4

1106 Words
HINDI NAGISING si Aurora hanggang sa makarating sila sa bahay ni Santino. Maingat niyang kinarga ang dalaga. She stirred but she didn’t wake up. “Do...” usal nito habang nakapikit ang mga mata. Pumaikot sa kanyang leeg ang isa nitong braso. Tila may mariing pumisil sa puso ni Santino. Diosdado. She was calling for Diosdado. “What do you expect?” ang sabi ng tinig ni Teresa sa kanyang isipan, nanunuya. “She’s getting married. She got over you. Siyempre ay si Diosdado ang tatawagin at hahanapin niya. She got over you.” Pinagbuksan si Santino ng pintuan ni Manang Fe, ang kasama niya sa malaking bahay na iyon. Namilog ang mga mata nito nang makita siyang may kargang babaeng naka-traje. Hindi siya kailanman nag-uwi ng babae sa bahay na iyon mula nang namayapa si Teresa. Si Manang Fe ay yaya ni Teresa na kasama ng asawa hanggang sa pagtanda. Hindi raw siya iiwanan ni Manang Fe hanggang sa hindi siya nakakahanap ng panibagong mamahalin. Ipinangako raw nito iyon kay Teresa. “Ano ang nangyari?” tanong ni Manang Fe, may pag-aalala sa tinig. Waring hindi nito malaman kung sino sa kanila ni Aurora ang mas pagtutuunan ng pansin. Nangungunot ang noo ng matanda na madalas na magsilbing ina at lola niya. “Mahabang kuwento po, Manang,” sabi ni Santino sa munting tinig. “May maayos po ba tayong guest room?” “Oo naman. Ang silid na madalas gamitin ng mga biyenan mo.” Tinungo ni Santino ang hagdanan. Ang guest room na iyon ang pinakamalaki sa mga guest rooms sa bahay. Magiging komportable roon si  Aurora. Nakasunod sa kanya si Manang Fe hanggang sa silid. Pagkakita ng matanda sa hitsura ni Aurora ay mabilis itong nagtungo sa banyo. Paglabas ay may dala-dala ng maliit na basin at bimpo si Manang Fe. Maingat nitong pinunasan ang mukha ni Aurora. Nais niyang siya ang gumawa niyon ngunit hinayaan na niya si Manang Fe. “Sino siya, anak?” tanong ni Manang Fe kay Santino habang hindi tumitingin. Pinasadahan nito ng tingin ang kabuuan ni Aurora. Mas nangunot ang noo nito nang mapansin ang paa ng dalaga na walang sapin. “Base sa kasuotan niya, ikakasal siya. Kinidnap mo ba siya, Santi?” Sa ibang pagkakataon ay matatawa si Santino sa tinuran na iyon ng matanda. Mahilig si Manang Fe manood ng mga teleserye. “Hindi po, Manang. Magagawa ko po ba iyon? Ikakasal dapat siya.” “At...?” Sandali lang nag-alangan si Santino. “Iniwan siya ng pakakasalan niya sa altar. In love pala ang ga—groom sa nakababatang kapatid ni Auring—Aurora. Aurora po ang pangalan niya.” Marahas siyang nilingon ni Manang Fe. “Aurora? Ang Aurora na iniwan mo para kay Tere?” Si Santino naman ang nagulat. Hindi kailanman nabanggit ang pangalan ni Aurora sa bahay na iyon, iyon ang kanyang alam. Ngunit hindi na rin gaanong nakapagtataka dahil si Manang Fe ang best friend ni Teresa. Nasasabi nito sa matanda ang lahat, ang kahit na ano. Tumango si Santino upang kumpirmahin ang nais malaman ni Manang Fe. Unti-unti nang lumilipas ang gulat. Ibinalik nito ang paningin kay Aurora na walang kamalay-malay. Napagod talaga nang husto ang dalaga sa pag-iyak. “Hindi natuloy ang kasal niya? Kawawang bata.” “Hindi ko po alam kung saan siya dadalhin.” Hindi sigurado si Santino kung nagsasabi siya nang buong katotohanan. Nasisiguro niya na hindi niya hahayaan na mahiwalay siya kay Aurora. “Maaari mong dalhin ang sinuman sa bahay na ito, Santi. Bahay mo ito. Maaari mong iuwi ang sinuman. Lalo na ang dati mong nobya. Lalo na sa panahong kailangan na kailangan ka niya. Kawawang bata.” Naupo sa gilid ng kama si Santino. Nais niyang haplusin ang pisngi ni Aurora ngunit hindi niya magawa dahil abala si Manang Fe sa pag-aalis ng pins sa buhok nito. “Mas magiging komportable siya,” ani Manang Fe. Tumingin kay Santino ang matanda. “Nagluto ako ng pinakbet at pritong bangus. Kumain ka na muna at mukhang pagod na pagod ka rin.” Noon lang naalala ni Santino na walang laman ang kanyang tiyan sa maghapon. Hindi pa rin siya nakakaramdam ng gutom at ayaw niyang umalis sa tabi ni Aurora. “Huhubarin ko ang gown niya, anak, para mas maging komportable siya. Kapag nagising siya at hanapin ka, tatawagin kita,” sabi ni Manang Fe na waring nababasa ang kanyang isipan. Tumango si Santino kahit na tutol pa rin ang kanyang kalooban. Mas magiging komportable nga si Aurora kung huhubarin ang wedding gown. Banayad niyang hinagkan ang noo ng dalaga bago siya lumabas ng silid. Hindi siya bumaba. Nagtungo muna siya sa silid niya at dumeretso ng banyo. Habang nakatapat sa dutsa ay paulit-ulit niyang tinanong ang sarili kung ano na ang gagawin niya ngayon. Hindi siya makahanap ng sagot dahil hanggang sa ngayon ay hindi pa rin niya gaanong mapaniwalaan ang mga kaganapan. This is a sign, you know. You’re given another chance. You should be thankful. The gods must love you so much. Ipinilig ni Santino ang ulo upang maglaho sa kanyang isipan ang tinig at mukha ni Teresa. Ayaw niyang isipin ang sariling kapakanan sa ngayon. Ayaw niyang bumuo ng mga plano na nakasentro sa magiging kaligayahan niya. Pagkatapos maligo ay nais sana niyang balikan si Aurora ngunit pinigilan niya sa huling sandali ang sarili. Bumaba siya at nagtungo sa kusina. Kahit na parang ayaw tumanggap ng pagkain ang kanyang sikmura ay sumubo siya. Hinuhugasan na ni Santino ang mga pinagkainan nang samahan siya sa kusina ni Manang Fe. “Ako na riyan.” May isa pa siyang kawaksi na katu-katulong ni Manang Fe sa bahay ngunit day off nito. “Patapos na po. Kumusta po si Auring?” “Hindi nagising nang palitan ko ng damit. Kumuha ako panjama ni Tere sa closet n’yo. Mukhang napagod nang husto si Aurora.” “Sisilipin ko lang po siya,” ani Santino nang matapos niya ang ginagawa. Hindi na rin niya hinintay ang anumang nais sabihin ni Manang Fe, kung mayroon man. Mabilis siyang umakyat uli. Naka-pajama na nga si Aurora. Nakapikit ang mga mata nito ngunit nagsasalubong ang mga kilay. Naupo si Santino sa gilid ng kama at pinagmasdan ang mukha ng dating nobya. Muli niyang ipinangako sa sarili na gagawin niya ang lahat upang maging maayos ang kalagayan nito. Hindi na niya hahayaan na masaktan uli si Aurora. Isinandal ni Santino ang sarili sa headboard. Hindi niya halos namalayan na naipikit na niya ang mga mata. Ilang sandali pa ay himbing na rin siya sa pagtulog.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD