aming nasa gitna ang magtapat ng tunay na pagkakakilanlan sa aming mga mahal sa buhay. Para bang daig pa nito ang isang krimen na may kaakibat na mabigat na parusa. "Wala ba kayong balak na ipaalam kay Inay ang inyong relasyon, Kuya? Alam ko na tulad ko, maiintindihan ka rin niya, e sa magulang natin siya" Wika niya. "Naghihintay lang ako ng tamang tiyempo, Leny..." Sinubuan ko siya ng dalandan na binalatan ni Lukas. "...gaya ng sinabi ko, may tamang panahon para diyan. Siguro nga maiintindihan din ako ni Inay, pero siguradong masasaktan din siya kasi nga ako iyong inaasahan niyang papalit kay Itay sa pamilya at ayokong mangyari iyon. Dadahan-dahanin ko lang munang ipaunawa sa kanya ang pagiging ganito ko, hindi ko siya maaring biglain" Tumabi ng upo sa akin si Lukas. Hinawakan niya ang aking kamay at hinarap si Leny. "Tama ang Kuya mo, Leny. Hindi natin alam kung ano ang iisipin ng Inay mo kapag malalaman niyang may relasyon kami ni Mario. Walang magulang na magiging masaya kapag nakikita na ang anak nito ay hindi naayon ang damdamin sa kung ano ang pagkakalikha sa kanya ng Diyos. Pero kung sakali mang malaman niya ang tungkol sa amin, handa naman akong paninindigan ang Kuya mo. Hindi naman kasi tumutukoy sa kasarian ang tunay na pagmamahal" Nakita ko ang pagtango ni Leny. Ngumiti siya sa amin. Inakbayan ako ni Lukas habang ang ulo ko'y nakahilig sa kanyang balikat. Nasa ganoon naman kaming ayos ng biglang, "Hi Mar, pasensiya ka na kung ngayon lang ako nakadalaw, busy lang sa mga activities sa school" Sabay kaming napalingon sa pinangyarihan ng boses, si Gina iyon na may bitbit na pasalubog. Kitang-kita ko ang pamimilog ng kanyang mga mata nang makitang naroon si Lukas at nakaakbay pa sa akin. Hindi ko naiwasang mapayuko, ewan, pero nakaramdam ako ng awa at hiya sa kanya. Awa dahil batid kong may nararamdaman siya sa akin at umaasa siyang maging kami subalit malabo ng mangyari iyon sa kadahilanang si Lukas ang mahal ko at hindi ko kayang dugasin ang itinitibok ng aking puso. At kahit tanggap ko ang aking pagkatao subalit ang katotohanang itinago ko iyon sa harap ng marami lalo na kay Gina na may malaking pagkakagusto sa akin ay hindi ko maiwasang makaramdam ng hiya kasi nga iba ang expectations nila sa akin. Sumilay ang ngiting pilit sa mga labi ni Gina nang masipat ang nakalingkis na bisig ni Lukas sa aking balikat. Normal na akbay lang naman iyon ng magtropang maituturing subalit ramdam kong natunugan na niya kami. Makikita iyon sa ekspresyon ng kanyang mukha. Tumayo ako upang tanggapin ang mga pasalubong niya at nang mailapag ko ang mga iyon sa ibabaw ng maliit na mesa sa gilid ng kama, kaagad na nagpaalam na umalis si Gina. May pakiramdam akong nasaktan siya sa kanyang inabutan kung kaya nagpaalam ako kay Lukas na siya ay sundan. "G-Gina, sandali!" Tawag ko sa kanya ng papalabas na siya sa main entrance ng ospital. Tumigil din naman siya at hinarap ako. Hinila ko siya sa may hardin ng ospital. "S-sorry!" Ang nasambit ko. "Wala ka namang kasalanan, Mar kaya walang dahilan para humingi ka ng tawad. Matagal na akong may naririnig tungkol sa'yo ngunit binalewala ko ang lahat dahil ayokong husgahan ka dahil lamang sa aking mga naririnig at....!" Sandali siyang tumigil. Napalunok ng laway. "...at nakakahiya mang aminin ngunit matagal na panahon na ring may lihim akong pagtatangi sa'yo ngunit hindi ko iyon naisatinig dahil ang babaeng katulad ko ay walang kakayanang magtapat ng nararamdaman sa lalaking iniibig. Kaya ang ginawa ko ay hintayin ang araw kung kailan ka magtapat sa akin. Buong akala ko kasing may nararamdaman ka rin sa akin base na rin sa iyong mga ipinakita ngunit nagkamali ako" "Hindi ka naman mahirap mahalin, Gina. Sa katunayan nasa iyo na ang lahat ng katangian na hinahanap ng lalaki sa isang babae. Subalit, tama ang mga narinig mo patungkol sa akin. Hindi ako kagaya ng mga lalaking kilala mo, iba ang pagkatao ko. Inaamin kong may lihim akong paghanga sa'yo ngunit hanggang doon lang iyon. Iba pa rin kasi ang itinibok ng aking puso. Sa totoo lang binalak kong ligawan ka ngunit akin ding naisip na baka lalabas lang na ginagamit kita upang mapagtakpan ang katauhang mayroon ako. Bakla ako, Gina. Si Lukas na ang minahal ko noong bata pa lamang ako. Siya iyong tinutukoy ko sa aking kwento. Nagkalayo kami at ngayong muli kaming pinagtagpo ng tadhana hindi ko na sasayangin ang pagkakataon na panindigan ang isinisigaw ng aking damdamin!" Pahayag ko sa kanya. Nakita ko ang mga luhang nangilid sa kanyang mga mata na pinahid niya nang mabilisan. "Ngayon, malinaw na sa akin ang lahat. Kahit papaano, nagpapasalamat pa rin ako dahil sa naging tapat ka sa akin, Mar. May sapat ng dahilan para supilin itong nararamdaman ko sa'yo. Isa sa pinakamahirap gawin ang maturuan ang nilalaman ng ating mga damdamin kaya kuntento na ako kung hanggang sa pagkakaibigan lang ang pwede sa atin!" Luhaan siya habang yumakap sa akin nang buong higpit. Gumanti din ako ng yakap sa kanya at masuyo kong hinalikan ang kanyang noo. Batid kong nasaktan siya sa mga nangyari na kahit hindi man niya nasabi ay alam kong nag-aasume siyang magiging kami. "Ikaw pa rin ang bestfriend ko, Gina. Salamat dahil sa kabila ng pagiging ganito ko, tanggap mo pa rin ako!" Kumalas siya sa akin at nagpakawala ng isang matamis na ngiti. "Ayaw ko pa noon, may magmi-make-up na sa akin nang libre sa kasal ko!" Biro niya. "Kung gano'n e, kailangan ko na palang magpraktis magmake-up ngayon!" Tawanan kaming pareho. Magkahawak kamay kaming bumalik sa loob ng ospital at ang sabi pa niya sa akin, "Sabihin mo lang kung paiiyakin ka ng Lukas na 'yan at ako ang makakabangga niya. Kahit pa anlaki ng katawan niya, hindi ko siya aatrasan. Handa akong maging tomboy para sa'yo!" Alam kong biro lamang niya iyon pero nakuha ko pa ring magpasalamat. Talagang ipinapadama niya sa akin na tunay siyang kaibigan at ang sabi ko naman, "Bago ka papaligaw, pakilala mo muna sa akin para makilatis ko. Ang babaeng singganda at bait mo ay dapat lamang na mapunta sa lalaking mabait rin at responsable!" "Huwag na gurl, baka iba ang gagawin mong pagkilatis, mahirap na!" Humagalpak ng tawa. "Inaamin kong bakla nga ako pero hindi naman ako lalambot-lambot kung kumilos. Kung maka-gurl naman 'to, wagas!" Tawanan ulit kami habang bumalik sa loob ng ospital. Nakalabas na rin si Leny at maayos na ulit ang kanyang kalusugan. Ako naman ay todo sa pagkopya sa mga na-miss kong aralin sa notebook na hiniram ko kay Gina. Limang araw din kasi ang absent ko sa aming klase. At sa sipag ko na mag-aral at bilis na pumik-ap ng mga aralin, hindi naman ako nahirapan. Nakahabol naman ako at naging top one pa sa aming lingguhang pagsusulit. Sa trabaho nama'y panay ang aking overtime. Hindi na ako nagre-restday para punan iyong mga araw na hindi ako nakapasok. Hindi naman ako inoobliga ni Mrs Santos na gawin iyon ngunit dahil sa pagtanaw ko ng malaking utang na loob sa kanya sa pagpapaospital ng aking kapatid, nagkusa na ako. Isa pa hindi rin namam gano'n kahirap ang mga gawain dahil nasa counter lang naman ako at idagdag pa iyong palagiang pagsundo sa akin ni Lukas na talaga namang nakakawala ng stress at pagod kapag ganoong ang matamis niyang ngiti ang baon niya sa kanyang pagsundo sa akin. Limot ko ang lahat ng mga suliranin sa buhay kapag magkasama kami. Hindi ko alam kung paano ang magiging mundo ko kapag mawala siya sa buhay ko. Siya iyong nagsisilbing compass sa landas na aking tinatahak. Batid kong mahal na mahal ako ni Lukas. Talagang pinapatunayan niyang puso at pagkatao ko ang habol niya sa akin at hindi iyong mga materyal na bagay na kung tutuusin ay wala naman talaga ako. Anong mapapala niya sa isang working student na gaya ko na kung hindi dahil sa tulong ni Mrs Santos, magpahanggang ngayon sa bakery sa Cabanatuan pa rin siguro ako nagtatrabaho at malamang hirap pa ring makapag-aral. Bukod sa aming dalawa, tanging si Trexor lang ang may alam tungkol sa lihim naming relasyon sa aking pinagtatrabahuan. Tiwala naman akong hindi niya iyon ipagkakalat dahil naging malapit na kaming magkaibigan. Nagsimula iyon nang malaman niyang kami na ni Lukas kinabukasan matapos naming magtapat sa isa't isa. Binibiro pa nga niya ako sa kung ano raw ang sekreto ko at gagayahin niya upang makabingwit rin ng isang lalaking kagaya ni Lukas. At ang sabi ko naman, "Dasal lang 'yan, Trex, dasal, walang patumanggang pagdarasal!" "Hay naku, kung pagdarasal lang ang pag-uusapan kota na ako diyan. Pati nga pag-aayuno ginawa ko na. Kulang na lang litrato ni Rizal at Bonifacio luluhuran ko e, pero bakit bokya pa rin?" Nayayamot niyang pahayag. "Bakit 'di mo gawin at malay mo magkatotoo. Mag-alay ka na rin ng mga prutas at insenso para mas epektib!" Biro ko pa sa kanya. Kinurot niya ako sa tagiliran, napakislot ako.Halatang naiinis. "Pasabunot nga sa long hair mo na yan, ugh!" Sinabunutan nga niya ako bago bumalik sa kusina at nagpahabol pa ng, "Sa totoo lang ikaw naman talaga ang gusto ko nung una, pero iyon pala, katulad lang pala kita, berde ang dugo!" Napailing na lamang ako. Lumipas ang mga araw, linggo at buwan ay mas tumibay pa ang pagmamahalan namin ni Lukas. Inalok ko siya na sa bahay na lamang tumira para hindi na siya mangungupahan pa at ang ipambabayad niya sa renta ng kanyang bording house ay sa pagkain na lamang mapupunta at sa pagpapadala ng sustento sa kanyang mga magulang na naiwan sa dati naming baryo. Pumayag din naman si Inay dahil hindi naman iba sa kanya si Lukas. Kilala na niya ito mula pagkabata at naging kanang kamay pa ni Itay noon sa bukid kaya walang naging problema. Iyon nga lang doble ang pag-iingat namin upang hindi kami matunugan ni Inay. Kapag wala siyang pasok, siya iyong naglilinis ng bahay at naglalaba sa marurumi naming damit. Minsan pinagsabihan ko na siyang hindi niya dapat gawin iyon ngunit talagang ayaw niyang paawat. Kaya hinayaan ko na lamang siya sa nais niyang gawin. Kapag wala si Inay sa bahay, daig pa sa tunay na mag-asawa ang turingan namin sa isa't isa. Naroon iyong paglalambingan at kunting asaran na nauuwi sa pagpapaalpas ng init ng aming mga katawan sa loob ng aking silid. At kapag weekends naman, hindi mawawala iyong pagpipiknik namin sa silong ng Talisay sa itaas ng burol na kung saan nakasanayan ng tawaging hardin ng mga gamuhamo bagama't mga alitaptap naman ang mga nananahan rito. Iyon ang itinuturing naming tagong paraiso na tanging kaming dalawa lamang ang nakakaalam. Doon, malaya naming naihahayag ang aming pagmamahalan ng walang pag-alinlangan at walang sinuman ang maaring makapanghusga sa amin. Malaya kami sa mga nais naming gawin na tanging ang mga alitaptap sa itaas ng puno ang siyang piping saksi sa wagas at tapat naming pagmamahalan. "Pag-iipunan ko ang lugar na ito" Minsang sabi niya habang ikinulong niya ako sa matitikas niyang bisig. "Para saan?" Tanong ko naman. "Dito ko binalak na itayo ang magiging tahanan natin sa hinaharap. Malayo sa mga tao, malayo sa mapanghusga nilang mga mata. Kahit bahay kubo lang, kuntento na ako dahil ikaw naman ang makakasama ko. Ayos ba 'yon sa'yo, Koy?" Tumingala ako sa kanya. Ngumiti ako. "Hangad kong mamuhay ng payak kasama ka, Koy. Kaya kahit sa barong-barong mo man ako patitirahin, solve na ako. Oo may mga pangarap din ako sa buhay ngunit ang makasama ka hanggang sa ako ay nabubuhay dito sa mundo ang aking pinakamimithi. Aanhin ko ang marangyang pamumuhay kung hindi rin lang ikaw ang makakasama ko sa pagtanda" Gumuhit ang isang matamis na ngiti sa kanyang labi. Pinisil niya ang tungki ng aking ilong. "Salamat, Koy. Hindi ko man kayang ibigay sa'yo ang mundo, ikaw naman ang siyang magiging mundo ko!" At nagtagpo ang aming mga labi. Hindi kami nagsasawa na angkinin ang bawat isa. Masasabi kong perpekto ang takbo ng relasyon namin ni Lukas. Kung may pagtatalunan man kami, iyon 'yong kung gaano namin kamahal ang isa't isa at kung hanggang saan ang pwede naming isakripisyo. As usual, lagi naming sinasabi sa isa't isa na tanging kamatayan lang ang makakabuwag sa aming samahan. Kuntento na ako sa kung ano lang ang pwede niyang maibigay at ganoon din siya sa akin. Laking pasalamat ko na may isang Lukas na dumating sa buhay ko. Siya kasi iyong nakakatuwang ko sa hirap ng buhay na aking pinapasan. Kapag sinusumpong na naman si Leny sa kanyang UTI dahil sa katigasan ng ulo, si Lukas kaagad iyong nagkukumahog na madala ito sa pagamutan. Nag-aabot rin siya ng pera pandagdag sa mga gastusin. Parang siya na iyong tumatayong haligi ng aming pamilya at ako iyong ilaw ng tahanan na tanging kami lamang dalawa ang nakakaalam. Kaya kung minsan kapag nakaluwag-luwag ako, nagpapadala ako ng pera kina Mang Diego upang maipakita kay Lukas na mahalaga rin sa akin ang kanyang pamilya. Tutal naman, wala na kaming pinagkaiba sa tunay at normal na mga mag-asawa. Ngunit noong napapadalas na ang pagpapadala ko ng pera sa mga magulang niya ay pinagsabihan niya ako. "Tama na 'yan Koy. Sapat pa naman ang sinasahod ko para may maiambag na pantustos sa pamilya ko. Aalahanin mong malapit ka ng mag-college kaya dapat magsimula na tayong mag-ipon. Pag-iipunan natin ang pag-aaral mo" "Ayos lang, Koy. May naitatabi naman ako para sa aking pag-aaral sa kolehiyo. Hangad ko lang na makatulong sa pamilya mo gaya ng pagtulong mo sa akin. Isa pa, nangako naman si Mrs Santos na tutulong sa pagpapaparal sa akin sa college kaya wala kang dapat na ipangamba" "Kahit na. Nakakahiya na kasi" "Aba, nahihiya ka na ngayon sa akin? Diba sabi mo mag-asawa na tayo? Sino pa ba ang magtutulungan, e di, tayo rin lang naman" Niyakap niya ako. At habang nasa ganoon kaming ayos ay biglang dumating si Trexor. Habol-habol ang hininga nito habang kumakatok sa pinto. "Mar, itigil n'yo na muna iyang lampungan n'yo at may badnews ako. Buksan nyo 'tong pinto, daliii!" Sigaw niya na halos gibain na lang iyong pinto ng bahay. Kaagad naman akong tumalima. Sumunod sa akin si Lukas. "B-bakit ba?" Kinakabahan kong tanong. "Si Mrs. Santos at 'yong asawa niya, naaksidente, patay na sila, friend!" "Ha? Nagbibiro ka ba?" Halos sabay naming sigaw ni Lukas. Parang hindi kami makapaniwala sa dalang balita ni Trexor. Noong isang gabi lang kasi ay nakasabay pa namin ang Ginang sa hapunan. Nang makita mismo ng dalawang mata ko ang dalawang kabaong na inilagak sa isang memorial chapel sa sentro ng bayan ng Mariveles ay doon na tuluyang nagsink-in sa akin ang kagimbal-gimbal na pangyayari. Ayoko mang paniwalaan subalit heto, kitang-kitang ko ang mag-asawa na nakahiga sa kani-kanilang mga kabaong, nakapikit at wala ng buhay. Dagsa ang mga taong gustong makiramay kabilang na roon ang mga kasamahan namin sa restaurant na pinamahalaan ng yumao naming amo. Hindi ko napigil ang aking mga luha. Pakiramdam ko kasi ay nawalan ako ng pangalawang magulang. Bibihira na lamang ang kagaya niya na handang tumulong sa kapwa na walang hinihinging kapalit. Utang ko sa kanya ang lahat ng mayroon kami ngayon ng pamilya ko. Kung hindi dahil sa kanya, hindi ko alam kung saan kami ngayon pupulutin. Dalawang araw matapos ang libing ay nagsimula na ulit ang operasyon sa restaurant sa ilalim ng bagong manager na bunsong kapatid na lalaki ni Mrs. Santos. Kung gaano kabait ang yumao ay kabaliktaran naman ang pag-uugali ng bago naming amo. Bagama't may itsura subalit ang lahat ng kapintasan sa pag-uugali ay nasa kanya na. Ni minsan ay hindi namin ito nakikitang ngumiti at pasinghal naman kung ito ay makautos. Kasinliit ng langgam ang turing niya sa amin kaya wala pang isang buwan simula noong mag-take-over siya ng pamamahala ay isa-isa ng nagresign ang mga kasamahan kong crew. Ako at si Trexor na lamang iyong naiwan at nagtitiis sa masamang ugali naming amo. Dalawang buwan na lang kasi ay magtatapos na ako ng highschool kaya pinagtiisan ko na lamang ang kanyang pag-uugali. Wala na kasi si Mrs Santos na siyang nagpapaaral sa akin at sa aking mga kapatid kaya pilit kong sinikmura ang nakasusulasok niyang pag-uugali. Wala na kasi akong ibang mapagkikitaan kung hindi ko siya pagtiisan at nahihiya rin ako kay Lukas na iasa sa kanya ang lahat kahit pa ilang beses na niya akong pinare-resign sa trabaho at sinabing siya na ang bahala sa pamilya ko. "Talaga bang ayaw mong mag-resign, Koy. Narinig ko mula kay Trexor na pinagalitan ka na naman daw ng hinayupak n'yong amo dahil lamang sa na-short ang kaha mo ng labin-limang piso!" Wika ni Lukas habang naglalakad kami patungong pharmacy upang bilhin ang ilang resita ni Leny. Kalalabas ko lang noon sa trabaho. "Tatapusin ko na lang ang dalawang buwan, Koy. Sanay naman ako na magtiis e. Isa pa, kasalanan ko rin naman kaya napagilatan ako. Isipin na lang natin na kalakip iyon sa pinapasahod niya sa akin" "Hindi ka ba niya pinagbuhatan ng kamay?" "H-hindi naman. Mabungananga lang ang lalaking iyon ngunit hindi naman siya namimisikal" "Mata lang niya ang walang latay kapag nalaman kong sinaktan ka niya. Hindi ko siya sasantuhin kahit siya pa ang pinakamayamang tao sa mundo. Ibang usapan na kasi kapag sinaktan ang taong mahal ko!" Pakiramdam ko'y hindi na sumayad ang aking mga paa sa kalsada nang marinig ang sinabi niyang iyon. Sobrang kilig ko lang kasi at siyempre tuwang-tuwa na hayan handa siyang ipagtanggol ako sa mga taong maaring manakit sa akin. Napaakbay tuloy ako sa kanya bigla. Iyong akbay na parang sa magtropa lang upang hindi kami mahahalata sabay bulong ng "I love you" Matapos naming mabili ang mga gamot ni Leny ay kumain na muna kami ng balot sa gilid ng parke. Habang kami ay kumakain, napag-usapan namin ang tungkol sa aking pag-aaral sa kolehiyo. "Sa second semester na lang siguro ako papasok, Koy" Pahayag ko. Hinigop muna niya ang sabaw ng balot bago nagsalita. "Bakit naman?" "Kinulang na kasi iyong perang naipon ko dahil sa napapadalas na pagkaka-confine ni Leny sa ospital. Wala na si Mrs Santos na nangakong tutulong sa akin kaya kailangan ko muna ng kaunting sakriprisyo upang mabigyang daan ang mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin" "Alam kong mahalaga sa'yo ang pag-aaral, Koy kaya sa tingin ko ito ang dapat mong i-priority. May naipon din naman ako kahit papaano kaya tutulungan kita sa iyong pag-aaral" "Paano ang pamilya mo? Kailangan ka rin nila, Koy" Hindi siya nakaimik sa aking sinabi. Waring pinagtimbang-timbang niya ang kanyang isip. Bagama't wala siyang sinasabi subalit batid kong naghihirap na rin siya lalo pa't nitong nakaraang buwan lang ay labas-masok sa pagamutan ang ama niyang si Mang Diego dahil sa kumplikasyon sa atay. At nitong huli, nanganak ang kapatid niyang babae na sumunod sa kanya at dahil tumakas ang lalaking nakabuntis dito, si Lukas ang umako sa lahat ng gastusin sa panganganak nito pati na pambili ng mga kagamitan ng bata gaya ng damit, lampin, at diaper. Kung titingnan, larawan si Lukas ng isang masayahing tao, palangiti at mukhang walang iniindang suliranin sa buhay. Ngunit sa likod ng ngiting iyon at mga halakhak nagkukubli ang samot saring dagok ng buhay. Doon ako bumilib sa kanya. Kaya niyang magmukhang matibay sa kabila ng hirap na kanyang pinapasan. Kaya nga gusto kong parati siyang nasa aking tabi upang mahawa ako sa tibay ng kanyang loob at kakayahang ngitian ang mga problemang humahambalos sa kanya. "Buti sana kung ikunsidera ng pamunuan ng paaralan na ako ang magiging valedictorian sa kabila ng aking pagiging transferee at nang automatic full schoolar ako sa State University ng Bataan. Kaso, mukhang malabong mangyari iyon. Alituntunin na kasi nila na ang kukuning top one ay iyong simula't sapul, enrollee nila" Pagpapatuloy ko. "Sa totoo lang, hirap na hirap na rin ako, Koy. Hindi lingid sa iyong kaalaman ang sitwasyon ng pamilya ko kaya patawad kong hindi ko muna matutupad ang pangako kong tutulungan kita sa iyong pag-aaral!" Wika niya sa mababang boses. Bakas sa kanyang mukha ang ibayong lungkot. "Naiintindihan ko, Koy dahil tulad mo, naghihirap din kami. Pero huwag kang humingi ng patawad dahil wala ka namang kasalanan. Sapat na sa akin na hayan, palagi kitang nakakasama sa araw-araw at pinapadama mo sa akin ang iyong wagas at tapat na pagmamahal. Doon pa lang, bawing-bawi kana. Wala na akong maihihiling pa!" Hinawakan ko ang kanyang kamay. Pinisil ko iyon. Sumilay muli ang matamis na ngiti sa kanyang labi. Sumapit ang aking graduation. Tulad ng inaasahan, ako ang naging class salutatorian sa aming batch kahit na batid ng nakararami na ako iyong mas may naibubuga sa academics. Isa pa rin iyong karangalan na dapat ipagbunyi. Walang mapagsidlan ang aking tuwa sampu ng aking pamilya nang umakyat ako ng entablado upang tanggapin ang medalyang sumisimbolo na pangalawa sa pinakamagaling na mag-aaral na nagtapos sa taong iyon. Maluha-luha pa si Inay nang isabit niya ang medalyang pilak sa aking leeg at ang sabi pa niya, "Natitiyak kong masayang-masaya ang Itay mo ngayon, anak dahil sa karangalang nakamit mo. Ito yata ang isa sa mga pangarap niya na iyong tinupad" At sa sinabi niyang iyon hindi ko napiligan ang pagbulwak ng aking mga luha. Parang nakikita ko kasi ang imahe ni Itay na nakikipalakpak sa kumpol ng mga tao at si Mrs. Santos na siyang susi ng aking pagtatagumpay. Maya-maya pa'y umakyat na rin sa entablado si Lukas kasama ng dalawa kong kapatid para sa aming family picture. At sa pagsapit ng gabi, sa hardin ng mga gamu-gamo, isinuot niya sa aking daliri ang isang singsing na regalo niya sa aking graduation. "Pasensiya na, Koy. Iyan lang ang nakayanan ko, gipit eh!" Waring nahihiya niyang sabi. Napakamot pa siya sa kanyang ulo. "Lahat ng bagay na nanggaling sa'yo ay napakahalaga sa akin, Koy. Kaya salamat. May regalo ka man sa akin o wala, ayos lang dahil ikaw naman ang itinuturing kong pinakamahal na regalo na aking natanggap mula sa Itaas!" Marahil sobrang na-touched siya sa aking sinabi kung kaya't hindi niya naitago ang namuong luha sa kanyang mga mata. Totoo naman talaga na siya ang pinakamahalagang regalo na natanggap ko kaya kahit kailanman hinding-hindi ko siya ipagpapalit kahit na ninoman. Kinakubakasan ay nagtungo agad akong paaralan upang kunin ang aking report card at diploma. Wala naman akong nakatenggang babayarin kung kaya't naibigay agad iyon sa akin ng registrar. Papalabas na sana ako noon sa gate nang marinig kong may tumawag sa aking pangalan. Si Gina iyon ng aking lingunin. Tinanong niya sa akin kung saan ako magpapa-enroll ng college. At ang tugon ko naman sa kanya, "Hindi na muna ako magpapa-enroll ngayong pasukan, Gina!" "Ha? Bakit naman?" "Naubos kasi ang mga naipon ko sa pagpapagamot sa aking kapatid. Buti sana kung naging valedictorian ako para full schoolar ako sa State University ng Bataan, kaso hindi e. Bagama't mura lang ang tuition diyan, kailangan pa rin naman iyong bayaran at hindi pwedeng utangin" "Sabagay, kung bakit ba kasi magpahanggang ngayon ay hindi pa rin naisabatas ang libreng tuition fee sa mga mahihirap na estudiyanteng gustong mag-aral. Pero alam mo, may sulosyon ako sa problema mo!" "Talaga, ano?" Nagagalak kong tanong sa kanya. "Subukan mo kayang mag-take ng schoolarahip examination sa UST at kapag makapasa ka, libre na ang tuition mo, may allowance ka pa. Ang iisipin mo na lang ay ang iyong matutuluyan. At balita ko, pwede kang makapamili ng schedule kaya kung gusto mong humanap ng raket, pwedeng-pwede. Nakapag-aral ka na, kumikita ka pa at the same time!" "Wow, talaga, Gina? Pero diba sa Maynila 'yon?' "Oo. Pero huwag kang mag-aalala dahil sasamahan naman kita. Doon din kaya ako mag-aaral at kapag pinalad ka, schoolmate pa tayo!" "Kailan naman ang examination?" "Bukas na bukas din kaya maghanda ka na. Ano kita na lang tayo sa terminal bukas ng umaga ha?" "Magpapaalam muna ako kay Lukas at kay Inay!" "Okey, sige. Text mo na lang ako mamaya matapos mong magpaalam!" Nang makaalis si Gina ay kaagad kong tinungo ang guardhouse sa kabilang gate na kung saan naroon si Lukas nakatoka. Abot-langit ang ngiti sa aking labi habang ikinukwento ko sa kanya ang tungkol sa schoolarship na sinasabi ni Gina subalit tanging isang pilit na ngiti ang kanyang naging tugon. Ewan, ngunit may kutob akong hindi siya pabor sa aking nais ngunit hindi ko na iyon binigyan pa ng pansin. "Mas mabuti ng sumubok, Koy at malay mo makapasa ako. At kapag nangyari 'yon, unti-unti ko ng makakamit ang mga pangarap ko para sa atin" "Tiwala akong makakapasa ka dahil matalino ka. Ngunit sa kabilang banda, ngayon pa lang, nalulungkot na ako!" Bumaba ang tono ng kanyang boses. "Bakit naman?" "Tang-ina, tinatanong pa ba 'yon? Siyempre mamimiss kita" Nagcracked ang kanyang boses. "Mami-miss din naman kita, Koy. At kung sakali mang makapasa ako sa pagsusulit, hinihiling ko sa'yo ang iyong pag-unawa at suporta. Kailangan muna nating magsakripisyo para sa ating magandang kinabukasan. Isa ka sa mga taong paghahandugan ko ng aking tagumpay!" Pinilit kong pasiglahin ang aking boses. Dahil tulad niya, naiiyak na rin ako. Iisipin ko pa lang na magkakalayo kami ay para na akong pinagsakluban ng sanlibutan ngunit kailangan kong labanan ang lumbay at pangungulila alang-alang sa aking mga pangarap—sa aming mga pangarap. "Hangad ko naman kung ano ang nakabubuti para sa'yo at sa atin. Alam kong pangarap mong makapagtapos ng pag-aaral at pinangako kong susuportahan kita ngunit iba lang kasi ang pumapasok sa aking isip kapag narinig ko ang MAYNILA. Hindi kasi lingid sa aking kaalaman ang siste sa malaking siyudad na 'yan. Kaya hindi ko maiwasan na makaramdam ng takot at pangamba dahil diyan na ako nanggaling" "Naiintindihan kita, Koy. At makakaasa kang dobleng ingat ang aking gagawin. Kaibigang matalik naman natin si Gina kaya natitiyak kong lehitimo iyong sinasabi niyang schoolarship. Hindi naman siguro niya kayang ipagkanulo ako sa masama" Nakita ko ang pagtango niya. Hindi ko man narinig ang isang daang porsiyento niyang OO pero sigurado akong pumapayag siya aking mga plano. Kinabukasan hinatid niya ako sa terminal ng bus pa-Maynila na siyang usapan namin ni Gina na magkikita. "Huwag kang mag-aalala, Chief. Hindi ko itatanan itong boyfriend mo. Makakabalik siya ng Mariveles nang buo!" Nakuha pang magbiro ni Gina bago kami umakyat sa bus. Alam kong paraan niya iyon upang hindi gaanong mag-aalala si Lukas sa akin. "Goodluck sa'yo, Koy. Tiwala akong makakapasa ka!" Ang sabi niya ng nagsimula ng lumarga ang bus na sinakyan namin at bago pa man kami tuluyang nakalayo, gumuhit sa kanyang mga labi ang katagang I LOVE YOU na tinugon ko naman ng pabulong. Isang oras ang time limit ng pagsusulit na nahahati sa apat na kategorya. Logic, Abstract, Math at Grammar. Sa awa ng Diyos, nasagutan ko naman ang lahat ng mga tanong at natapos ko ito sa takdang oras na bagama't may kahirapan. Napausal pa ako ng dasal bago ko ito ipinasa sa babaeng examiner. At habang naghihintay sa resulta, naisipan ko munang tumungong hardin upang magrelaks. Kinuha ko ang celphone sa bulsa upang basahin ang mga text messages sa akin ni Lukas. Lahat iyon puro "pag-iingat" at "goodluck" ang nilalaman ng kanyang mensahe. At siyempre, mawawala ba naman ang salitang I LOVE YOU? Habang nasa kasagsagan ako sa pakipagpalitan ng text message kay Lukas ay siya namang, "Mar, lumabas na ang resulta sa exam, halika tingnan natin!" Si Gina sabay hila sa isa kong braso. Halos hindi ko naman maihakbang ang aking mga paa sa sobrang kaba. Ewan, pero mas domuble yata ang kabang nararamdaman ko kung ikukumpara kaninang nag-eexam pa lamang ako. Halos hindi naman kami makalapit sa bulletin board na kung saan nakapaskil ang mga pangalan ng nakapasa dahil sa daming taong nandoon na katulad kong kumuha rin ng exam. Kaya naman hinintay na muna naming magsialisan ang mga tao bago kami lumapit. May narinig akong mangilan-ngilang sumisigaw sa tuwa dahil pinalad silang makapasa ngunit karamihan nama'y laglag ang mga balikat na nilisan ang lugar. At noong may iilang tao na lamang ang naiwan ay saka pa lamang ako lumapit upang tingnan ang naging resulta. Sa dalawang-daan na kumuha ng exam, tatlumpo lamang ang nakapasa. Inuna ko munang basahin ang pangalan na nasa ilalim, pataas. At noong masipat ko ang pangalan ng pumasa sa ikatlong pwesto doon na ako halos himatayin sa sobrang tuwa. 3) PONTILLAS, Mario JR — 91.45%
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD