5

1863 Words
WAKE UP, honey. Nagmulat ng mga mata ni Santino. Unang nasilayan ng kanyang mga mata ang mukha ni Aurora. Ikinurap-kurap niya ang mga mata at siniguro na totoo ang kanyang nakikita, na gising na siya at hindi lamang nananaginip. Kapagkuwan ay sandali niyang pinagtakhan ang presensiya ng dating nobya. Nakahiga sila sa kama, magkatabi at magkaharap. Mabilis ang naging dagsa ng mga alaala. Muli, naitanong niya kung nangyari nga bang talaga ang mga nangyari. Hindi maipaliwanag ni Santino ang nadarama sa kasalukuyan. Waring naninikip ang kanyang dibdib sa pinaghalong simpatya, lungkot at kaligayahan. May bahagi sa kanya ang hindi pa rin makapaniwala na abot-kamay niyang muli si Aurora. She was with him. That made him so happy. Hindi marahil dapat dahil hindi niya nakakalimutan ang nangyari kahapon. Hindi siya dapat maging masaya sa kabiguan ng dating nobya. Ngunit mahirap sikilin ang damdamin, gaano man niya pagsumikapan. Halos hindi namalayan ni Santino ang pag-angat ng isa niyang kamay. Bago pa man niya mapigilan ang sarili ay banayad nang hinaplos ng kanyang daliri ang pisngi ni Aurora. Nangunot ang ilong nito, gumalaw-galaw ang mga talukap ng mga mata. Pigil-pigil ang hininga na hinintay ni Santino ang pagdilat ng mga mata ni Aurora. When their eyes met, he felt like something inside him snapped in place. He felt no void. He felt like he found what he had been searching for. Pamilyar sa kanya ang damdamin na iyon. Ganoon din ang kanyang nadama noong unang beses silang nagkita. Nangunot ang noo ni Aurora, nalilito. Tinatanong din marahil nito ang sarili kung ano ang ginagawa niya roon o kung nananaginip/binabangungot ba ito. Hindi malaman ni Santino kung ngingiti siya o ano. “A-ano...?” Bumangon si Aurora. Nasapo ng mga kamay nito ang ulo at tumingin sa kanya. Kunot na kunot pa rin ang noo ng dalaga. Inilibot nito ang paningin sa paligid ng silid. Bumangon na rin si Santino, bumaba sa kama. Tumikhim muna siya bago nagsalita. “Auring, n-naaalala mo ba...?” Napalunok siya nang mabasa sa mga mata nito ang kumpirmasyon na nagbalik na ang lahat ng nangyari kahapon. Santino wished he could make her forget. Tumango si Aurora. “Ano ang ginagawa mo rito?” tanong nito, malamig ang tinig at mga mata. Napagpasyahan ni Santino na mas nais niyang magalit sa kanya ang dalaga. Mas nais niyang mag-apoy ang mga mata nito sa galit. She looked so lifeless, so miserable otherwise. “I was... b-binabantayan k-kita. H-Hindi ko namalayan na nakatulog na rin ako. I’m sorry.” Muling tumango si Aurora. “Nasaan ako?” “Sa bahay ko.” Inilibot uli ni Aurora ang paningin sa paligid ng silid. “Hindi ko alam kung saan ka dadalhin. Ang sabi mo ay gusto mong lumayo.” Inihanda ni Santino ang sarili para sa galit ni Aurora. Muling tumango ang dalaga sa halip at nanatiling kalmado. Sa hindi malamang kadahilanan, mas kinakabahan si Santino sa kalma na ipinapakita nito. “So. Ito ang bahay n’yong mag-asawa?” “Y-yes.” Tumingin si Aurora kay Santino. “Salamat. P-puwede bang iwanan mo muna ako? Alam kong bahay mo ito—“ “Of course.” Mabilis na lumabas ng silid si Santino kahit na nais niyang manatili sana. Nabasa kasi niya sa mga mata nitong malapit na itong bumigay. Hindi na nito mapanatili ang pagiging malamig at kalmado. Hindi lumayo sa pintuan si Santino kaya kaagad niyang narinig ang pagtangis ni Aurora sa loob ng silid. Mabigit ang mga binti na tinungo niya ang sariling silid. Mas makabubuti marahil kung hahayaan na lang muna niya si Aurora. Hindi na muna niya pipigilan ang mga luha nito. Tinanggap na niya sa wakas na wala muna siyang magagawa sa ngayon. Hindi niya mapapawi ang sakit. Dahil hindi na alam ni Santino ang gagawin, ginawa niya ang karaniwang ginagawa sa araw ng Lunes. Naghanda siya para sa trabaho. Hindi naman niya talaga plinanong magtagal sa San Pioquinto kaya wala siyang kinansel na trabaho at meeting. Habang naghahanda ay iniisip niya kung kakayanin niyang umalis ng bahay at iwanan si Aurora. Pagbaba ni Santino ay natagpuan niyang nasa kusina si Aurora kasama si Manang Fe. Suot pa rin nito ang pajama na isinuot ni Manang Fe. Sinuklay nito ang buhok, gayunpaman. Mugtong-mugto pa rin ang mga mata nito, ngunit ipinagpapasalamat niya na hindi na umiiyak ang dalaga. Manang Fe was fussing over her. Hindi niya marahil kailangang mag-alala dahil nasisiguro niya na hindi pababayaan ni Manang Fe si Aurora. Si Manang Fe ang unang nakakita kay Santino. “Maupo ka na at mag-almusal, Santi.” Nilingon siya ni Aurora. Nginitian ni Santino ang dalaga. Pinagmasdan siya nito, bahagyang namimilog ang mga mata. Bahagya niyang ikinailang ang paraan ng pagtingin nito. He was wearing his usual office suit. “Good morning,” nakangiting bati ni Santino kay Aurora na pinasadahan siya ng tingin mula ulo hanggang paa. Binalingan niya si Manang Fe at binati rin ng magandang umaga. Naupo na siya sa tabi ni Aurora sa kitchen counter. May pormal na dining area naman sila at breakfast area sa may pool area, ngunit mas komportable na siya sa counter. Inilapag ni Manang Fe ang plato na may tapsilog sa harapan niya. Mabilis na sumunod ang isang tasa ng kape. Habang humihigop ng kape ay sinilip ni Santino si Aurora. Nakatingin pa rin sa kanya ang dalaga. “Hindi mo pa nagagalaw ang pagkain mo?” wika ni Santino upang mapagtakpan ang pagkailang. Nais din niyang sumubo ang dalaga. Kahapon pa walang laman ang tiyan nito. “Kinukumbinsi ko lang ang sarili na ikaw talaga `yan, Santi,” anito sa munting tinig. Inilapag ni Santino ang tasa ng kape at sinalubong ang tingin ni Aurora. “Ako pa rin ito, Auring. Ako pa rin ang Santi na nakilala mo.” Siya pa rin ang lalaking minsan ay nagmahal kay Aurora. Kaagad umiling si Aurora. “Hindi. Hindi na. Hindi na ikaw ang dating Santi.” Puno ng kumbiksiyon ang tinig ng dalaga. Nais sanang sabihin ni Santino na hindi si Aurora ang magpapasya o makapagsasabi niyon. Alam niya kung sino siya. Pinigilan niya ang sarili nang mabatid na maaaring tama ang dating nobya. Napakarami na nang nagbago sa kanyang buhay mula noong huling beses silang nagkita. Hindi na nga marahil siya ang dating Santino. “May mga bagay na nanatili kahit na marami na ang nagbago.” Ngumiti si Aurora, malungkot. “Siguro ay hindi na ako dapat magulat sa nakikita kong kalagayan mo ngayon. Noon pa man ay alam kong dito na ang tungo mo, Santi. Alam ko na magiging matagumpay ka. Hindi ako nag-isip ng ibang kinabukasan para sa `yo. Masaya ako para sa `yo.” “Talaga bang masaya ka para sa akin?” Nagkibit ng balikat si Aurora. “Kung mas magiging tapat ako, masyadong nakaka-overwhelm ang muling pagkikita at pagtatagpo na ito. Bukod pa sa nakaka-overwhelm na nangyari sa kasal ko. Hindi ko mapagpasyahan kung ano ang talagang mararamdaman.” Tumango-tango si Santino, ganap na nauunawaan ang sinasabi nito. There was a lot to take in. “I’m glad to see you again,” ang matapat niyang sabi. “Hindi ako masaya sa sirkumstansiya o sa naging sitwasyon mo pero masaya akong muli kang makita.” Noon napansin ni Santino na iniwan na sila ni Manang Fe. Nagpasalamat siya sa pagbibigay nito sa kanila ng privacy. Tumingin si Aurora sa kape at pagkain sa harapan nito.“Ano ang ginagawa mo sa San Pioquinto kahapon, Santi?” “Gusto kitang makita. Nalaman ko sa f*******: na ikakasal ka na.” “Bigla-bigla ay na-curious ka? Bigla-bigla ay naisipan mong bumalik para silipin ako? Bigla-bigla ay ginusto mo akong makita? Ilang taon na ang nakalipas, Santi? Sampu?” Hindi magawang sumagot ni Santino kaya tumango na lang siya. “Ang sabi ni Manang Fe ay dalawang taon na mula nang m-mamayapa ang asawa mo.” Muling tumango si Santino. “Cancer.” “I’m sorry. Hindi ko nalaman.” “Thank you.” Nabalot sila ng katahimikan. Waring malalim ang iniisip ni Aurora kaya kahit na nais tanungin ni Santino kung kumusta na ang pakiramdam nito ay napagpasyahan niyang huwag munang abalahin ang dating nobya. Tahimik siyang sumubo at uminom ng kape. Hindi ginalaw ni Aurora ang pagkain nito. Tumikhim si Aurora matapos ang mahabang sandali ng katahimikan. “Maraming salamat sa ginawa mo kahapon,” sabi nito sa munting tinig. “Hindi mo ako kailangang dalhin dito pero salamat pa rin at inilayo mo `ko sa k-kanila. Hindi ko lang...” Tumikhim si Aurora at pagkatapos ay humugot ng malalim na hininga. Nakikita ni Santino na pilit na nagpapakatatag si Aurora. “Hindi ko alam kung paano haharapin ang lahat, kung paano pakikiharapan ang sitwasyon. Hindi ko alam kung paano ko hindi paniniwalaan ang nangyari.” Nais abutin ni Santino ang kamay ni Aurora ngunit natatakot siya sa magiging reaksiyon nito. “I’m willing to help with anything.” Ilang sandali na mariing nakagat ni Aurora ang ibabang labi. Alam ni Santino na may nais pang sabihin ang dating nobya kaya tahimik siyang naghintay. “Hindi ko inakala na makikita kitang uli sa ganitong paraan. Hindi ko rin alam kung paano pakikitunguhan ang pagtatagpong ito sa totoo lang. Hindi ko sadyang abalahin ka—“ “Hindi ka kailanman magiging abala, Auring.” Tumingin kay Santino si Aurora. “Wala akong malalapit na kaibigan at kamag-anak dito sa Maynila, Santi. Kung bibigyan mo sana ako ng isa o dalawang araw... Kung hindi ka naman komportable... Puwede siguro akong mag-check...” Mariin nitong naipikit ang mga mata. “Wala nga pala akong nadala na kahit na ano,” anito sa munting tinig. “Pasensiya ka na...” Hindi na pinigilan ni Santi ang sarili. Inabot niya ang kamay ni Aurora. Mukhang litong-lito at gulong-gulo nga ang dating nobya. Naramdaman niya ang tensiyon sa katawan nito ngunit hindi nito hinila ang kamay mula sa kanyang pagkakahawak. “Kung magiging komportable ka rito, puwede kang manatili. Kung hindi, puwede kitang dalhin sa kahit na saan mo gusto.” Hindi niya gustong mawalay sa kanya ang dalaga ngunit kailangan din niyang isipin ang nadarama nito. “Personally, I’d like you to stay here. I don’t want you alone. Kung galit ka pa rin sa akin, narito naman si Manang Fe. Take all the time you need. Hindi kita aabalahin.” “Hindi ako galit sa `yo. Hindi na. Siguro masyado lang akong nagulat sa mga naging pangyayari, sa muli nating pagkikita. Ibinalik mo kasi ang isa pang karanasang ayoko na sanang maranasan. Ang weird lang na iniwan ako ng groom ko at naroon ka. Isang lalaki na minsan din akong iniwan para sa iba.” Humigpit ang pagkakahawak ni Santino sa kamay ni Aurora. Nais niyang ipangako sa dating nobya na hindi na siya aalis. Hindi na niya ito iiwanang muli. Pinigilan niya ang pag-alpas ng mga kataga dahil alam niya na hindi iyon ang tamang panahon. “I’m here. Always,” ang sabi na lamang ni Santino. “Salamat, Santino. Hindi ko inakala na ikaw ang makakaramay ko sa ganitong pagkakataon.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD